“ATE Sion, pupuntahan mo ba si Kuya Bert?” nakangiting tanong ni Lavender sa isa nilang kawaksi pagpasok na pagpasok niya sa kusina. Dito siya pinakamalapit dahil ito ang madalas na nakakakuwentuhan niya.
Naging mapanudyo ang mga mata at ngiti ni Sion. “Bakit? May sulat na naman ba akong kailangang ihulog sa mailbox? Naghihinala na sa `kin si Bert, baka akala mo, señorita.”
Napanguso siya kay Sion. Matagal na niya itong sinabihan na huwag siyang tawagin na “señorita” at hindi naman iyon bagay sa kanya. Sadyang ganoon lang ito tuwing tinutudyo siya nito. Isa ito sa mga nakakaalam ng lihim niyang pagtingin kay Pablo kaya tinutulungan siya nito sa “panliligaw” niya.
Nahihiya man, inilabas niya ang isang magandang sobre mula sa kanyang shorts at iniabot iyon dito. Tinanggap nito iyon at ibinulsa. Hindi nabubura ang mapanudyong ngiti sa mga labi nito.
“Tinamaan ka talaga kay Pablo, `no?” tanong nito. Ipinagpatuloy na nito ang paghihiwa ng mga gulay.
“Huwag kang maingay at baka may makarinig sa `yo, Ate Sion,” aniyang bahagyang nag-init ang mga pisngi. Umupo siya sa counter at pinanood ang ginagawa nito. Gustuhin man niyang tumulong, alam niyang kokontra ito. Nang minsang tumulong siya sa pagluluto dahil nais niyang ipagluto si Pablo, kinailangan nitong ulitin ang putahe. Tila may sumpa sa pagluluto ang kamay niya. Basta nakialam siya, hindi masarap ang kinalalabasan.
“Huu! Sekreto pa ba ang nararamdaman mo kay Pablo? Lahat ng taong nakapaligid sa `yo, alam na ang lihim na pagsinta mo, `ne.”
Lalo yatang nag-init ang mga pisngi niya. “Ganoon na ba ako ka-obvious, Ate?”
Tumirik ang mga mata nito. “Obvious na obvious na obvious! Kung makatingin ka kasi sa kanya tuwing naliligaw siya rito o aksidente kayong nagkakasalubong, parang siya lang ang lalaki sa buong mundo. Parang siya na ang sentro ng buong mundo mo.”
Kahit hindi niya nakikita ang sarili sa salamin, alam niyang pulang-pula na siya. Bahagya rin siyang nanliit dahil sa mga sinabi nito. Ano kaya ang tingin ng mga tao sa kanya? Pati ba si Pablo ay nakakahalata na? Ano ang iniisip nito? May katugon ba ang damdamin niya?
Napailing-iling si Ate Sion. “Bata ka pa, Lavender. Marami ka pang hindi alam tungkol sa pag-ibig. Marami ka pang dapat matutuhan. Hindi kita masisisi kung bakit nabighani ka sa gandang-lalaki ni Pablo. Makisig naman talaga siya at lalaking-lalaki. Enjoy-in mo lang dahil parte iyan ng kabataan. Huwag mong masyadong dibdibin kapag hindi umayon ang lahat sa kagustuhan mo.”
Umusli ang nguso niya. “Ate naman, eh.” Kahit kolehiyo na siya, batang munti pa rin ang tingin sa kanya ng lahat. Dahil marahil kompara sa ate niya na dalagang-dalaga na, mukha pa rin siyang grade six. Madalas nga siyang tuksuhin ng mga kaklase niya dahil sa pagiging baby face niya.
Tila rin may kumurot sa puso niya dahil sa mga sinabi ni Ate Sion. Tila inaasahan na ng mga ito na hindi magkakaroon ng katuparan ang lahat ng makukulay na pangarap niya kasama si Pablo. Hindi ganoon ang paniniwala niya. Someday, they would be together.
Hindi man sila madalas na nagkikita o nagkakausap, alam niyang isa sa mga darating na araw ay magkakaroon sila ng pagkakataon. Magkakalapit din sila at magkakaroon ng tugon ang damdamin niya. Alam niya na magiging espesyal siyang babae sa buhay ni Pablo Vicente Munis. Naniniwala siya na siya na ang babaeng nararapat dito. Siya ang makakasama nito habang-buhay. Magmamahalan sila at magiging masaya.
Forever.
Paminsan-minsan lang naliligaw si Pablo sa bahay ni Papa Simeon upang kausapin si Ate Blythe o si Papa Simeon mismo. Simpleng “hi” at “hello” lang ang palitan nila. Palaging matipid ang ngiti nito na tila naoobliga lang itong gawin iyon. Pero masayang-masaya na siya sa ganoon. Hindi na uli niya nakita ang masigla at matamis na ngiti nito na nakita niya noong kasama nila si Ceferino.
Tuwing weekend ay madalas siya sa parke. Naroon kasi ito tuwing umaga at hapon. Palagi itong may dalang canvas at charcoal. Tahimik itong gumuguhit kahit napakaraming batang naglalaro sa paligid nito. Mula sa malayo ay walang-sawa niya itong pinagmamasdan. Masarap itong panoorin. Nakikita niyang masaya ito sa ginagawa nito. Nakikita at nararamdaman niya ang passion nito sa pagpipinta. Tila kontento na ito na nakaupo roon habang gumuguhit at wala itong pakialam sa buong mundo. Nakatuon ang buong atensiyon nito sa ginagawa.
Habang lumilipas ang panahon, lalong lumalago ang pag-ibig sa puso niya. Masaya siyang ibigin si Pablo. Iibigin niya ito magpakailanman.
“Ate, `wag kang magpapahalata kay Kuya Bert, ha?” bilin niya kay Ate Sion. Ang sulat na ibinigay niya rito ay sulat niya para kay Pablo. Boyfriend ni Ate Sion ang hardinero nina Pablo na si Kuya Bert. Tuwina ay dinadalhan ni Ate Sion ng hapunan si Kuya Bert. Hindi naman nito ginagamit ang supplies nila kaya okay lang kay Papa Simeon.
Sekretong inilalagay ni Ate Sion sa mailbox ng mga Munis ang mga sulat niya. May mga pagkakataon din na siya mismo ang naghuhulog. Mas “safe” nga lang kung si Ate Sion ang gagawa niyon. Natatakot kasi siyang mabisto. Natatakot siyang makompronta ni Pablo. Sana ay natutuwa ito kahit paano sa mga sulat niya. Sana ay huwag itong ma-corny-han o maalibadbaran.
“Ako na ang bahala, `be. Sana nga ay matupad iyang pangarap mo. Sana ay maging masaya ka at huwag mabigo sa unang pag-ibig mo.”
Hindi na siya nakasagot dahil pumasok sa loob ng kusina si Ate Blythe. Inutusan nito si Ate Sion na gumawa ng fruit shake. Hindi na lang niya gaanong pakakaisipin ang mga negatibong sinabi ni Ate Sion. Hindi siya mabibigo sa kanyang unang pag-ibig.
KINABAHAN si Lavender nang biglang gumawi ang mga mata ni Pablo sa direksiyon niya. Dahil ayaw niyang mahuli siya nito na kanina pa niya ito pinagmamasdan, dali-daling binuklat niya ang librong dala niya at itinakip iyon sa kanyang mukha.
Nasa parke na naman siya; malapit nang lumubog ang araw. As usual, absorbed na absorbed si Pablo sa pagpipinta. Kaya kunwari ay absorbed na absorbed din siya sa pagbabasa.
“Baliktad `yang librong binabasa mo,” ani Pablo nang akma siyang sisilip sa libro.
Nanigas siya at nanlaki ang mga mata nang malamang baliktad nga ang librong hawak niya. Kagaya ng madalas na nangyayari kapag malapit ito sa kanya, nawala sa ayos ang buong sistema niya. Hindi niya alam ang gagawin niya nang umupo ito sa tabi niya sa bench.
Hindi siya makagalaw kahit utusan niya ang kanyang katawan. Nakataas pa rin ang libro sa mukha niya. Ni hindi niya magawang baliktarin iyon. Mukha siyang tanga, alam niya. Hindi lang talaga niya malaman kung paano kikilos nang tama. Hindi niya alam ang sasabihin. Buking na buking siya.
Lalong nagulo ang buong sistema niya dahil napakalapit nito sa kanya. Iyon ang unang pagkakataon na magkakausap sila nang sila lang at walang ibang tao. Iyon na ang pagkakataon niya pero pumalpak pa siya.
“Maraming beses mo na akong pinanonood mula sa malayo. Hindi ka pa ba nagsasawa, Lavender?” kaswal na tanong nito.
Hindi pa rin niya magawang tumugon sa sinabi nito.
Nagbuga ito ng hangin, tila nauubusan na ito ng pansensiya. “I don’t like stupid women.” Pagkasabi niyon ay tumayo na ito at iniwan siya.
Nang makalayo ito ay saka lang siya nahimasmasan. Nabitiwan niya ang librong hawak niya nang tumimo sa kanya ang katangahan niya at ang sinabi ni Pablo sa kanya. Napapaungol na sinabunutan niya ang sarili. She was so stupid! Iyon mismo ang tingin sa kanya ni Pablo. Nakakahiya siya. Hindi man lang siya nakapagsalita.