“OLIVE, sorry pero hindi kita mapupuntahan ngayon. Busy ako sa pagtulong sa teachers natin sa paghahanda para sa school trip natin this coming weekend. Alam mo naman na president ako ng student council, `di ba?”
Labis na nalungkot si Olive sa naging sagot ni Israel habang kausap niya ito sa cellphone nang sabihin niya na kailangan niya ng makakausap. Gusto niya ng mapaghihingahan sa nangyari kanina at baka sumabog na nang tuluyan ang kaniyang dibdib.
Nasa school pa rin siya kahit uwian na. Iilan na lang ang mga estudyanteng nakikita niya sa paligid. Kasalukuyan siyang nakatayo malapit sa malaking gate ng Wellington High.
“Okay lang. Naiintindihan ko naman,” ani Olive. “Nasaan ka ba? Nasa school ka pa rin ba?”
“Yes. Nandito ako sa faculty room at nakikinig ng meeting.”
“Nandito pa rin ako. Hintayin na kita?”
“`Wag na. Mukhang matagal pa ito. Umuwi ka na at baka abutin ka ng dilim sa daan. Mag-iingat ka. I love you, Olive.”
Lumukso ang puso niya sa huling sinabi ni Israel. “I love you too, Israel…” tugon ni Olive at doon na naputol ang kanilang pag-uusap.
MAARTENG itinirik ni Dominique ang mga mata nang sa wakas ay natapos nang kausapin ni Israel si Olive sa cellphone. Naroon siya sa kotse ng lalaki. Naka-park sila sa parking lot ng isang mall dahil manonood sila ng sine. Palabas na kasi ang second part ng zombie horror movie na viral ngayon sa social media. Papanoorin nilang dalawa iyon.
Tumingin sa kaniya si Israel at nagpa-cute nang makitang nakasimangot siya. “O, `wag ka nang magtampo diyan. Tapos ko nang kausapin si Olive. Tara na?” Hindi napigilan ni Dominique ang mapangiti. Hindi niya talaga kayang labanan ang charm nito.
“Ikaw kasi, e… Bakit kailangan mo pang kausapin ang Olive na iyon? Tapos may pa-I love you ka pa!” Kunwari ay nagtatampo siya.
“Para hindi siya magduda. Kasama ito sa plano natin. Remember?”
“Okay.”
“Tara na. Pumasok na tayo sa mall at magsisimula na iyong movie.”
Walang sabi na kinabig niya sa batok si Israel at hinalikan ito sa labi. Kinindatan niya ito pagkatapos at saka siya bumaba ng sasakyan.
Nag-iinarte lang siya talaga. Alam ni Dominique na hindi na mahal ni Israel si Olive. Hindi bale, nalalapit na naman ang pagkabura ni Olive sa buhay nila. Ilang araw na lang ang kailangan niyang tiisin na huminga sa hangin na hinihingahan nito.
Poor, Olive. Ikaw kasi, lalaki ko pa talaga ang inagaw mo. And because of that… you are going to die! Nangingiti niyang sabi sa kaniyang sarili habang naglalakad papasok ng mall.
MIRROR’S LIST.
TOP ONE: Olive Aurora
Parang panaginip pa rin ang lahat para kay Olive. Hindi siya makapaniwala na hanggang ngayon ay siya pa rin ang nangunguna sa Mirror. Kung ano man ang dahilan ng mga bomoto sa kaniya ay wala na siyang pakialam. Basta ang importante ay manatili siya sa itaas ng listahan na iyon.
Ngayon niya naiintindihan sina Dominique kung bakit halos gawin ng mga ito ang lahat para manguna sa Mirror. Iba kasi sa pakiramdam. Parang nakakataas ka sa lahat. Superior. Makapangyarihan. Parang lahat ay hinahangaan siya.
“Look who’s here!” Nagulat si Olive nang may biglang umagaw sa cellphone na hawak niya.
Nasa labas siya ng gate ng Wellington High. Mag-isa niyang hinihintay doon si Israel hanggang sa inabot na siya ng paglubog ng araw. Nais niya itong sorpresahin sana. Para magulat ito na nandoon siya pagkatapos nitong makipag-meeting para sa school trip nila.
Naiinip man ay matiyaga pa rin na naghintay si Olive.
“Anong tinitingnan niya?”
Nagulat si Olive nang makita ang apat na babaeng nakaaway niya kanina. Hawak ng matabang babae ang cellphone niya. Pinagtinginan ng mga ito iyon.
“Akin na iyan!” Aagawin niya sana pero itinulak siya palayo ng isang babae na may mahabang buhok na tuwid.
“Ow… Tinitingnan mo pala ang Mirror’s List kung saan number one ka!” Mataray na sabi ng mataba. “Well, ibinoto ka lang naman kasi dahil sa scandal mo!” Nagtawanan ang apat.
Tumiim ang bagang ni Olive at naningkit ang kaniyang mata. “Akala ko ba ay okay na tayo? Nagkaayos na tayo sa principal’s office, `di ba?”
“As if! Eme lang namin iyon. Akala mo ba ay ganoon namin kadali makakalimutan ang ginawa mo sa aming apat? Muntik mo na kaya kaming patayin ng gunting mo!”
“Tama! Psycho b***h!” turan ng isang babae na ngumunguya ng bubble gum.
Lumapit ito sa harapan niya. Iniluwa ang bubblegum sa palad nito at sinabunutan siya sa likod ng kaniyang ulo. Marahas siya nitong binitiwan at muntik pa siyang matumba kung hindi siya nakahawak sa gate ng school.
“Tingnan natin ang laman ng phone niya. Baka may iba pa siyang scandal!” sabi ng payat.
Tumayo nang ayos si Olive. “Akin na ang cellphone ko!” Bago pa man siya makalapit sa apat ay mabilis na tumakbo papasok sa school ang mga ito.
“Kung gusto mo ito, habulin mo kami!” Nagtatawanang sigaw ng apat na babae.
Walang pagpipilian si Olive kundi ang habulin ang apat para bawiin ang kaniyang cellphone. Nakaabot sila sa malawak na field ng school. Nasa gitna siya nang maabutan niya ang matabang babae. Pero agad nitong ipinasa ang cellphone sa isa nitong kasama. Sa tuwing lalapitan niya ang may hawak ng cellphone ay ipinapasa iyon sa isa pa.
Napapagitnaan siya ng apat na babae. Nagmumukha na siyang batang pinaglalaruan. Tuwang-tuwa pa talaga ang mga ito. Nakakarindi na ang malakas at sabay-sabay na pagtawa ng apat.
Napapagod na siya pero hindi siya susuko hangga’t hindi nakukuha ang gamit niya na kinuha ng mga ito sa kaniya. Gusto na niyang saktan ng pisikal ang apat pero iniisip niya na baka makarating na naman iyon sa principal o head master. Nangangamba siyang tuluyang mawala ang scholarship sa kaniya. Kaya kahit sagarin siya ng mga ito ay hinding-hindi siya papatol.
“Please! Ibalik niyo na sa akin ang phone ko!” Pakiusap na ni Olive.
“Hindi namin ito ibabalik sa iyo hangga’t hindi namin nakikita ang iba mo pang video scandal na naka-save!” sabi ng isang babae.
Tumakbo na naman palayo ang apat. Tinumbok ng mga ito ang direksiyon papuntang lumang school building…
“Habulin mo kami, Olive!”
ISANG nilalang na nakasuot ng school girl uniform, maskara at maikling wig ang nasa rooftop ng lumang school building. Nasa gilid siya at pinapanood ang ginagawang pambu-bully ng apat na estudyanteng babae kay Olive.
Kanina pa siya nandoon at nasasaksihan niya ang lahat.
Maya maya ay isa pang tao ang lumapit sa kaniya. Magkaparehas sila ng suot, maskara at wig na suot.
“Hoy, Killer School Girl!” tawag nito sa kaniya.
“Pwede ba? Hindi iyan ang pangalan ko!” seryoso at medyo naiirita niyang sabi.
“Anong magagawa natin? Iyan na ang ipinangalan nila sa ating dalawa. Ang cool kaya!” Tumabi ito sa kaniya. “Teka. Ano nang plano? Makikialam ba tayo?” Inginuso nito si Olive at ang apat pang babae.
“Siyempre, meron. Ako na ang bahala sa kanila. Kayang-kaya ko na ang apat na iyon.”
“Sigurado ka ba?”
Hindi na siya sumagot. Umalis na siya sa gilid ng rooftop para maghanda.
“MAAWA na kayo sa akin! Ibalik niyo na ang phone ko!” sigaw ni Olive nang nasa rooftop na siya ng lumang school building. Wala naman kasing ibang pupuntahan ang mga ito kundi sa rooftop dahil sa pagkakaalam niya ay naka-lock na ang lahat ng classroom sa building na iyon.
Ngunit nang makarating siya doon ay hindi na niya nakita ang mga ito. Mukhang nagtatago sa kung saan. Nagpalinga-linga siya. Wala siyang makitang parte sa rooftop na maaaring pagtaguan ng mga iyon.
Hanggang sa nakita niya ang kaniyang cellphone. Nakapatong iyon sa gilid ng railings. Nakabalanse iyon doon at sigurado siyang sa isang ihip lang ng malakas na hangin ay malalaglag na iyon. Kaya halos lumipad siya sa pagtakbo at agad na hinablot ang kaniyang cellphone.
Kumunot ang noo niya nang may makita siyang mga lubid na nakatali sa railings. Gumagalaw ang lubid na para bang merong nakakabit sa dulo ng mga iyon. Dumukwang siya sa gilid at isang malakas na sigaw ang kumawala sa kaniyang bibig nang makitang nakabigti sa mga lubid ang apat na babaeng kumuha sa cellphone niya. Pumipiksi-piksi pa ang mga ito habang unti-unting kinakapos sa hangin!
“Tulong!!! Tulungan niyo kami!!!” Naghihisterikal na sigaw ni Olive.
“HINABOL ko po sila t-tapos pagdating ko sa rooftop… n-nakita ko na sila na… n-na…” Hindi na nagawang tapusin ni Olive ang sagot sa tanong ng babaeng reporter. Pinapakwento kasi nito sa kaniya ang nangyari.
Kasalukuyan siyang nasa presinto at hinihingan ng statement ukol sa pagkamatay ng apat na estudyanteng babae sa Wellington High. Sa pagsigaw niya kanina ay naalarma ang security guard ng school at agad na tumawag ng pulis nang makita ang apat na babae na nakabigti sa gilid ng lumang school building.
“Olive!”
Umangat ang mukha niya nang marinig ang boses ng kaniyang Tatay Victor. Nakita niya ito at ang Daddy Leo niya na humahangos na papalapit sa kaniya. Tinabig pa ng tatay niya ang reporter at pinalayo sa kaniya.
“Pwede ba? Saka niyo na interviewhin ang anak ko! Nasa state of shock pa siya!” bulyaw nito sa reporter.
Tumango lamang ang reporter at humarap sa cameraman. “Sa ngayon ay iyan lamang po ang impormasyon na ating nakuha mula mismo sa saksi ng karumal-dumal na pagpatay sa apat na estudyante sa Wellington High. This is Fatima Natividad… reporting!” At mabilis na lumabas na ng presinto ang reporter kasama ang cameraman nito.
Niyakap agad ni Olive ang tatay at daddy niya. Takot na takot pa rin siya dahil hindi mawala sa utak niya ang imahe ng apat na estudyanteng nakabigti habang nagpupumiglas. Ngayong nandito na ang dalawang ama niya ay parang nakakita siya ng kakampi. Kanina kasi ay puro tanong ang mga pulis at reporter sa kaniya kahit pa kita sa mukha niya ang takot.
“Sir, pwede na bang umuwi ang anak namin? Hindi naman siya suspect, `di ba?” tanong ni Leo sa pulis na nasa harapan nila.
“Hindi po siya suspect. Witness po siya. At pwede na po siyang umuwi dahil nakuha na namin ang impormasyon na kailangan namin. Tatawag na lang kami kung meron pa kaming kailangan,” anito.
Inalalayan siya ng tatay at daddy niya sa pagtayo at paglabas ng presinto. Pagdating sa kanilang bahay ay nakatulala pa rin siya. Sa sobrang takot niya ay tumabi siya sa kaniyang dalawang ama sa pagtulog sa gabing iyon.
HINDI muna pumasok ng school si Olive ng sumunod na araw dahil shock pa rin siya sa nangyari. Ang gusto niya ay buong araw na manatili sa kanilang bahay at ipahinga ang sarili. Isa pa, sigurado siya na siya na naman ang magiging usapan sa school. Paniguradong alam na ng mga nag-aaral doon na siya ang nakakita sa namatay na mga estudyante.
“Anak, sigurado ka ba na okay lang na mag-isa ka dito sa bahay? Mamayang gabi pa ang balik namin ng daddy mo.” Mula sa panonood ng telebisyon sa salas ay lumipat ang mata niya sa Tatay Victor niya. Nakabihis ito at papasok na sa trabaho. Nauna nang umalis ang Daddy Leo niya kanina.
Ngumiti si Olive. “Opo, tatay. May pagkain naman po sa ref, e.”
“Baka kasi kailangan mo ng makakausap, anak. Pwede akong um-absent kung gusto mo.”
“`Wag na po, tatay. Matatambakan pa kayo ng trabaho, e. Ayos lang po talaga ako saka gusto ko rin po na makapag-isa muna.”
“Ganoon ba?” May halong lungkot nitong saad. “Basta kung may maging problema ay tumawag ka agad sa akin o kay daddy mo. Okay?”
“Yes po, tatay.”
Lumapit ito at hinagkan siya sa noo bago ito umalis. Ini-lock naman ni Olive ang gate at pinto nang mag-isa na lang siya sa bahay.
Muli siyang bumalik sa salas pero pinatay na niya ang TV dahil wala rin naman talaga ang atensiyon niya doon kundi sa nangyayaring p*****n sa Wellington High.
Bakit parang tila konektado sa kaniya ang lahat ng p*****n na nangyari nitong nakaraan?
Una, si Mr. Gaston. Muntik na siya nitong halayin at pagkatapos ay pinatay ito. Si Courtney na pinaghihinalaan niyang may kagagawan sa video scandal niya. At kahapon ay ang apat na babaeng nakaaway niya.
Nagkataon lang ba ang lahat? O may malalim na dahilan ang lahat? At sino naman kaya ang gagawa ng ganoong karumal-dumal na pagpatay na parang wala nang natitirang awa sa katawan ang gumawa niyon?
Hanggang ngayon kasi ay nananatiling misteryo sa lahat kung sino ba ang nasa likod ng Killer School Girl.
Nang walang makuhang sagot ay dinampot na lang ni Olive ang kaniyang cellphone at binuksan iyon. Nag-browse siya sa f*******: at ang karamihan sa post sa group ng Wellington High ay ang tungkol sa pagkamatay ng apat na estudyante. Automatic na nakadikit na doon ang kaniyang pangalan.
Maya maya ay nagsawa siya sa f*******: at naisipan niyang tingnan ang masasayang pictures sa kaniyang gallery. Nagtaka siya dahil merong naka-save na video doon na hindi niya natatandaan kung paano doon napunta.
Binuksan niya iyon at inumpisahang panoorin. Nalaman niyang kuha ang video gamit ang kaniyang cellphone. Muntik pa siyang mapasigaw nang bumungad ang mukha ng Killer School Girl. Ipinatong nito ang phone sa kung saan. Maya maya ay hinihila na nito ang apat na babae gamit ang lubid. Nakatali ang lubid sa leeg ng mga ito. Matapos itali ang dulo ng lubid sa railings ay isa-isa nitong inihulog ang mga umiiyak na babae!
Naghihisterikal na nagsisigaw si Olive at naitapon niya sa kung saan ang cellphone sa sobrang takot. Nanginginig ang buong katawan niya. “Kung ganoon, ang Killer School Girl ang responsable sa pagpatay sa mga nambully sa akin kahapon!” Hindi makapaniwalang bulalas pa niya.