Chapter 17

2581 Words
LORRINE'S POV "NASAAN SINA Inay Serra?" Iyon agad ang tanong ko nang kumalas sa yakap nila. Nakatayo kami ngayon sa gilid ng mga kasamahan kong Atramentous. Wala na akong pakialam kung pinanonood nila kami. Kung natatawa sila sa reaksyon ko o ano pa man. Ang mahalaga sa akin ngayon ay nasa harap ko ang mga nilalang na importante sa buhay ko. Hindi ko na napigilan pa ang kumawalang hagulgol sa akin nang maramdaman ang init ng yakap ng dalawa sa mga taong importante sa buhay ko. Hindi ko na naisip na baka masira ang kolerete na mayroon ako. Nawala na nga rin sa pag-iisip ko na nasa pagdiriwang kami ngayon. Napatingin ako sa mga kasamahan ko. Ang iba sa kanila ay nakangiti, halatang masayang para sa akin. At ang iba naman ay seryoso lang ang mukha, blanko at hindi mo mawari kung ano ang iniisip. Ngunit magkagayunpaman, hindi nakabawas iyon sa sayang nararamdaman ko. Lalo pa at nasa harap ko na ang mga nilalang na alam kong tanggap ako. Nasa harap ko ang mga nilalang na hindi ko kailangan pakisamahan dahil sila ang sasama sa akin. Bagaman batid ko na mayroon kaming hindi pagkakaintindihan, hindi naging balakid iyon para mamutawi sa puso ko ang kasiyahan. Muli kong tiningan si Nhykira, nang gawin ko iyon ay napayuko ako. Sa pagyuko ko, isang mapait na ngiti ang binitawan ko. Nasa harap ko na ngayon ang dahilan kung bakit ako narito sa kaharian na ito. Nasa harap ko na ngayon ang dahilan kung bakit pinili kong manatili rito. "Hindi na sumama ang Inay at Itay. May kinakailangan daw silang gawin sa susunod na araw, kung kaya't kami na lang ni Kuya ang nagpunta rito," paliwanag sa akin ni Nhykira. Muli ko siyang niyakap. "Lorrine... alam kong malaki ang nagawa kong kasalanan—" Nakita kong pinangiliran ng luha ang mga mata niya. Kaya agad kong pinutol ang dapat sana ay sasabihin niya. "Huwag mo nang alalahanin iyon, tapos na iyon, Nhykira," usal ko at muli na naman siyang niyakap. Wala man sina Inay Serra ay hindi naging hadlang iyon upang hindi umapaw ang sayang nararamdaman ko. Niyakap ko ring muli si Miandro na alam kong masaya rin dahil napatawad ko na ang kaniyang kapatid. Hindi man niya sabihin sa akin ay alam ko sa puso ni Miandro na ginawa niya ang dapat niyang gawin bilang nakatatandang kapatid ni Nhykira. Alam kong pinagsabihan na niya ito o ang mas malala roon, pinagalitan niya ito. Alam kong hindi tino-tolerate ni Miandro ang hindi magandang pag-uugali minsan ni Nhykira. At naiintindihan ko kung sasabihin niya sa akin na hindi madaling isuko ang kapatid niya sa Horristhora. Batid ko na rin sa aking hinuha na alam na ni Miandro ang totoo— na hindi ako inutusan ng kapatid niya upang patayin ang mga kawal ng Questhora na siyang magiging dahilan upang makapasok si Nhykira sa loob ng kaharian na ito. Alam kong nasabi o naikwento na iyon ni Nhykira sa kaniya… wala mang kumpirmasyon, ramdam ko iyon. "Lorrine! Ang ganda-ganda rito sa Questhora!" bulalas ni Nhykira. Kumikislap ang mga niya habang binabagtas ng kaniyang mata ang kabuuhan ng bulwagan. "Sa wakas ay nakatapak din ako rito. Maraming salamat sa iyo," Kumunot ang noo ko nang marinig ang pagpapasalamat ni Nhykira. Salamat sa akin? Bakit? Ano ba ang ginawa ko? Nagtaka ako nang maisip kung papaano sila nakarating dito. Bigla akong kinabahan. Masama ang kutob ko ngunit tila sinasabi ng isip ko na huwag kong sundin kung ano ang kutob na iyon. Gusto kong ikalma ang sarili ko pero natatakot ako. Siguro, dahil na rin sa trauma. Hindi ko alam. Baka kasi hindi naman sila legal na pumasok dito. Baka pinilit lang nila. Hindi ko alam ang iisipin ko. Npatingin ako sa kanilang kasuotan, pinasadahan ko ang kanilang kabuuan at sinipat. Hindi iyon nalalayo sa garbo ng kasuotan na mayroon kami ngayon. Alam kong hindi kakayanin ng salapi na mayroon sila ang makabili ng ganito kagandang kasuotan kaya mas lalo akong nagtaka. Ngunit imbes na pagdudahan sila ay hinintay ko ang paliwanag nila. Oo, nakalulungkot man isipin pero hindi ko maiwasang magduda. Patawarin ako ng bathala kung nag-iisip ako nang masama sa aking kapwa, lalo pa't mga tinuring ko itong kapatid. Ngunit ang kabang naramdaman ko kanina ay batid kong pagdududa. "Paano kayo nakapasok dito? At saan ninyo nakuha ang ganiyang kasuotan?" nagtatakang tanong ko. Hindi ko maiwasang kabahan. Lalo na nang lumapit sa akin si Nhykira atsaka bumulong. "Sinundo kami ni Lady Aurea kasama ang mga kawal. At siya rin ang nagbigay sa amin ng kasuotan. Ngunit hindi ito maaaring ipagsabi. Kakaunti lamang ang nakakaalam na nakapasok kami rito. Iyong mga kawal lang na matitikas ang katawan." Nakahinga ako nang maluwag dahil sa binulong na iyon ni Nhykira. Pakiramdam ko ay nabunutan ako ng tinik dahil sa sinabi niya. Hindi ko kakayanin kung panibagong kasalanan na naman ang magagawa niya, makapasok lang sa pinapangarap niyang Questhora. Mabuti na lamang at wala. At iyon ang pinagpapasalamat ko sa bathala. Napatango naman ako dahil mas gugustohin ko pang manahimik dahil sa katotohanang kaunti lang ang nakakaalam na galing sila sa Verphasa kaysa ang mawala sila sa akin. Atsaka, hindi ko naman ugali ang dumaldal. Lalo pa't alam kong hindi naman kami nababagay sa lugar na ito kaya kinakailangan namin na manahimik. Gayunpaman, nais kong puntahan ang reyna upang personal na magpasalamat. Dahil hindi niya alam kung gaano kasaya ang puso ko sa mga oras na ito. Hindi niya alam kung gaano niya ako napasaya ngayon. Bawing-bawi ang mga araw at oras na nasaktan ako, na inisip ko na lang na umalis sa lugar na ito, na inisip na hindi ako nababagay dito at tuluyan nang bawiin ang binitawan kong salita noon. Huminga ako nang malalim at malawak na ngumiti. "Nagagalak akong makita kayong muli!" saad ko at muling naluha. "Hindi mo alam kung gaano kami nananabik na makita ka," saad naman ni Miandro na kanina pa tahimik. Alam ko namang hindi siya sanay sa maraming nilalang. At hindi rin sanay na magsalita dahil bibihira kung may kausapin siyang nilalang. Natigil ang pagkakamustahan namin nang matuon ang atensyon ko sa nasa harap ng malaking pinto ng bulwagan. Hindi nga lang atensyon ko ang napukaw niyon, maging ang iba ay nakasentro ang paningin sa pagbukas ng malaking pinto ng bulwagan. Doon ay nakita ko ang kanina lang ay nais kong puntahan— si Lady Aurea. Kasama nito ang anak na si Czearine na hindi ko namalayang umalis pala sa kaniyang pwesto. Lahat ay tahimik nang magsimulang pumasok ang reyna. Bukod kay Czearine na siyang katabi nito, mga kawal at servus na pumapalibot sa kanila ay may iba pa silang kasama. Ngunit hindi ko na kilala ang mga kasama pa nito. Mula sa pasukan ay kitang-kita ng mga mata ko ang nag-uumapaw na kagandahan ng reyna, maging ang sumisigaw na karangyaan ng mga ito. Ang iba niyang kasama ay tila mag-asawa, katulad ng mag-ina ay hindi nalalayo ang karangyaan ng mga ito base sa kanilang paraan ng paglalakad, pagngiti at pagkaway. Isama pa ang mga kasuotan nito na batid kong hindi pangkaraniwan. Inihatid ng bawat salamangkerong narito ang paningin sa reyna hanggang sa makasampa ito sa malawak na entablado sa harap ng bulwagan. Suot ang isang long sleeve silver ball gown na punong-puno ng diamonds at crystal beads ay nakangiting hinarap ni Lady Aurea ang lahat ng dumalo. "Good evening to each and everyone of us." Iyon pa lang ang sinabi ng reyna ngunit ang palakpakan ay hindi nawala. Lumakas pa iyon lalo nang ngumiti ang reyna sa lahat. "I would like to express my gratitude to all of you. I know you are longing for your family and I won't make this speech any longer. Tonight, as we gather, I want you guys to make the most of your time together. Hope you'll enjoy this little celebration and enjoy the rest of the night." Maging kami nina Nhykira ay nakipagpalakasan ng palakpak para sa reyna. Nakatayo pa rin kami sa gilid ngunit nasa isang hindi maliwanag na parte ng bulwagan. Nagulat naman ako nang biglang sumulpot si Nyx sa harapan ko at alukin ako na maupo na kaming muli sa upuan. Doon ay napansin kong silang dalawa na lang ni Aryll ang naroon. Wala na sa lamesang inookupahan namin sina Loie maging ang dalawang kapatid nito. Samantalang alam ko naman kung nasaan si Czearine. Dahilan para magkaroon kami ng espasyo at makaupo kami ng mga kapatid ko. "Salamat, Nyx," may buong senseridad na sabi ko. "Welcome to Questhora!" Hayun na naman ang makulit na boses ni Aryll. Ang sinasabihan nito ay sina Nhykira at Miandro na parehong naiilang ang mga ngiti. "I'm Aryll," dagdag pa nito atsaka inabot ang palad sa dalawang kasama ko. Kahit ako ay maiilang na hawakan ang kamay ni Aryll dahil lubha iyong pino at maganda. Ngunit dahil hindi naman kami tinuruan ng mga kinikilala kong magulang na maging bastos, nakipag-kamay sina Nhykira at Miandro kay Aryll, ganoon na rin kay Nyx nang mag-abot din ito ng kamay. "Gaya-gaya," pang-aasar ni Aryll kay Nyx. "Siya si Nyx Blaustein. Ang lalaking yelo." "Siya naman si Aryll, ang babaeng tunay na manggagaya sa aming dalawa dahil iyon ang kapangyarihan niya." Nag-asaran pa ang dalawa sa harap namin ngunit tinawanan lang iyon nina Nhykira at Miandro. Kumpara sa dalawang magkapatid, si Nhykira itong unti-unti nang nagiging komportable dahil nasasabayan nito ang pang-aasar ng dalawang matalik na magkaibigan. Habang si Miandro naman ay paminsan-minsang tumatawa pero nananahimik kapag hindi na siya interesado sa pinag-uusapan. Samantalang ako naman, hanggang ngayon ay dinadama ang masayang pakiramdam. "Oh! Before I sit down..." Muling umugong ang boses ni Lady Aurea sa mikropono kaya naman nakuha nito ang atensyon ng lahat. "Batid kong kinalala ninyo na sila. Ngunit nais ko muling ipakilala. I would like to introduce to all of you our leader and the Headmaster of Horristhora... Varrus Auxworton and his wife Fresca Auxworton. Together with their children, Launt, Loie and Larc." Napatayo at muling pumailanlang sa buong bulwagan ang masigabong palakpakan nang magpunta sa unahan ng entablado ang mga namumuno sa Horristhora. Sila iyong mag-asawang kasama nina Czearine at Lady Aurea na pumasok galing sa malaking pinto ng bulwagan. Isa pa sa ikinagulat ko ang marinig ang pangalan ni Loie at nang mga kapatid nito na kanina lang ay kasama namin. Ang ibig sabihin, anak siya ng mga namumuno sa Horristhora? Ang lugar kung saan ipinapatapon ang mga salamangkerong nagkasala. Bigla akong kinabahan. Nanlamig ang kamay ko't nanginig ang aking buong katawan. Ilang beses akong huminga nang malalim ngunit hindi nakabawas iyon sa kabang nararamdaman ko. Ito iyong kabang naramdaman ko nang pagkalabas ko pa lang sa pinto ng aking kuwarto. Ito iyong pamilyar na takot na kanina ko pa nararamdaman ngunit isinasawalang bahala ko lang. Ang takot na naramdaman ko ay mas lalong pinaglalim nang makitang nakatitig sa akin si Loie nang diretso. Nagsalubong ang aming paningin na nagdulot sa akin ng pagkakilabot sa buo kong katawan. Ang takot na iyon ay hindi para sa akin kung hindi para kay Nhykira. Alam ng mga ito ang nagawa ni Nhykira. Posibleng isuplong nila ang aking kaibigan bagay na hindi ko nais na mangyari. Dahil kung mangyayari iyon, bukod sa masasayang ang mga araw na inilagi ko sa kaharian na ito, makukwestyon si Lady Aurea sa desisyon na iyon. Agad kong hinawakan ang kamay ni Nhykira at nagtaka ito sa aking ginawa. Naramdaman niya ang malamig kong kamay kaya kunot na kunot ang noo niya nang hinarap ako. "May problema ba, Lorrine?" Tila nahawa siya sa pagkataranta ko. Muli kong tiningnan si Loie at hindi na ito nakatingin sa akin kung hindi sa harap ng mga salamangkerong nakatingin din sa kanilang pamilya. Hindi siya nakangiti. Hindi rin seryoso ang mukha niya. Blanko iyon at walang ekspresyon. Ang mukhang nakakatakot. "Huy! May problema ba?" tanong nitong muli. Napayuko ako at mabilis na tinanggal ang kamay sa pagkakahawak ko sa kaniya. Nagpalingon-lingon ako sa paligid, kunwaring may hinahanap ngunit ang totoo ay iniiwas ko lang ang aking paningin. "W-Wala. K-Kumain kayo nang marami," saad ko saka nilagyan ng iba't ibang prutas ang kanilang plato. "K-Kwentuhan ninyo ako." Tila nawiwirduhan sa akin ni Nhykira kaya sinubukan kong ikalma ang sarili ko ngunit tila nabigo ako. Napatingin naman ako sa kamay ni Miandro na humawak sa aking balikat. Napabuntong-hininga ako. Paano ko nagawang kalimutan ang kapangyarihan na mayroon si Miandro? Iyon ang makapagbasa ng isip. Alam nito ang tumatakbo sa isipan ko at siyang bumabagabag sa akin. "Aalis na ba kami?" bulong nito sa akin. "Mukhang hindi maganda na manatili kami rito nang matagal." Nanlaki ang mga mata ko at binulungan siya. "Ngunit panauhin kayo. Ang reyna mismo ang nag-imbita sa inyo rito." Hindi ko na magawang kumalma. Tumingin sa akin si Miandro na parang niyayaya akong makipag-usap sa kaniya sa pribadong lugar na hindi maririnig ni Nhykira. Agad naman siyang tumayo at nagdahilan kami na sasamahan ko lamang siya sa palikuran. Hindi ako mapalagay. May kung ano sa akin na nais nang paalisin ang dalawa pero kulang na kulang ang minuto na nandito sila. Kulang na kulang ang oras na iyon para sa akin dahil lubha akong nanabik sa kanilang pagdating. Hinila ako ni Miandro sa madilim na parte ng bulwagan kung saan naroon ang isang estante ng mga serbesa. "Walang sinasanto ang mga nasa Horristhora. Kapag nalaman nilang nagkasala si Nhykira, dadalhin ito roon sa ayaw mo't gusto," paliwanag sa akin ni Miandro. Maging siya ay natataranta ang boses ngunit nananatiling kalmado ang kaniyang hitsura. "Ngunit si Lady Aurea ang nagpapunta sa inyo. Hindi nila puwedeng suwayin ang Reyna!" may kalakasang saad ko ngunit pinipigilan kong mas lumakas pa iyon dahil baka may makarinig sa amin. Nagtiim ang bagang ni Miandro. Tila nawawalan ng pasensya. Namumutawi ang inis sa kaniyang ekspresyon kaya lalo akong natakot. Hindi ko maiwasang hindi pangiliran ng luha. Aalis na naman sila. Maiiwan na naman ako dito nang mag-isa. "Nais mo bang mabaling ang parusa sa Reyna? Na nagpapapasok siya sa Questhora ng mga taga-Verphasa? At ang malala pa ro'n, si Nhykira ay nagkasala." "Ano't pinapunta niya pa kayo rito?" Hindi ko na naitago ang inis. Bakit pa niya pa papapuntahin dito ang mga kaibigan ko? Naaalala ko ang kapangyarihan niya, na malaman ang susunod na mangyayari. Dapat alam niya kung mapapahamak o hindi si Nhykira. Ngunit kung gayon ngang tunay ang kapangyarihang sinabi niya sa akin. At nagtitiwala ako sa kabutihan niya, dapat sigurong magtiwala rin ako sa kaniya. "Hindi ko alam ang dahilan niya. Ngunit ang sabi niya sa ami'y nananabik ka na raw sa amin." "Tunay ang kaniyang sinambit. Kaya't hindi ko kakayanin kung aalis kayo. Kararating ninyo lang, Miandro." Naroon ang pagsusumamo sa tinig ko. Desperado akong manatili sila rito dahil hindi ko yata kakayanin kung muli kaming magkakawalay. Kung alam lang nila, mas nais ko silang makasama kaysa sa mga salamangkerong narito. Kung alam lang nila, wala ang karangyaan na ito dahil sila ang yaman ko. "May problema ba?" Mula sa kung saan, lumabas si Loie sa aking tabi. Parang tumalon ang puso ko sa gulat at kaba. Gayun din ang takot na baka mawala sa akin sina Nhykira. "L-Loie..." "Huwag kayong mag-alala. Hindi makakarating sa pinuno ang ginawa ni Nhykira. Bumalik na kayo sa inyong upuan." Iyon lang ang sinabi niya saka agad kaming tinalikuran. Ngunit agad din siyang napatigil nang marinig akong nagsalita. "P-Pero..." "Kung mananatili kayong narito, pagdududahan kayo ng iba pang salamangkero." Sinabi niya iyon nang hindi manlang nag-abalang humarap muli sa amin. "S-Salamat."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD