PAGKATAPOS maghapunan ay ipinatawag si Lavender ng Ate Blythe niya sa silid nito. Iniabot nito sa kanya ang isang paper bag.
“Akin na talaga `to, Ate Blythe? Maraming salamat!” natutuwang sabi niya habang nakatingin sa magandang bestida.
Nagkibit-balikat ito. “Yes. You don’t have to look so happy, Lavender. Simpleng dress lang `yan. I went shopping and I saw the dress. I thought it would look good on you. Napansin ko rin na luma na ang mga damit mo na pulos pantalong maong at T-shirt. You don’t even own a dress.”
“Maraming salamat pa rin, Ate!” Natutuwa siya sa pagiging maalalahanin nito. Noong una ay inakala niyang mataray ito. Inihanda na nga niya ang kanyang sarili. Tinanggap na niya bago pa man ang kasal ng mga magulang nila na hindi siya nito magugustuhan. Ang totoo, mabait ito kahit na mukha itong suplada—magandang suplada.
Naiinggit siya sa kagandahan nito. Her beauty was classic. Hindi nakakasawang tingnan ang mukha nito. Tila paganda ito nang paganda sa paglipas ng mga araw. Kapag ngumiti ito, wala nang hihigit pa sa kagandahan nito. Hindi lang ito maganda, matalino rin ito. Balang-araw, ito ang magmamana ng napakalaking kayamanan ng ama nito. Napakasuwerte ng lalaking iibigin nito. Masuwerte rin siya dahil nakilala niya ito. Sana ay maging malapit sila sa isa’t isa. Nais niya itong tularan. Hindi man siya maging kasingganda nito, sana ay matutuhan niya ang kaunting sopistikasyon at elegance nito.
“I’m having a party next week,” sabi nito sa kanya. “May isusuot ka na ba?”
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay niya. Alam na niya ang tungkol sa party na iyon dahil narinig niya ang paghahanda ng mga kawaksi nila tungkol doon. Nabanggit na rin ng kanyang ina ang bagay na iyon.
“Kasama ba ako do’n?” tanong niya.
Ngumiti ito. “Of course!”
Ngumiti siya nang malapad. “Talaga?”
“Bakit parang gulat na gulat ka? Puwede ba namang hindi ka invited sa party?” Ngumiti ito. “If you have time tomorrow, let’s look for a beautiful dress for you.”
Sa sobrang kaligayahan niya ay nayakap niya ito. “Thank you, Ate.”
Hindi niya akalain na masarap palang magkaroon ng nakatatandang kapatid na babae. Masaya siya hindi dahil makaka-attend siya sa party nito. Mas masaya siya dahil malaki ang posibilidad na makikita niya roon si Pablo. Kaibigan ito ng stepsister niya kaya siguradong imbitado rin ito.
Kailangan niyang magpaganda para makabawi siya sa naging katangahan niya noong huli silang magkita sa parke. Kailangan nitong mabighani sa kagandahan niya.
DISMAYADO si Lavender. Nais na niyang magmaktol pero hindi niya maaaring bigyan ng kahihiyan ang stepsister niya sa mga bisita nito. Nagkakasiyahan na ang lahat ng mga bisita sa party maliban sa kanya.
Wala pa rin si Pablo. Dalawang oras na siyang paroo’t parito sa paligid pero hindi pa rin niya nakikita ang anino nito. Nagpaganda pa mandin siya nang husto. Nais niyang ipakita rito na dalaga na siya. Inihanda niya ang sarili sa pakikipag-usap dito. Nangako siya na hindi na siya maninigas at matutulala sa pagkakataong iyon. Nag-rehearse pa siya sa salamin kung paano ang dapat na pagsasalita, kung paano ang kiming pagngiti at pagtawa.
Masasayang yata ang lahat ng effort niya.
Nang hindi na siya makatiis ay nilapitan niya si Blythe. “Ate, invited ba si Pablo?” tanong niya bago pa man siya mapangunahan ng hiya.
Hindi agad ito sumagot. Pinagmasdan nito ang mukha niya. Kapagkuwan ay napapangiting umiling ito. “Of course, he’s invited. Kahit ganoon `yon, kaibigan ko pa rin `yon. Halos sabay kaming lumaki. Sa lahat ng parties ko, invited siya. Hindi nga lang siya madalas na nagpupunta. He’s not into this kind of party. Antisocial `yon minsan, eh. Kung naiisipan man niyang magpunta, umaalis din agad siya dahil madali siyang ma-bore. Bakit mo naitanong? Bakit lukot `yang mukha mo? You’re so pretty pa mandin tonight. Smile.”
Pigil-pigil niya ang sarili na magdabog. “Eh, Ate...” Hindi niya malaman kung paano magpapatuloy. The frustration was simply too much and she had no idea how to deal with it. Nakakahiya siya kung magta-tantrums siya roon. Dalaga na siya at ang dalaga ay hindi na nagdadabog.
Ngunit naiinis at nabubuwisit pa rin siya.
Tumawa ito at hinaplos ang braso niya. “Have fun, Lav. Makihalubilo ka sa mga bisita. Makipagkilala ka sa mga kaedad mo. Huwag mo na lang isipin si Pablo. Darating siya kung darating. Kung hindi, wala tayong magagawa. May sariling mundo ang taong `yon.”
Wala na siyang nagawa kundi ang tumango. Kung may lakas ng loob lang marahil siya, magtutungo na siya sa bahay ng mga Munis at itatanong niya kung bakit ayaw pumunta ni Pablo sa party ng stepsister niya. Ngunit wala siyang lakas ng loob kaya magmumukmok na lang siya.
Sandali lang siyang nakihalubilo sa mga bisita. Sosyal na sosyal ang mga ito at hindi siya makasabay. Sandali siyang nagtungo sa silid niya at naghanap ng librong maaari niyang basahin sa ibaba ng bahay. Hindi kasi maaaring magkulong na lang siya sa silid niya. Hahanapin siya ng kapatid niya.
Nakakita siya ng puwesto sa receiving room. May mangilan-ngilang bisita na naroon ngunit hindi siya napapansin dahil nakaupo siya sa isang malaking throw pillow na inilagay niya sa sahig. Natatakpan siya ng malaking sofa at isang malagong halaman. Karamihan sa mga bisita ay nasa malawak na hardin.
Hindi nagtagal ay engrossed na engrossed na siya sa binabasa niya. Nakalimutan niya ang frustration at inis niya. Pagbabasa talaga ang itinuturing niyang escape mula pagkabata. Ayaw na niyang pakaisipin ang disappointment at frustration niya. Inisip na lang niya na may importanteng ginagawa si Pablo kaya hindi ito makaalis ng bahay.
“Ganito na ba ka-boring ang party na ito para sumalampak ka diyan at magbasa ng libro?”
Sa sobrang gulat niya ay naibato niya ang hawak na libro sa lalaking nagsalita. Sapol ang noo nito. Natutop niya ang kanyang bibig nang mapagsino ang bumulabog sa katahimikan niya—walang iba kundi si Pablo. Sapo nito ang noo habang lukot na lukot ang mukha. Tila nasaktan ito sa pagkakabato niya. Hindi na siya nagtataka dahil may-kaliitan man ang libro, hardbound naman iyon.
“Oh, my God,” nanlalaki ang mga matang sabi niya. Kung hindi lang marahil maganda ang pagkakaayos ng buhok niya ay nasabunutan na niya ang sarili. Bakit ba ang hilig ng lalaking ito na magpakita tuwing hindi siya handa?
Katulad sa parke, hindi niya alam ang gagawin niya. Hindi siya makagalaw. Nais sana niyang tumayo at tingnan kung nagkabukol ito, ngunit hindi niya maikilos ang kanyang katawan. Nakatulala na naman siya rito. Hindi niya mapaniwalaan na nasa harap niya ito.
Dumalo ito sa party!
Kung kailan natanggap na niyang hindi niya ito makikita ay saka ito biglang susulpot. Maayos pa ba ang hitsura niya? Naglalangis na yata ang ilong niya dahil hindi na siya nag-retouch mula pa kanina.
Napalunok siya nang umupo ito sa tabi niya. Napapitlag pa siya nang magdikit ang kanilang mga braso. Simpleng long-sleeved polo at khaki pants ang suot nito. Basta na lang nitong itinali ang may-kahabaang buhok nito. Balbas-sarado na naman ito. Pero sa paningin niya, ito pa rin ang pinakamakisig na lalaki sa buong mundo.
“Hindi ka ba talaga nagsasalita?” nakakunot ang noong tanong nito sa kanya.
Nakagat niya ang ibabang labi nang makitang namumula ang noo nito at may bukol pa. “I’m sorry,” nakangiwing sabi niya. “Hindi ko sinasadya. Sandali, kukuha ako ng yelo.”
Tumayo siya upang magtungo sana sa kusina, pero hinawakan nito ang kamay niya bago pa man siya makahakbang palayo. Hinila siya nito upang muli siyang mapaupo. Hindi na naman mapakali ang puso niya. Hindi siya makapag-isip nang matino. Ang tanging nais niyang gawin ay titigan ang guwapong mukha nito.
“Don’t bother,” anito habang hinihimas ang noo. Bahagya itong napangiwi nang masagi nito ang bukol.
“Sorry!”
Nginitian siya nito. Tumigil yata sandali sa pagtibok ang kanyang puso. Nang tumibok uli iyon ay normal na uli ang ritmo. Tila siya unti-unting natutunaw dahil sa ngiti nitong iyon.
“Maliit na bukol lang naman ito. Hindi ko ito ikamamatay, Lavender. Dito na lang tayo. Pinilit lang ako ng kapatid mong magpunta rito, eh. Hindi na dapat talaga ako pupunta.”
“Nandito ka lang dahil pinilit ka ni Ate Blythe?” Nabawasan ang nararamdaman niyang kaligayahan. Napilitan lang pala ito. Siguro ay mahalagang-mahalaga para dito ang stepsister niya dahil hindi ito makatanggi.
Tumango ito. “Bruha `yang ate mo, eh. Hindi ko nga malaman kung paano ko naging kaibigan `yon.”
Hindi nakaligtas sa kanya ang pagkagiliw sa tinig nito. Lalo yatang nanamlay ang kanyang puso.
“Bakit ka ba narito? Bakit hindi ka makihalubilo sa mga bisita? Para sa inyo ng mama mo ang party na ito.”
“Wala ka kasi, eh,” wala sa loob na tugon niya. Huli na nang mapagtanto niyang mali ang lumabas mula sa bibig niya. Masyado yata siyang nalulong sa lungkot at selos na nararamdaman niya, hindi na niya napag-isipan ang mga lumalabas mula sa bibig niya.
Pinagmasdan nito ang mukha niya. “May gusto ka ba sa `kin?” tanong nito.
“H-ha?”
“Crush mo ba ako?”
“In love ako sa `yo.” Wala nga yata siya sa sarili niya. Pagdating sa lalaking ito, nagkakagulo ang lahat sa kanya.
Sandali itong natulala. Kapagkuwan ay tumawa ito nang malakas. Her heart contracted violently. Tears stung her eyes. Her throat constricted. Pinagtatawanan nito ang pag-ibig niya.
Inakbayan siya nito at hinapit palapit sa katawan nito. “You’re so young, babe. How old are you, twelve? Hindi mo pa alam ang sinasabi mo. Crush lang `yan. You’ll get over it soon.”
Marahas na itinulak niya ito palayo. “I’m fifteen. I’ll be turning sixteen soon!” Anim na buwan pa bago ang birthday niya pero “soon” pa rin iyon. “I love you.”
Lalo itong natawa. “I’m flattered, thank you.” Pinindot nito ang ilong niya at biglang sumeryoso. “But I’m sorry, babe, I don’t feel the same way about you. I won’t feel the same way even when you turn sixteen or eighteen. Kalimutan mo na lang ako. Ituon mo sa mga kaedad mo ang atensiyon mo. How can you even say you’re in love with me when we don’t even talk? We haven’t even spent time together.” Umiling ito na tila hindi mapaniwalaan ang mga sinabi niya.
Nairita na siya. Pakiramdam niya ay neneng-nene ang tingin nito sa kanya. Tila hindi nito sineseryoso ang damdamin niya. Hindi ba nito alam kung gaano kahalaga ang nararamdaman niya para dito?
“Bakit ba mas marunong ka pa sa `kin?” naiiritang tanong niya. “Kaya mo bang basahin ang damdamin ko, ang isipan ko?”
“Dahil mas matanda ako sa `yo. Beinte na ako, kinse ka lang. Mas alam ko na ang kalakaran sa ligawan. Alam ko na kung saan mauuwi `yang damdamin na ganyan. Believe me, I know.”
“Bakit mo ba minamaliit ang kakayahan kong umibig at mag-isip dahil lang sa edad ko?” Lalo yatang yumabong ang inis sa dibdib niya.
Tinaasan siya nito ng isang kilay. “Dahil menor-de-edad ka.”
“Pablo!” nanggigigil na sambit niya. Nais niya itong sabunutan habang ipinapaintindi rito ang nararamdaman niya. Hindi nga lang niya alam ang mga salitang gagamitin niya. Hindi niya alam kung paano niya ipaiintindi rito na umiibig siya at hindi lang basta crush o fascination ang nadarama niya.
“Lav,” masuyong tawag nito sa kanya.
Natigilan siya dahil sa pandinig niya, “love” iyon at hindi pinaikling pangalan niya.
“You’re going to regret this someday.”
Inirapan niya ito. “Nagdudunong-dunungan ka na naman por que hindi ka na menor-de-edad.”
Tumawa ito. “Habang maaga pa, sikilin mo na `yan. I’ll be frank, I don’t like you that way. You’re adorable and cute, but that’s all. Iba ang mga tipo kong babae. Kapag nakalimutan mo na `yang romantikong nararamdaman mo para sa `kin, we can be friends. You’re Blythe’s sister and Cef adores you so much.”
Tila may kamay na bakal na mariing pumisil sa puso niya. Halos hindi na siya makahinga. Malalaglag na yata ang mga luhang pinipigilan niya. “Bakit ka ganyan?” Bakit tinatanggihan agad nito ang pag-ibig niya? Bakit hindi muna nito subukang mahalin siya?
Sinalubong nito ang mga mata niya. “Because I’m not who you think I am. I’m not Prince Charming from a fairy tale. I’m despicable, arrogant, and mean. A monster.”
“`Sabi mo lang `yan,” nakangusong sabi niya.
Tumawa ito. “You’ll just have to see for yourself, then.”
Kahit paano ay naglubag ang kalooban niya sa sinabi nito. Pakiramdam niya ay binigyan siya nito ng pagkakataong kilalanin niya ang buong pagkatao nito. Patutunayan niya rito ang pag-ibig niya. Baka sakaling sa ganoong paraan ay magkaroon din ito ng espesyal na damdamin para sa kanya.