Gulay!
"Hindi naman po siya nagluluto ng gulay sa umaga?" Baka mag-serve ng gulay kung sinuman ang Sir Pacifico na iyon. Paano niya tatanggihan ang kabutihan ng kaibigan ni Manong Samuel na hindi iyon masasaktan? Hindi tamang hindi man lang niya tikman ang niluto niyon. Sa Banal mansion ay puwede pa siyang tumanggi at mag-request ng ibang dish, pero sa ibang bahay—nagdalawang isip na siyang tumuloy sa paglalakad. "Kung bumalik na lang kaya tayo sa van, Manong Samuel? Lemon pie na lang ang—"
"Samuel!" napahinto si Eira nang marinig niya ang boses mula sa kung saan. Masigla ang boses-lalaking iyon. "Magandang umaga sainyo! Mabuti at nadalaw ka sa kubo ko."
"Sir Ico!" galak rin na sagot ni Manong Samuel na nakangiti nang maluwang. "Magandang umaga! Makiki-almusal sana ng puto." Malakas rin ang sagot ni Manong Samuel.
Mula sa ibabang parte ng lugar ay nakita ni Eira ang papalapit na lalaki. Matangkad at malaking bulas. Balot na balot ang buong katawan. Wala siyang makitang skin maliban sa mukha nito. Naka-guwantes at naka-sombrero—naalala niya ang anyo ng mga trabahante sa farm tuwing tag-init. May aura of authority nga lang ang Sir Ico ni Manong Samuel, iyon ang napansin niya nang makalapit na sa kanila ang lalaki. Hindi ordinaryong magsasaka ang dating nito. Kung itatabi si Sir Ico sa mga ordinaryong trabahante ay iisipin niyang in-charge ito sa operasyon sa farm o kaya ay may-ari mismo.
Sa hula ni Eira ay nasa late fifty's ang lalaki, fifty-seven paitaas kung tama ang tantiya niya, hindi nalalayo ang edad kay Manong Samuel o baka mas bata lang tingnan kaysa sa totoong edad.
"Sino ang dalagang ito, Samuel?"
"Magandang umaga po," nakangiting pagbati ni Eira. 'Wag kayong maghanda ng vegetable dish, please?
"Si Eira, Sir Ico. Bunsong apo ni Don Alfonso."
"Eira. Ikaw pala si Eira? Napakagandang bata. Kumusta ka, hija?" bati sa kanya ni Sir Ico. "Nabalitaan ko nga ang pagdating ng mga apo ni Alfonso. Ang daming dilag sa mansiyon ngayon. Natitiyak kong pipiliting maging malakas ng Don para sa mga magagandang apo niya."
"Kilala n'yo po si Lolo, Sir?"
"Uncle o Tito Ico na lang, hija. Walang hindi nakakakilala sa Lolo mo sa Sagada," bumaling ito kay Manong Samuel. "Tumuloy kayo sa kubo, Samuel. Maghahanda ako ng almusal." Maingat na sumunod si Eira sa daang tinungo ni Tito Ico—at literal siyang napanganga nang marating nila ang kubo. Kubo sa gitna ng gulayan pala ang tinutukoy ni Manong Samuel!
Gulay. Oh my! Ang daming gulay!
Pinipigil niyang ngumiwi hanggang nasa balkonahe na sila ng kubo. Inalalayan siyang umakyat ni Manong Samuel sa tatlong baitang na hagdan. May isang tumba-tumbang upuan sa gilid ng balkonahe. Naalala niya ang parehong upuan na nasa farm—ang paboritong pahingahan ni Lola Stefania. Itinaboy niya agad ang isipin na iyon, ayaw niyang malungkot.
Nakita ni Eira na sumunod si Manong Samuel kay Tito Ico patungo sa likod ng kubo, parang may pag-uusapan.
"Ang aga pa, Uncle. May bisita ka ba—Eira?"
Kung nagulat si Alex pagkakita sa kanya ay mas nagulat si Eira. Literal na napatanga siya matapos magsalubong ang mga mata nila paglabas nito ng kubo—na balot na naman ng kumot, magulo pa ang buhok pero guwapong-guwapo parin, nagulo na naman ang heartbeat niya nang ngumiti ang lalaki.
"H-Hi," ang nasabi ni Eira. Si Alex ang huling tao hindi lang sa Sagada kundi sa buong kalupaan na inaaasahan niyang makita sa lugar na iyon. Ano'ng ginagawa nito sa kubo—ah, tama. Kagabi nga pala ay pinag-usapan nito at ni Manong Samuel ang tungkol sa isang 'Sir Pacifico'. Hindi niya agad naisip na baka may kaugnayan ang dalawa. "Dito ka natulog?" Nagtanong pa siya. Obviously, oo. Halata naman sa anyo ni Alex na bagong gising.
"Dito ako umuwi pagkagaling sa shop." tugon ni Alex, bumaba sa katawan niya ang titig—lumapad ang ngiti nang makitang suot niya ang jacket na nadala niya kagabi.
"Jacket mo, ibabalik ko. And...may cash na ako. Gusto ko ng close-up shot na nakangiti ka. One thousand pa rin o nagbago na ang price?"
Magaang tumawa si Alex, bumalik sa mukha niya ang tingin, tumigil sa mga mata niya ang titig. "Seryoso ka?" may kislap na dumaan sa bagong gising na mga mata nito.
"Sa picture? Yeah..."
"Sa shop ba kayo papunta ni Samuel?"
Tumango si Eira. "Close pa raw sabi ni Manong Samuel kaya naghanap kami ng place na puwede mag-breakfast. Tea at puto ang gusto niya, dito raw meron, kaya nandito kami. Ikaw? Uncle mo si Tito Ico?"
Hindi agad sumagot si Alex, lumapit sa kanya at napangiti na lang siya nang ibinalot na naman sa buong katawan niya ang kumot, inikot siya nang ilang ulit hanggang para na siyang mummy—bago siya hinila papasok sa loob ng kubo.
"Walang araw kaya doble ang lamig ngayon," sabi nito nang nasa loob na sila. Na-amazed siya nang naroon na sila sa loob. Sa labas ay ang liit lang tingnan ng kubo. Sa loob pala ay kompleto iyon sa gamit. Mula sa wooden chairs and table hanggang sa single bed sa kanan nila. Sobrang homey ng ambiance sa loob na may urge siyang humiga sa kama at magpahinga.
Sa isa sa tatlong small wooden chair pinaupo ni Alex si Eira. "Kasama ba ni Uncle si Samuel—" hindi na itinuloy ni Alex ang sasabihin nang pumasok mula sa pinto sa likod si Manong Samuel dala ang tray ng pagkain.
Nanghaba ang leeg niya sa pagsilip kung may gulay—malay ba niya kung nag-steamed ng broccoli si Tito Ico, o kaya ay naghanda ng mainit na kanin at mixed veggies. Ang bilis lang ihanda ng half-cooked veggies. Ang pinaka-iiwasan niyang dish sa farm house!
"Mountain tea at putong-bigas, Ma'am. Almusal na tayo. Masarap 'to."
"Thanks, Manong Samuel," masaya siya sa dalawang dahilan—una, nakikita niyang natutuwa si Manong Samuel na naroon sila. Na-miss siguro nito ang kaibigang si Tito Ico, pangalawa, walang gulay sa tray!
"Pupunta pa ba tayo sa Shop, Ma'am? 'Andito na pala si Andoy."
"'Yong T-shirts na pina-reserve ko kagabi, kailangan nating daanan, Manong Samuel."
"Isama na natin papuntang shop si Andoy kung ganoon," tumingin ang driver kay Alex na tahimik lang. "Ikaw ba ang tatao sa shop Andoy o si—ang amo mo?" hindi niya alam kung bakit parang may kahulugan ang ngiti ni Manong Samuel.
"Na-fire na siya, Manong Samuel—"
"Na-hired na ako uli," biglang singit ni Alex. Napatingin si Eira rito, tulad ni Manong Samuel ay parang nagpipigil na rin ito ng ngiti.
Hindi ipinahalata ni Eira na natuwa siya. May dahilan na siya para magpabalik-balik sa lugar kung naroon ang lalaki. Sumimsim siya ng tea at tinikman ang puto na habol ni Manong Samuel sa kubo—masarap nga. Sa lasa ay halatang bagong gawa lang. Na-enjoy rin niya ang lasa ng mountain tea.
Nag-excuse si Alex. Pagbalik nito ay dala na ang isang tasa na sa hula niya ay mountain tea rin. Umupo ang lalaki sa tabi niya. Ilang sandali pa ay si Tito Ico naman ang dumating, mixed sliced fruits naman ang nasa plato ang dala nito, inilapag sa maliit na mesa sa harap nila.
Natutuwang nagpasalamat si Eira. Nagdidiwang sa isip dahil walang gulay. Kung mayroon ay baka nag-alibi na siyang sumama ang tiyan.
Hindi na talaga niya napilit ang sarili na kumain ng gulay mula six years old siya. Sa pagkakatanda ni Eira, nagsimula ang weird na 'takot' niya sa gulay na nasa mesa noong may okasyon sa farm na iba't-ibang putahe ng gulay ang ipinahanda ni Lola Stefania dahil sa magandang ani. Higit sa lahat, ang mga trabahante raw ang unang-unang dapat magtamasa ng masustansiya at fresh na gulay dahil ang mga iyon ang nag-alaga sa mga tanim na dumating sa kanilang produkto ng taong iyon.
Sa mga ganoong okasyon ay hindi maaring hindi magpakita si Eira sa lahat. Lagi na ay kasa-kasama siya ni Lola Stefania sa mga ganoong pagtitipon. Lahat berde ang nakita niya sa mesa. Ang mga batang bisita nila na kasama ng pamilya ng mga ito ay hindi man lang ininda ang pait ng ampalaya.
Pinilit siya ng abuela na tikman ang mga gulay, kailangan daw iyon ng katawan. May tinawag pang tao si Lola Stefania para ipaliwanag sa kanya ang halaga ng gulay sa katawan, nagpakilalang Harold—na dalagita na siya nang muli niyang makita—si Atty. Harold Virgil na abogado pala ng kanyang abuela.
Sa natatandaan ng batang isip ni Eira ay isa-isang ipinaliwanag sa kanya ni Harold ang sustansiya ng bawat gulay sa mesa, pero sa huli ay nagkukuwento na ito tungkol sa isang batang ayaw kumain ng gulay kaya sinusundan iyon ng mga gulay kahit saan magpunta. Natanim sa isip ni Eira ang anyo ng mga sitaw na humahaba at sumusunod sa bata sa kuwento, ang kangkong na dumarami at pinaliligiran ang bata para di makatakas, ang mga ampalaya na nagsasalita, ang mga broccoli na nagiging giant broccoli stone na gumugulong para habulin ang bata, ang mga okra na nagiging matalim ang dulo—handang sumalakay sa bata, at ang mga talong na nagiging violet monster. Bawat pag-atake ng mga 'Gulay Rangers' sa bata ay dine-demonstrate ni Harold kung saan tinatamaan ang bata sa kuwento—sa katawan nga lang niya dumapo ang mga 'tama' ng bata. Sa huli ay tumatawa na si Harold habang siya ay walang tunog na umiiyak sa tabi nito.
Hanggang sa panaginip ay dinalaw siya ng Gulay Rangers. Mula noon ay hindi na siya napilit kumain ng gulay, at umiiyak na siya kapag nakikita niya sa farm si Harold. Nakalapit lang uli sa kanya ang lalaki na hindi na siya umiiyak noong nasa first year Highschool na siya. Nakilala na niya si Harold bilang si Atty. Harold Virgil, trusted lawyer ng kanyang abuela.
Hindi na siya dinadalaw ng mga Gulay Rangers sa panaginip pero hindi na rin niya napilit ang sariling kumain ng gulay. Hindi rin siya mahilig sa pork. Beef and fish, plus fruits lang ang nasa food list niya. Kapag wala ang mga iyon ay mabubuhay siyang cereal or bread lang ang pagkain. Basta may tubig sa tabi niya, okay na siya.
"Masarap ang mainit na tsaa sa ganito kalamig na panahon, hija." sabi ni Tito Ico na natuwa nang makitang nag-eenjoy rin siya sa puto. "O, Andoy, hindi ka sa labas magtsa-tsa? Mawawala na ang paborito mong tanawin sa umaga." Nilingon ni Tito Ico si Alex na abala sa paghigop ng tea. Lumabas rin kaagad si Tito Ico, parang abalang-abala. Sumunod naman si Manong Samuel, para magpa-refill ng tea.