Chapter 6
Lily POV
Napalingon naman ako sa tumawag sa akin at ikinatuwa iyon ng aking puso. Si Yaya Katkat na hinihingal pa. Tumakbo na ako para naman mayakap ko siya. Napansin ko na may dala siyang isang itim na backpack at akin iyon.
“Yaya Katkat? Pinaalis din po kayo ni Daddy?’ malungkot na sabi ko dahil mukhang sa akin ay nawalan ng trabaho si yaya.
“Hindi, Lily, sadyang sinundan kita nang makaalis na ang iyong daddy. Alam ko kasi na wala kang dala ni isang gamit mo. Pasensya ka na kung kaunti lang ang nadala ko ha, Lily. Baka kasi mahalata ng iyong Daddy at Mamita na kumonti ang gamit mo. Alam mo naman na hindi ako maaaring mawalan ng trabaho. Pasensya na talaga Lily, ito lang ang magagawa ko sa ngayon,” malungkot na wika ni Yaya Katkat sa akin pero napailing ako sa kanyang sinabi at pinipigilan ko na huwag maiyak dahil ayoko na malungkot din siya sa aking pag-alis.
“Sobra-sobra na po ang kabutihan niyo sa akin Yaya Katkat, maging sina Nanay Belen at ang iba. Malaking tulong na po itong ginawa niyo ngayon. Kahit hindi ko alam kung saan ako pupunta ay sisikapin ko na mabuhay para sa akin at para sa inyo. Balang araw ay masusuklian ko din ang kabutihan niyo sa akin,” at ang kanina ko pa piipigilan na luha ay bumagsak na, kaya naman nakita ko na nagingilid na rin ang luha ni Yaya Katkat.
“Basta mag-iingat ka Lily, heto kunin mo, pumunta ka sa pinsan ko sa Maynila. Tinawagan ko siya at pumayag siya na doon ka muna. Para naman alam ko na may matutuluyan ka. Alam mo naman na hawak ng Daddy mo ang buong Tagaytay, tiyak ako na nakagawa na iyon ng paraan para wala kang malapitan dito. Ang lupit talaga ng Daddy mo,” bigla ay nalungkot ako sa sinabi ni Yaya Katkat dahill may katotohanan naman ang sinabi niya. Natitiyak ko na gano’n nga rin ang mangyayari o nangyari. Madami kasing koneksyon ang pamilya namin dito maging sa ibang parte ng Cavite. Natitiyak ko na mahihirapan ako dito.
“Pero Yaya, ayoko pong lumayo dito sa Tagaytay hindi ko po kaya iyon,” naiiyak na sabi ko kay Yaya Katkat at nakita ko na nag-isip siya saglit.
“Sige, may kumare ako na malapit dito. Kung ayaw mo pang umalis dito ay doon ka muna pumunta. Makikiusap na lang ako sa kanya mamaya. Pero huwag mo iwawala ang address ng pinsan ko na ibinigay ko sa ‘yo okay?” napatango ako sa sinabi ni Yaya Katkat at muli ay nagpasalamat ako sa kanya.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung wala siya. Sinunod ko nga ang sinabi ni Yaya Katkat. Mabilis kaming pumunta agad sa bahay ng kanyang kumare at nakiusap siya na kung maaari ay patuluyin na muna ako. Nangako naman ako sa kumare ng ni Yaya na maghahanap ako agad ng trabaho. Nakita ko na tinignan ako ni Yaya Katkat na may pagtutol ngunit mas pinili niya ang tumahimik dahil hindi namin sinabi sa kumare niya kung sino nga ba talaga ako, kasi baka mamaya kapag nalaman niya ay hindi niya ako patuluyin. Mabuti na lang dahil mabait ang kanyang kumare at pumayag ito na makitira muna ako sa kanila. Dahil may kalakihan din ang bahay nito ay nagkaroon ako ng sarili kong kwarto. Iniwanan na ako ni Yaya Katkat dahil kinakailangan na niyang bumalik sa mansyon dahil baka mamaya ay biglang bumalik si Daddy doon at magtaka ito na wala sa mansyon si Yaya. Nagpasalamat ako ulit sa aking Yaya Katkat dahil sa kanyang mga naitulong.
“Kung may kailangan ka pa ay sabihan mo lang ako. Magluluto lang ako ng ating pananghalian,” nakangiti na sabi sa akin ni Ate Melba, ang kumare ni Yaya Katkat na siyang nagpatuloy sa akin sa bahay nila.
“Maraming salamat po Ate Melba,” nakangiti ko rin na sabi kay Ate saka siya lumabas ng kwarto.
Pgakalabas ni Ate Melba ng kwarto ay nagsimula ako na ayusin ang aking mga gamit. At habang inaayos ko ang mga gamit ko ay hindi ko rin maiwasan na maalala ang mga nangyari kagabi at kanina sa bahay. Dahil doon ay hindi ko nanaman napigilan ang aking pagluha. Hanggang ngayon pa rin kasi ay pala-isipan sa akin kung bakit gano’n ang trato sa akin ng sarili kong magulang, maging si Mommy ay hindi man lang ako nagawang ipagtanggol ng isang beses man lang.
“Bukod sa pagiging iyakin mo Lily ay mahina kang babae. Kaya siguro ayaw sa ‘yo ng pamilya mo,” sabi ko sa aking sarili sa pagitan ng aking paghikbi.
“Sana Lolo Juanito, nandito po kayo ngayon,” sabi ko pa sa aking sarili at napahiga. Nakalimutan ko na hindi pa pala ako kumakain ng almusal pero dahil sa walang tigil na pag-iyak ko ay nakatulog na ako.
Nagising ako dahil ginising ako ni Ate Melba at inaya niya akong kumain ng tanghalian. Tinanong ko kung bakit kaming dalawa lang ang kakain at ang sagot niya sa akin ay parehas daw na nasa trabaho ang kanyang asawa at lalakeng anak. Sinabi ko pa kung ayos lang ba na nandito ako sa kanila at ang sabi niya ay ayos loang at maiintindihan naman daw iyon ng kanyang mag-ama kaya naman muli ay nagpasalamat ako sa kanya.
Habang kumakain ay sinasandukan ako ni Ate Melba pero ang sabi ko ay ako na lang ang gagawa pero ang sagot niya sa akin ay ayos lang dahil gusto rin naman niya na magkaroon ng anak na babae matagal na ngunit hindi sila nabiyayaan ng kanyang asawa. Habang sinasabi niya iyon ay naramdaman ko na isang mabait na nanay si Ate Melba at naramdaman ko ang pagka nanay niya sa akin bagay na hindi ko naramdaman sa aking mommy.
“Bakit umiiyak ka, Lily? Hindi mo ba nagustuhan ang niluto ko?” nagulat ako sa tinanong ni Ate Melba dahil hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako.
“Naku, hindi po, may naalala lang po ako,” pinilit ko na maging masaya ang aking boses dahil ayoko mahalata ni Ate Melba ang dinadala ko ngayon. Ayoko na sila bigyan pa ng kahit na anong suliranin, sapat na pinatuloy ako ni Ate Melba sa kanilang tahanan.
“Mukhang may bisita tayo.”
---