Napatingin si Fabio sa papel na ibinigay sa kanya ni Mario. Bago siya muling bumaling sa binata.
"Why? Hindi ba maganda ang trato ko sa iyo? May problema ka ba sa kompanya?" tanong niya na ikinailing lang nito.
"I doubled your salary, kung naliliitan ka sa sahod mo. Alam mong mahirap ng humanap ng sekretarya na katulad mo. Very hardworking at dedicated talaga sa trabaho."
"I have a reason Sir."
"Reason?"
"Personal reasons Sir," pormal nitong saad kaya medyo nayayamot na rin talaga siya sa binata. Bukod pa doon na napakalayo ng pwesto nito sa kanya, at nakatayo pa ito.
"Maupo ka nga. Bakit ba ang seryoso mo? Tell me the reason. If it's a problem, I will help you to fix it. Kung nahihirapan ka sa work load mo babawasan natin. Mahirap humanap ng hardworking na empleyado. Hindi lahat kasing sipag mo."
Naglakad naman si Mario, palapit sa upuan na itinuro niya. Nito lang niya napansin na sa ilang buwan niya sekretarya si Mario ay parang nitong mga nakaraang araw ay bumabagal na ng pagkilos nito. Para bang lahat may limita. Ang bawat hakbang ay bilang at bawal magkamali.
"May sakit ka ba?" tanong niya na ikinailing nito.
"Wala ah," tanggi ni Mario at namimilog pa ang mga mata. Parang nagdududa siya sa sagot nito.
"So bakit kailangan mong magresign? Ano iyang personal reason na sinasabi mo? Narito ako hindi bilang boss mo. Kundi bilang si Fabio. So call me Fabio."
"Fabio."
Napakunot noo naman si Fabio ng mapansin niya ang pag-irap ni Mario. Hindi siya maaaring magkamali. Inirapan siya ng lalaki.
"Lalaki ka bang talaga? Bakit umiirap ka?" hindi na mapigilang tanong ni Fabio. Paano ay unang beses niyang makakita ng lalaking umiirap. At hindi si Mario ang nakita sa pag-irap nito. Isang babaeng nagpapagulo rin ng isipan niya.
Bakit mukhang wala naman talaga sa kanya ang problema? Bakit tuwing magkasama sila, nararamdaman din niyang may kakaiba rin sa sekretarya niya. Baka naman wala talaga sa kanya ang problema, kundi nasa sekretarya niyang nag-aabot ng resignation letter ng biglaan.
"Ngayon ka lang ba nakakita ng lalaking umiirap? Try mo, maganda siyang gawin, lalo na kung masyadong matanong ang kausap mo."
"What?"
"Oi, hindi kita boss at si Fabio ka lang. So, huwag mo akong ma-what-what." Kalmadong wika ni Mario sa kanya at nginitian pa siya.
Para na siyang mababaliw. Hindi na malaman ni Fabio kung ano na ba talaga ang nangyayari sa kanya. Hanggang ngayon, gulong-gulo talaga ang isipan niya.
Hindi naman sa ayaw niya ang ngiti ni Mario. Pero bakit lahat ng kilos nito ibang tao ang nakikita niya dito? Hindi na talaga niya alam ang gagawin. Hindi lang siya basta naguguluhan. Kung wala pa siyang mapagsasabihan ng nararamdaman niya ay baka mabaliw na siya ng tuluyan.
Sa katunayan sa bawat araw na nakasama niya si Mario ay mas nakakaramdam siya ng mali sa sarili niya. Kaya naman, ngayon gulong-gulo siya sa nararamdaman niya.
Sino bang straight na lalaki ang makakaramdam ng pagbilis ng pintig ng puso sa katulad din niyang Adan. Sa totoo lang iyon ang hindi niya maamin sa kahit na kanino. Kahit pa kay Mario.
Ilang beses pa siyang humugot-buga ng hangin bago muling nagsalita. "Ano ba talaga ng problema mo? Tell me. Bakit kailangan mo pang magresign?"
Sa totoo lang wala namang masama kung magreresign si Mario. Mas mabuti pa nga iyon at baka matitigil iyong wirdong pakiramdam na nararamdaman niya. Kaya lang mukhang tumututol ang puso niya sa gagawing pagreresign ni Mario. Parang hindi rin niya kaya na kahit isang araw ay hindi niya nakikita ang binata. Di ba ay parang lang tanga.
Mula ng makilala niya si Mario, ay totoong naguluhan na siya sa sarili niya. Alam niyang lalaki siya at babae ang gusto niya. Pero nag-iba ang lahat ng makilala niya si Mario.
Isa pang nagpapagulo sa isipan niya ay si Ria. Si Ria na Ria lang ang alam niya. Sa ilang beses niyang nakita ang dalaga, ay tikom talaga ang bibig nito sa totoong katauhan nito. Higit pa doon pag nakakasama niya si Ria, nawawala sa isipan niya si Mario.
Kaya nasasabi niya sa sarili niyang straight talaga siya, at hindi katulad ng naiisip niya. Ang masakit lang sa kanya, ay tuwing nakikita niya si Ria, abala si Mario. Kaya naman hindi siya magkaroon ng pagkakataon para ipakilala ang dalawa sa isa't isa. Para sana magkaroon ng sagot ang gumugulo sa isipan niya. At kung ano ba talaga ang totoong nararamdaman niya sa isa at sa isa.
"Gusto ko lang ng bakasyon Sir. Alam mo na, tao rin naman ako na gustong magpahinga. Hindi ko sinabing mahirap ang trabaho ko. Kaya lang pakiramdam ko, napapabayaan ko na ang sarili ko. Tumataba na rin ako. Siguro ay dahil sa wala akong exercise. Puro na lang trabaho."
Pinagmasdan niya si Mario. Mukhang hindi talaga ito nagbibiro. Seryoso ang mukha nito habang nagsasalita.
Napakunot naman si Fabio. "Iyon lang ba talaga ang dahilan?" tanong niya na ikinatango nito. Kaya naman walang pagdadalawang isip na pinunit niya ang resignation letter ni Mario.
"Anong ginagawa mo?" inis nitong saad sa kanya na lalong nagpakunot sa noo niya.
Ang tinis kasi ng pagkakatanong nito. Parang hindi si Mario ang nagsalita. Parang boses ng babae ang narinig niya. Ngunit wala naman silang ibang kasama sa opisina niya.
"What did you say?" tanong niya.
Napahilot naman sa noo si Mario. Hagyan na siyang nakagawa ng resignation letter ay pinunit pa ng boss niya. Ayaw man niyang iwan ang trabaho niya ngunit kailangan. Pakiramdam niya, ano mang oras ay mangyayari ang inaasahan niya.
"Bakit mo pinunit? Nagpapaalam ng maayos ang tao. Ano bang gusto mo? Nakakainis naman," inis saad Mario. Mukhang nagkamali lang yata siya sa narinig noong una. Dahil iyon na muli ang boses nito.
"You need a vacation, I give you a leave. Maybe one week is enough." Hamon niya kay Mario. Ngunit mukhang ayaw pa nitong pumayag sa alok niya. "With pay," dagdag pa niya na ikinailing pa rin ni Mario.
"Sir hindi ganoon. Kailangan na kailangan ko ng leave. Hindi lang isa o dalawang linggo. Kahit tatlong buwan. Kaya hindi pwedeng hindi ako magreresign," napupunong sagot ni Mario sa kanya.
Gusto man niyang unawain ang binata ay hindi talaga niya mauunawaan ito, hanggat tikom ang bibig nito sa kung ano ang totoong dahilan nito para magresign. Kung wala namang problema sa kanya, at walang rin namang problema sa kompanya niya. Ay ano pa?
"Just tell me the reason. I give you the vacation you need. Kahit limang buwan. Huwag ka lang magresign. Kaya kong magtalaga ng pansalamantalang papalit sa iyo. Pero hindi ang kapalit mo."
"With pay?"
"With pay," sagot ni Fabio na kahit siya ay nagulat sa isinagot niya.
Natulala na lang siya sa pagtawa ni Mario. Hindi na talaga niya malaman kung totoong lalaki pa ba siya dahil sa lalaking kaharap niya. Ngayon mas malaki na ang duda niya sa sarili niya.
"Joke lang naman. May ipon na ako, at sure na sapat na iyon sa bakasyong hinihingi ko. Ang inaalala ko lang kasi ay itong trabaho ko sa iyo. Nahihiya naman akong bumalik kung aalis ako ng ganoong katagal at babalik ng ganoon na lang," paliwanag sa kanya ni Mario.
Ngunit hindi naman siya nagbibiro sa sinabi niya. Ang nasabi niya ay nasabi na niya.
"I'm serious to what I've said. So it is final. Take your vacation leave with pay. At bumalik ka na lang after ng kung gaanong katagal ng bakasyon na gusto mo. Pero huwag kang lalampas sa five months. Dahil hanggang doon lang ang--." Natigilan sa pagsasalita si Fabio ng mapansin niya ang pagngiwi ni Mario. "Ayos ka lang?" nag-aalalang tanong niya dito.
"Y-yes Sir!" sagot ni Mario na hindi siya kombinsido. "I need to go," anito ng pigilan niya itong tumayo mula sa pagkakaupo.
Nilapitan niya si Mario. Nagbubutil ang pawis nito sa noo. Namumutla at nahihirapan. Iyon ang nakikita niya sa lalaki.
"Saan ang masakit? Anong nangyayari sa iyo?"
Hindi malaman ni Fabio kung anong gagawin niya. Sa totoo lang nag-aalala siya kay Mario. Napapansin naman talaga niya na tumaba talaga ito. Masyado itong payat noong una niyang nakilala, at habang tumatagal ay napapansin niya ang unti-unting paglaki ng katawan nito.
Nag-aalala siya na baka may malala talaga itong sakit at nahihiya lang magsabi sa kanya.
"Please Mario, sabihin mo kung ano ang nararamdaman mo? Nag-aalala ako," pag-amin niya. "Huwag mo akong takutin, please."
Hinawakan niya ang kamay ni Mario. Wala na siyang pakialam kung ano ang sasabihin ng binata sa kanya. Hindi niya kayang basta na lang ito hayaan sa gusto nito. Lalo na ngayong kitang-kita niya na nahihirapan nito.
Kahit nasasaktan sa nararamdaman ay nginitian siya ni Mario. Kahit naman kita niyang nahihirapan ito sa nararamdaman ay binalikan niya ito ng ngiti.
"I'm sorry Fabio, kaya lang pwede bang dalahin mo muna ako sa ospital. Napaaga yata ang due date ko. Manganganak na yata ako," saad nito na nakangiti pa sa kanya.
Siya naman ay natulala na lang habang nakatingin dito. Hindi niya talaga inasahan ang sinabi ni Mario sa kanya.