Hindi ko na alam ang totoo sa kasinungalingan. Mas lalong hindi ko na rin alam ang reyalidad sa panaginip. Napabalikwas ako sa kama nang dahil sa panaginip kong iyon. Mula ng nalaman kong mayroon akong psychogenic amnesia, halos inaraw-araw ko ng isipin ang koneksyon ko kay Peter na humantong sa malagim na panaginip na iyon. Hindi ko maatim na ganoon ang kinahinatnan ng aking panaginip. Para nga iyong totoong-totoo, e. Ngunit pilit kong ikinikintal sa aking isipan na panaginip lamang iyon. Isang bangungot kung tutuusin.
Ilang buwan na ang nakakaraan nang umalis si Lily, kahit naman ganito ang nangyari sa aming dalawa hindi ko maiwasang hindi mag-alala sa kanya. Kung minsan ay kinukumusta ko siya kay Lyndon. And no, wala na akong selos na nararamdaman pa. Ang nakatutuwa pa nga riyan ay ilang linggo na lamang, bakasyon na! Final examination na namin this week! Kung kaya`t puspusan na ang ginagawa kong pag-aaral lalo na`t ninanais ko ring magkaroon ng mataas na marka.
“Buburuhin mo ba ang sarili mo rito?” untag ni Lyndon na nagpabalik sa akin sa reyalidad. Narito kami sa silid-aklatan, abala akong nagbabasa patungkol sa World History kasi iyon ang asignatura na pinakamahina ako. Nakakaurat naman kasing magsaulo ng mga ito!
“Kailangan kong makapasa rito,” puno ng determinasyon kong wika sa kanya.
“Oo na, oo na. Sabi mo, e,” wika naman ni Lyndon.
***
Magtatanghalian na ng makalabas kami sa library, buti na lang at walang pumasok sa aming mga prof ngayong umaga. Mga abala rin sila, e. Habang papunta kami ni Lyndon sa classroom, nakasalubong namin si Peter sa may hallway. Akma niya kaming babatiin pero agad kong hinigit si Lyndon at nagtuloy-tuloy kami sa paglalakad. Nang makarating kami sa classroom, puno ng pagtataka ang ekspresyon ng mukha ni Lyndon.
“Hindi halatang iniiwasan mo siya,” sarkastikong kumento niya sa ginawa ko kanina habang madalian kong inaayos ang mga gamit ko.
“Tara na,” ani ko. Mapakla siyang ngumiti sa akin.
“Pag-usapan natin `yan,” ma-awtoridad niyang saad. Napalunok naman ako sa tinuran niyang iyon, tunay ngang natatakot ako sa taong ito kapag nagseseryoso na.
***
Pati yata mga prof namin ay nadapuan na ng Friday sickness kaya idineklara nilang wala na kaming pasok ngayong hapon at good luck daw sa amin sa Lunes. Dumiretso kami sa bahay ni Lyndon. Nagpaalam naman ako kay Kuya Austin na tutuloy muna ako kay Lyndon. Tuwang-tuwa naman ito at nakuha pa akong asarin.
“Sus, baka ibang one-on-one study ang maganap, a!” biro niya sa akin.
“Ewan ko sa iyo, Kuya! Kainis ka!” tugon ko naman sa kanya saka ko pinatay ang tawag.
Nagtungo ako sa kusina kung saan abalang nagluluto si Lyndon ng pananghalian namin. Labis akong nainitan nang makita siyang naka-boxer shorts at naka-sando lamang habang nagluluto. Napatungo naman ako kasi pakiramdam ko ay napaakyat ng wala sa oras ang lahat ng dugo ko sa aking mukha. Napakagat labi naman ako habang paisa-isa akong humahakbang palapit sa kanya.
“Hmm,” mahinang sambit ko habang inaamoy ang masarap na aroma ng iniluluto niyang ulam.
“Uy!” masiglang bati niya naman sa akin. Nang makita ang buong mukha ko, agad siyang napahinto sa pagluluto at sinalat ang noo ko.
“May sakit ka ba?” nag-aalalang tanong niya sa akin. Umiling-iling naman ako.
“O, bakit ang pula-pula mo?”
Inginuso ko ang katawan niya. Napatingin siya rito at nanlaki ang kanyang mga mata.
“Ay, hala, sorry!” aligagang sabi niya at saka akmang papunta sa kuwarto upag magbihis ng mas maayos na damit pero pinigilan ko siya.
“Okay lang, hindi lang ako masyadong sanay na ganito. Lalo na…” hindi ko na natapos ang sasabihin ko ng bigla aiyang sumingit.
“Di bale, ikaw lang naman ang makakakita nito, e,” pabirong sambit niya at natawa ako.
“Akala mo ang ganda ng katawan, puro baby fats naman,” kantiyaw ko sa kanya habang kinukurot-kurot ko ang mga bata niyang bilbil. Napalinghing siya dahil dito.
“Tigilan mo `yan, nakikiliti ako. Hahahaha!”
Pero hindi ko pa rin tinigilan hanggang sa hinawakan niya ang kamay ko at sinamaan ako ng tingin.
“Sabi ko sa iyo, tigilan mo na, e. Humanda ka ngayon sa akin.”
Agad akong pumiglas at tumakbo sa salas. Naghabulan kami na parang mga bata sa loob ng bahay. Tawa kami nang tawa dahil sa kilitian naming dalawa. Hanggang sa nakaamoy ako ng parang may nasusunog.
“Ay, hala! `Yong niluluto ko!” malakas niyang sabi saka dali-daling nagtatakbo papunta sa kusina. Ang piniprito niyang daing pala ang nasunog. Nang hanguin niya iyon sa mantika, itim na itim na ang isda.
“Ay, hala. Sorry,” paumanhin ko naman sa kanya.
“Hindi okay lang, isa na lang naman ito, e. Ipakain na lang natin sa pusa, hahaha!”
***
Kinahapunan, napagdesisyunan naming manuod ng pelikula. Ipinakita niya sa akin ang lagayan ng mga CDs at DVDs niya. Nang tignan ko iyon karamihan ay mga action films. Mayroon ding mga anime.
“Ay? Hindi naman ako maka-relate sa mga iyan,” pagmamaktol ko. Kasi naman sa mga pelikula na narito, maski isa ay wala akong alam.
“Mayroon ako rito na siguradong makaka-relate ka.”
“Ano naman?”
“Ito, o.” Sabay lahad niya ng Titanic na CD.
“Wow, hindi ko aakalaing nanunuod ka ng ganito,” manghang sambit ko habang papunta kami sa kwarto.
“Marunong din naman akong kiligin kahit paano,” sagot naman niya. Kinuha at binuksan niya ang laptop saka isinalang ang CD dito.
“Wala akong speaker, e. Magtiyaga tayo sa ear phones,” aniya saka ibinigay sa akin ang isang ear phone.
Tahimik kaming nanunuod. Samantalang ako, laging napupunta sa dalawa ang paningin ko. Kay Jack ng Titanic at kay Lyndon na parang dalang-dala sa mga mabibigat na eksena.
“Grabe `to, o,” kumento niya sa eksenang gumuguhit si Jack habang nakahubad si Rose.
“Nude art `yan,” sagot ko naman.
“Kahit na, anong klaseng art `yan!”
Napatawa na lang ako sa sinabi niyang iyon.
Nang matapos namin ang pelikula, halos dama ko pa rin ang hinagpis ni Rose ng mamatay si Jack. Talagang pinatotohanan ng pelikula na true love is full of sacrifices.
“Dapat tinutularan si Jack,” sabi ko kay Lyndon na kasalukuyang inaayos na ang laptop.
“Dapat magpakamatay na rin pala ako sa yelo, ganoon?” pabalang na sagot niya. Mahina kong hinampas ang kanyang balikat.
“Abno! Hindi naman ganoon ang ibig kong sabihin. Dapat kapag nagmamahal marunong magsakripisyo.”
“Sus, kung isulat mo na lang kaya ang love story natin?” mapanghamong wika niya.
***
“Who delivered the Gettysburg Address?” tanong sa akin ni Lyndon. Medyo malapit ng kumagat ang dilim, pero heto pa rin kami sa World History. Nang matapos namin ang Titanic, pinilit ko siyang mag-review na kami para bukas mag-re-relax na lang kami. Buti na nga lang ay napilit ko siya, e.
“American President Abraham Lincoln,” sagot ko. Ngumiti siya.
“Correct! O, magpahinga na tayo. Nakakadugo na ng utak ang tatlong oras na pag-re-review ng World History. Subukan mong magpahinga muna kaya?” Sasagot sana ako nang biglang tumunog ang cellphone ko. Pagkakita ko rito nalaman kong tumatawag pala si Peter.
“Sagutin mo kaya?” sabi ni Lyndon sa akin. Makailang beses na kasi siyang tawag nang tawag ngunit hindi ko sinasagot. Bagkus ay tinitignan ko lang ang cellphone ko.
“Ano namang sasabihin ko?”
“Malamang, e `di hello,” pambabara niya sa akin. Binatukan ko nga.
“Aray naman! Mapanakit ka kamo!” parang batang sambit niya.
Tumunog na naman ang cellphone ko.
Peter Calling…
Sasagutin o sasagutin? Kainis! Ano ba, Patrick! Baka naman may importante siyang sasabihin o kaya naman mangungumusta lang matapos mong lantarang iwasan kanina.
Medyo labag man sa kalooban ko, sinagot ko ang tawag niya.
“Hello,” kinakabahang sagot ko.
***
Papunta kami ngayon ni Lyndon sa condo ni Peter. Buti na lang at pinayagan niya akong mag-stay kay Peter kasi hanggang gabi raw ang tutorial ko sa kanya, e. Nagpapaka-study buddy na naman ako.
“Speaking of Peter, hindi mo sinabi sa akin kung bakit mo siya iniiwasan, ano ba talagang mayroon?”
“Sasabihin ko sa iyo once na ma-figure out ko na itong lahat,” kalmadong sambit ko.
“Okay, ingat ka,” may lungkot na wika niya. Ngumiti ako at saka ko siya niyakap nang mahigpit. Nang kumalas ako sa pagkakayakap, pumasok na ako sa condo ni Peter.
Makatatlong katok pa lamang ay bumukas na agad `yong pinto. Bumungad sa akin si Peter na parang kagagaling lang sa pagkakatulog.
“Aga mo namang matulog,” biro ko sa kanya. Ngumiti lamang siya ng pilit. Saka niya ako pinapasok sa loob. Nakita ko agad ang gulo sa buong condo niya. kalat-kalat ang mga libro niya at iba pang gamit saka may ilang mga basag na figurines din.
“Anong mayroon dito?” takang untag ko sa kanya. Nagtuloy-tuloy lang siya sa paglalakad hanggang sa mahinto siya sa may salas. Umupo siya sa may sofa saka niya ako niyayang umupo sa kanyang tabi.
Iginala-gala ko naman ang aking paningin sa buong estado ng kanyang condo ngayon. Mukha itong binagyo. Hindi ako sanay na ganito ng lugar ni Peter, lalo na`t napatunayan niya sa akin noon na masinop siya sa mga gamit.
“Sorry if I called late,” bulalas niya na nagpapukaw ng atensyon ko.
“Okay lang, buti na nga at katatapos lang namin ni Lyndon mag-aral, e. O, let’s start?” paanyaya ko saka ko paisa-isang inilabas ang notes ko mula sa dala kong sling bag. Hinawakan niya ang kamay ko, senyales na itigil ko ang ginagawa ko. Napatingin ako sa kanya.
“Bakit?” takang pagtatanong ko sa kanya.
Mariin niya akong tinignan saka tumawa ng mapakla. Naguluhan naman ako sa inaakto niya ngayon.
“Peter?” pagtatawag ko sa kanya.
Mula sa pagtawa ng mapakla, napalitan nito ng pagtawa habang tumatangis. Agad ko siyang inalo saka pinunasan ang kanyang mga maiinit na luha.
“Anong nangyayari sa iyo? Uy,” pagtatanong ko habang patuloy pa rin siya sa pagtangis.
May kung anong kumurot sa aking dibdib nang makita ko siyang nagkakaganito. Kilala ko si Peter bilang lalaking sobrang matapang at malakas ang loob. Ngunit ngayon, nalaman kong maski ang pinakamatapang na taong kilala ko ay natututo ring umiyak at maging pagal.
“Peter,” mahabaging pag-aalo ko sa kanya ng bigla niya akong niyakap. Unti-unting nadadama ng aking balikat ang maiinit na luha niyang bumabasa rito.
Marahan kong hinagod ang kanyang likod. Wala akong maisip na maaaring pang gawin upang mapagaan ko ng loob niya. Kasi hindi ko alam ang dahilan ng pagiging ganito niya. Ayaw ko mang isipin ngunit hindi maialis sa aking gunamgunam nab aka ako ang may dahilan ng pagiging ganito niya. `Yong lantaran kong pag-iwas sa kanya.
Humihikbi-hikbi siya nang magkalas ang aming yakapan. Pilit syang ngumiti.
“Salamat at nandito ka na,” mahinang sabi niya. Ipinatong niya ang kanyang ulo sa aking basang balikat. Hinaplos ko naman ang makinis niyang pisngi. Natigil iyon ng bigla niyang hawakan ang kamay ko saka itinapat sa dibdib niya.
“Pakiramdaman ko ang t***k ng puso ko,” aniya habang itinatapat ang kamay ko sa kanyang dibdib.
Ang t***k ng kanyang puso ay tila kahalintulad ng sa akin. Ang pagririgodon niyon ay parang sumasabay sa pagrigodon ng puso ko ngayon. Nagitla ako kasi para akong nagkakaroon ng emotional imbalance.
Hindi ko na alam ang dapat kong maramdaman.
“Hayaan mong ganito muna tayo, please?” pagsusumamo niya. Tumango naman ako saka kami ay pareho na nanahimik.
***
Tuluyang kumagat ang gabi ngunit tahimik pa rin kaming dalawa. Ang tunog lamang ng pagtakbo ng oras ang siyang nagbibigay ng ingay sa atmospera ng paligid. Nanatili pa ring nakapatong ang aking kamay sa dibdib niya.
“Patrick?” banggit niya sa aking ngalan. Medyo nagulat ako kasi ito yata ang pinakaunang pagkakataon na binanggit niya ang buo kong ngalan.
“Hmm?” sambit ko. Napahilig siya ng kanyang ulo at tumingin sa akin.
Tila nag-aalab ang kanyang mga mata na siyang nakikiusap sa akin ngayon. Punong-puno ito ng pagmamakaawa at pagsusumamong hindi ko alam kung ano ang dahilan. Bumigat ang hangin dahil pakiramdam ko ay kinakapos ako ng hininga nang magsimulang maglapit ang mga mukha namin sa isa`t isa. Binasa niya ng kanyang laway ang kanyang mga labi saka nagana pang hindi inaasahan.
Isang mapaghamon at makasalanang halikan.
***
Mabigat man ang mga talukap ng aking mga mata ay nagawa ko pa rin itong imulat. Unti-unting lumiwanag ang buong paligid. Umaga na pala. Dahan-dahan akong kumilos at lumabas ng kuwarto. Hindi na magulo ang buong paligid. Wala na rin ang mga kalat at bubog.
Nakita ko sa sofa ang maayos na tuping kumot ni Peter. Nakakahiya man pero sa kanyang kama ako natulog kagabi. Pambawi niya raw sa ginawa niyang akto sa akin. Nang mabalik sa aking alaala ang nangyari kagabi, parang uminit muli ang aking mga labi. Tila pakiramdam ko ay nakalapat pa rin ang aming mga labi sa isa`t isa.
“Peter, mali itong ginawa natin,” sabi ko nang matapos ang aming halikan. Ilang minuto ang ginugol ko upang magkaroon ng lakas ng loob na sabihin iyan sa kanya.
“Alam ko, patawad Patrick,” malungkot niyang sambit saka tumayo at dumiretso sa kuwarto. Agad kong naisip si Lyndon noong mawala siya. Paano ko kaya mahaharap si Lyndon na ganito? Matatanggap pa kaya niya ako? Isang uri ito ng kataksilan, hindi ba? Ang halikang ganito ay hindi normal sa mga magkakaibigan, tama? Sobrang daming mga tanong at ilang posibilidad ang siyang tumatakbo sa aking isipan. Karamihan pa nga ay puro masasamang posibilidad.
Natigil ang aking pag-iisip nang lumabas si Peter sa kuwarto na may dalang unan at kumot.
“Matulog ka sa kama ko, ako na rito,” ma-awtoridad niyang utos. Nagbabalik na naman ng pagiging arogante niya!
“Ayoko, nakakahiya naman sa iyo,” mahiya-hiyang sabi ko.
“Matulog ka na sa kuwarto. Ako na rito sa sofa,” matigas niyang bulalas. Kaya naman wala akong nagawa kundi ang sundin niya. Bago ko isara ang pintuan ng kuwarto, tinignan ko muna siya habang abalang inaayos ang sofa.
Nang nasa loob na ako, napasabunot ako sa aking sarili dahil sa sobrang inis.
“Ano ba, Patrick! Ang tanga mo naman! Nakakainis! Nakakainis! Paano ka ngayon niyan kay Lyndon? Sasabihin mo ba o hindi? Kainis! Isa kang malaking taksil!”
Natigil ang pagnenermon ko sa aking sarili nang tumawag si Lyndon. Halos manginig pa nga ako noong nag-uusap kami, e.
“Kumain ka na? Kumusta naman d`yan?” sunod-sunod niyang pagtatanong.
“A, o-oo! Okay lang ang lahat dito. Medyo katatapos lang naming kumain, ikaw ba?”
“Pinilit ko lang kumain, wala ka kasi, e.”
“H-hahaha! L-loko ka.”
“Sige pala, mayamaya matutulog na rin ako. Good night.”
“Sige, good night.”
Nang matapos ang aming tawagan, labis-labis kong ipinalangin na sana hindi niya nahalatang halos garalgal at utal-utal akong magsalita. Kapag nagkataon, patay ako nito!
“Tungkol sa nangyari kagabi…” Hindi ko na pinataposang bala sanang ipahayag ni Peter kasi ayokong pag-usapan ang tungkol doon. Halos mamatay kaya ako sa konsensya!
“Huwag na natin `yan pag-usapan. Mukhang okay ka naman na, kaya mayamaya lamang ay aalis na `ko,” anas ko. Napahinto siya sa pagkain saka tumango.
“Sige, ihahatid kita.”
“Kahit huwag na.”
“No, I insist.”
***
Tahimik kami pareho habang umaandar ang kotse niya. Sa aking isipan patuloy pa rin ang pagtakbo ng mga tagpong nangyari kagabi. Pero hanggang sa ngayon, hindi ko pa rin talaga alam ang magiging pakikitungo ko kay Lyndon.
“Iliko mo na lang d`yan. D`yan na `ko bababa,” anas ko. Nang makababa na ako sinundan ko na lamang ng tingin ang kotse ni Peter hanggang sa mawala na ito sa aking paningin.
Napagpasyahan kong dumiretso sa secret place namin ni Lyndon. Doon ko muna pakakalmahin ang loob ko. Nagtagal ako ng halos kalahating oras doon saka ko naisipang umuwi na kay Lyndon.
“O, nandito ka na pala,” bati niya sa akin. Masyadong masaya ang mood niya ngayon, ayaw ko namang sirain iyon sa sasabihin ko.
“Hindi, picture ko lang `to,” sarkastikong pahayag ko.
Walang anu-ano`y agad niya akong niyakap ng mahigpit.
“Na-miss kita,” bulong niya sa akin.
Pikit-mata akong tumugon sa kanya na siyang hudyat na magigimbal siya sa mga susunod na sasabihin ko. Tiyak akong magagalit siya, kaya naman naisip ko habang nasa secret place ako kanina na dapat kong sabihin sa kanya iyon. Anuman ang mangyari, kailangan kong harapin ang anumang consequence na kahaharapin ng mga ginawa ko.
“Lyndon, sorry,” malungkot na sabi ko sa kanya kung kaya`t agad siyang napakalas ng yakap. Hinawakan niya ang magkabilang braso ko.
“Bigla naman akong natakot sa sasabihin mo, pero sige, ano ba`yon?”
“Sorry kasi nagtaksil ako. H-hindi ko talaga alam kung bakit ganoon, e! Peter and I kissed last night. I swear, hindi ko ginusto ang mga nangyayari noon. Maski ako ay nagulat at mukhang nawala sa tamang huwisyo. Pero kiss lang iyon, isang halik lang iyon,” dire-diretsong paliwanag ko. Nanahimik lamang siya.
“Ano ang pakiramdam mo noong nakita mo kami ni Lily sa sofa?”
“Sobrang nagalit,” mahiya-hiya kong pag-amin.
“The feeling is mutual,” tipid niyang wika saka dumiretso sa kuwarto. Agad niyang isinara ang pinto. Kaya wala akong nagawa kundi ang bumalik sa sofa at humagulgol.
Ang lakas ng loob kong magalit sa kanila ng sobra, pero heto ako ngayon. Tila kinarma na. Alam ko na simula palang na ganito na ang mangyayari. Pero iba pa rin talaga kapag nasa ganitong sitwasyon ka na. Kahit pilit mong sabihin na alam mo na, pero once na nandito ka na sa ganitong sitwasyon, lahat ng alam at inaasahan mo ay mawawala na lang bigla.
***
Ilang oras ng hindi pa lumalabas ng kuwarto si Lyndon. Kinakatok ko naman siya pero sisigawan niya lamang ako.
“Go away!” Palaging sigaw niya kapag inaamo ko siya.
Napayakap na lang ako sa aking sarili. Ang kaninang maganda at masayang atmospera ay naging sobrang lamig at dilim. Damang-dama ko na nag-iisa ako ngayon. Kumpara sa naramdaman ko noon, marahil mas masakit ang kanyang nadadama ngayon lalo na`t legit na kataksilan na ang ginawa ko.
“Ang tanga mo talaga, Patrick! Tanga!” bulalas ko sa aking sarili. Napakagat na lamang ako sa aking labi habang patuloy na minamasdan ang pagtakbo ng oras. Sa bawat galaw niyon, parang sinasaksak ako. Hindi ko alam kung ano ang nadadama ni Lyndon ngayon, kung gaanong sakit ang pumapatay sa kanya sa loob ng kuwarto.
Huminga ako nang malalim, saka muling kumatok sa pinto.
“Lyndon?”
“Ilang beses ko bang dapat ulitin sa iyo na, go away!” pagtataboy niya sa akin.
“Lyndon, please. Sorry. Alam kong sobrang sakit na malaman iyon pero sana huwag mong pagmukmukan iyan. Please, mag-usap tayo,” nagmamakaawang sambit ko.
Biglang bumilis ang t***k ng dibdib ko nang tumunog ang seradura ng pinto at iyon ay bumukas.