Four

1806 Words
Si Sky na naabutan ni Eira na nasa sala pa ang sumama sa kanya na maglibot sa labas. Mula sa mansiyon ay inihatid sila ni Manong Samuel sa main road kung saan ay naglakad na lang sila para magmasid-masid sa paligid. Pero bigla na lang na nawala si Sky matapos makita ang isang lalaki na parang nakilala nito. Basta na lang siya iniwan ng kapatid at hinabol ang lalaking iyon. Nagpatuloy na lang sa paglalakasd si Eira hanggang dinala siya ng mga paa sa pinaka-sentro ng Sagada. Naglalakad siya sa kalye habang sinisipat ang mga stolen shots ng mga kapatid sa kanyang cellphone. Ang lamig ng simoy ng hangin pero heto siya, naka-shorts at sleeveless lang! Hindi naman kasi niya balak lumayo sa mansiyon. Naiwan sa sofa ang jacket niya. Magkukuwentuhan lang sila dapat ni Sky pero iniwan siya nito. Naisip niyang ituloy na lang ang walang direksiyong paglalakad kahit nilalamig na siya. Hindi alam ni Eira kung anong oras na. Naiwan sa room ang wristwatch niya. Kung tama siya, wala pang alas diyes ng gabi. Marami pa siyang mga turistang nakakasalubong. Naisip niya na i-enjoy na lang ang malamig na gabing iyon... Paulit-ulit na sumagap ng hangin si Eira bago tumingala sa langit. Naagaw ang atensiyon niya ng isang isang Souvenir shop sa kanan niya. Ang kulay ng T-shirt na shocking yellow ang umagaw sa atensiyon niya at ang naghuhumiyaw na: Weak Chick? Forget Caving. Kiss a handsome instead. At may arrow na nakaturo sa side—na nakita niyang hindi handsome kundi mukhang ermitanyo na balot na balot ang naroon. Matanda na yata kaya nilalamig ang nakaupo sa counter. Pati mukha ay hindi niya makita dahil nakabalot ng gray cloth, na hindi na niya masyadong sinipat pa. Naaaliw na itinuloy ni Eira ang pagpasok sa Shop. Si Barbie ang naiisip niyang pagbigyan ng T-shirt "How much po 'yan?" turo ni Eira sa T-shirt, hindi na niya tinapunan ng tingin ang matandang tindero na nilalamig. Napapangiti siya. Ibibigay niya kay Barbie iyon bilang pasalubong. Ipapatong lang naman niya ang T-shirt habang kasama niya si Attorney Virgil—na sisiguraduhin niyang itinuturo ng arrow. Pupuntahan nila si Barbie. Natitiyak ni Eira na titili sa inggit ang kaibigan. Hindi na siya paaalisin sa bahay hanggang hindi niya ibinibigay ang T-shirt na iyon. Weakness ni Barbie ang mga T-shirts na may kung ano-anong nakakatawang print messages. "Pili ka na lang ng iba," malamig na sabi ng matanda—hindi tunog matanda ang boses? Buong-buo iyon, maganda sa pandinig niya. "Not for sale 'yang yellow, Miss." "Oh," nawala ang ngiti niya, na-disappoint bigla. "Hindi for sale?" ulit niya. "Kung hindi for sale, bakit—" naputol ang pangungusap nang pagbaling niya sa lalaki sa counter ay nakatayo na ito, wala na ang nakabalot na tela sa katawan at mukha—napatanga si Eira. Unang pagkakataon na napatanga siya sa harap ng isang estranghero. At nakaawang pa ang bibig niya! "I-Ikaw na lang..." ano'ng sinabi niya? Pakiramdam ni Eira ay saglit na huminto ang brain activity niya kaya nawalan siya ng sasabihin. Never na nangyari iyon sa kanya. Wala siyang pakialam sa mga guwapo. Si Attorney Virgil lang ang guwapong pinapansin niya, wala nang iba. Pero ang lalaking kaharap niya ngayon na kailangan pa niyang tumingala para makita ang mukha—ang perpektong mukha na nagpatunay na may mas guwapo pa palang nilalang sa childhood-to-teenage crush niyang si Attorney Virgil—ay nawalan na siya ng sasabihin. "Hindi rin ako for sale, Miss." "H-Ha?" at natampal ni Eira ang sariling noo nang mag-sink in sa isip ang nasabi niya. "Hindi kita bibilhin—I mean..." nagtama ang mga mata nila. Nag-skip ng beat ang puso niya! Oh, no! Bakit may ganoon siyang pakiramdam? Hindi naman ganoon ang heartbeat niya tuwing nagtatama ang mga mata nila ni Attorney Virgil. Kinikilig lang siya. Bakit ang lalaking ito na—ngumiti pa ang kausap niya, literal na napahawak sa dibdib si Eira. Perfect smile! "Picture na lang," bigla ay nasabi niya. "Close up shot, nakangiti ka. May collection ako ng best smiles—" "Five hundred per shot, plus five hundred sa smile ko." Napatitig siya sa mga mata ng lalaki. Seryoso ito. Ah, sanay na kuhanan ng pictures at may bayad. Hindi iyon ang unang encounter niya sa taong willing magpakuha ng pictures basta tama ang price. "Okay," nakangiting sabi niya—ngiting napawi rin nang maalala niyang wala siyang dalang wallet, ibig sabihin, wala siyang dala kahit one hundred pesos lang. Kahit hindi niya nakikita ang sarili, nahulaan na ni Eira na nalukot ang mukha niya. "Tomorrow—ahm, nandito ka naman bukas, 'di ba?" habang-buhay niyang panghihinayangan kapag hindi niya nakunan ng picture ang ngiti ng lalaking ito. "Last day ko na ngayon, Miss." Kaswal na tugon ng lalaki. "Na-fire ako kanina lang." "Aw." Ang tanging nasabi ni Eira. Sayang ang ngiti. May katapat na sana ang best smile ni Attorney Virgil sa collection niya ng photos sa kanyang 'Project Smile' file. Itinuro na lang niya ang yellow shirt. "Ano'ng ibang choice ko sa T-shirt na 'yan? 'Yong happy ang message o kaya funny?" "Ano'ng color ang gusto mo?" "Red or yellow. Pa-reserve na lang, please? Two pairs, medium size. Babalikan ko bukas. Wala lang akong cash na dala." Hindi umimik ang lalaki kaya bumalik ang mga mata niya rito—nakamasid ito sa kanya, pinanood ang pagsipat niya sa mga T-shirts. "Hindi ka naniniwala sa akin?" susog ni Eira. "Wala lang talaga akong cash ngayon—" natigilan siya nang iaabot nito sa kanya ang isang keychain na smiley. "Ten pesos na lang 'yan." "Wala ako kahit ten pesos," natatawa na si Eira, mas para sa sarili. Lumabas talaga siya ng mansiyon na walang dala kahit twenty-pesos. Sabi naman kasi ni Sky, hindi sila lalayo. Hindi niya nahulaan na iiwanan siyang mag-isa ng kapatid. Sino kaya ang lalaking iyon na sinundan nito? "Nasa labas ka at this hour na wala kahit ten pesos cash—at ganyan ang suot?" tanong ng lalaki, pinadaanan ng mga mata ang kabuuan niya. "Hindi ka ba nilalamig?" Hindi na lang sumagot si Eira dahil magmumukha siyang tanga. Sa kasagsagan ng gabi, nasa kalye siya ng Sagada, naka-sleeveless at shorts. Okay sana kung turista siya from foreign countries na sanay sa winter tulad ng mga nasalubong niya kanina—isang malinaw na kasinungalingan kapag sinabi niyang hindi siya nilalamig. "Saan ka uuwi?" Saan nga ba eksakto ang address ng Banal Mansion? Hindi alam ni Eira. "Sa...ahm, hilltop?" "Sa Banal Mansion?" hindi niya alam kung gaano kakilala ang pangalang Banal sa Sagada hanggang nang sandaling iyon. "Apo ka ni Don Alfonso? Isa ka ba sa Banal sisters?" parang palalim nang palalim ang titig sa kanya ng lalaki. "Kung sabihin kong 'oo' ibibigay mo ba ng free ang close up photo mo o mas sisingilin mo ako ng mahal?" "None of the given options, Miss." "Okay," sinipat na lang uli ni Eira ang T-shirt, at least iyon maari niyang balikan kinabukasan. Lucky si Barbie kaysa sa kanya. Pagbaling niya sa lalaki ay pinagmamasdan pa rin siya nito. Ngumiti si Eira. Friendly naman ang dating ng lalaki, baka maipilit niya kahit isang free photo lang. "Isang photo ng ngiti mo, hindi talaga puwedeng free?" ginamit na niya ang kanyang sweetest smile. Hindi man niya nadaan sa sweetest smile si Attorney Virgil, baka lang madaan niya ang lalaking ito. Hindi naman masama ang sumubok. Napapangiti si Eira sa isip. "No," matigas na sabi ng lalaki pero hindi inaalis ang tingin sa mukha niya. "Hindi mo sinagot ang tanong ko." "Ahm...apo ako ng isa sa mga helpers sa Banal mansion," ang bigla niyang naisip sabihin. Tutal naman, heto siya, kahit ten pesos na keychain ay wala siyang pambili. Mas kapani-paniwala ang sinabi niya kaysa sabihin niyang apo siya ni Don Alfonso Banal. Napalingon si Eira nang biglang pinigilan ng lalaki ang braso niya nang tatalikod na siya. "Maglalakad ka lang hanggang sa hilltop? Alam mo ba ang exact distance ng lugar mula rito?" "I've no idea," honest na sagot niya. "Parang medyo malayo kung lalakarin pero—" "Ihahatid na kita. Na-fire na ako kaya okay lang na isara ko na ang Shop kahit hindi pa closing time." Napatitig siya sa mga mata ng lalaki. Ihahatid siya? Natuwa si Eira pero hindi na iyon kailangan. Makaka-istorbo lang siya. Hindi niya iyon gusto. Mas gusto niyang makatulong kaysa maging pabigat. "Thanks, pero may sundo ako—" natigilan siya nang marahang ngumiti ang lalaki habang nakatitig sa mukha niya. "Si Samuel ba ang sundo mo? Kailan pa naging sundo si Samuel ng apo ng isa sa mga helpers ng mga Banal?" Napangiti na lang si Eira. Huli na siya. Pati yata ang pagdating ng mga apo ni Lolo Alfonso ay kalat sa buong Sagada. Naisip niyang umamin na lang. Inilahad niya ang kamay sa lalaki. "Eira, youngest sa sisters." Saglit na umarko ang mga kilay ng lalaki, parang may biglang naalala pero umaliwalas rin agad ang mukha. "Alex," pakilala nito at inabot ang kamay niya. "Hindi ka naman masyadong nilalamig," nakatawa nang dugtong ni Alex. "Ang lamig ng kamay mo, youngest princess." Inabot nito ang itim na jacket sa silya at isinuot sa kanya, kasunod ang ang gray cloth na balot nito sa sarili kanina, namilog na lang ang mga mata niya nang ibalot pa nito sa katawan niya ang telang iyon. "Ako na ang tatawag kay Samuel." "May signal ba rito?" "Nang ganitong oras? Meron." Natuwa si Eira. Sana lang nakauwi na rin sa mansiyon si Sky na wala siyang ideya kung nasaan na nang mga sandaling iyon. Hinila siya ni Alex na parang close sila, pinaupo siya sa dating puwesto nito sa counter. Para siyang mummy dahil sa telang nakabalot sa buong katawan niya. Ah, hindi na siya nilalamig. At nasasamyo niya ang bango mula sa jacket ni Alex! Mayamaya lang ay dumating na si Manong Samuel. "Thank you," nakangiting sabi niya kay Alex. "'Yong T-shirts ko paki-ready bukas, ah?" "Andoy!" si Manong Samuel sa masiglang tono, ngiting-ngiti kay Alex. Ngumiwi naman si Alex pagkarinig kay Manong Samuel, kasunod ang pagtawa nang magaan. "Samuel, kumusta?" "Ayos lang. Umuwi ka pala, bata? Hindi pa ba bumababa si Sir Ico?" "Busy," simpleng sagot ni Alex. Ito na ang nagsara ng pinto pagkapasok niya sa van. "Ipaalala mo kay Don Alfonso na bantayan ang mga bagong dating na prinsesa," sabi ni Alex, sa kanya nakatingin. "Lalo na si Eira. Six o'clock dapat ang curfew ng prinsesang 'yan, hindi ten PM." Ngumisi pa si Alex bago isinara ang pinto ng van. Mula sa souvenir shop hanggang nakarating sila sa mansiyon ay si Alex ang topic nila ni Manong Samuel. May dahilan na siya para bumalik sa souvenir shop—ang ngiti ni Alex na hindi niya nakuhanan ng picture. Kailangang maisama niya ang smiling-close-up picture ng lalaki sa Project Smile file.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD