Chapter 7
Lily POV
Ipinakilala ako ni Ate Melba sa kanyang asawa na si Kuya Albie at sa anak niyang si Josh na kaedaran ko lang pala. Malugod din naman nila akong tinanggap kaya naman labis akong natuwa doon. Sabay-sabay na nga kaming kumain at pagkatapos ay nag-presinta na ako na lang ang maghuhugas ng mga plato na pinagkainan namin. Noong una ay ayaw pa ni Ate Melba dahil ang ganda nga daw ng mga kamay ko na parang kamay ng mayaman at akala niya ay hindi ako marunong gumawa ng gawaing bahay. Pero sinabi ko sa kanya na marunong ako at ito ang magagawa ko para makabayad sa pagpapatira nila sa akin. Kaya sa huli ay napapayag ko sila na ako na lang ang maghuhugas ng mga plato. Pagkatapos ay pinuntahan ko si Ate Melba upang tanungin kung may computer sila o ‘di kaya naman ay laptop. Hindi rin kasi nadala ni Yaya Katkat ang laptop ko dahil baka nga naman magtaka sina Daddy kung bakit wala sa mansyon ang iba kong mga gamit. Iilang damit at sapatos ko lang ang nadala ni Yaya Katkat, nagulat nga din ako na may sobre na nakalagay sa bag ko. Pagtingin ko ay may laman na pera at sulat. Sinasabi sa sulat na tulong nila sa akin ang perang pinag-ambagan nila upang may magastos daw ako. Humihingi nga sila ng pasensya na sampung libo lang daw ang naibigay nila pero para sa akin ay sobrang laki na iyon. Alam ko na galing pa ito sa sweldo nila kaya lubos talaga ang pasasalamat ko sa kanila.
“Naku, pasensya ka na Lily, wala kasi kaming gano’n eh. Pero sa may kanto may computer shop. Pwede ka magrenta doon ng computer. Kaso sa gandang mong iyan ay baka mapag-tripan ka. Madami pa naman ang mga loko-loko sa lugar na ito,” napalunok naman ng aking sariling laway sa sinabi ni Ate Melba.
“Sasamahan na lang kita Lily, kung ayos lang sa ‘yo,” nakangiti na alok ni Josh sa akin na hindi ko napansin na nandito pala siya na tumutulong kay Ate Melba na magsampay ng mga labahin, samantala si Ate Melba ay nag-aanlaw ng mga labahin.
“Mabuti pa nga anak at alam mo naman na madaming tambay doon. Ano Lily, okay lang ba na sumama si Josh sa ‘yo?” napatango naman ako sa sinabi ni Ate Melba.
“Opo, saka mas okay nga po iyon dahil hindi ko rin po alam kung saan banda sa kanto ang computer shop. Gagawa po kasi ako ng resume para bukas ay makapag-apply po ako ng trabaho para makapagbigay din po ako sa ‘inyo,” nakangiti ko na sabi kay Ate Melba at nginitian na lang niya ako.
Inaya naman ako ni Josh pero ang sabi ko ay magbibihis na lang muna ako. Habang nagbibihis ako ay naalala ko ang sinabi ni Ate Melba na madami daw tambay na loko-loko doon sa may kanto at computer shop kaya naman ang sinuot ko ay ang makapal na tshirt ko at ang pantalon ko saka nag-doll shoes na lang ako at nilugay ko na lang ang buhok ko. Hindi naman ako mahilig mag-make up kaya mabilis lang ako matapos. Pagbukas ko ng pintuan ng kwarto ay nandoon na pala si Josh at tila natulala ito ng makita ako.
“Josh? Ayos ka lang ba,” tanong ko kay Josh pero tila hindi niya ako napansin hanggang sa binatukan siya ni Ate Melba upang matauhan na siya ulit. Natawa pa nga ako dahil hinila ni Ate Melba ang kanyang tenga, naawa naman tuloy ako kay Josh.
“Pasensya ka na kanina Lily kung natulala ako,” nahihiya na sabi sa akin ni Josh at nginitian ko naman siya. “Nakakatulala naman kasi ang kagandahan mo eh.”
“Bolero ka pala,” sabi ko sa kanya at nakita ko na namula siya.
“Josh! Aba, sino iyang magandang dilag na kasama mo? Nangangamoy mamahalin ah,” napatingin naman sa lalakeng kaedaran lang yata namin ni Josh, nakahubad ito at tanging short lang ang kanyang suot. Natakot naman ako dahil hindi ako sanay sa mga ganitong tao at lugar kaya naman nagtago ako sa likuran ni Josh. Mukhang nahalata naman ni Josh na natatakot ako. “Ipakilala mo naman kami, hi miss.” sabi pa nito at kinindatan niya pa ako na ikinailang ko.
“Mga pre, may pupuntahan pa kami eh. Sige una na kami,” sabi ni Josh at hihilahin na sana niya ako kaso ay humarang naman yung lalake na nagsalita at pagkatingin ko sa likod namin ay may dalawang lalake pa sa may likuran namin. Halatang-halata naman na nakainom sila at lasing.
“Josh!” tawag ko kay Josh at mas lalo siyang naalerto.
“Huwag kang matakot, hindi kita papabayaan,” sabi naman ni Josh sa akin kaya bahagya akong nakampante doon.
“Umuwi na lang tayo,” bulong ko pa kay Josh dahil nga natatakot pa rin ako. Baka mamaya ay mapano pa si Josh dahil sa akin.
“Mga pre, baka naman pwede niyo na kami padaanin ano?” halata ko na nagpipigil lang si Josh dahil nakita ko na nakakuyom na ang kanyang kamao.
“Aba, mukhang lumambot na ang isang basag ulo na si Josh dahil sa babae ah,” sabi pa nong isang lalake sa aming likuran.
“Magpasalamat na lang kayo dahil kasama ko siya, kundi kanina pa kayo nagbibilang ng mga bituin dahil; papatulugin ko kayo. Ano?!” nagulat ako dahil biglang sumigaw si Josh at inambahan niya yung lalake na nasa unahan namin pagkatapos ay may narinig kami na pumito.
“Anong nangyayari dito? Josh, ang aga-aga nakikipag basag ulo ka nanaman,” sabi nito kay Josh at magsasalita na sana ako para ipagtanggol si Josh pero naunahan ako ni Josh na magsalita.
“Kap, alam niyo naman na hindi ako papalag kapag hindi ako inuunahan diba? Dadaan lang naman sana kami ng kasama ko pero hinarang kami niyan eh,” pagpapaliwanag ni Josh sa barangay captain pala ng lugar na ito.
“Nakikipagkilala lang naman kami sa chiks kap,” sagot nong mga lalake na halata naman ang kalasingan sa kanila.
“Anong nakikipagkilala eh mukhang natatakot sa inyo itong si ganda. Mga lasing din kayo, sinong matinong babae ang makikipagkilala sa inyo aber? Gusto niyo ba dalhin ko kayo sa barangay ha?” mukhang natakot naman ang mga lalake kaya naman mas pinili na lang nila na umalis.
“Maraming salamat po,” sabi ko sa kapitan at nginitian naman ako nito.
“Naku, Josh, kung ganito naman pala kaganda ang kasama mo ay huwag mo siyang iagala dito sa atin at baka maharang nanaman kayo. Ayos ka lang ba hija?” papuri at tanong nito sa akin.
“Opo, pasalamat nga po ako na ipinagtanggol ako ni Josh,” sabi ko at umiwas naman ng tingin sa akin si Josh na tila nahihiya nanaman. “Salamat Josh,” sabi ko at napansin ko na namula ang tenga niya.
Tinanong kami ni Kap kung saan kami pupunta at si Josh na ang nagsabi na papunta kami sa computer shop kaya naman hinatid na rin kami ni Kap dahil banda dito pala ang bahay niya. Sinabihan pa nga ako ni Kap na sa susunod daw na may haharang sa akin lalo na kapag hindi ko kasama si Josh ay sabihin ko lang na pamangkin niya daw ako para matakot daw yung mga loko-lokong iyon. Nagpasalamat naman kami ni Josh kay Kap pagkatapos ay umalis na ito.
“Pasensya na Lily, alam ko na hindi ka sanay sa lugar na ito pero habang sa amin ka nakatira ay proprotektahan kita,” nagulat naman ako sa pagkaseryoso ng mukha ni Josh habang sinasabi iyon. Parang may humaplos sa aking puso ng marinig iyon kasi bukod pala kina Yaya Katkat at Nanay Belen at ibang kasama ko sa bahay ay may iba pa lang gustong protektahan ako at si Josh iyon.
“Salamat, Josh,” sabi ko kay Josh habang nakangiti ako.
Sinamahan na rin ako ni Josh sa loob ng computer shop, maging siya ay nagrenta na rin ng computer at maglaalro muna daw siya habang ginagawa ko ang aking resume. Magkatabi lang din naman ang nirentahan ni Josh. Mabilis ko lang naman natapos ang paggawa ko ng resume pagkatapos ay may natanggap akong email na nagsasabi na naka-freeze daw ang bank account kung saan nakalagay ang mga savings ni Lolo Juanito na sa akin nakapangalan, iniwanan iyon ni Lolo Juanito sa akin para may magamit akong pera sa oras na kailanganin ko pero mukhang pati iyon ay ipagkakait nila sa akin kaya naman kinakailangan ko na siguro muna huminto sa pag-aaral.
Kahit labag sa aking kalooban na huminto muna sa pag-aaral ay wala akong magawa. Wala na akong pagkukunan ng ipangbabayad sa kurso kong Fine Arts, tama lang talaga ang desisyon ko na maghanap muna ng trabaho sa ngayon at mag-iipon na lang ako ng pera para makapag-aral.
Malungkot ako habang nagta-type ng letter para maisend ko sa email ng dean ng university na pinapasukan ko na mag-drodrop out na ako sa university. Patago akong umiiyak dahil ayoko na magtanong pa si Josh at ayoko na pati iyon ay kanya ring isipin. Pagkatapos kong matype ay sinend ko na iyon sa email ng dean.
“Lolo Juanito, sorry po kung ma-dedelay ang pangarap niyo sa akin na makapagtapos ng pag-aaral. Pero sisiguraduhin ko po na matutupad din iyon. Tatandaan ko din po ang huli niyong sinabi sa akin bago niyo ako iwanan na tatagan ko ang aking loob, kahit hirap na hirap na ako, hindi po ako susuko. Pangako po Lolo Juanito.”
“I’m sorry Miss Suarez, maganda ang credentials mo, pero hindi kita pwedeng tanggapin sa kumpanya ko. Bukod kasi sa undergraduate ka, kilala ko ang mga magulang mo, baka maputol ang pagtulong nila sa muse-,” pinutol ko na ag sinasabi ng boss na nag-interview sa akin.
“I understand po,” nakangiti ko na sabi saka ako tumayo at tumango naman siya at iyon na ang naging hudyat upang makalabas ako ng kanyang opisina.
Halos nanlambot ang tuhod ko dahil sa pagkadismaya, tama nga nag sabi ni Yaya Katkat na hawak nga talaga ni Daddy ang buong Tagaytay kahit na hindi naman siya nakaupo bilang isang politiko, dahil na rin iyon sa mga koneksyon niya at dahil sa kanyang kayamanan. Halos hindi ko maisip na pati sa sarili niyang anak ay gagamitin niya ang gano’ng kapangyarihan na mayroon siya. Iniiwasan ko na huwag magtanim ng sama ng loob sa kanila dahil pamilya ko pa din sila pero dahil sa kanila ay hirap na hirap na ako ngayon. Hindi pa ba sa kanila sapat na hindi nila ako tinuring bilang isang kapamilya at kinakailangan pa nilang gawin ito sa akin?
“Ano, kamusta?” bumalik ako sa aking wisyo nang marinig ko ang boses ni Josh, sinamahan kasi ako ni Josh na mag-apply ngayon imbes na magpahinga na lang siya sa bahay, day off niya kasi.
“Katulad kanina,” malungkot na sabi ko kaya nawala din ang ngii sa mga labi ni Josh at napalitan iyon ng pagsimpatya sa akin.
“Alam mo madami pa jan na mas deserving na kumpanya. ‘Yung mga nag-reject sa ‘yo mamalasin din sila at magsisisi kasi hindi ka nila tinanggap,” sabi ni Josh na siyang nagpangiti sa akin kasi kanina niya pa sinusubukan na pagaanin ang aking loob.
“Salamat talaga Josh,” nakangiti na wika ko kaya naman nginitian din niya ako.
“Kain tayo, okay lang ba sa karinderya tayo kumain?”
”Mas okay siguro na pumunta tayo ng palengke tapos ako na lang yung magluluto. Mas okay iyon hindi ba?” nakangiti na tanong ko kay Josh at halata dito ang pagkagulat.
“Bakita Josh?”
”Nagulat lang ako Lily, kasi ang magandang katulad mo ay marunong pala na magluto.”
“Ha? Ano ang nakakagulat doon?”
“May mga kakilala lang ako na hindi marunong sa gawaing bahay at mas inuuna pa nila ang pagpapaganda kesa tulungan ang magulang nila. Pero wala iyon, huwag mo na isipin,” nakangiti na paliwanag sa akin ni Josh kaya naman hindi ko na lang iyon pinansin tulad ng kanyang sinabi.
Gano’n na nga ang ginawa namin, pumunta kami sa palengke upang bumili kami ng mga sahog sa aking lulutuin pagdating sa bahay. Natutuwa pa nga si Josh dahil maski ang pagtawad sa mga bilihin ay kaya kong gawin upang makatipid kami. Ang sabi ko na lang ay natutunan ko iyon sa kanyang ninang kaya naman naniwala siya dahil kilala niya din ang ninang niya na si Yaya Katkat na magaling ding magtawad ng mga bilihin upang makatipid. Magbabayad na sana ako kaso sa tuwing gagawin ko iyon ay inuunahan naman ako ni Josh kaya wala na akong nagawa.
“Nandito na pala kayong dalawa at ‘kay dami niyong pinamili. Ano ba ang okasyon?” bungad sa amin ni Ate Melba nang makita niya kami na nakarating na.
“Magluluto daw po si Lily, Inay,” nakangiti na kuwento ni Josh kay Ate Melba kaya naman napangiti na rin ako. Pagkatapos ay nagulat at muntikan na ako mapa-iyak sa sinabi ni Ate Melba dahil ngayon ko lang iyon narinig at iyon din ang hinihintay ko na sabihin sa akin ng mga magulang ko.
“Siya nga? Marunong ka din pala magluto, Lily? Naku, napakaswerte naman ng iyong mga magulang. Bukod sa maganda na ay masipag pa. Sana’y naging anak na lang kita, Lily.”
---