4

1218 Words
NAPASIMANGOT si Lavender nang biglang tumawa si Pablo pagkatapos nitong pagmasdan ang kanyang mukha. Nasa bahay nila ito dahil ibinigay na nito ang isang painting na ni-request ng stepfather niya. Inabangan niya ang paglabas nito ng study ng Papa Simeon niya. Nais niyang magpa-cute dito. Sandaling natulala ito nang makita siya. Agad na napuno ng kaligayahan ang dibdib niya dahil naisip niyang sa wakas ay nagandahan na ito sa kanya. Ngunit agad ding nalimas ang kaligayahang iyon nang bigla itong bumunghalit ng tawa. “Bakit ba?” naiinis na tanong niya nang tumigil ito sa pagtawa. Ngiting-ngiti ito, tila aliw na aliw sa hitsura niya. “Marunong ka na palang maglagay ng makeup,” sabi nito. Wala siyang mabasang paghanga sa mga mata nito. Sa halip ay kumikinang sa kaaliwan ang mga iyon. Kailan lang siya natutong gumamit ng makeup. Pilit na pinag-aralan niya iyon dahil nais niyang maging ganap nang dalaga. Ayaw niyang patuloy na manatiling “nene” sa paningin nito, sa paningin ng lahat. Noong una ay nagmukha talaga siyang katawa-tawa sa paglalagay ng makeup. Hindi niya hilig ang mga kolorete sa mukha pero pinilit niya ang sarili dahil iyon ang nakikita niya sa mga kaklase niya sa university. Ang Ate Blythe niya ang unang nakakita sa kanya na nagpapaka-trying hard sa pagiging lady. Halos gumulong ito sa kama sa katatawa nang makita ang ayos niya. Mukha raw siyang bakla sa isang cheap na parlor sa palengke. Tinuruan siya nito kung paano ang tamang paglalagay ng makeup. Namangha siya sa dami ng alam nito tungkol sa cosmetics. Napakarami nitong tips na ibinigay sa kanya. Masayang-masaya siya habang tinuturuan siya nito dahil ramdam na ramdam niya ang pagiging ate nito sa kanya. Matagal din niyang inasam na sana ay magkaroon siya ng nakatatandang kapatid na makakaramay niya sa lahat ng bagay. Sigurado siyang perpekto ang pagkakalagay niya ng makeup sa kanyang mukha. Hindi siya mukhang bakla sa isang cheap na parlor sa palengke. Pero bakit pinagtatawanan pa rin siya ni Pablo? Wala ba talaga siyang appeal dito? Hindi niya sinukuan ito kahit sinabi nitong ituon na lang niya sa iba ang kanyang atensiyon. Lalo yata niya itong hinangad at minahal. Ipinagpatuloy niya ang pagpapadala ng sulat dito. Itinuloy rin niya ang panonood dito sa parke tuwing nagpipinta ito. Sa palagay niya ay naging mas malapit sila sa isa’t isa pagkatapos nang gabing iyon. Nagkakausap na kasi sila ngayon. Minsan ay napipikon siya nito dahil madalas nitong sabihin na hindi pa rin siya magugustuhan nito kahit ano ang gawin niya. Nasasaktan din ang batang puso niya. Hindi naman nagtatagal palagi ang inis niya rito. Hindi siya tuluyang tinatabangan dito. Gusto talaga niya ito. Napapitlag siya nang tapikin nito ang balikat niya. “Hindi bagay sa `yo ang makeup. Masyado kang nagmumukhang mature. Huwag kang magmamadali sa pagdadalaga.” “Pablo...” naiinis na sabi niya. Hindi na siya bata, dalaga na siya! Tatlong taon na siyang nagme-mens! Natatawang pinisil nito ang mga pisngi niya. “Wala pa ring pag-asa ang panliligaw mo sa `kin, Lavender.” Laglag ang mga balikat na pinanood niya ang paglayo nito. “Balang-araw, mamahalin mo rin ako sa paraang gusto ko,” pangako niya.   LAVENDER finally turned sixteen. Nagkaroon ng party para sa kanya. Ayaw na sana niyang magkaroon ng selebrasyon ngunit mapilit ang Ate Blythe niya. Sweet sixteen na raw siya kaya kailangan nilang magselebra. Tila masayang-masaya ito sa ginagawa nito kaya hinayaan na niya ito. Fairy tale ang naging theme ng party niya dahil mahilig at naniniwala raw siya sa fairy tales katulad ng mga munting bata. Hindi iyon tipong pambata na costume party. Mas elegante ang mga gown na gagamitin niya. “Couture” daw ang tawag doon sabi ng Ate Blythe niya. Ang mga bisita niya ay obligadong magsuot ng magagandang damit na inspired sa kahit anong fairy tale. Ang rule ng Ate Blythe niya, kailangang hindi masyadong costumey. Siyempre ay inimbita niya si Pablo. Siya pa mismo ang nag-abot dito ng invitation card. Pinapangako niya ito na darating ito, ngunit tumawa lang ito. Titingnan daw nito kung nasa mood itong maki-party sa mga bata. Naiinis man, nirendahan niya ang sarili. Nakikinig naman ito sa Ate Blythe niya. Maaari niyang hilingin sa ate niya na kulitin nito si Pablo na dumalo sa party niya gaya ng ginawa nito noon. Hindi niya hinayaan ang sarili na mag-isip ng mga negatibong bagay. Alam niyang darating ito sa birthday party niya. Pagsapit ng gabi ng party niya ay punong-puno siya ng pag-asa. Nakihalubilo siya sa mga kaibigan niya na manghang-mangha sa ginawa ng stepsister niya. Para sa kanya ay perpekto ang party niya. Tila sila nasa isang malaking ball sa loob ng fairy-tale book. Nakahanap ng venue ang ate niya na may old-castle feel. Matiyagang hinintay niya ang pagdating ni Pablo. Hindi siya nawalan ng pag-asa kahit isang oras na lang ay tapos na ang fairy tale party niya. Darating ito, alam niya. “He’s not coming.” Nilingon niya ang Ate Blythe niya. May nakapaskil na masuyong ngiti sa mga labi nito. “Hindi siya makakarating,” sabi uli nito. Nagtubig ang kanyang mga mata. “T-tinawagan mo na ba siya?” Tumango ito. “He’s busy.” “Saan?” naiinis na tanong niya. “Saan siya busy? Ang tagal ko nang ibinigay sa kanya `yong invitation. Siya ang Prince Charming ko.” Kaunti na lang ay magmamaktol na siya. Mahirap bang ibigay ang gusto niya sa gabing iyon? Ang nais lang niya ay makasayaw si Pablo gaya ng sa fairy tales. Nais lang niyang magkaroon ng magandang wakas ang kuwento nila kagaya ng mga nababasa niya sa mga libro. “Don’t be upset, love. It’s okay. Just have fun. Hayaan mo na si Pablo,” pag-aalo nito. “Don’t cry. Your makeup will be ruined.” “I want Pablo, Ate.” Hinaplos nito ang buhok niya. “He’s not Prince Charming. He can’t be Prince Charming. Hindi siya ang lalaking nababagay sa `yo. Believe me, okay?” Umiling siya. “Paano mo nasasabi `yan sa kaibigan mo?” Bumuntong-hininga ito. “Kaibigan ko nga siya kaya kilala ko siya. Mas kabisado ko ang ugali niya kaysa sa `yo. Kalimutan mo na ang infatuation mo sa kanya.” Sunod-sunod ang naging pag-iling niya. Hindi ganoon kasimple ang sinasabi nito. Hindi niya kayang diktahan ang kanyang puso. Hindi basta-basta mabubura ang pag-ibig sa puso niya dahil lang sinabi nito. “You’re only hurting yourself,” banayad na sabi nito. “You’re too young to do that to yourself. Bata ka pa. Explore the world. Give yourself a chance to meet your real Prince Charming.” Ayaw na niyang marinig ang mga sinasabi nito kaya tinalikuran na lang niya ito. Hindi niya napigilang makaramdam ng tampo sa stepsister niya. Ang akala pa naman niya ay mabait ito. Bakit sinisira nito ang gabi niya sa pagsasabi ng mga ganoong bagay? Bakit nito sinisira ang pangarap niya? Bakit hindi na lang siya suportahan nito? Nakalabas siya ng venue ng party niya na walang nakakapansin sa kanya. Pumara siya ng taxi at nagpahatid sa bahay nina Pablo. Kung hindi makakarating ang prinsipe niya sa kaarawan niya, siya ang magtutungo sa palasyo nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD