Chapter 23 Nagkatinginan kami ni Dok Mario. Alam kong may kakaiba sa kaniyang mga tingin. Nabasa ko doon ang kakaibang pagkabahala. "May masama bang nangyari kay Lando, Dok?" "Alam kong kayang-kaya ni Bryan pero kung hinihingi niya ang tulong ko, hindi iyon normal. Tatagan mo ang loob mo. Babalikan kita dito. Gagawin namin ang lahat. Naiintindihan namin ni Dr. Bryan ang kalagayan ninyo kaya lahat ng kaya naming gawin ay gagawin namin para sa inyo. Gusto ko taimtim kang magdasal sa kaniya. Malaki ang maitutulong ng iyong pananalig sa Diyos. Sige maiwan muna kita dito. Alam kong parating na din ang pamilya mo para dalawin ka." Paalis na si Dok Mario pero nahawakan ko ang kaniyang kamay. "Parang awa niyo na Dok. Kailangan ko siyang masilip. Utang na loob Dok, kailangan kong makita siya."

