CHAPTER 02

3213 Words
"Hi. Ako si Donna," nakangiting sabi sa akin ng babaeng nasa labas ng gate. Pinagbuksan ko siya. "Ikaw 'yong bagong yaya ni Terence?" Tumango ako. "Tawagin mo na lang akong Ate Donna tutal halata namang mas matanda ako sa'yo." Pumasok na siya at sinimulan nang turuan ako sa mga kailangan kong gawin. Sa paglalaba, uniform lang ni Terence ang iha-handwash. Iyong iba, washing machine na. Tinuruan niya ako kung paano gamitin iyon. Hindi naman raw masilan si Sir, kaya iilan lang din ang kailangang plantsahin. Kailangan lang din na palaging malinis ang bahay lalo na ang kwarto at ang CR. Tungkol naman sa pagluluto, binigyan niya ako ng journal. Sa mga unang pahina nito nakalagay ang menu o ang mga lulutuin ko sa loob ng unang linggo ko dito. Sa susunod daw na linggo ay ako na ang gagawa ng sarili kong menu. Kinabahan ako. Lahat ng nasa menu, hindi ko alam lutuin. Pangmayamang luto. Diyos ko! Tumawag siya sa shop at maya maya ay dumating si Kuya Yong. Siya muna ang maiiwan kay Terence habang nasa labas kami ni Ate Donna. Inabutan niya ako ng ilang libong pera at sinamahan ako sa palengke. Itinuro niya sa akin ang mga suki niya kung saan din ako mamimili. Ako raw ang mag-ba-budget ng perang iyon para magkasya sa isang linggo. Dapat mabili ko ang lahat ng kailangan sa pagluluto. Sa dami ng pinamili namin, kinailangan naming sumakay ng tricycle kahit walking distance lang naman mula sa bahay papunta sa palengke at pabalik. Pagkatapos niyang maituro sa'kin ang mga kailangan kung malaman, nagpaalam na siyang babalik sa shop. Na-stress ako bigla. Binuksan ko ang journal. Nakalagay roon menudo para sa tanghalian. Napakamot ako sa ulo. Tumawag ako sa shop para kausapin si Ate Donna. "Ah, hindi ka marunong ng menudo?"sabi niya. "Lahat!" sagot ko. Natawa siya. "Ah sige, sabihin ko kay Kuya Ken na bigyan niya ako ng day off para maturuan kita. Sa ngayon, bigyan muna kita ng instructions. Mukha ka namang matalino kaya alam kong mabilis mo ring makukuha." At ibinigay niya nga ang procedure ng pagluluto ng menudo. Sa sobrang kaba ko, hindi pumasok sa utak ko ang mga sinabi niya. Ilan lang ang natandaan ko. Napalingon ako ng makarinig ako ng maliliit na yabag mula sa hagdan. Gising na ang alaga ko. Kaagad ko siyang nilapitan at binati ng good morning. "I'm hungry!" sabi niya sa'kin. Sa tono ng boses niya, mukhang hindi ata maganda ang gising. "Ah, sige, halika!" Inalalayan ko siya pababa. "Ipinagluto na kita ng almusal. Ano ba'ng gusto mong inumin, gatas?" Napalunok ako sa sama ng tingin niya sa'kin. "Speak english, I don't understand you!" Napakamot ako sa ulo. Mapapasubo ako nito. Siguradong mapapahalungkat ako sa nakabaul na mga ingles ko. Mauubusan ako nito. "I thought you understand tagalog?" Buti na lang at English ang favorite subject ko no'ng high school. Haha. Ngiting tagumpay! "A little only," sagot niya sa'kin. Tumango ako. "Ok..." Naisip ko rin na magandang pagkakataon 'to. Habang nagtatrabaho ako, mapapraktis ang English ko. "What do you want to drink, you want milk?" Umiling siya. "Eh, ano'ng gusto mo?" Umiling ulit siya. Hinainan ko siya ng kanin at ulam, at nagsimula na siyang kumain. Pumanhik ako at tinawagan ko si Sir Ken sa shop. Swerte namang siya kaagad ang sumagot. "Oh, Inday bakit?" "Sir, ano po ba ang iniinom ni Terence sa almusal?" tanong ko sa kanya. "Timplahan mo siya ng gatas. Nasa cabinet sa taas ng lababo," sagot ni Sir. "Tinanong ko po siya kanina kung gusto niya ng gatas, ayaw raw po niya," sabi ko. "'Wag kang makinig sa kanya. Dapat sanayin mo siyang sumunod sa'yo. Dalawang beses siya umiinom ng gatas sa isang araw. Isa sa umaga at isa bago matulog sa gabi. Kailangang maubos niya ang isang baso 'pag iinom siya. Kapag nagalit siya, isumbong mo sa'kin," mariin niyang utos. "Sige po Sir," mahina kong sabi. Ang totoo, natatakot ako sa alaga ko. Ang hirap naman ng pinapagawa ni Sir. Kakakilala lang sa'kin ni Terrence, kailangan ko na siyang mapasunod. Baka lumayo kaagad ang loob niya sa'kin at hindi na kami magkasundo. Ibinaba ko ang telepono at pinuntahan si Terence. Hinanap ko ang gatas niya at ipinagtimpla ko siya. "I said I don't want to drink milk!" seryosong sabi niya sa 'kin. "But your Daddy told me you have to drink milk." Tiningnan niya ako ng masama. Gustong ipahiwatig ng mga tingin niya na ayaw niya talaga, pero si Sir parin ang susundin ko. Inilapag ko sa mesa ang baso at inilapit sa kanya. "Kailangan mong ubusin 'yan," mahinahong sabi ko sa kanya. "Or your Daddy will get angry with you." "I said no!" bulyaw niya sa 'kin. Itinulak niya ang baso ng malakas at natapon ang lahat ng laman no'n sa akin. Basang basa ang damit ko. Nalalag pa ang baso sa sahig at nabasag 'yon. Nangilid ang mga luha ko. Grabe naman ang unang araw ko sa trabaho. Hindi ko yata kakayaning tagalan ang batang 'to. "I'll tell your Daddy! You wait!" inis na sabi ko sa kanya. "No!" Parang luluwa na ang mata niya. Ngayon lang ako nakakita ng batang gano'n magalit. "Go home!" sabi niya sa 'kin. Hindi nagbabago ang ekspresyon niya sa mukha. Hindi ko siya pinakinggan. Umakyat ako at tinawagan uli si Sir. Pagkasumbong ko kay Sir, kaagad niya akong binabaan ng telepono. Bumaba ako at nakita kong naiiyak na si Terence. "I hate you!" sigaw niya sa 'kin. "I'm not going to change my clothes, and I'm not going to clean your mess so that your Daddy will see what you did." Ilang saglit lang narinig kong may pumarada sa labas. Pagsilip ko, saktong lumalabas ng sasakyan si Sir. Sa totoo lang, kinakabahan din ako at baka sa'kin talaga siya magalit at hindi sa anak niya. Seryoso ang mukha niyang pumasok sa bahay. "Stand up Terence!" utos niya sa anak niya. Mangiwingiwi ang labi ni Terence, kunti na lang at babagsak na ang mga luha nito. Nang makalapit na kay Sir ang bata, ay pinatalikod niya ito. "Face the wall with your hands up!" Umiling iling si Terence, umiiyak na ito. Pinanlakihan siya ng mata ni Sir. "I said face the wall!" sigaw ni Sir. Bigla akong natakot sa kanya. Sumunod si Terence. Humarap ito sa dingding at itinaas ang kamay. Nagulat ako nang biglang pumulot ng tsinelas si Sir Ken. Napatakip ako sa bibig. "Count to three!" sabi ni Sir kay Terence. Iyak na ng iyak ang bata. Naawa na ako sa kanya. Parang gusto ko nang magsising isinumbong ko pa siya kay Sir. Lumagapak ang unang palo ng tsinelas ni Sir sa pwet ni Terence. "One!" umiiyak na sabi ni Terence. Hanggang sa umabot na sa tatlo. Pinaharap na siya ni Sir. "Say sorry to your yaya!" Umiling si Terence. "You say sorry or I will hit you three more times?" Natakot yata ang bata kaya mabilis na nag-sorry sa akin. Tumango lang ako. Napapitlag ako sa kinatatayuan ko nang bigla na lang humalakhak si Sir sabay turo kay Terence. "Cry baby!" tukso niya sa anak niya. "Wipe your tears, only girls cry. Are you a girl?" tanong niya rito. Umiling na naman si Terence. "Good! Stop crying. Your Lolo also used to hit me with slippers when I was as small as you, but I never cried. You should be like Daddy, okay?" Nagbaling sa 'kin si Sir. "Pasensya ka na sa anak ko. Ganyan talaga 'yan, matigas ang ulo at sobrang kulit. Tama ang ginawa mong pagsusumbong sa 'kin." Binuhat niya si Terence at hinalikan sa noo. "Be good to yaya Inday. Okay?" Tumango ang bata. Pagkatapos no'n ay nagpaalam na si Sir na babalik sa shop. Ipinagtimpla ko ulit si Terence ng gatas. Maduwal duwal siya habang pinipilit 'yung ubusin. Hindi na niya ako kinausap. Pagkatapos niyang kumain, bumalik na siya sa kwarto nila. Binuksan niya ang TV at nanuod ng cartoons. Inihanda ko na ang mga iluluto ko sa tanghalian. Daig pa ang pakiramdam ng sasabak sa oral recitation sa nararamdaman kong kaba ngayon. Ginisa ko muna ang karne. Pagkatapos ay inilagay ko na ang tomato sauce. Nang kumulo inilagay ko na ang patatas at carrots na nauna ko nang prituhin kanina, kasama na ang iba pang panangkap. Tinunaw ko sa tubig ang liverspread at inihalo iyon doon. Pagkatapos hinayaan ko munang kumulo. Tinikman ko na. Sobrang alat! Kumuha ako ng asukal at nilagyan 'yon. Tinikman ko ulit. Kulang pa. Nakakita ako ng oyster sauce, mukhang masarap. Hindi pa ako nakakagamit ng ganun sa pagluluto kaya tinaktakan ko ang niluluto ko. Kumuha din ako ng cheese sa ref, alam ko kasing masarap ang lutuin kapag nilalagyan ng cheese. Tinikman ko ulit, hindi na maintindihan ang lasa. Hindi ko matama ang timpla. Kinabahan ako lalo. Nataranta na ako. Ang dami ko pa namang niluto. Muntik ko nang mabitawan ang hawak kong sandok ng tumunog ang telepono sa taas. "Okay na 'yong ulam?" tanong sa 'kin ni Ate Donna. Parang ang hirap bigkasin ang salitang oo. Alanganin akong sumagot. "Sige, pauwiin ko na 'yong dalawa para nakapananghalian na sila." Ang tinutukoy niya ay sina Kuya Yong at kuya Danny. Nanlulumo kong binalikan ang niluto kong ulam. Nakangiting bumungad sa 'kin ang dalawa pagbukas ko ng pinto. Hinihimas ni Kuya Yong ang malaki niyang tiyan, "Grabe ang gutom ko. Mapaparami ako nito ng kain," sabi niya. Diredertso sila sa kusina at nagsisandukan ng kanin. "Wow!" sabi ni Kuya Danny pagkaalis niya ng takip ng kawali. Gusto ko nang matunaw sa kinatatayuan ko. Ayokong makita ang mga reaksyon nila sa mukha kapag natikman na nila ang luto ko. Kung hindi maipaliwanag ang lasa ng menudo ko, ganoon din ang itsura ng dalawa pagkasubo ng niluto ko. Madaldal sila nang magsidatingan, natahimik na sila sa hapagkainan. Nahihiyang nilapitan ko sila. "Pasensya na po kayo ha, hindi po kasi ako marunong magluto." Nginitian ako ni Kuya Yong, "Okay lang 'yan. Matututunan mo rin yan sa katagalan. At saka, 'wag mo na masyadong damdamin, mabuti ka pa nga marunong magprito, e 'yong huling katulong ni Kuya Ken, walang alam." Pampalubag ng loob na sabi niya sa 'kin. "Sabi nga pala ni Kuya Ken, ipaghanda mo na lang siya ng tanghalian. Ilagay mo sa tupperware niya. Doon na lang siya kakain sa shop. Pati na rin si Donna," sabi naman ni Kuya Danny. "Ipagprito mo na lang ng bangus si Kuya Ken. Antayin na lang namin," si kuya Yong ulit. Napabuntong hininga ako. Halatang di nila nagustuhan ang luto ko. Paano, parang tinikman lang nila, e. Dinig na dinig kong sobrang gutom na sila, tapos nakailang subo lang naman sila. Ipinaghanda ko nga si Sir ng tanghalian, pati na si Ate Donna. Pagkatapos dinala 'yon nina kuya Yong pagbalik nila sa shop. Ilang minuto lang pagkaalis nila, may pumaradang kotse sa tapat ng bahay. Lumabas ako para tingnan 'yun. Isang mestisang babae ang lumabas sa kotse. Matangkad, makinis at sobrang ganda. Parang nahahawig ito kay Ara Mina, 'yon nga lang balingkinitan ang katawan at saka walang dimple. Nginitian niya 'ko. "Papasok ako," sabi niya. "Ah Ma'am, sino po sila?" tanong ko sa kanya dahil hindi naman ako pwedeng magpapasok kaagad. "Mommy!" Napalingon ako at nakita kong patakbong bumaba ng hagdan si Terence. Napahiya ako. Kaagad kong pinagbuksan ng gate ang babae. Sinalubong siya ni Terence ng yakap. "How are you baby?" tanong niya sa bata. "Happy!" mabilis na sagot ni Terence. "You're here na po, eh!" "Bakit hindi ka pa bihis, 'di ba papasyal tayo ngayon?" Sumabat ako sa usapan ng dalawa. "Ay sorry po Ma'am. Hindi ko pa po siya naliguan, eh." "No, it's okay. Ako na ang bahala sa kanya," nakangiting sabi niya pa rin sa 'kin. Pumasok na siya ng bahay at dumeretso sila ng kwarto ni Terence. Tapos bumaba at nakabrief nalang ang bata at papaliguan na. Ang ingay nila sa loob ng paliguan. Natuwa ako kasi parang ang saya saya ni Terence. Naghahabulan pa sila no'ng lumabas. Pagbaba nila parehas na silang bihis. "Ikaw na ang bahala rito ha?" bilin sa 'kin ni Ma'am. "Sige po, Ma'am ." "Ako nga pala si Irene. Para hindi ka ma'am nang ma'am sa 'kin, Miss Irene na lang. Ayaw ko ng mina-ma'am ako. Parang pakiramdam ko nakakatanda kapag tinatawag akong gano'n," natatawa niyang sabi. "Sige po, Miss Irene," tugon ko. "Okay. 'Wag ka nang magluto ng hapunan mamaya. Mag-ti-take out na lang ako." Tumango ako. "Pakilinis na lang ng kwarto." "Sige po ma--- Miss Irene pala!" Ngumiti siya at saka lumabas na sila ni Terence. Carbon copy ni Sir Ken si Terence. Wala akong makitang minana ni Terence kay Miss Irene. Pero isang napakagandang pamilya nila. Saan kaya nanggagaling si Miss Irene kahapon, bakit ngayon ko lang siya nakita? Malalaman ko rin mamaya, sigurado ako. Naglinis na lang ako ng bahay. Mukha namang maraming pera sina Sir, pero bakit ang pangit ng bahay nila? Pangit talaga, promise! Sira na ang mga jalousie nila sa bintana. Ang carpet sa sahig mukhang matagal nang 'di napapalitan. Ang dumi dumi na ng sementadong dingding at inaanay na rin ang mga parte ng bahay na yari sa kahoy kagaya ng hagdan. Isang lindol lang, bagsak na 'to, nasa isip ko. Sa totoo lang mukhang squatter's area ang lugar na 'to. Delikado rin sa sunog dahil sa dikit dikit talaga ang mga bahay rito. Hindi ko alam kung saan magsisimula sa sobrang dami ng kailangang iligpit at linisin. Sinimulan ko na lang muna sa kwarto nila. Nagkalat doon ang mga pinagpalitang damit, at mga balat ng kung ano anong sitserya, biskwit at candy. Paano kaya sila nakakatulog sa ganoong kaduming kwarto? Kung saan saan din nakakalat ang mga pera nila, mga papel at barya. Inilagay ko lang 'yon sa tabi ng computer na nasa may pinto. Mamaya sinusubukan lang ako ng mga amo ko at sinadya lang nilang mag-iwan ng pera. At saka, tinuruan ako nina nanay at tatay na 'wag na 'wag kukuha ng hindi sa 'yo lalo na kung pera. Honesty is the best policy! Maliban sa kasipagan, katapatan ang isa sa pinakapangunahing sangkap para magtagal ka sa trabaho. Hindi ko na namalayan ang paglipas ng oras sa dami ng ginawa ko, mula sa paglilinis ng kubeta hanggang sa paglalampaso ng sahig. Napasalampak ako sa sofa sa sala pagkatapos. Mabuti na lang at hindi na ako magluluto ng ulam. Umakyat muna ako sa silid tulugan ko at umidlip. Sasamantalahin kong makapagpahinga kahit papaano habang wala pa sila. 'Di ko alam kung anong oras sila darating, ang importante, tapos na ang mga gawain ko. Siguro mga isang oras na akong nakapikit nang marinig ko na mayroon ng tao sa baba. Dali dali akong bumangon at bumaba. Hindi ko mailarawan ng eksakto kung ano ang nararamdaman ko nang mga oras na 'yon. Naiinis ako. Gusto kong magalit. Nanakit ang katawan ko sa makailang ulit na pagwawalis at paglalampaso sa sahig tapos ito ngayon at nanggigitata na naman sa dumi. Naunang mauwi sina Kuya Yong at Kuya Danny. Hindi manlang sila nag-abalang mag-alis ng suot nilang sapatos. Tapos pagtingin ko sa CR, ginamit nila 'di rin sila nag-abalang buhusan iyon. Hindi man lang naabutan ng amo ko na malinis ang bahay. Inis na inis talaga ako! "May hapunan na?" tanong sa'kin ni Kuya Danny. Kahit tinatamad akong sagutin siya, sinabi ko kung bakit hindi ako nagluto ng hapunan. "Hay salamat, makakakain din ng masarap!" sabi pa niya. Lalo akong nainis. Parang nagpaparinig pa na hindi masarap ang niluto ko kanina. Alam ko naman 'yon. Nagwalis ako ulit, at naglampaso. Nilinis ko din ang kubeta ng mabilisan, at baka dumating ang mga amo ko at isipin nilang wala akong ginawa maghapon. Tatlumpong minuto pa ang lumipas at si Ate Donna naman ang dumating. May mga dala itong folder siguro ay mga record sa shop. "Dito ka rin nakatira?" tanong ko sa kanya. "Hindi!" sagot niya. "Dinala ko lang 'tong mga 'to. Kailangan kasing i-review ni Kuya Ken," paliwanag niya. "Umuuwi ako sa QC . May asawa na 'ko. Taga ro'n siya." "Ah..." sabi ko nang maunawaan ko na siya. Aalis na sana siya pero naisipan kong magtanong. "Magkasabay bang uuwi rito sina Sir Ken tsaka 'yong asawa niya?" "Ha?" napakunot ang noo niya. "Sino, si Miss Irene? Hindi asawa 'yon ni Kuya. Girlfriend." "Ah 'di pa sila kasal?" sabi ko. "Maganda rin pala ang Mama ni Terence, ano?" Natawa si Ate Donna. "Hindi Mommy ni Terence si Miss Irene." Nagulat ako. "Ha? Eh bakit Mommy ang tawag ni Terence sa kanya?" "Mahabang estorya!" nangingiting sabi ni Ate Donna. "Pero sige, wala pa naman si Kuya Ken, at saka mukhang wala ka na rin namang gagawin, mag-chika muna tayo." Kinuha niya ang kamay ko at umakyat kami sa may rooftop. Sa bintana ng tinutulugan kong kwarto kami dumaan. Pwede palang tumambay roon. "Wala na ang Mommy ni Terence. Namatay sa panganganak." Bigla akong nalungkot sa sinabi ni Ate Donna. "Kaya, ibig sabihin, never na-meet ni Terence ang Mommy niya. Lara ang pangalan ng Mommy ni Terence. Kapatid niya si Miss Irene. Kambal sila." Nagulat na naman ako. Nakinig lang ako habang nagkikuwento siya. "Si Miss Irene, sa Singapore 'yon nakatira. One year pa lang siya rito sa Pilipinas. Tapos no'ng umuwi siya, nang magkita sila ni Terence, tinawag na siyang Mommy ng bata, kasi magmula nang baby pa si Terence, may isang picture ni Ma'am Lara na ibinigay sa kanya ng Daddy niya. Akala ni Terence, Mommy niya si Miss Irene. Bata pa kasi siya, kahit paliwanagan ni Sir na hindi niya Mommy si Miss Irene, hindi siya naniniwala." Naiintindihan ko na. Tumango tango ako. "Pero ito talaga ang chika ko sa 'yo," pabulong na sabi sa'kin ni Ate Donna. "Na-fall agad si Miss Irene kay Kuya Ken noong unang beses silang magkita nang personal. Hindi niya kasi 'yan na-meet si kuya Ken mula nang maging maging magkasintahan sila ni Ma'am Lara, maski no'ng kasal 'di siya nakauwi. Actually, hindi raw magkasundo si Miss Irene at Ma'am Lara, maldita raw kasi itong si Miss Irene." "Parang hindi naman," sabi ko. "Mukha naman siyang mabait." Nagkibit balikat si Ate Donna. "Kaya ayon nga, 'di siya umuwi para sa kasal ng kakambal niya," patuloy na sabi niya. "Siya ang gumawa ng first move para maging malapit sila ni Kuya Ken. Si Kuya Ken lumalayo sa kanya kasi gustong mag-move on. Naku, e, paano ka nga ba makakapag-move on kung palagi mong makikita ang mukha ng asawa mo sa ibang tao 'di ba? And to make the story short, hindi nagtagal nagtagumpay rin si Miss Irene. At ngayon, sila na nga. Siya na talaga ang itinuturing na Mommy ni Terence." Napakainteresante naman pala ng buhay ni Sir, naisip ko. Akala ko talaga ay asawa niya si Miss Irene. Pero kung nagmamahalan naman sila, wala namang masama. At saka, mabuti na rin na may tumatayong ina kay Terence. Unti unti ko nang nakikilala ang mga taong pinagsisilbihan ko ngayon. Kahit makulit at may pagkasalbahe si Terence, hindi ako kaagad susuko hanggang makuha ko ang loob niya. Magsisipag ako lalo para tumagal ako sa trabaho ko. Para sa pag-iipon ko para makapagpatuloy ako ng pag-aaral balang araw at higit sa lahat, para makatulong sa pamilya ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD