Five

1945 Words
SA IKALAWANG araw na nakita ni Eira ang hinihintay niyang ngiti ng kapatid na si Ate Berry. Sa kusina siya agad tumuloy pagbaba niya para makausap ang sinuman sa mga katiwala sa kitchen na ipasa kay Chef Aklay ang request niya-na magluto ng kahit isang dish lang na walang gulay para sa kanya. Pero si Ate Berry ang inabutan niya sa kitchen na parang may hinahanap. Hindi muna lumapit si Eira, naghintay siya kung ano ang gagawin ng kapatid. Ang refrigerator lang pala ang parang kriminal na huhulihin nito. Kumubli siya nang luminga-linga sa paligid ang kanyang Ate na parang naghanap ng ibang tao roon. Sa kilos ay excited na mabuksan ang refrigerator-na nang magawa ay narinig niya ang 'witch laugh'-witch laugh, tawa ng witch na nagtagumpay sa isang misyon. Sundalong witch na mananakop yata ang favorite character ni Ate Berry kaya nag-fake ito ng ganoong tawa. Naaliw si Eira sa kapatid kaya hindi niya napigilan ang tunog ng sariling tawa. Bigla siyang nilingon ni Ate Berry-na nang makita siya ay sumenyas na lumapit siya. Excited na lumapit si Eira. Nagtanong lang naman ang kapatid kung ano sa tingin niya ang pinaka-masarap sa mga chocolates na nasa loob ng fridge. Nagbigay si Eira ng opinyon-may kapalit, isang selfie nilang dalawa sa tabi ng bukas na refrigerator. Nakangiti ang kapatid niya sa picture nila...at bilang babaeng naging misyon na ang makita ang mga ngiti ng tao sa paligid, bilang collector ng photos na naka-captured ang mga ngiti ng subject kahit estranghero pa, at bilang bunso sa Banal sisters na kahit sa rest room ay dala ang cellphone o kaya ay camera para walang lumampas na 'happy moments'-ay alam na alam ni Eira ang fake at genuine smile. At ang ngiti ng Ate Berry niya na capture ng camera ay isang genuine sweet smile. "Wow, perfect din ang smile mo, Ate Berry!" natutuwang sabi ni Eira matapos makita ang selfie nilang dalawa sa tabi ng bukas na refrigerator. "Parang smile lang ni Attorney Guzman-" hindi na niya naituloy ang paglayo nang hinila na lang basta ng kapatid ang braso niya. "Ano'ng smile ni Attorney Guzman?" "Uyyyy! Interested siya sa smile ni Attorney!" saka siya bumungisngis. "Parang may crush 'yon sa isa sainyo, eh. "Isa sa amin?" balewalang susog nito. Sa tingin ni Eira ay nagpapanggap lang na hindi interesado pero gusto naman ng impormasyon. Pinigil niya ang mas malapad na pagngiti. Kinikilig siya sa naiisip niya. Gusto niya si Attorney Guzman para sa Ate Berry niya. "Sino? Paano mo nalaman, aber?" "I asked him!" ngiting-ngiti na siya. Walang kaalam-alam ang abogado sa sinasabi niya. "And you know what?" "Wat?" Bumungisngis lang siya. Naningkit ang mga mata ng Ate Berry niya, parang gusto siyang alugin pero mas mahalaga ang impormasyon kaya pinigilan muna ang sarili. "Ano nga?" "Bakit ka nga interested sa info about Attorney?" balik-tanong niya, ngiting-ngiti. "Wala lang. Masama ba magtanong?" nag-iwas ito nang tingin, kumagat ng malaki sa chocolate bar na hawak. "Walang malice ang tanong mo?" nakangisi na siya. Nag-eenjoy siya sa usapan nila. "Kasi 'yong reaction ni Attorney sa tanong ko parang may malice-aw!" muntik na siyang masubsob sa refrigerator sa biglang paghila nito. Tumatawa na siya nang hinostage siya ng kapatid sa tabi ng refrigerator. "Magsasalita ka o iinitin ko lahat ng lep-obers gulay sa pridyider at ipapakain ko sa 'yo?" "Magsasalita naman talaga ako, eh!" pagkarinig niya sa gulay ay nawala ang ngiti niya. "What do you want to know, Ate?" malalagot pa yata siya dahil sa pagsisinungaling niya. Unang attempt magsinungaling-failed agad. "Sino ang kras ni Attorney?" "Wala." "Ano'ng wala?" Biglang inabot ni Eira sa kapatid ang kanyang cellphone. "Photo ni Attorney." Inabot ni Ate Berry ang cell phone niya kasabay na inulit ang narinig niyang witch laugh kanina. Sa huli ay natawa na rin lang si Eira habang abala ang kapatid sa pagsipat sa picture ni Attorney Guzman. Tama ang kutob niya! Bigla niyang inagaw ang cellphone sa kapatid at nagsimula na siyang umurong palayo sa kitchen. "Ate Berry?" "Ano?" ngingiti-ngiti ang kapatid niya habang abala sa chocolates. "I lied." "Ano?!" biglang baling nito. "Pupurgahin kita ng gulay!" Tatlong malalaking hakbang paatras ang ginawa ni Eira palayo sa kitchen. "Uhm...hindi talaga kami nagka-usap tungkol sa crush. Gawa-gawa ko lang lahat..." bumungisngis uli siya. "Gusto ko lang makita ang reaction mo, tama ako-may malice sa part mo, ha-ha!" mabilis na siyang nakaalis sa kitchen. "Eira!" habol ng kapatid. "You like him, Ate Berry!" tumatawang sagot niya sa malakas na pagtawag nito. "Ser Tsef!" muling pagtawag ni Berry, si Chef Aklay na ang tinatawag nito. "Gulay para kay Eira! Altanghap-en olweys-akong bahala kay Lolo, close kami!" "Oh my!" hinanap niya sa paligid si Chef Aklay. Nai-imagine na naman niya ang mga 'worms' sa kanyang lalamunan. Ang lakas ng pag-exhale niya nang wala sa paligid ang Chef. She was safe. Perfect day! "Ate Berry likes Attorney Guzman! Case closed." "Tigilan mo ako, Eira Daldalita!" Ginaya niya ang witch laugh nito kanina sa tabi ng refrigerator. PAGKATAPOS ng early breakfast sa mansiyon ay agad nagpaalam si Eira kay Aunt Carrie. Nasa silid parin ang abuelo. Gusto niyang lumabas. Wala pa siyang nakita sa mga kapatid niya. Nakangiting pumayag ang steptom, tinanong lang siya kung saan siya mamamasyal. Abala ito sa pagbibigay instructions sa mga kasambahay at sa drivers. Hindi na niya inalam pa kung ano ang mga utos na iyon. Si Nanay Nonita na naman ang sumunod niyang nakita. Hindi niya alam kung bakit mula nang dumating siya sa mansiyon ay ang ito ang madalas niyang nakikita. Madalas rin niyang makita na parang laging sinusundan siya nito ng tingin. Imposible namang binabantayan siya. Baka ganoon lang talaga ito—mapagmasid. Nakita niyang kausap nito kanina si Manong Samuel. Dala ang cellphone at isa sa mga cameras na bitbit niya sa Sagada ay hinanap niya sa paligid si Manong Samuel. Nawala na lang kasi ang driver matapos makausap si Nanay Nonita. Masyadong malamig kung maglalakad siya kaya mas magandang isama na lang niya ang driver—sa Souvenir shop lang naman siya pupunta. Babalikan niya ang pina-reserve niyang T-shirt at, ang ngiti ni Alex. Sana lang ay hindi pa ito nakakaalis sa shop. "Saan tayo, Ma'am Eira?" "Sa Souvenir shop ni Alex, Manong Samuel." nakangiting sagot niya sa driver. "Wala pang alas nuebe, Ma'am, sarado pa." "Nine pa ba ang bukas ng shop?" napatingin siya sa wristwatch niya. Mag-aalas siyete pa lang ng umaga. Ang aga nga niyang gumagala para sa ngiti ni Alex—napangiti siya, hindi niya napigilan. Nasa tabi pa niya ang jacket ng lalaki at ang gray cloth na ipinambalot ni Alex sa katawan niya nang nagdaang gabi. "Alas nuebe o kaya alas diyes pa, Ma'am. Alas otso kapag may ibang bantay. Alas diyes kapag wala ang Mama niya—ay, mali. Ang amo pala niya." "Strict ba ang amo niya? Na-fired daw siya kahapon lang, eh." "Baka nagpapa-pogi lang kasi, Ma'am. Masyadong pa-pogi ang isang 'yon. Marami pang fans." "Fans po?" "Mga turista na artista yata ang tingin sa kanya. Nagpapakuha ng litrato sa tabi niya. Mas mataas ang benta ng shop kapag siya ang bantay pero madalang lang umuwi ang isang iyon ng Sagada." "Saan po ba siya naka-base?" "Marami naman silang bahay. Meron sa Baguio at sa Maynila." "May girlfriend siya, Manong Samuel?" "Na tagarito? Wala. Hindi ko lang alam kung meron sa ibang lugar. Hindi naman kasi naglalagi 'yan si Andoy rito. Pabalik-balik lang. Medyo nagtatagal na ng ilang linggo mula nang..." "Mula nang?" "Mula nang ano...ah, ano nga ba—magtayo ng shop, oo ng shop na pinanggalingan mo kagabi ang amo niya." Bakit parang nanghahagilap ng sagot si Manong Samuel? Tumango-tango na lang si Eira. "Nag-breakfast kana ba, Manong Samuel?" "Hindi pa, Ma'am." "Mag-almusal na lang po tayo somewhere? Saan ba tayo puwedeng mag-stop muna para kumain habang naghihintay mag-nine?" "Hindi ka pa nag-almusal, Ma'am?" "Tapos na, pero gusto kong kumain nang kahit ano. Mag-breakfast kana lang 'tapos treat ko? Okay na ba'yon? How about lemon pie po?" "Naku, Ma'am—" "Bawal tumanggi. Isusumbong kita kay Lolo na hindi mo ako sinasamahan sa mga gusto kong puntahan." "Mas gusto ko ng putong-bigas at mountain tea, Ma'am Eira," sabi ng driver na ikinagiti niya. Ang totoo ay busog na siya. Gusto lang niyang samahan mag-breakfast si Manong Samuel habang naghihintay sila ng oras. "Saan merong putong-bigas at mountain tea?" "May alam akong lugar, Ma'am. Sa kubo ni Sir Ico!" nakangiti na si Manong Samuel, parang na-excite bigla sa almusal. "Sino po si Sir Ico?" "Isang..." saglit na huminto ang driver, para bang nag-isip kung sino si Sir Ico. "Isang kaibigang masarap ang putong-bigas. Hindi ko na nga nadadalaw iyon sa kubo niya. Mabait sa turista 'yon. 'Pag may naliligaw sa kubo, nililibre niya ng pagkain na siya mismo ang naghanda. Mahilig siyang magluto ng mga healthy na pagkain." "Parang doon n'yo gustong mag-almusal Manong Samuel, kaya tara na po. Huwag nang patagalin 'yan. Basta nine AM, dapat nakabalik na tayo sa shop." "Walang problema, Ma'am." Ang lapad ng ngiti ni Manong Samuel. Halatang natuwa na pupunta sila sa kubo ng Sir Ico na iyon. Inaliw na ni Eira ang sarili sa pagmamasid sa berdeng kapaligiran. Kanina paglabas niya sa mansiyon, kitang-kitang ni Eira ang mga ulap na humahalik sa berdeng bundok. Hindi maiwan-iwan iyon ng mga mata niya. Ang buhay na buhay na tanawin ng paligid ang isa sa mga nagustuhan niya sa lugar. Unang beses pa lang siyang umakyat ng Sagada pero pamilyar siya sa magagandang tanawin na tourist attraction sa lugar. Nakita at nabasa na niya ang mga iyon sa internet. Wala nga lang siyang lakas ng loob na puntahan dahil sa matarik na bangin na dadaanan sa biyahe. Hindi siya pinapayagan ng Lola Stefania niya sa mga ganoong destinasyon at sa biyaheng dagat. Sa aksidente sa barko namatay ang Lolo Pamfilo at ina niya. Hindi na nakabawi pa sa trauma sa trahedya si Lola Stefania kaya hindi na ito sumakay ng barko. Maging siya ay hindi na pinapayagan pa. Ilang minuto lang ang naging biyahe nila patungo sa lugar. Mayamaya pa ay iniliko na ni Manong Samuel ang kotse sa isang hindi sementadong daan. Mga ilang metro lang ang layo mula sa kalsada ay huminto na sila. "Kailangan na nating maglakad, Ma'am. Hindi na puwede ang van," mabilis na bumaba ang driver at ipinagbukas siya ng pinto. "Isuot mo na lang ang jacket ni Andoy, Ma'am. Manipis ang jacket mo. Walang araw kaya mas malamig. Sisipunin ka." Maagap na nitong nakuha ang tinutukoy at tinulungan pa siyang isuot iyon pagkalabas niya. Natutuwang nagpasalamat siya. Hindi niya pala mami-miss ang pag-aasikaso sa kanya ng mga tao sa farm. "Aakyat tayo ng kaunti, Ma'am 'tapos bababa ng kaunti rin, kubo na ni Sir Ico." "Ano'ng whole name ni Sir Ico, Manong Samuel?" tanong niya habang inaalalayan siya nito sa pagbaba sa medyo madulas na daan. "Pacifico Callanta, Ma'am." "Sure ba kayo na gising na siya nang ganitong oras?" "Oo naman, Ma'am. Inuunahan nga no'n sa paggising ang araw. Maraming alaga sa paligid kaya gising lagi." "Alagang hayop po?" "Hindi." "Tao?" "Hindi rin. Mag-isa lang siya sa kubo." "Ano'ng alaga po?" "Tanim." "Ah..." tumango siya. "Marami siyang tanim? Ornamental plants po?" "Ano 'yong ornamental, Ma'am?" "'Yon pong namumulaklak, nagpapaganda sa paligid or ginagamit para gumanda ang paligid." "Meron din. Mas marami ang nakakain." Inalalayan uli siya nito sa paglalakad. Natawa na lang siya na todo alalay si Manong Samuel na parang natatakot na madulas siya. "Kaya ko na po 'to, Manong Samuel. Sanay ako sa farm. Hindi bago sa akin ang maglakad sa mga ganitong daan. Fruits po ang tanim ni Sir Pacifico?" "Gulay." Awtomatiko ang paghinto ng mga paa ni Eira. Napangiwi siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD