CHAPTER 6

2450 Words
LEIRA'S POV "BAKIT?" Tanong ni Nanay Rosa, nasa tono niya ang lungkot. Tinanggihan ko kasi ang offer niya at ng pamilya niya na do'n ako umuwi sa kanila paglabas ko rito sa hospital mamaya. Ewan ko, bigla na lang nagbago ang isip ko na sumama sa kanila. Mabait naman silang mag-anak sa akin, pero aaminin ko na may parte sa puso ko na natatakot na baka mapahamak na naman ako kung agad-agad ay magtitiwala ako sa kanila. Nakakatrauma din kasi lalo na't sa panahon ngayon ay hindi lahat ng nakangiti sa 'yo ay puwede mo nang pagkatiwalaan agad-agad. Dahil sa mabilis kong pagtitiwala noon kaya napahamak at ayoko nang maulit 'yon. "Bakit biglang nagbago ang isip mo? Um-oo ka na kanina, 'di ba?" Ulit ni Nanay Rosa. Hindi na lang boses niya ang malungkot ngayon kundi maging ang mukha niya. Medyo nakonsensya ako. "Akala ko pa naman, sasama ka sa amin pauwi. Pinalis ko na 'yong guest room para sa 'yo, eh." Hinampong dagdag niya. Mas lalo akong nakonsensya. Napatingin ako sa anak ni 'Nay Rosa, seryoso ang mukha niyang nakamasid sa amin ng nanay niya. Maging ang ama nito'y gano'n din. Agad kong ibinalik kay Nanay Rosa ang tingin ko nang mapansin na naman ang kakaibang kislap ng mga mata ng asawa niya habang nakatingin sa akin. Hindi ko maintindihan kung saan nanggagaling 'yong kabang nararamdaman ko sa tuwing mapapatingin ako sa kaniya. Hindi naman siya nakakatakot o mukhang masamang tao, basta iba ang pakiramdam ko-- naudlot ang paglalakbay ng isip ko nang ganapin ni Nanay Rosa ang kamay kong nakapatong sa hita ko. "Nanay Rosa." "Sumama ka na sa amin, Leira. Hindi mapapanatag ang loob ko kung hindi ka sasama sa amin lalo na't sabi mo ay wala kang pamilya rito sa Manila. Mas ligtas ka sa bahay namin," pakiusap niya. Dama ko ang sensiridad sa boses niya. Nanghihingi ng pang-unawa na nginitian ko siya at sinabi na pinal na ang desisyon kong hindi sumama sa kanila. "Huwag n'yo pong isipin na tinatanggihan ko ang tulong na alok n'yo sa akin. Naisip ko po kasing umuwi na lang muna sa probinsya namin. Ayoko rin pong mag-alala sa akin si Mama." "Sure ka bang sa kaniya ka pupunta? Na sa inyo ka uuwi?" Paniniguro niya. "Opo." Nang-aarok niya akong tiningnan sa aking mga mata, waring nagdududa sa akin. "Sigurado ka?" Napangiti ako. "Opo. Kung inaalala n'yo po na baka magpakamatay ako, 'wag po kayong mag-alala dahil hindi ko po gagawin 'yon." "Talaga?" "Opo. Hindi ko po gagawin 'yon. Pangako po." Dahil sa pangako ko, unti-unti nang bumalik ang sigla sa mukha niya na kanina ay malungkot na dahil sa pagtanggi ko. "Sige. Kung 'yan ang pasya mo. Basta tuparin mo ang pangako mong hindi mo gagawin ang bagay na 'yon. Nagkakaintindihan ba tayo, Leira?" Tuluyang umaliwalas ang mukha niya nang um-oo ako at nangako na magkikita pa kami sa mga darating na panahon. Habang naghihintay sa pagbalik ng doktor sa kuwarto ko, nagkuwentuhan pa kami ni Nanay Rosa at talagang lumabas ang pagka-clingy niya sa akin dahil hindi niya binitawan ang kamay ko. Paulit-ulit niyang sinabi na sobrang gaan daw ng loob niya sa akin. Siguro daw dahil may resemblance kami ng anak niya. Hanggang sa dumating na ang doktor at binigyan ako ng reseta para sa mga gamot na kailangan ko raw inumin para lumakas ako. Pagkatapos niyon, magkakasama na kaming lumabas ng kuwarto. Dumaan kami sa pharmacy, nasa loob din ng hospital. Hiyang-hiya ako dahil sila rin ang bumili ng mga gamot at vitamins ko. "Maraming salamat po sa inyo. Hindi ko po makakalimutan na nakilala ko po kayo," taos-puso kong pasalamat nang makalabas na kami ng hospital. Nasa parking lot na kami kung saan naroon ang sasakyan nila. Nagulat ako dahil hindi 'yon basta sasakyan kundi isang sikat na brand ng sasakyan na siguradong milyon ang halaga. Sa klase ng pananamit ni Nanay Rosa, hindi ko akalain na mayaman sila. Kung hindi ko nga nakilala ang asawa at anak niya, iisipin ko na kagaya rin namin siya ng pamumuhay. "Hindi na ba talaga magbabago ang isip mo?" Muling hirit ni Nanay Rosa pagkatapos kong magpasalamat sa kanila. "Pasensya na po, 'Nay." "Kahit ilang araw lang? Ayaw mo ba talaga? Gusto pa kitang makakuwentuhan, eh." "Mom, let her be." Awat ni Ran sa Mommy niya, mukhang nakukulitan na ito sa sariling ina. "Pero, Anak, gusto ko pa siyang makasama--" "Mom," nakikiusap nang sabi ni Ran sa ina. Walang nagawa si Nanay Rosa kundi ang tumango kahit labag sa loob. Hanggang sa makasakay kami ng sasakyan nila at umalis para ihatid ako sa airport ay ramdam ko ang lungkot ni Nanay Rosa sa tabi ko. Nasa backseat kami habang ang mag-ama ay nasa unahan. Nagpresenta silang ihatid ako sa airport dahil sinabi kong uuwi ako sa probinsya namin sa Iloilo. Buong biyahe, tahimik lang kaming lahat hanggang sa makarating kami sa airport. Si Ran ang nagpresentang bumili ng ticket ko. "'Nay, huwag na po." Tinanggihan ko ang perang ibinibigay ni Nanay Rosa sa akin. "Sobra-sobra na po ang naitulong n'yo sa akin. Okay na po 'yon." "Pangkain mo 'to kapag nagutom ka. Mahirap bumyahe na walang pera sa bulsa. Paano kung makabasag ka ng itlog, ano'ng ibabayad mo?" Wala na akong nagawa nang ipilit ni Nanay Rosa na ilagay sa bulsa ko ang pera. Akala ko'y tapos na ang pagtulong niya, pero laking gulat ko nang iabot niya sa akin ang isang cellphone. "'Nay!" "Tanggapin mo, gusto kong makatiyak na ligtas kang makauuwi sa inyo." "Pero--" "Ibalik mo na lang sa akin 'yan kapag nagkita tayo soon." Mangiyak-ngiyak akong nagpasalamat dahil hindi ko akalain na may darating na mga taong tutulong sa akin nang ganito. Pagbalik ni Ran, dala na niya ang ticket ko kasama ang isang calling card. Ran Allister Johnson, Owner of Johnson Shipping Company. Piping basa ko sa nakasulat do'n. May-ari sila ng shipping company? Nagtatanong ang mga mata kong tumingin sa kaniya. "Just in case na kailangan mo ang tulong ko, tawagan mo ang number ko." Nag-iinit ang mga mata na tumango ako at muling nagpasalamat sa kanilang lahat. Nagulat ako nang lapitan ako ng asawa ni 'Nay Rosa, niyakap ako at sinabing masaya siyang makilala ako. "Take care." Nakangiti niyang sabi nang pakawalan ako, saka parang batang ginulo ang buhok ko. "Thank you po." Minsan pa akong niyakap ni 'Nay Rosa bago nila ako tuluyang iniwan sa airport. May pupuntahan pa raw kasi si Ran kaya hindi na nila ako mahihintay na makaalis. _________ HABANG NAGHIHINTAY NG oras ng flight ko, naisip kong tawagan si Mama gamit ang cellphone na iniwan ni 'Nay Rosa sa akin. "Anak, pauwi ka na ba rito?" bungad ni Mama sa akin nang sagutin ang tawag ko. Hindi na ako nagpaligoy-ligoy, sinabi ko kay Mama na balak ko nang maunang umuwi sa bahay. "Ha? Bakit? Akala ko ba nandiyan ka lang sa kaibigan mo? Hinihintay nga kitang tumawag ulit dahil sabi ni Michael pauwiin ka na para makasama ka. Kakain daw tayo sa labas mamaya." Pagbabalita ni Mama. Bakas ang excitement sa boses niya dahil hindi naman lingid na ngayon lang din siya nakaluwas dito sa Manila kagaya ng mga kapatid ko. "Ma, hindi na po ako makakasama. Pakisabi na lang po na sa susunod na lang." "Where are you?" Napatayo ako nang marinig na hindi na si Mama ang kausap ko. "It's me Michael." "Where are you?" Ulit niya nang hindi ako sumagot. "Nasa airport na ak--" "Wait for me. Susunduin kita riyan." Putol niya sa pagsasalita ko. "Ha? A-Ah, 'wag na. Pabalik na ako ng Iloilo--" "Pupuntahan kita riyan, Leira. Hintayin mo 'ko." "Pero-- " "No buts. Responsibilad kita, kayo ng pamilya mo dahil ako ang nagpapunta sa inyo rito sa Manila. Kaya 'wag kang aalis diyan, hintayin mo 'ko." Pinal na sabi niya bago tinapos ang tawag. Wala akong choice kundi ang hintayin siyang dumating. Mahigit isang oras din ang lumipas bago ako nakatanggap ng tawag mula kay Michael at sinabing nasa labas na raw siya. Sinabi niya kung saang banda siya naka-park at doon ako pumunta. Hindi ako nahirapang makita si Michael dahil namumukod-tangi ang tangkad nito. Nag-alangan akong lumapit. Mukhang napansin niya kaya siya na ang kumapit sa akin at niyaya ako palapit sa sasakyan niya. "A-Ahm, Sir Michael, h-hindi po ako sasama pauwi--" "It's Michael." Pagtatama niya. "Alisin mo na 'yang sir, asawa na ako ng kapatid mo." "P-Pasensya na, M-Michael." Tumango lang ito at niyaya na akong sumakay, pero hindi ako sumama. "Leira." "Pasensya na, hindi ako makakasama sa inyo." "Naghihintay sa 'yo ang pamilya mo. Hop in." Maawtoridad niyang utos, saka binuksan ang pintuan sa passenger side. "Michael, kasi..." "Kung si Mico ang inaalala mo, hindi siya kasama mamaya. Its just me and your family." Napabuntong-hininga ako, saka walang imik na sumakay. Habang daan, wala kaming kibuan ni Michael. Ramdam ko 'yong pagkailang namin sa isa't isa. At alam kong kung hindi dahil kay Keira, hindi siya mag-aabalang sunduin ako o isama sa lakad nila. Alam kong kagaya ni Mico, kinamumuhian niya ako. Nagkataon lang na kahit anong gawin niya ay bahagi na ako ng buhay niya ngayong asawa na niya ang kakambal ko. "Huwag mong isipin na iniligtas kita para kay Mico. Iniligtas kita para sa kakambal mo, ayokong magalit siya sa akin dahil wala akong ginawa para sa kakambal niya. Hindi para kay Mico kung bakit buhay ka pa hanggang ngayon. At kung ako ang tatanungin, hindi ako pabor na pagkatapos ng lahat ng nangyari ay magkakabalikan pa kayo ng pamangkin ko. Mas'yado nang malaki ang ginawa mong damage sa buhay niya para gustuhin pa kita para sa kaniya." Napasulyap ako kay Michael pagkatapos balikan sa isip ang huling sinabi niya sa akin nang dalawin ko siya sa hospital noon bago ako umuwi ng Iloilo. Dahil do'n kaya alam kong napilitan lang siyang imbitahin ako sa kasal nila ng kapatid ko. Hindi ako kinausap ni Michael hanggang sa makarating kami sa isang restaurant. "Let's go, nasa loob na ang pamilya mo." Malamig na yaya niya, saka nagpatiuna nang bumaba. Mabigat ang dibdib na bumaba na rin ako at sumunod sa kaniya. Nauna nang pumasok si Michael. Nasa may pintuan na ako nang kusa akong huminto dahil mula sa salaming dingding ay nakita kong sinalubong ni Mico si Michael. Akala ko ba hindi siya kasama? Nagdalawang-isip ako kung tutuloy ba o aalis na lang dahil siguradong hindi magiging maganda ang hapunang ito para sa aming lahat. Nagsimula akong humakbang paatras, nagdesisyon akong huwag nang tumuloy para iwas tensyon. Isang sulyap pa sa loob ang ginawa ko bago tumalikod. Bahala na. Mag-iisip na lang ako ng idadahilan kay Mama. "Where do you think you're going?" Napatda ako nang marinig ang napakalamig na boses ni Mico mula sa aking likuran. Wala akong balak na harapin siya, ngunit hinaklit niya ang braso ko dahilan para mapaharap ako sa kaniya. "M-Mico." Napangiwi ako, dumiin ang hawak niya sa akin. "Talagang nagpasundo ka pa kay Uncle Mike, huh? Ano? Gagamitin mo ang pagiging kakambal ni Keira para maisiksik ang sarili sa pamilya ko? Sobrang tigas ng mukha mo, huh?" Puno ng panunuyo niyang sabi. Gigil na gigil niyang pinisil ang braso ko. "M-Mico, nasasaktan ako." Sinubukan kong bawiin ang braso ko, pero matigas siya. "Sumama ka pa talaga kahit alam mong nandito rin ako? Why? Hmm?" Nagngalit ang mga bagang nito. "Ilang beses kong kailangang sabihin sa 'yo na hindi ka welcome dito?" "Wala akong planong sumama, um-oo lang ako sa Uncle Mike mo dahil sinabi niyang hindi ka kasama ngayon. K-Kung alam kong nandito ka, hindi ako sasama--" "But you're here." "Dahil sinabi nga niyang wala ka." "But I'm here." Napalunok ako. "K-Kaya nga aalis na lang ako, 'di ba?" Ngumiti ito. Mapang-insulto. "Mabuti naman at alam mo na ang gagawin mo. Akala ko, kailangan ko pang sabihin." "Hindi na." Inipon ko ang buong lakas ko, saka pabiglang hinila ang braso ko mula sa kaniya. Hindi ako nagtagumpay. "Mico, ano ba? Nasasaktan mo na ako--" "Bakit bumalik ka pa? Bakit hindi ka na lang ulit mawala? Bakit hindi ka na lang maglaho kagaya nang ginawa mo noon. Ha?! Maglaho ka na lang ulit! Iyong kagaya nang dati na kahit anong hanap sa 'yo, hindi ka mahanap!" Mariin kong kinagat ang ibabang labi ko upang pigilan ang mapaiyak. "Maglaho ka na lang ulit! Umalis ka na lang ulit and do me a favor, 'wag ka nang bumalik." "M-Mico." Napasigok ako. "Bakit ba iniligtas ka pa ni Uncle Mike noon? Bakit hindi ka na lang niya hinayaang mawala?" Bawat hiling niyang mawala na lang ako, para akong paulit-ulit na pinapatay. "Hindi ko rin alam, Mico. D-Dahil 'yan din naman ang tanong ko na bakit hindi na lang niya ako hinayaang mapatay ng Uncle Marcus mo. D-Dahil kung ako ang masusunod, hindi ko na rin naman gustong mabuhay, eh. Alam kong may kasalanan ako sa 'yo, handa akong humingi ng tawad hanggang sa mapatawad mo 'ko, pero huwag mo namang ipamukha sa akin na sobrang sama kong tao." Napaiyak na ako nang tuluyan. Napahikbi ako. "Oo, nagkamali ako, Mico. Nagsinungaling ako sa tunay na pagkatao ko, pero sa lahat ng kasinungalingan ko, isa lang do'n ang totoo. 'Yong pagmamahal ko sa 'yo." "That bullshit!" Tumawa siya nang nang-iinsulto. "Kung napaniwala mo ako noon, hinding-hindi na ngayon." "Mico..." "Nakakapvtang *na lang dahil 'yong babaeng ginawa kong mundo noon, inuto-uto lang pala ako! Na 'yong babaeng akala ko'y ginto, peke pala. Pinagsisisihan kong minahal kita noon, Leira. Pinagsisisihan kong nakilala kita." Habang sinasabi niya 'yon, diretso siyang nakatingin sa mga mata ko kaya sobrang sakit. "Naiintindihan ko...pero ako? K-Kahit gaano kasakit ang nangyari sa akin, hindi ako nagsisisi na minahal kita, Mico. A-At kung babalik ako sa nakaraan, pipiliin ko pa ring bumalik sa araw na una tayong nagkakilala. Pipiliin ko pa ring mahalin ka.... At kung maibabalik ko lang ang nakaraan, isa lang ang babaguhin ko, ang nakilala ko ang Uncle Marcus mo....para hindi nawala ang mga anak natin." Sunod-sunod akong napahikbi. Gustong-gusto kong sabihin sa kaniya ang totoo, pero kapag napapatingin ako sa mga mata niyang puno ng galit, naduduwag ako. "Nice acting, Leira. But no," umiiling-iling pa ito, "hinding-hindi na ako magpapauto sa 'yo. At gusto kong tandaan mo na wala na akong pagmamahal sa 'yo at gusto kong maglaho ka na lang ulit." "Mico, I'm sorry." "Hindi kita mapapatawad." Pagkasabi niya niyon, malalaki ang hakbang niyang umalis. "Mico!" Hinabol ko siya. "Saan ka pupunta?" "Sa lugar na wala ka. Kapag nakikita kita, hindi ako makahinga. Nasu-suffocate ako sa presensya mo. Ikaw na lang ang makipag-dinner sa kanila dahil hindi ko kayang makasabay kang kumain." Iyon lang at tuluyan na siyang umalis. At ako, naiwang nakasunod ng tingin sa kaniya. Hindi ikaw 'yan, Mico.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD