Chapter 14.5

4587 Words
LORRINE'S POV "WHAT ARE you doing here?" Sinalubong ko ang mabagsik na tingin ni Czearine habang papalapit ito sa akin. Ngunit hindi ako nagpakita ng senyales ng sindak kahit pa ang totoo'y abot-langit ang aking kaba. Ayoko naman kasing isipin nila na masyado akong nakikinig sa usapan nang may usapan. Ayokong isipin nila na... nakikinig ako sa mga bagay na hindi ko dapat marinig. Pero... hindi ko nga ba dapat marinig ang mga bagay na iyon? Hindi nga ba ako dapat nakikinig sa kanilang usapan? "Vino înăuntru," pagyayaya sa amin ni Lady Aurea na pumasok. At ganoon nga ang ginawa namin ni Aryll. Nangangatog ang mga tuhod ko nang ihakbang ang mga paa ko dahil seryoso rin ang boses ni Lady Aurea nang sabihin iyon. Nakayuko ako habang dahan-dahang naglalakad papasok. Mas naging tensyonado ang mga sandali nang wala man lang ni isa sa amin ang umimik. Halos marinig ko na ang ingay ng pakpak ng insekto dahil sa tindi ng katahimikan na nagaganap. Kasalanan ko ito, eh. Kung hindi sana ako nakinig sa usapan nila, hindi sana ako makakaramdam ng pagka-ilang. Muli ay nadismaya ako sa aking sarili dahil tumungo nga ako rito para humingi ng tawad at magpasalamat. Ngunit heto at gumagawa na naman ako ng kasalanan. Muli kong kinapa ang aking sarili, at naroon pa rin ang kirot sa puso ko habang inaalala ang mga napakinggan ko kanina lang. Kahit na alam kong hindi ako ang tinutukoy nila, may parte pa rin sa akin na umaasa. Hindi ko alam kung bakit pa ba ako umaasa? E, malabo naman na maging ako ang nasa usapan nila. Abot-langit din ang galit sa akin ng dalawang iyon kahit wala naman akong kasalanan sa kanila. Kung tratuhin nila ako, para bang ako ang pinakamababang salamangkera na nakilala nila. Well, totoo naman. Mababang uri lang ako. Pero hindi ko pa rin alam kung saan nagmumula ang galit nila sa akin. "Ano'ng gusto mong gawin ko, Czearine? Ang magalit kahit na hindi iyon ang kagustuhan ko?" Nakakatwang, muling sumagi sa isipan ko ang sinabing iyon ni Loie. Paanong hindi niya gusto ang magalit? Eh, sa pagkakatanda ko, lagi naman siyang mukhang galit. Ni minsan ay hindi ko pa siya nakitang tumawa o nakipagbiruan lamang. Hindi niya raw kagustuhan ang magalit? Eh, bakit lagi siyang galit? Hindi ko maintindihan ang nais niyang iparating pero ayoko namang isipin dahil dadagdag lang iyon sa mga gumugulo sa isip ko. "I'm asking you! What are you doing here?" singhal na naman niya sa akin. Huminga ako nang malalim. Heto na naman, makikipag-deal na naman ako sa ugali niyang hindi ko maintindihan. But this time, hindi ako lalaban. Hindi ko siya lalabanan dahil mali ko naman talaga na makinig sa usapan nila. "Hija, calm down," pag-aalo sa kaniya ng ina sa likuran nito. Mukha namang nagtagumpay ang reyna sa pag-aalo dahil tila kumalma ang hitsura ni Czearine. Ang hitsura niyang tila galit na tigre ay kumalma nang aluin siya ng ina. Tumingin ako sa mata nito, nilalabanan ang masamang tingin. "Nais ko lamang kausapin ang Lady Aurea," pagsasabi ko ng totoo. "Ano'ng narinig mo?" "W-Wala!" mariing tanggi ko kahit mayroon naman talaga. Gusto kong pitikin ang sariling bibig dahil nautal ako. "Mincinos!" Nanggagalaiti niyang saad kung saan sinabi niyang sinungaling ako. Oo, totoo naman ang sinabi niyang sinungaling ako dahil totoong may narinig ako. Ayoko lang aminin dahil umaasa akong baka makalusot. Hindi ko inaasahan na mas pinalubha lang niyon ang sitwasyon. Dahil mahigpit niya akong hinawakan sa aking braso habang nanlilisik pa rin ang kaniyang mga mata't nakatingin sa akin. Hinigit niya iyon na para bang ginugusto ko naman ang tumakas. "Czearine!" pagpigil ni Aryll dahil nakaramdam ako ng sakit sa braso ko. Parang mababali ang mga buto ko dahil sa lakas ng pwersa ng kaniyang pagkakahawak. "Hey, you are hurting her." "I don't care!" sigaw ng babaeng may hawak sa akin. "Please, stop!" pagmamakaawa naman ni Aryll. Napatingin ako kay Loie, nakita kong nakatingin din siya sa akin. Ang mga mata ko'y nakikiusap, pawang sinasabi na baka maaari niyang pagsabihan si Czearine na pakawalan ako. Pero imbes na gawin niya iyon ay iniwas niya ang tingin. "Let her, Aryll." Huminga ako nang malalim. Kakatwang inasahan ko na ililigtas niya ako pero hindi. Bakit nga ba ako umaasang gagawin niya iyon, eh, sukdulan ang galit nito sa akin? And the next thing I knew, Czearine is humming like a bird with unknown tune. Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto ang kaniyang ginagawa. Is she using her power on me? Unti-unti ay napapikit ako dulot ng ganda ng kaniyang boses. Para ako niyong hinihele. Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang pagbigat ng talukap ng aking mata. Kahit anong pigil ko ay hindi ko kinakaya ang pag-anod ng antok sa aking katawan. Para bang hinang-hina ako dahil pakiramdam ko, antok na antok ako. Bago makaramdam ng kaunting pagkahilo ay lumapit sa akin si Lady Aurea. Itinapat niya ang kaniyang palad sa aking mukha atsaka nagbigkas ng mga salita. "Vei uita tot ce ai fost martor. Uiți că vrei să vii în camera mea să vorbești cu mine. Te vei trezi a doua zi în pace..." Hindi ko iyon naintindihan. Pero para bang sinasabi niya ang isang salamangka na kakaiba upang tuluyan akong mawalan ng malay. Papikit-pikit na ang mga mata ko ngunit nilalabanan ko ang antok. Sadya nga lang na malakas ang kapangyarihan ni Czearine dahil kahit labanan ko iyon ay hindi ako mananalo. "Sorry, Lorrine..." Iyon na ang huling narinig ko mula sa kaniyang bibig at tuluyan na akong nagpadala sa antok. ** MASAYA AKONG bumangon kinabukasan. Para bang ang gaan sa pakiramdam ng lahat. Wala ng negatibong pag-iisip ang sumagi sa aking isipan. Siguro ay dahil ito ang ikatlong araw ko ng pagpapahinga buhat nang magbalik ako galing Verphasa. Ang sabi nila'y ito na raw ang huling araw ko ng pagpapahinga at kinabukasan ay magsisimula na muli akong magsanay. Bagay na lubha kong pinanabikan. Kakatwang tila ngayong araw ko lang ginusto at pinanabikan ang pagsasanay. Sa sobrang pananabik na nararamdaman ko, nakiusap ako sa kanila na payagan na akong mag-ensayo ngayon dahil maayos na maayos naman na ang pakiramdam ko. Mabuti na lang at pumayag sila. Ilang araw din kasi akong nawala base sa kwento nila Nyx at Aryll, tapos ilang araw na rin akong namamahinga. Kaya siguro, gustong-gusto ko na ang magsanay dahil alam kong kulang na kulang na ang panahon ko upang makasabay sa pagsasanay ng mga kasama ko. Masaya kong pinaglaruan ang anino dulot ng haring-araw saka ko inayos ang aking sarili upang lumabas na ng kuwarto. Ilang araw din akong naburyo doon. At ayoko nang maging pabigat sa mga kasama ko. Mabilis kong nilakad ang pasilyo ng kaharian. Isa-isa kong nginitian ang lahat ng servus na madadaanan. Maski ang mga kawal na paroo't parito ay hindi nakawala sa pagbibigay ko ng matamis na ngiti. Para na akong tinatakasan ng bait dahil maski ako ay hindi kilala ang sarili ko ngayon. Basta't ang malinaw lang sa akin, masaya ako sa ginagawa ko. "Nyx! Aryll!" tawag pansin ko sa dalawa nang makita sila sa hindi kalayuan na nag-uusap. Agad naman nila akong sinalubong nang makita ako. "Namiss ko kayo. Saan tayo mag-eensayo ngayon?" sabik na sabik kong tanong. Hinawakan nila ang magkabilang braso ko. "Pasensya na, Lorrine. Ngunit hindi pag-eensayo ang matututunan natin ngayon," pahayag ni Nyx na siyang ikinalungkot ko. Ngunit ang lungkot na iyon ay natalong muli ng sayang nararamdaman ko. Hindi ko maintindihan ang sarili ko ngayon ngunit pakiramdam ko, ang gaan ng pakiramdam ko. Huwag lang talaga ako makakasalubong ng mga negatibong nilalang dahil baka mahawa ako. "Eh, ano lang?" dismayadong tanong ko ngunit nananaig pa rin ang pananabik. Kahit siguro anong gawin namin ngayon, matutuwa ako. "Tuturuan tayo ni Professor Mark na mag-summon ng weapon na magagamit natin sa digmaan," paliwanag naman ni Aryll na ikinalaki ng mata ko. Ano raw? Hindi ko maintindihan ang tinuran ni Aryll ngunit hindi naman naging dahilan iyon para mawala ang pananabik sa loob ko. Anong weapon o kagamitan kaya ang tinutukoy niya? Sa tingin ko ay dapat ko iyong malaman. "Talaga?" Hindi maalis sa akin ang manabik. "Oo! Kaya tara na! Mabuti at kusa kang gumising, balak pa sana kitang gisingin kanina. Ngunit nakita kong mahimbing na .ahimbing ang pagkakatulog mo," anito saka tumawa nang malakas. Bigla naman akong nahiya dahil nakita niya ang paraan ko ng pagtulog. Ano kayang posisyon ng pagtulog ko noong pumasok siya? Nakakahiya! Pero kahit na ganoon, hindi nakabawas iyon nang sayang nararamdaman ko. Ano bang mayroon sa araw na ito at tila tuwang-tuwa ako? Kung ano man iyon, nagpapasalamat pa rin ako dahil gumising ako nang may ngiti sa aking mga labi. Ngunit, nakakaramdam ako na parang may kulang sa akin. Hindi ko alam kung ano iyon pero patuloy nitong binabagabag ang isip ko. Para bang may kailangan akong malaman. Para bang may kailangan akong alamin at hindi ako maaaring matulog nang hindi ko nalalaman iyon. Pero hindi ko alam kung ano iyon kaya tinatalo ng sayang nararamdaman ko ngayon ang mga bumabagabag sa akin. Sa huli, gaan sa pakiramdam ang namumutawi sa akin. Humaba ang nguso ko habang nakatingin kay Aryll. "Sana'y ginising mo ako nang mas naging maaga tayo." Tumawa nang pagak si Aryll. Natatawa siguro sa aking reaksyon. "Huwag kang mangamba. Sapagkat natitiyak kong sabay-sabay rin ang pagpunta natin doon." "Tara na?" anyaya naman ni Nyx. At sabay-sabay kaming naglakad na tatlo. Sinabayan ko lang sila dahil hindi ko alam kung saan namin kakatagpuin si Professor Mark. At dahil hindi ko pa naman kabisado ang pasikot-silot sa kaharian na ito kaya talagang kailangan kong sumabay sa kanilang paglalakad. "Oh, hayan na pala ang dalawa," sambit ni Aryll kaya nanlaki ang mga mata ko. Sa hindi inaasahang pagkakataon, makaramdam ako ng sakit nang makita ko sina Loie at Czearine. Huminga ako nang malalim dahil hindi ko makapa kung ano ang rason ng pagsakit ng puso ko nang makita ko silang dalawa. I am sure, na hindi ito tungkol sa pag-ibig o sa paninibugho. Wala akong nararamdamang ganoon sa kanilang dalawa dahil wala naman akong pakialam kung magkasama sila. Ngunit, ibayong sakit ang naramdaman ko nang makita ko ang mga mukha nila. At pakiramdam ko, konektado iyon sa aking kanina lang ay iniisip ko. Ang bagabag na nararamdaman ko ay tila konektado sa kanilang dalawa. But I still do not know why. Bumuntong-hininga ako dahil ayoko ng nararamdaman kong ganito. Pilit kong kinumbinsi ang sarili ko na huwag intindihin ang negatibong pakiramdam kaya nang makalapit kami sa kanilang dalawa ay ngumiti ako sa kanila. "Tutungo rin ba kayo kay Professor Mark?" masiglang tanong ko sa dalawa ngunit sinimangutan lang ako ng mga 'to. Hanggang ngayon ay masama pa rin ang timpla nila sa akin. Inaano ko ba sila? Lagi na lang silang galit? Iyong totoo, lahat ba ng kinakain ng dalawang ito ay galing sa mga galit na nagluto? Bakit lahat na lang yata ng sama ng loob, nilunok ng dalawang ito kaya ganito na lang ang pakikitungo nila. O baka sa akin lang talaga? "Why do you ask?" galit na tanong sa akin ni Loie. "I just... wanna know?" Sinagot ko iyon na may halong pagtatanong. Ngunit hindi na niya ako pinag-aksayahan pa ng panahon, naglakad silang dalawa na parang hindi nila kami kasama. Nagpauna silang maglakad habang kaming tatlo naman ay nasa likuran nila. Iniisip ko talaga kung saan nanggagaling ang galit nilang dalawa sa akin ngunit tila wala akong maisip. Iniintindi ko na lang na ganoon talaga ang ugali nila para kahit papaano ay subukan kong pakisamahan sila. Pero parang ang hirap-hirap sa parte ko na... kausapin sila dahil alam kong ayaw naman nila akong kausapin. Ang hirap makipag-ayos sa mga taong hindi rin nais ang pakikipag-ayos. Binilisan na lang namin ang lakad, sumasabay na rin ng lakad sa amin iyong dalawa ngunit bahagya pang malayo ang agwat naming lima. Ako ang nasa gitna, habang nasa kaliwa't kanan ko naman si Nyx at Loie. Katabi naman ni Loie si Czearine sa kanan niya at si Nyx naman ay katabi ni Aryll sa kaliwa nito. "Kumusta ang pakiramdam mo?" Bahagya akong napatingin kay Loie nang magsalita siya ngunit ang paningin ay sa nilalakaran namin. Hindi ko na siya sinagot dahil baka hindi naman ako ang kausap niya. "Tinatanong kita, Lorrine." Gulat akong napatingin sa kaniya. Hindi malapit ang agwat namin habang naglalakad ngunit hindi rin naman malayo. Sapat na ang distansyang isang metro upang marinig ako ang hindi kalakasan niyang tinig. "A-Ayos lang n-naman ako," sagot ko. Hindi ko maiwasang magtaka. Bakit niya ako tinatanong? Ano naman sa kaniya kung mabuti o hindi ang pakiramdam ko? At kailan pa siya nagkaroon ng pakialam sa nararamdaman ko? Teka lang, ah. Hindi pa mapurol ang memorya ko kaya naman, malinaw pa sa alaala ko ang mga bagay na ginawa niya sa akin at walang maganda ni isa sa mga iyon. Lalo pa't sinabi niyang hindi siya ang nagligtas sa akin. Edi walang rason para magkaroon ako ng utang na loob sa kaniya. Wala ring rason para tanungin niya ako tungkol sa nararamdaman ko. Pero kahit na namumutawi sa akin ang pagtataka, sinikap kong sagutin at pakisamahan siya nang maayos. Ayoko na rin naman ng gulo. Ayoko na rin na masyado naming sinisira ang mood ng isa't isa. Kung ayaw niya ng tahimik at payapang buhay, ako, gusto ko. Bahala siyang mainis. Kung hindi siya napapagod sa pagiging magagalitin niya, ako napapagod nang kausapin siya. "May kakaiba ka bang naaalala?" Weirdo na nga siyang salamangkero, weirdo din siyang magtanong. Mayroon ba akong dapat na maalala. Ngunit sinagot ko na lang ang tanong niya upang hindi na humaba ang usapan. "W-Wala naman." Hindi ko maiwasang hindi ma-utal dahil bago sa akin ang pagtatanong niya na iyon na hindi na sinundan pa ng kahit anong salita. Iniwan niya rin akong tulala at iniisip kung ano ang dahilan ng pagtatanong niya. Pagkatapos niyang gawin iyon ay naglakad siya sa gilid ko ngunit malayo ang agwat sa akin at dumukit muli kay Czearine na para bang walang nangyari. Hindi ko naman maiwasang hindi panoorin kung papaanong mag-usap iyong dalawa. Ganoon lang din sa paraan niya ng pagkausap sa akin ngunit halatang malumanay ang kaniyang pagsasalita bagaman hindi ko naririnig dahil na rin sa malayo ang distansya ng pagitan namin. Tahimik kaming lahat na binagtas ang daan tungo sa Arena. Ngunit imbes na sa Arena kami magpunta ay dumiretso kami sa isang gusali na nagngangalang Laboratorul. Namangha ako sa ganda ng paligid pagkapasok naming iyon. Dahil bukod sa istilong kaharian ng Questhora ito, iba't ibang salamangkera na nakasuot ng puting laboratory gown ang nakita ko. May lalaki, may babae. At ang mas nakakamangha roon ay ang mga lumulutang na iba't ibang armas sa hangin. Mas mahaba at maikling punyal. May pana, balak, pamaypay na gawa sa bakal at iba pa. Hindi ko maiwasang hindi mapanganga. Talagang araw-araw ay pinaparamdam sa akin ng kaharian na ito ang kanilang karangyaan. Swerte ba akong maituturing ngayong nakatapak ako sa lupain ng magagaling at malalakas na salamangkero? Gusto kong sabihing oo. At gusto ko rin tanggapin sa aking sarili na swerte ako sapagkat, hindi ko alam kung bukod sa akin ay mayroon pang salamangkero na nagmula sa Verphasa ang nakatapak sa lugar na ito, nakasama ang ibang mga salamangkero na narito, at tumira sa ganito kagandang lugar. Abala pa ang mga mata ko sa paglibot nang mahinto iyon dahil nagulat ako sa pagsasalita ng isang lalaking salamangkero kaya naman, napalingon ako rito. "Narito na pala kayo." Isang lalaking nakasuot na puting laboratory gown na may halong kulay asul ang lumapit sa amin. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko siya at mamukhaan. Hindi ko na napigilan ang pag-awang ng mga labi ko dahil sa gulat. Samantalang siya ay nakatingin lang sa akin habang nakangiti. Isang ngiti na parang sinasabi niyang tama ang aking hinuha. Siya iyong lalaking nakausap ko no'ng huling araw ko rito sa Questhora bago ako magpunta sa aming bayan. Siya iyong lalaking pinagsabihan ko ng mga pasakit ko sa buhay at ang rason kung bakit ako aalis sa lugar na ito. Tila nag-init ang pisngi ko sa kahihiyan. Naaalala kong nagpakilala siya sa akin at isa iyon sa naging dahilan para makumpirma ko kung sino siya. Siya ba ang Professor Mark na tinutukoy nila? "Professor Mark?" patanong kong tawag sa kaniya. Ngumiti naman siya sa akin nang malapad saka marahang tumango-tango. "Ako nga," sagot niya. Napahawak ako sa labi ko. 'Hindi ba't ikaw iyong—" "Ako nga." Siya iyon? Iyong kasama kong naupo sa kahoy na tulay at… "Iyong nakausap ko po roon sa lawa—" "Ako nga." Mas nanlaki ang mga mata ko. Siya rin ba... "Iyong nakinig sa mga pinagsasabi—" "Ako nga—" Hindi na naituloy ni Professor Mark ang dapat sana ay sasabihin niya nang biglang magsalita si Czearine. "Hindi pa ba kayo tapos magkumpirmahan?" Inismiran ako ng Czearine nang magtama ang aming paningin. "Narito kami para sa mga armas na gagamitin. Hindi para makipagkumpirmahan kung siya nga ang siya," galit nitong pahayag. Maski kay Professor Mark ay ganito ang kaniyang pakikitungo. Natural na ba sa kaniya ang pagiging masungit? Bakit? Dahil anak siya ng isang reyna? Hindi ko akalaing ganito pala kalaki ang ulo ni Czearine. Sinasamantala niya ang posisyon na mayroon siya para sindakin ang mga salamangkerong mangangahas na siya ay kausapin. Sa susunod nga, itatanong ko kay Lady Aurea kung saan niya pinaglihi ang babaeng ito. Baka laging galit ang reyna nang ipinagbuntis niya si Czearine dahilan para mamana nito ang pagiging mainitin ang ulo. Malayong-malayo ang kaniyang ugali sa kaniyang ina. Likas na mabait at busilak ang puso ni Lady Aurea, samantalang siya ay hindi mo kakikitaan ng kabaitan. Siguro ay doon niya namana iyon sa kaniyang ama? Pero hindi ko maaaring idamay ang isang salamangkerong hindi ko naman nakilala, lalo pa't hindi naman na yata ito buhay. Tumawa si Professor Mark dahil sa paraan ni Czearine ng pakikitungo sa kaniya. Mabuti na lang at may mga salamangkerong umiintindi sa topak ng anak ng reyna. O baka hindi lang siya pinapatulan dahil alam ng mga ito ang posisyon na mayroon siya dito sa kaharian. Imbes na patulan ang dalaga ay tumikhim na lang ang propesor upang magsalita. "Narito ang mga kasangkapan na maaari ninyong gamitin at paghusayan na gamitin upang maging mas malakas. Hindi lang sa kapangyarihan, kundi sa inyong sarili kakayahan," paliwanag ni Professor Mark na unti-unting inilalapit sa amin ang nakalutang na armas. Hindi niya iyon hinawakan, bagkus ay tinitigan niya ang mga iyon para lumapit sa amin. Ni hindi ko rin namalayan na nakaawang na muli ang bibig ko dahil sa labis na pagkamangha. "Bawat isa sa inyo ay kailangan mamili ng isa hanggang dalawang armas lamang." "Bakit hanggang dalawa lang, Prof?" tanong ni Nyx habang kakamot-kamot ng ulo. Kung kausapin niya si Professor Mark ay parang matagal na niya itong kaibigan. Hindi naman kasi nalalayo ang edad at hitsura nito sa amin. Kaya siguro ganoon na lang siya kung kausapin ni Nyx. "Dahil dalawa lang naman ang inyong mga kamay," kaswal na sagot ni Professor Mark kaya natawa si Nyx. Ganoon din si Aryll, at hindi ko man gustong aminin ay nahawa na rin ako sa tawang ito. "Shut up and continue." Napapikit ako sa inis nang marinig ang pagkontra ni Loie. Grabe! Sa sobrang sungit siguro nito, hindi niya rin alam na minsan sa buhay, kailangan ding tumawa. O baka hindi niya alam kung paano tumawa. Nakakaawa siya, napakalungkot siguro ng buhay niya. "Shut up, Lorrine." Namilog ang mga mata ko nang tapunan niya ako ng masamang tingin kasabay ng pagbabanta sa akin. Teka, sandali. Wala naman akong sinasabi, ah. Tumawa lang naman ako, pati ba naman iyon, big deal sa kaniya. Napakasamang nilalang. Hindi siguro siya minahal ng mga nilalang na mahal niya. Minsan nga, turuan ko 'tong magmahal. Baka sakaling bumait. Pero paano ko gagawin iyon? Eh, ayaw nga sa akin ng nilalang na ito. Paano ko sila magpaglalapit ng babaeng pwede niyang ibigin. Nawala ang kasalukuyang iniisip ko nang muling magsalita si Professor Mark. "Napag-aralan ko na ang paraan upang mapunta sa inyo ang inyong mga armas kahit nasa gitna kayo ng laban. Sa una ay mahirap itong gawin pero kalaunan ay natutunan ko rin. Kaya ngayon pa lang, sasabihin ko na sa inyo, kailangan ng inyong emosyon para ma-summoj sa inyo ang armas na ito." "What?" naiintrigang tanong ni Czearine. Maski ako ay naguluhan sa paliwanag ni Professor Mark. Ano ang kinalaman ng emosyon namin sa pagsa-summon ng mga armas? "Kinakailangan ng ibayong pangangailangan sa armas. Mararamdaman ng mga armas na ito na kailangan ninyo sila sa oras na tawagin ninyo sila sa sarili ninyong boses." Nanlaki ang mga mata ko. Ibig sabihin, kailangan naming maramdaman na kailangan namin ang armas na iyon bago mapunta sa mga kamay namin ang mga ito? At hindi lang iyon, kapag tinawag namin ang armas na iyon ay kusang lalapit iyon sa amin lalo pa't kailangan namin? Tama ba ako ng naiisip? Kung ganoon… "Wow. Astig!" bulalas ko. "It's really amazing, Professor Mark!" ani Aryll na nakadaop pa ang mga palad. Tila nananabik na mahawakan ang armas na mapipili niya. "Ayos, iyon! Sa papaanong paraan ko kayo tatawagin ang alaga kong armas?" Halata ang pananabik sa kina Aryll at Nyx dahil bakas sa mga mukha nito ang saya. At ganoon din naman ako. Iniisip ko na rin sa kung papaano ko tatawagin ang mga armas na aking mapipili. Sa hugis ba nito? Sa hitsura? Sa anyo? O sa mismong pangalan nito? "Nasa harapan ninyo ang mga armas. Sa oras na makapili na kayo ng armas na sa tingin ninyo'y makatutulong sa inyo sa pakikipaglaban. Pumili kayo ng isang salita at bigkasin iyon sa harapan ng napiling armas. Nang sa gayon, ang unang made-detect na boses at salita, iyon ang boses ng kanilang magiging tila amo. Hindi mapapasakamay ng kahit na sino ang armas na inyong pinili. Tanging boses ninyo lang ang makakapagpalapit sa kanila sa inyo," mahabang paliwanag ni Professor Mark. Napansin kong lahat sila ay nakatutok lang sa sinasabi ng propesor na nasa aming harap. Lahat ay napanganga dahil sa sinabi nito. Kapwa namamangha sa taglay na talino ni Professor Mark. Kung hindi ako nagkakamali ng pagkakaalala, siya rin ang gumawa ng artipisyal na araw. Siya iyong sinasabi ni Aryll na magiting na scientist at professor na nagtuturo ng salamangka patungkol sa kalikasan. At ngayon, nasa harapan ko na ang salamangkerong naging dahilan kung bakit naranasan ko pagkasilaw dala ng sikat ng haring araw, naranasan ko ang init niyon at naramdaman ko ang natural na pakiramdam ng nilalang na nasisinagan ng araw. Hindi ko maiwasang hindi mamangha sa aking sarili. Pakiramdam ko, wala na akong dapat pang i-atras dahil para sa akin, malayo-layo na ang narating ko. Marami na akong naranasan dito sa Questhora na kailanman ay hindi ko mararanasan sa Verphasa. Marami na akong nasaksihan. Marami na akong naramdaman. Marami na akong natutunan. At lahat ng iyon ay dito sa lugar na ito ko naranasan. Nahinto ang paglalakbay ng pag-iisip ko nang hindi ko alam kung sinadya ba ni Loie o hindi na bungguin ako. Ngunit hindi na lang ako umangal. Ipagpapasalamat ko pa nga sana dahil bumalik sa reyalidad ang aking isip. "I'll take the dagger," saad ni Loie na agad kinuha sa pagkakalutang ang isang dagger. Nais niya ba ang mga punyal? Bakit iyon ang inuna niyang kinuha? Teka. Mukhang uunahan pa ako sa pagpili, ah. Mabuti na lang at bumalik na sa reyalidad ang utak ko. Kung hindi ay mauubusan ako ng mga armas na pwede kong pagpilian. Dahil mayroon naman na akong sariling punyal, dalawa lang ang napipili kong mas napapakinabangan. Hindi ko nga alam kung dalawa ba ang pipiliin ko dahil tangan ko naman ang punyal na ibinigay sa akin ni Inay Serra. Hindi iyon kasing haba ng punyal na nakuha ni Loie ngunit alam kong mas mapapakinabangan ko ito dahil kaya ko itong itago sa loob ng suot kong kapa. Ngunit bahala na, gusto kong marami akong armas para mas maipaglaban ko ang aking sarili. "I want the bow and arrow," mabilis kong usal saka kinuha ang mga iyon. "And a gun too." At muling kinuha ang isang baril na gawa sa purong metal. "What? Give me the gun!" angil ni Loie sa akin na sinusubukang kunin ang baril sa akin ngunit agad ko itong iniwas. Ano siya? Batas ng Questhora? "Ako ang nauna rito," pagmamatigas ko. Hindi maaari na lahat ng gusto niya ay siyang masusunod. Hindi maaari na lahat ng gustuhin niya ay makukuha niya. Alam ko ang karapatan ko. At wala namang sinabi si Professor Mark na ang mauuna kumuha ng mga armas ay iyong mga matataas ang posisyon sa Questhora. Kaya kahit na ano ang gawin niya, hindi ko ibibigay ang baril na ito. Kakaiba kasi ang baril na iyon, gawa iyon sa kahoy ngunit alam kong mapaminsala rin iyon. Hindi ko alam kung ano ang inilalabas na bala ng baril na iyon ngunit alam kong hindi ito basta-basta. Sa galing at talino ba naman ni Professor Mark. Hindi yata uso sa kaniya ang simple lamang. "Pero mas kailangan ko 'yan." Ano raw ang kaniyang tinuran? Mas kailangan niya ang baril na ito kumpara sa akin? Eh paano niya kakailanganin ito kung iyong salamangka na mayroon siya ay mas matindi pa sa bala ng baril na ito? Is he making an effort to joke this time? Tinaasan ko siya ng kilay at hinarap. "Sa tindi ng kapangyarihan mo, bakit kailangan mo pa nito?" tanong ko sa kaniya, itinaas at iniharap ko pa ang baril na hawak upang ipang-asar sa kaniya. Nakita ko namang tumaas ang gilid ng kaniyang labi. "Tch?" Mas inilapit ko sa mukha niya ang baril kasabay ng paghigpit ng hawak ko. Dahil baka makuha niya bigla kapag naging kampante ako. "Ito ba?" pang-aasar ko pa. "Lorrine!" galit niyang sigaw. Halatang naaasar na kaya mas lalo akong natuwa. Minsan ko na lang makitang naaasar sa akin si Loie, kailangan lubus-lubusin ko na dahil baka sa susunod, ako na naman ang mapikon sa aming dalawa. "Ipaubaya mo na ang—" Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil pareho kaming nabigla sa boses na narinig. 'Voice detected. You will get this gun when you say the word "Lorrine".' 'Voice detected. You will get this gun when you say the word "Lorrine".' Kapwa kami napatingin sa isa't isa nang marinig ang salita mula sa baril kong hawak. Nanlaki ang mga mata ko nang makumpirmang sa baril nga nanggaling ang boses na iyon. At mas ikinagulat ko pa ang katotohanang… Ni hindi ko masabi. Ni ayaw kong isipin. Hindi maaari ito. Isa itong karimarimarim na pangyayari. Hindi ko matanggap. Bakit parang ako pa itong nandidiri? Hindi ko matanggap na ang salitang maaari niyang gamitin upang makuha ang armas na napili. So ang ibig sabihin, kay Loie nakarehistro ang baril na hawak ko. Dahil boses niya ang na-detect ng armas. Ibig sabihin, kanya itong baril na hawak ko? At tanging pangalan ko lang ang dapat niyang sambitin upang makuha ang baril na iyon. "This can't be…" bulong ni Loie habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa baril na hawak ko. Tila nanigas ang braso ko dahil kahit nangangawit na iyon ay hindi ko magawang ibaba man lang ang aking braso. Huminga ako nang malalim. "I guess, we have no choice." Pagkasabi kong iyon ay marahas kong ibinigay sa kaniya ang baril at tumakbo ako palabas ng gusaling iyon. I guess, I have no choice too.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD