NASUNDAN na lang ng tingin ni Ria ang boss niya at ang babaeng tinawag nito sa pangalang Marinela. Kung totoong lalaki siya ay maaaring magkagusto talaga siya sa babae. Napakaganda talaga nito. Kung siya ang tatanungin ay bagay ito at ang boss niya.
Humugot siya ng hangin. Kinakalma pa rin niya ang puso niya. Sa totoo lang ay nasaktan siya ng slight sa sinabi ni Fabio, lalo na at wala naman siyang ginagawang masama.
Ngunit paano niya maiipagtanggol ang sarili niya? Kahit lalaki siya sa paningin ngayon ng iba, babae pa rin naman siya at wala siyang plano na ipahamak ang iba. Kahit wala talaga siyang ginagawang masama.
Muli ay naupo na siya sa working chair niya para ipagpatuloy ang naudlot niyang trabaho. Gusto niyang ipakita sa boss niyang karapat-dapat siya bilang sekretarya nito kahit hindi siya nakatapos ng pag-aaral.
Nakatapos na ulit si Ria sa isang folder ng lumabas mula sa opisina ng boss niya ang babaeng si Marinela.
"Pagpasensyahan mo na ang boss mo. May dalaw yata kaya nagsusungit," wika sa kanya ng babae. Kahit papaano ay nginitian niya ito. Wala namang masamang ginawa sa kanya ang babae, kaya dapat lang ay ibigay niya rito ang respetong karapat-dapat dito.
"No problem Ma'am," sagot na lang niya.
"By the way, Marinela is my name. It's my pleasure if you call me Marinela," malambing pang saad ng babae sa kanya.
"Okay Marinela."
"Good. Sige na. I need to go, Mario. Baka mamaya ay mag-ala dragon na naman si Fabio pag napansin na naman niyang kausap kita," paalam pa ni Marinela.
Nasundan na lang ni Ria ng tingin ang babae hanggang sa makalabas ito ng pinto. Ngunit hindi pa naglilipat ang segundo ay muling bumukas ang pintuan ng opisina ng boss niya.
"Tapos mo na ba ang trabaho mo? I need the files now!" asik sa kanya ni Fabio.
Kahit naman mag sungit ito ay wala naman siyang magagawa. Ito ang boss niya. Ito ang magpapasweldo sa kanya. Kaya wala siyang planong sumuway dito. Ang kapalaran niya ay nasa kamay nito. Kung makakaipon ba siya ng pera, sa bawat magiging sahod niya. O kaya naman ay matatanggal na siya sa trabaho.
"Tapos ko na Sir. Ito na," aniya.
Mabilis niyang dinampot ang dalawang files na natype na niya at napadala na rin niya sa email ng boss niya. Naayos na rin niya iyon ayon sa utos sa kanya.
"Okay, back to your work place. Tatawagin na lang kita pag may kailangan ako sa iyo," masungit nitong saad na ikinatango na lang niya.
Muli ay nagbalik si Ria sa pwesto niya. Unang araw niya sa trabaho pero hindi niya malaman kung maganda ba o pangit na simula ang araw na iyon.
Kaninang umaga ay sobrang good mood ng boss niya na sinamahan pa ng magandang aura at vibes. Tapos ngayon nagsungit na at parang gusto na rin siyang alisin sa trabaho.
Dumating ang tanghalian at hindi man lang sila nag-iimikan ng boss niya. Nilampasan lang siya nito noong lunch. Siya naman ay nagtungo na lang din sa cafeteria.
Maraming babae ang nanghahaba ang leeg para tingnan siya. Hindi naman na iyon bago sa kanya. Kahit siya naman ay talagang napapatigil sa harap ng salamin pag nakikita niya ang bagong itsura niya. Maayos na naitago niya ang kanyang totoong buhok. Habang sobrang tibay ng pagkakalagay ng wig niya.
At ang labi niya, normal na mapula. Kung tutuusin, pwede na siyang pumasang second male lead sa mga Korean drama. Kaso hindi pang Korean drama ang peg ng utak niya. Tamang pang sales agent at mabilis na matutong sekretarya pa lang ang afford ng isipan niya.
Pagkatapos niyang kumuha ng pagkain ay naghanap na rin siya ng table. May nakita siyang table bakante. Pupuntahan sana niya ng mapansin niya ang boss niya, at ang lahat ng nasa HR Department ang naroroon. Kaya naman naghanap na lang ulit siya ng ibang table.
Hindi naman sa ayaw niyang makita siya ng boss niya. Ang gusto lang niya, ay mawala ang inis o galit nito sa kanya kahit wala naman siyang ginagawang masama.
Tahimik lang siyang kumakain. Pero binibilisan talaga niya. Siya iyong tao, na mahina ang loob pag may taong galit sa kanya. Matapang lang siya pag siya ang galit. Pero iyong kagagalitan siya kahit wala siyang ginagawang masama. Naiiyak siya. Iyon talaga ang nararamdaman niya.
Pagkatapos niyang kumain ay nagbalik na ulit siya sa working table niya. Gusto niyang tapusin kaagad ang workload niya. Para kahit papaano ay mawala ang galit at inis sa kanya ng boss niya.
NATIGILAN, naman si Fabio ng mapansin niya si Mario sa working table nito. Hindi man lang niya ito napansin sa cafeteria kanina. Tapos ngayon ay nasa working area nito pa rin ito at patuloy lang sa pagtatrabaho.
Gusto man niyang lapitan ito at tangungin ay hindi niya magawa. Hindi niya malaman sa sarili niya kung ano ba talaga ang nararamdaman niya. Bakit mula ng makita niya ito, kahit sa larawan lang nito noon sa resume nito ay parang may kung anong nagpagulo sa isipan niya? Na sa mga oras na iyon ay gumugulo pa rin sa kanya.
Nilampasan na lang niya si Mario. Hindi rin naman niya alam ang sasabihin niya. Lalo na at naiinis pa rin ang pakiramdam niya pag naiisip niyang ngumiti ito sa pinsan niya.
Hanggang sa dumating ang oras ng uwian. Wala namang kailangang e-over time, kaya no need mag-over time.
Muli ay nilampasan na lang niya si Mario. Alam na naman nito ang gagawin. Pag-umuwi na siya. Syempre, oras na rin ng pag-uwi nito. Pero kung mag-oover time ito ay hindi na niya problema ang bagay na iyon.
NASUNDAN na lang ng tingin ni Ria ang boss niya, hanggang sa makalabas ito ng pinto. Hindi talaga niya makuha kung ano ang dahilan at pakiramdam niya, gusto na kaagad ng boss niya na umalis siya sa trabaho. Kaya lang ayaw niyang magkusa, kasi sayang ang sweldo.
"Habang hindi pa niya ako pinapaalis, bakit ako aalis? Kailangan ko ang trabaho ko, lalo na at hindi na lang ako ang nagmamay-ari ng katawan ko. Higit sa lahat, may isang buhay na umaasa sa akin ngayon. Kaya kailangan ko talaga ng pera."
Ilang minuto rin ang pinalipas ni Ria bago siya nagpasyang lumabas. Tapos na rin naman ang trabaho niya, kaya uuwi na lang siya ng bahay.
Matapos niyang makapaglinis ng bahay, makapaglaba at makapag-ayos ng sarili ay bigla naman siyang nagcrave sa peach mango cake na best seller ng isang sikat na bar. Ang Sweet Liquor Bar.
Ang Sweet Liquor Bar, ay isang coffee and tea cafe na may kasamang bar. May dalawang counter sa bar na iyon. Ang para sa coffee and tea at para sa bar na alak naman ang ini-o-offer.
Habang sa pinakaunahan ng bar, ay may stage at may kumakantang banda, o minsan naman ay nagpapatugtog lang sila ng sweet songs. Kakaibang bar, pero kahit sino pwedeng magrelax.
Pinagmasdan ni Ria ang sarili mula sa salamin. Wala pa rin namang nagbabago sa katawan niya, maliban sa medyo namayat siya. Pero bukod doon tiwala pa rin siya sa sarili niyang maganda siya.
Nagsuot siya ng white chiffon dress na umabot lang ang haba sa itaas ng tuhod niya. Nagpatong lang din siya ng knitted black cardigan at black sandals.
"Ang sarap pa rin talagang maging si Maria Angela. Kaya lang, kailangan ko pa rin ang trabaho ko. Tiis lang, okay," aniya sa sarili.
Matapos makontento sa itsura niya ay sinipat naman niya ang wallet niya. Sa tingin naman niya ay sasapat pa ang pera niya. Kahit gumastos siya ngayon para sa peach mango cake at tea.
"Laban lang, libre naman ang pagkain sa cafeteria. Ang mahal naman kasing magcrave ng baby ko," saad pa niya bago siya tuluyang lumabas ng bahay. Sumakay na lang siya ng dyip para makatipid.
Pagkarating niya ng bar, ay marami-rami na ring tao ang nakikita niya. Halos lahat ng mga nakaupo sa may unahan malapit sa stage ay mga umiinom ng alak. Sa may likuran naman ay may ilang mga kumakain ng cake at nagkakape.
Mabilis niyang tinungo ang coffee and tea counter. Lalo kasi siyang nasabik sa peach and mango cake, ng maamoy niya ang mabangong aroma noon sa nadaanan niyang table.
Parang gustong manlumo ni Ria ng mapansin niyang iisang slice na lang talaga ang natitira. Pero sa pila ay pangatlo pa siya. May isang lalaki kasi sa unahan niya. Habang sa unahan ng lalaki ay may mukhang magkasintahan na namimili pa.
Nakahinga naman ng maluwag si Ria ng hindi ang peach mango cake ang binili noong magkasintahan. Silang dalawa na lang ng lalaking nasa unahan niya ang nakapila.
"May available pa ba ng peach and mango cake?" tanong ng lalaki sa counter kaya naman napatunghay siya dito.
"Last piece na kasi yan Sir. Kanina pa lang kasing alas singko ng hapon, iyan na talaga ang mabili. Halos naka fifty boxes na nga po kami niyan," masayang wika pa ng nagsasalita sa counter. Habang siya gusto na niyang maiyak.
"Okay I take the last piece, and Coffee Americano," wika ng lalaki na ikinatango naman ng babae sa counter at inilagay na sa platito ang cake na inaasam niya na hindi naman kanya.
"Last piece, pero hindi naman mapupunta sa akin. Bakit kasi naglaba pa ako? Nalate tuloy ako ng isang hakbang," mahina niyang bulong.
Tatalikod na sana siya ng maramdaman niyang may humawak sa kamay niya. Naramdaman niya kaagad ang pagdaloy ng kuryente sa kamay niya na ikinapitlag niya. Mabilis din namang bumitaw ang kung sino mang humawak sa kanya.
"I'm sorry," hinging patawad ng nagsalita.
Kahit malungkot siya ay inihanda na niya ang kanyang matamis na ngiti. Alam niyang ang lalaking nasa unahan niya ang nagsalita. Hindi naman nito kasalanan kung pareho silang may naramdamang kuryente ng magdait ang kanilang kamay.
Ngunit pagharap ni Ria ay laking gulat niya ng mapansin niyang si Fabio ang kaharap niya. Ang boss niyang galit sa kanya sa hindi niya malaman na dahilan.
"Sir!" bulalas niya.
Kitang-kita niyang nagulat din ito ng makita siya. Hindi niya tuloy malaman kung nakilala ba siya nito. Pero paano siya nito makikilala? Ay hindi naman mahahalatang lalaki siya sa suot niya ngayon. Isa pa wala siyang wig at babaeng-babae talaga siya ngayon. Habang kanina sa opisina ay lalaking-lalaki naman siya.