TEASER
Leira's POV
"MICO, SANDALI!" Malakas na tawag ko kay Mico.
Napalunok ako nang sa wakas ay tumigil siya paglalakad. Kanina ko pa siya sinusundan at tinatawag, pero parang hindi niya ako naririnig. Kinailangan ko pang laksan ang boses ko para siguradong titigil siya.
Dahan-dahan siyang pumihit paharap sa akin. As usual, sumalubong sa akin ang madilim niyang mukha.
"Mico..." mahinang sambit ko.
Hindi siya humakbang palapit sa akin kaya ako ang lumapit sa kaniya.
"What do you want this time?" Puno ng kalamigang tanong niya.
Lumunok muna ako bago nagsalita. "I'm sorry."
Patuya siyang tumawa, tinawid ang natitira naming distansya. Napaigik ako nang bigla niyang haklitin ang braso ko at kaladkarin ako paalis ng lugar na 'yon.
"Mico!" Nagulat ako nang pagdating sa parking lot, isinalya niya ang likod ko sa hood ng kotseng itim.
Kinabahan ako dahil walang ibang mababakas na emosyon sa mga mata niya ngayon kundi galit.
"Mico..."
"Sa lahat ng babaeng nakilala ko, ikaw na 'yong may pinakamakapal na mukha. Imagine, pagkatapos ng mga ginawa mo sa akin, nakukuha mo pang tumingin ng diretso sa mga mata ko? Paano mo nagagawa 'yan, Leira?" Puno ng panunuyang tanong niya.
Napangiwi ako nang mas dumiin ang hawak niya sa braso ko. Halos bumaon na ang mga kuko niya. "Mico, nasasaktan ako---"
"Talagang masasaktan ka kapag hindi ka pa tumigil nang kasusunod sa akin. Ano pa bang kailangan mo? Ha? Pera?"
Umiling ako. "H-Hindi. Hindi pera ang kailangan ko sa 'yo kundi ang pagpapatawad mo, Mico."
Mapakla siyang tumawa. "Bakit? Ikamamatay mo ba kung hindi kita mapatawad?" Sarkastiko niyang tanong.
Hindi ako nakasagot. Napatitig na lamang ako sa mga mata niyang nagliliyab sa poot at galit.
"Napakainosente ng mukha mo," mayamaya ay sabi niya. "Walang mag-aakala na sa likod ng maamo mong mukha ay isa kang babaeng mukhang pera."
"Mico."
"Ngayon ko mas nakita ang malaking pagkakaiba n'yo ni Keira." Tukoy niya sa kakambal ko.
"Hindi lang siya maganda, malinis pa ang kalooban niya. Walang bahid ng dumi ang pagkatao niya hindi gaya mo na maganda lang ang mukha, pero bulok ang pagkatao mo."
Nag-init ang magkabilang sulok ng mga mata ko. Ang bawat salitang binibitawan ni Mico ay mistulang patalim na unti-unting bumabaon sa kaibuturan ng pagkatao ko.
Naiintindihan ko kung bakit siya sa akin, pero masakit pa rin palang marinig 'yon mula sa kaniya.
"Masuwerte si Uncle Mike na dumating sa buhay niya ang kakambal mo, pero ako?" Tinuro pa niya ang sariling dibdib habang may nanunuyang tingin sa akin. "Malas. Ako ang pinakamalas na lalaki dahil nakilala kita. Pinagsisisihan kong nakilala kita. Pinagsisisihan kong minahal kita. At habambuhay kong pagsisisihan na minsan kong sinubukan na tapusin ang buhay ko para sa isang walang kuwentang babae."
Nang mga sandaling 'yon, wala akong magawa kundi ang tanggapin ang bawat masasakit na salitang dumudurog sa buo kong pagkatao.
"Magkamukhang-magkamukha kayo ni Keira, pero malayong-malayo pagdating sa ugali at pagkatao. At alam mo kung ano 'yong na-realize ko?" Hinawakan niya ang baba ko, mariin.
"Walang-wala ka kumpara sa kakambal mo. Sayang nga, eh. Nauna siyang minahal ni Uncle Mike. Nanghihinayang ako na hindi siya naging akin. Alam mo kung bakit? Dahil ang kakambal mo ang babaeng masarap mahalin, alagaan at bigyan ng pangalan. She's a material wife. At ikaw? Ikaw 'yong klase ng babae na hanggang pangkama lang."
Doon na tuluyang kumawala ang mga luha ko. Pangkama ka lang.
'Yon na siguro ang pinakamasakit na salitang narinig ko sa buong buhay ko.
Tuloy-tuloy sa pag-uunahang bumagsak ang mga luha ko. Ang sakit.... Ang sakit palang maikumpara sa kakambal mo lalo na't ang lalaking mahal mo ang magpaparamdam sa 'yo ng bagay na 'yon.
Masakit. Kulang ang salitang masakit para mailarawan ko ang nararamdaman ko ngayon.