“Ano pa nga ang magagawa ko?” malungkot ngunit may halong lamig na sabi sa akin ni Lyndon nang buksan niya ang pinto. Napatigil ako sa inanas niyang iyon.
“Lyndon,” sambit ko na lamang. Nagpatuloy siya sa paglabas sa kuwarto at saka tumungo sa kusina. Nang sundan ko siya nakita kong magara ang pagkakaayos ng hapag-kainan.
“A-anong ibig sabihin nito?” naguguluhang tanong ko habang palapit sa kanya.
“Sinabi ko na kay Papa na tayo na. Laking tuwa nga niya, e,” tugon naman niya. Magsasalita pa sana ako kaso bigla siyang nagwika muli.
“Everything is perfect na sana, lalo pa at may isa pa akong sorpresa sana para sa iyo. Puwede talagang maging tayo dahil hindi naman tayo magkapatid sa ama. Inako lamang ako ni Papa,” paliwanag niya na mas lalo pa yatang nagpakabog ng dibdib ko. Hindi dahil sa kilig, kundi dahil sa konsensya kong pumapatay sa akin sa loob.
“We should celebrate, right? But, mukhang maiiba ang rason kung bakit tayo mag-se-celebrate,” malamig niyang sabi saka humarap sa akin. May dala siyang maliit na chocolate cake. Nang pagmasdan ko iyon, nakita kong may nakasulat doon.
Forever
“Mukhang tama nga sila, walang ganito.” Saka niya ibinagsak ang cake sa lapag. Natigilan ako saka ko siya hinabol habang papasok na naman siya sa kuwarto. Lumuhod ako sa harapan niya at saka ko hinawakan nang mahigpit ang kanyang mga kamay.
“Lyndon, please. Forgive me. Hindi ko iyon ginusto, please,” pagmamakaawa ko sa kanya. Sasagot sana siya nang may nag-doorbell. Pagbukas ng pinto, iniluwa niyon ang hingal at pawisang si Peter.
“Anong ginagawa mo rito?” pagalit na tanong ko sa kanya. Tinignan niya lamang ako saka tumungo kay Lyndon na nakakuyom na ang kamao.
“Pare,” aniya ngunit agad siyang sinalubong ng matigas na kamao ni Lyndon. Napadugo niyon ang mga labi niya. Kaya naman agad akong pumagitna sa kanilang dalawa.
“Tama na!” pag-aawat ko. Hinawakan ni Peter ang kanyang mga labi saka marahas na pinunasan ang mga sariwang dugong dumadaloy roon.
“Peter, umalis ka na,” pagtataboy ko sa kanya habang pilit ko siyang tinutulak-tulak palabas.
“No, hindi ako aalis. Nakapa-unfair ko naman kung ikaw lang ang mag-sa-suffer sa ginawa natin. At isa pa, ako naman ang gumawa ng unang hakbang, e,” pagpapaliwanag niya saka muling nilapitan si Lyndon.
“Come on, pare. Galit ka sa amin, `di ba? Go, feel free to punch me!” paghahamong sabi niya. Malamig lamang siyang tinignan ni Lyndon.
“Tama na sabi, e!” sigaw ko naman sa kanilang dalawa. Napahawak ako sa aking sentido, pakiramdam ko ay anumang oras mawawalan ako ng malay. Napapikit-pikit ako habang nanlalabo ang aking paningin.
X
Nang muling bumukas ang mga mata ko, nakita ko ang mukha noong dalawa. Mula sa mga galit nilang ekspresyon kanina napalitan iyon ng pangamba. Nakatayo at nakasandal sa dingding si Peter samantalang si Lyndon ay nakaupo na malapit sa kama ko.
“Ayos ka na?” nag-aalalang tanong ni Lyndon habang hinahaplos ang pisngi ko. Ngumiti ako sa kanya saka tumango.
“Sorry,” mahina kong sambit.
“Shh, okay na. Don’t stress yourself.”
Nang dumating ang doktor sinabi nitong overfatigue at stress ang mga dahilan ng pagkawala ko ng malay. Nang marinig iyon ni Peter, tinignan niya ako saka pilit na ngumiti. Dali-dali naman siyang lumabas ng kuwarto noong nakalabas na ang doktor.
“Peter,” tawag ko sa kanya ngunit hindi na niya ako nilingon pa.
“Lyndon, ano bang nangyari? Sana pati si Peter ay pinatawad mo na,” pahayag ko.
“Okay na ang lahat,” tipid nitong tugon sa akin.
“Magpahinga ka na muna, bibili lang ako ng pagkain,” paalam niya sa akin saka umalis. Dahil naiwan akong mag-isa, hindi ko maiwasang hindi magnilay-nilay. Bakit kaya ganito ang sitwasyon ko? Ito na nga siguro ang hudyat na hanapin ko ang mga nawawala kong mga alaala.
X
Kinabukasan nagkaroon na kami ng abiso sa doktor na maaari na akong makalabas ng ospital. Iniutos ko kay Lyndon na sa bahay namin ni Kuya ako iuwi. Pagkarating namin sa bahay, agad kaming sinalubong ni Kuya. Nang maihatid ako ni Lyndon sa loob, nag-usap sila ni Kuya sa labas. Hindi na rin ako nag-abalang magkiusyoso pa sa kanila. Baka nga pinagagalitan ni Kuya si Lyndon, e.
“Balik na lang ako bukas, bye,” anas ni Lyndon bago tuluyang umalis. Nang pumasok si Kuya agad niya akong tinabihan sa sofa.
“Okay ka na?” tanong niya. ngumiti naman ako saka tumango-tango.
“Oo, Kuya. Okay na ako,” sagot ko sa kanya.
“Magluluto muna ako ng pagkain natin, a. Diyan ka lang.” Kagyat siyang napatayo saka dumiretso sa kusina.
Habang nagluluto si Kuya, nagpunta ako sa kuwarto ko saka agad na hinanap ang maliit na kahon sa ilalim ng kama ko. Binuksan ko iyong muli. Bukod sa sandamakmak na test results sa akin noon, may ilang mga bagay rin akong nakita. Mayroong diary roon saka isang lumang larawan. Pinunasan ko ang makapal na alikabok sa litrato saka ko tuluyang nakita ang kabuuan ng larawan.
Dalawang batang lalaki. Magka-akbay sa isa`t isa. `Yong isa ay ako, samantalang `yong isa ay hindi ko masyadong mamukhaan. Nakaitim siyang T-shirt sa larawang iyon. Nang tignan ko kung may anumang nakasulat sa likod niyon, na parang caption, may nakita nga ako.
With my Dark Angel
December 15, 2013
Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko nang mabasa iyon. Sino ang Dark Angel kong ito? Mariing tinitignan ko ang T-shirt na suot niya. Mayroong naka-print doong pakpak ng anghel. Sa pagkakatanda ko, may ganoong sketch sa study table ni Peter. Hindi ako pupuwedeng magkamali. Ang sketch na nakita ko noon sa study table niya at ang naka-print dito sa T-shirt ng kasama ko ay iisa! Agad kong tinawagan si Peter.
“Hello?” Agad niyang sinagot ang tawag ko. Kaya naman inilahad ko sa kanya lahat ng mga paghihinala at nalaman ko.
“Pero hindi mo pa rin ako matandaan, tama?” malungkot niyang wika nang matapos kong ibahagi sa kanya ang lahat.
“Ano ba ang dapat kong matandaan?” tanong ko naman.
“Isipin mong mabuti,” makabuluhang sabi niya saka namatay ang tawag.
X
Papalubog na ang araw, ngunit marami pa ring tao ang nasa parkeng ito. Narito pa rin si kuyang nagbebenta ng lobo at ang sorbeterong alam na alam na ang bibilhin naming sorbetes.
Magkahawak ang aming mga kamay habang pinagmamasdan ang nagkukulay kahel na araw. Tangan niya ang paper bag na naglalaman ng regalo ko sa kanya.
“Salamat ulit dito, a,” biglang sabi niya kaya naman napatingin ako sa kanya.
“Walang anuman,” sagot ko naman.
“Ma-mi-miss kita.” Bigla kong namalayan na ito na pala ang huling araw niya rito sa bansa. Agad naman akong nakaramdam ng lungkot at sakit. Walang anu-ano`y agad ko siyang niyakap habang patuloy na umagos ang mga luha ko.
“Ma-mi-miss din kita, bumalik ka rito, a!” bilin ko sa kanya.
“Oo naman, pero kung matagalan man ako, heto, o,” aniya saka inilahad sa akin ang kinuhang litrato ng pinsan niya. Litrato naming dalawa noong unang beses kaming nagpunta sa parkeng ito.
“Masyado pa tayong mga bata para sa mga kilig at romansa na iyan. Pero sisiguraduhin ko, kapag nagkita tayong muli, pareho na tayong handa sa mga iyan,” malalim niyang wika saka nagtuloy-tuloy na bumaba ang araw hanggang sa mawala na ito.
Hindi na ako nagtaka noong maramdaman kong basa ang aking mga mata. Napakagat na lamang ako sa aking labi habang inilalabas pa ang mga luha ko dulot ng panaginip na iyon. Lubhang napakamakapangyarihan ng panaginip. Ito ang isa pa nating salamin. Dito mas nagkakaroon tayo ng ibang pakiramdam sa mga bagay-bagay sa ating paligid. Higit sa lahat, ito ang nagpapabago sa mga pananaw natin sa reyalidad habang tayo ay inilalayo nito rito.
Malamyos ang simoy ng hangin na dumampi at humaplos sa aking mga pisngi. Nakatulog na pala ako kagabi, siguro dahil sa pagod. Doon ko lang din napansin na napayakap na pala ako sa diary ko. Pagbukas ko rito, nalaglagang inipit kong litrato namin ng itim kong anghel. Litrato namin ni Peter. Oo, siya nga ang batang kasama ko rito. Dahil dito, mas lalong tumaas ang interes ko sa koneksyon namin noon. Binuklat ko ang ilang mga dahoon ng talaarawan kong iyon. Napaubo-ubo naman ako habang nalalanghap ang mga alikabok na nakapasok din dito. Nagbasa ako ng aking mga isinulat.
Marami akong isinulat ditong mga tula at maiikling prosa. Halos lahat ay patungkol sa kanya. Sa aming dalawa.
Bumangon ako agad sa kama at pinuntahan si Kuya.
“Kuya!” pagtatawag ko sa kanya habang siya ay abalang nanunuod ng balita.
“Umagang-umaga ang hyper mo, bakit? Anong mayroon?”
“Mukhang unti-unti ko nang nalalaman ang lahat,” masayang pagbabahagi ko sa kanya. Lumawak ang kanyang ngiti.
“Mabuti naman, sana nga Bunso ay maalala mo na ang lahat,” paghiling naman niya. Magtatanghali na noong nagpaalam ako sa kanya na pupuntahan ko si Peter sa condo niya. Mabuti nga at pinayagan naman niya ako kahit na batid niya ang naging away namin kahapon.
“Basta huwag na sana maulit pa ang nangyari kahapon,” paalala niya sa akin bago ako umalis.
“Oo, Kuya!” masayang tugon ko.
Sana nga magkatotoo ang hiling ni Kuya. Sana nga maalala ko na ang lahat.
Nag-text ako kay Lyndon at ipinaalam na pupuntahan ko si Peter. Nang medyo malapit na ako sa condo ni Peter, tumawag si Lyndon.
“Bakit ka na naman pupunta sa kanya?” ma-awtoridad niyang sabi.
“May mga aalamin lang ako na maaaring makatulong sa kondisyon ko,” paliwanag ko sa kanya. Narinig ko sa kabilang linya ang paglalim ng kanyang hininga. Matapos niyang bumuntong-hininga, sumagot niya muli.
“Sana nga makatulong siya,” may halomg lungkot na sambit niya saka pinatay ang tawag.
“Kailangan ko munang malaman ang lahat, bago ko aayusin ang mga ito,” pagbibigay ko ng lakas ng loob sa aking sarili.
X
“Ano pa ba ang kailangan nating pag-usapan?” iritang sabi niya.
“Ikaw si DarkAngel_15, tama?” direktang tanong ko. Nag-iba ang ekspresyon ng kanyang mukha.
“Ha?” painosente niyang sagot.
“Peter, huwag na tayong maglokohan pa rito! Nandito ako upang malaman lahat ng katotohanan. Upang pabulaanan sana ang mga hinala ko,” matapang na pahayag ko.
“Kung ako nga ang sinasabi mong DarkAngel_15, ano naman?”
Agad ko siyang niyakap. Napahagulgol ako sa kanyang mga balikat. Damang-dama ko ang mga bisig niyang ninanais akong protektahan noon pa.
“Naaalala na kita, Peter,” masayang sabi ko sa kanya. Napakalas siya sa pagkakayakap ko at naguguluhang tinignan ako.
“T-talaga? Paano?”
Ipinakita ko sa kanya ang luma naming larawan. Nang hawakan niya iyon, labis siyang napangiti.
“Tayo na ito,” masayang sambit niya saka yumakap sa akin.
“Masyado akong natutuwa na naalala mo na ako. Sana naalala mo na ang lahat,” bigla niyang wika. Napangiti ako saka iyon ay unti-unting naglaho.
“Noong mga nakaraang gabi, marami akong nagiging panaginip patungkol sa ating dalawa noon, kaya itong tanong ko ay sana sagutin mo ng totoo,” mahiya-hiya kong sabi habang kumakabog ang aking dibdib. Pilit kong kinukumbinsi ang aking sarili na malaking bulaan lamang ang hinala kong ito.
“Ano ba `yon?”
“Ikaw ba si Peter Sandoval na unang lalaking minahal ko?”
Tila siya ay napipi sa tanong ko. Ilang minutong namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Humugot siya nang malalim, bago nagsalita.
“May dalawang batang magkaibigan noon. Tila nakatadhana na silang maging magkaibigan dahil halos sa lahat ng bagay at interes ay magkahalintulad silang dalawa. Nagsimula silang magkakilala sa isang parke. Hanggang sa lumaki silang dalawa, magkasama pa rin sila. Mayroon pa nga silang palayaw sa isa`t isa. Lampa at Strawberry,” panimulang sambit ni Peter habang nakatingin lamang sa akin. Samantalang ako parang may kung anong tumatakbo sa isip ko. Para ko ngang na-vi-visualize lahat ng mga pinagsasabi niya, e.
“Dumating ang araw na kailangang umalis ni Lampa upang magpagamot sa Amerika. Lumubha kasi ang sakit nito kaya kinailangang makapag-bone marrow transplant na agad. May nakitang donor ang kanyang mga magulang, ngunit nasa Amerika nga. Nangako silang dalawa sa isa`t isa na babalikan nila ang isa`t isa sa parkeng nagsilbing unang tagpuan nilang dalawa. Lingid sa kaalaman ni Lampa, itong si Strawberry ay inaabuso pala ng kanyang ama at nadagdagan pa lalo ang kanyang depsresyon sa paglisan niya kaya nagkaroon din ito ng isang sakit.”
Napansin kong unti-unting pumapatak ang mga luha ni Peter habang nagsasalaysay ngunit hindi ito naging hadlang upang hindi niya ipagpatuloy ang kanyang paglalahad sa akin.
“Nagpagaling at nagpalakas si Lampa sa Amerika. Hanggang sa napagdesisyunan nitong balikan na si Strawberry. Sinadya nitong hanapin siya at alamin ang kanyang mga kinaroroonan. Salamat sa tulong ng kaibigan niyang si Lyndon. Nang mahanap na niya ito, naramdaman niya na sobra na itong nagbago. Kasabay ng pagbabagong iyon ay ang pagkalimot sa kanya. Pero ngayon, nandito na sa harapan ni Lampa si Strawberry,” pagtatapos niya ng kuwento saka hinawakan ang mga kamay ko.
“Kainis `tong mga luha ko, panira ng moment,” pabirong sabi niya sa akin habang hawak pa rin ang mga kamay ko. Wala man lang akong masabi o reaksyon matapos niyang magkuwento. Nagkatotoo ang mga hinala ko. Na siya ang Peter ko. Siya ang Lampa. Siya ang mahal ko.
“Hindi ka makaimik d`yan? Huwag mo akong kaawaan,” matigas niyang sabi saka marahas na pinunasan ang kanyang mga luha. Tumingin siya sa akin nang diretso.
“Masaya ako kasi nagbalik ka na,” malambing niyang sabi sa akin. Napangiti na lamang ako. Masaya ngang nakabalik ako. Lalo na ang mga alaala ko. Kinuha niyang muli ang larawan naming dalawa.
“Tignan mo, o, ganito tayo kasaya noon. Puro tayo tawanan, kulitan at asaran. At sa hindi inaasahan, nagmahalan.”
“Oo nga, kakaiba ang ligaya na nakamit ng mga batang iyan,” pahayag ko.
Pakiramdam ko umaakyat na sa mukha ko ang aking dugo. Nagisiliparan na rin ang mga paru-paro ko sa tiyan. Nagsisimula na ring magrigodon ang puso ko. Tunay ngang iba ang epekto sa akin ng taong ito. Tunay ngang iba ang epekto ng unang mahal mo.
“Alam mo ba, dati noong mga bata tayo, isinisisi natin ang mga initials nating magpakareho kung bakit tayo nahulog sa isa`t isa. Hahaha! Mabuti na lamang kahit paano ay natututo tayong huwag bigyan ng kaukulang pansin ang sinasabi ng iba. Lalo na ng mga mapangmatang mga tao sa paligid.”
“Hahaha, oo nga, e. Ang laking coincidence kasi noong P.S., e!” pabiro kong sambit sa kanya at kapwa kami nagtawanan. Natigil ang aming tawanan ng bigla siyang nagseryoso. Nagulat na lamang ako at bigla siyang lumuhod sa harap ko.
“Patrick Sanchez, will you be mine again?” tanong niya na nagpakabog sa dibdib ko.
Bago ako sumagot biglang pumasok sa aking isipan ang masaya at palangiting mukha ni Lyndon lalo na ang mga masasaya naming alaala na pinagsaluhan.
Si Lyndon ang kumalinga sa akin mula pa noon. Lalo na noong nawala si Peter. Si Lyndon din ang siyang taong lubos kong inaasahan at pinagkakatiwalaan magpasahanggang ngayon.
Agad kong binawi ang aking mga kamay. Dali-dali akong tumakbo palabas ng kanyang condo. Ngunit nahabol niya ako at niyakap mula sa likod. Damang-dama ko ang init ng kanyang hiningang dumadampi sa aking batok at balikat.
“Pat, please stay,” pagsusumamo niya. Pumiglas ako at kumawala sa pagkakayakap niya. Humarap ako sa kanya at saka ko hinawakan ang magkabila niyang pisngi.
“No, I can’t.”
Habang tuluyan akong lumalayo sa condo ni Peter, pakiramdam ko ay lumalayo na ako ng tuluyan sa buhay niya. Salamat sa lahat Peter Sandoval. Lalo na sa mga alaala. Huwag kang mag-alala, ang mga iyon ay mananatili pa ring mga alaala nating dalawa.
WAKAS