Linggo ng umaga. Maaga din si Thea sa pagkalkal ng mga basura para sana sa kanilang pananghalian, kasama ang kanyang pangalawang anak na si Daniel ay sabay nilang pinipili ang mga bote at lata na pwede nilang maibenta.
Gusto na sanang panghinaan ng loob ni Thea ngunit sa tuwing makikita niya ang kanyang anak at maiisip ang mga anak niya pang naiwan sa bahay ay di niya magawang sumuko,
“Daniel, anak,” tawag niya sa munting anak.
“Halika na at umuwi na tayo, medyo marami na ito, mataas na ang araw,” tumalima naman si Daniel.
Sa kanilang daraanan ay sabay na nilang ibinebenta sa bakal bote ang kanilang dala dala, bakas sa mukha ni Thea ang pagod ngunit hindi na rin mababakas ang lungkot sa isiping may pambili na ng bigas at sardinas.
Sa bahay mula sa malayo ay matatanaw ang dalawa pang anak ni Thea na nakatanaw buhat sa malayo. “Ate! nandito na sila inay!” sabay labas ng panganay niyang anak na si Julie.
“Mano po, Inay..” saad ni Julie at kaagad na nagmano sa ina.
“Oh, anong ginagawa mo sa kusina? bakit may umuusok yata sa kalan natin? nagluluto ka ba?” tanong niya sa anak.
“Opo Inay, may dala po si tatay na bigas at ulam, nagsaing po ako,” saad ni Julie.
Pagpasok sa loob ng bahay ay nandoon ang kanyang asawang si Rommel na tila galit sa kanya.
“Saan na naman kayo galing?! Hindi ba’t sinabi ko na wag na kayong babalik doon?!” singhal nito sa mag ina.
“Kailangan namin kumain,”
“Hindi ko alam na uuwi ka,”
“Kahit kaylan talaga hindi mo na ako binibigyan ng kahihiyan!” sigaw nito sa kanya.
“Kahihiyan ba kamo? bakit ang bisyo mo? hindi ba nakakahiya?!”
“Tumigil ka na Althea ah!” sigaw nito sa kanya
“Wag mong pinakikialaman ang pag- inom ko!” sabay labas nito sa kanilang bahay.
“Inay, wag na sana kayong mag- aaway ni tatay,” sambit ni Julie sa kanya.
Biglang napasapo ni Thea ang dibdib niya sabay laglag ng luha sa kaniyang mga mata.
Muling nagbalik tanaw si Thea sa kanilang nakaraan noong ang buhay nila ay masaya pa at puno ng kulay.
Si Rommel ang klase ng asawang mabait at mapagmahal ngunit nagbago ang lahat sa kanilang buhay dahil sa mga bisyo nito dala ng barkada. Naging matapang ito at palaging mainitin ang ulo.
Tulad ng sinasabi ng mga matatanda na walang maidudulot ang maling barkada ay isa si Rommel sa naging halimbawa nito.
Ang masakit ay dati itong may magandang hanapbuhay sa isang kumpanya at maganda ang takbo ng kanilang buhay at pagsasama ngunit naging abusado si Rommel sa lahat ng bagay. Alak, sugal at babae ang mga nakahiligan nito.
Hanggang sa isang araw ay namulat siyang lugmok sa putikan at damay na rin ang kanyang pamilya. Nawalan ito ng magandang hanapbuhay.
Kasabay nito ang matinding depression sa buhay ni Rommel. Hindi na siya kailanman dinapuan ng swerte sa trabaho, habang si Thea naman ay wala ng pinapangarap kundi ang maiahon ang mga anak at makapagtapos sa pag-aaral ang mga ito.
Madaling araw na ng nagising si Thea sa tilaok ng mga manok sa labas ng kanilang bahay..
Kailangan niyang maagang magluto dahil papasok sa eskwela ang kaniyang mga anak habang siya naman ay maglalabada. Nagising siyang wala ang asawa sa tabi niya..
“Hmp, siguro nambabae na naman iyon, kasama ng mga barkada niya,” naisip niya.
“Mga anak, bangon na at papasok pa kayo!” singhal niya sa mga ito.
Habang nag-aalmusal ay pinag salu saluhan nila ang tatlong itlog at tuyo na nakayanang ihanda ni Thea. Hindi na kumain si Thea, dahil naisip niyang baka magkulang pa ang inihanda niya sa kanyang mga anak.
“Nay, huwag na muna kaya akong mag-aral at tulungan ko muna kayo maglabada,” sambit ni Julie
Biglang nagulat si Thea sa tinuruan ng anak.
“Ano? Anong sinabi mo? naririnig mo ba ang sarili mo Julie? Ito ang tatandaan mo, kayong apat, huwag nating gawing dahilan ang kahirapan upang hindi kayo makapag-aral..magtutulungan kayo, tayo para sa inyong pag-aaral..” payo ni Thea sa mga anak.
Sabay sabay nilang nilisan ang bahay para sa panibagong araw at panibagong bukas at panibagong pag-asa.
Mabilis na lumipas ang panahon at ngayon ay nasa kolehiyo na si Julie. Nagbago ang panahon at kasabay nito ang pagbabago ng buhay ni Thea.
Lumaki man ang kanyang mga anak ay lumaki din ang gastos sa kanilang bahay, gayunpaman ay patuloy sa bisyo niya ang asawang si Rommel, habang si Thea naman ay patuloy sa kanyang hanapbuhay na paglalabada at pagtitinda na siyang kanyang pinagkakaabalahan.
Si Julie naman ay nakakapag-aral sa tulong ng scholarship nito at ganoon din si Daniel. Lumaking masisipag at mababait ang mga anak ni Thea. Laman din ng simbahan ang mga ito.
Bagamat puno ng pasakit sa kanyang kabiyak ay masasabing natagpuan naman ni Thea ang kaligayahan sa piling ng apat niyang mga anak.
Si Thea ay bunsong anak sa kanilang pamilya. Datapwat dalawa lamang silang magkapatid, ang buhay nila ay hindi maihahambing sa mga mayayaman ngunit hindi rin naman matatawag na mahirap.
Lumaki siya na spoiled sa kanyang tatay at masasabing nabibili nila noon ang kahit anumang naisin at maibigan ngunit paano nga ba nagsimula sa buhay ni Thea ang ganitong kalbaryo?
Nasa high school sila noon ng makilala niya si Rommel, naging masugid niya itong manliligaw hanggang sa nag kolehiyo sila ngunit sa kasawiang palad ay hindi nila ito napag tagumpayang tapusin dahil nagbuntis noon si Thea, hanggang sa pareho na silang natigil sa kanilang pag-aaral.
Matinding pagkabigo naman ang naramdaman ng mga magulang ni Thea noon dahil nais nila na makapagtapos si Thea..ngunit hindi na ito mangyayari.
Nagsimula si Rommel at Thea sa buhay mag-asawa ngunit hindi naging madali para sa kanilang harapin ito lalo’t dumating ang mga obligasyon. Napuno ng struggle ang kanilang pagsasama. Naging on and off si Rommel sa magandang trabaho.
"Wala na namang ulam grabe."
Paglingon ni Thea ay bigla iniluwa ng pinto si Rommel ngunit nakainom ito.
"Pasok na po ako nay.." bungad ni Julie sabay mano sa kanya." eh anak wala pa tayo ulam eh hindi ka pa kumakain.."
"Hayaan mo na nay,minsan naman binibigyan ako ni Betty..hinahatian nya ko sa snack nya.."
"Naku anak nakakahiya naman sa kaibigan mo.." pag-aalala nya
"Okay lang po yun nay,may konting pera pa po akong natira kahapon.."
Nasulyapan nya ang kanyang ama na nuon ay medyo inaantok na..