Sumama sa amin ni Macy si Gabriel. Hindi na ako tumutol. Wala na rin naman akong magagawa. Wala na akong lakas para tutulan pa ang mga nangyayari. Ang gusto ko na lang ngayon ay makawala sa sarili kong nararamdaman.
Walang tao sa bahay nila Macy pagdating namin. Nasa trabaho pa ang kanyang magulang at nasa eskwelahan ang kanyang mga kapatid.
"Wait.." Paalam niya. "Kukuha lang ako ng pagkain."
Naiwan kaming dalawa ni Gabriel sa sala. Umupo siya sa tabi ko. "Gusto mo bang umiyak?" Agad na tanong niya.
Napatingin ako sa kanya. "Ha?"
Ngumiti siya, mas lumapit pa sa 'kin. Ipinatong niya ang kanyang braso sa sandalan. "Iyak ka na. Hindi naman bawal.."
Hindi ako nakagalaw sa kanyang sinabi. Ang iba ay pinapatahan ako, tapos siya naman, gustong umiyak ako? Para saan pa? Para makita niya na sobrang hina ko talaga? Para maawa siya?
"Hindi ako naiiyak.." Nag iwas ako ng tingin.
"Tss.. tapos iiyak ka kapag mag isa ka na lang? Ba't hindi pa ngayon? Sa harapan ko? Para mamaya ubos na 'yang luha mo."
Kinuyom ko ang mga kamay ko. Hindi. Umiling ako.
"Scar.. hindi naman masamang umiyak.." Hinawakan niya ang aking balikat. "Alam ko, nasasaktan ka.."
"Wala kang alam.." Mariin kong sabi. Tinanggal ko ang kanyang kamay sa aking balikat.
Nagpakawala siya ng malalim na hininga. "Meron. Alam ko, nasasaktan ka. Alam ko, handa kang gawin ang lahat para kay Timothy. Alam ko ang lahat. Alam ko kung gaano ka katanga."
Matalim ko siyang binalingan. "Oo, tanga ako. Bakit kailangan mo pang ipamukha?" Uminit ang ulo ko sa kanyang sinabi.
"Iyak na.." Ngiti niya. Iniinsulto ba ako ng isang 'to?
Bago pa man ako makapagsalita ulit ay dumating na si Macy. Nilagay niya sa center table ang mga dala niyang pagkain. Umupo siya sa tabi ko. Napapagitnaan nila ako ni Gab.
"Anong pinag uusapan niyo?" Tanong niya.
"Sabi ko umiyak siya, ayaw naman.." Balewalang sabi ni Gab. Inabot niya ang isang baso ng juice para inumin ito.
"Ayoko ngang umiyak siya, tapos ikaw naman gusto mo siyang paiyakin?" Hindi makapaniwalang sabi ni Macy.
"Kaysa naman umiyak siya mamayang gabi. Hindi siya agad makakatulog." Sagot ni Gab. Nilapag niya sa mesa ang baso ng juice.
"Ano bang pakealam mo sa buhay ko?" Inis na tanong ko. Kung umasta siya, parang alam niya lahat. Mas lalong uminit ang ulo ko.
"May pakealam ako sa 'yo dahil mahal na mahal kita.." Nag iwas siya ng tingin sa 'min.
"Tss.." Binalingan ko na lang ng tingin si Macy. Wala akong makukuhang matinong sagot sa Gabriel na 'to. Hindi naman yata nagseseryoso sa buhay ang lalaking 'to. Puro laro lang ang alam sa buhay.
"Magkwento ka na.." Ani Macy. Hinawakan niya ang aking mga kamay.
Nilunok ko ang nagbabadyang sakit sa aking lalamunan. Kailangan ko ng pigilan ang sakit. Kahit anong gawin ko ay hindi na babalik sa akin si Timothy. "Nakipaghiwalay na si Timothy sa 'kin.." Hindi na ako iiyak. Hinding hindi na.
Humigpit ang hawak niya sa aking mga kamay. Inis siyang nagpakawala ng buntong hininga. "Ang kapal talaga ng mukha!" Gigil niyang sabi. "Siya pa talaga ang nakipaghiwalay?!"
"May... may girlfriend na siya." Amin ko.
Binitawan ni Macy ang aking mga kamay. Ilang mura ang kumawala sa kanyang bibig. "Gago 'yun, ah! Sabi ko na nga ba't may babae talaga ang tarantadong 'yun! Wag mo na siyang babalikan!" Kita ko ang pamumuo ng poot sa kanyang mga mata.
Umiling ako. Hindi na. Wala na kaming pag asa. Hindi na siya babalik sa 'kin. Tinapon na niya ang limang taon na pinagsamahan namin para lang sa babaeng bago lang niya nakilala. Hindi na ako maghahabol. Ginawa ko na ang parte ko. Sa tingin ko, sapat na 'yun.
"Ikaw, Gabriel!" Tinuro siya ni Macy. Tinignan ko siya, mukhang nagulat pa nang masali sa usapan.
"Oh, anong ginawa ko?" Turo niya sa kanyang sarili.
"Siguro matagal mo ng alam na may babae si Timothy, no?"
Mabilis na umiling si Gabriel sa bintang ni Macy. "Hindi, ah! Pakealam ko ba sa taong 'yun?" Tumingin siya sa 'kin. "Pero.. nakita ko siya.. nung.." Inabangan ko ang sasabihin niya. Bakit ba parang kinakabahan siya? "Birthday ni Wendy.."
"Pumunta naman talaga siya nung birthday ni Wendy, 'di ba?" Ani Macy.
"Hindi.." Iling ni Gab. "Bago pa yun... nakita ko na siya na papasok sa village nila Wendy na may.." Nag iwas siya ng tingin sa 'kin. "Kasamang babae.."
Nakita niya si Timothy nun? Bakit hindi ko napansin? O masyado lang marami ang iniisip ko nung panahong 'yun?
"Bakit di mo agad sinabi?" Wala sa sariling tanong ko.
"Kasi alam ko masasaktan ka. Kaya tinago ko. Patawarin mo 'ko.."
'Yung ba ang dahilan kaya nakatanggap ako ng text sa kanya nung gabing 'yun? "Kaya ba ganun ang text mo nung gabing 'yun?"
Tumango siya. "Sorry, Scar. Balak ko naman talaga siyang suntukin nun, eh. Para maiganti kita. Kaso pinigilan lang ako nila Jude.."
"Kaya naman pala panay ang pambabara mo kay Timothy nung gabing yun dahil may alam ka na.." Ani Macy. "Dapat sinuntok mo na!"
"Kayo kasi, eh!" Inis na sabi ni Gab. "Kung hindi niyo ko pinigilan, eh di nasuntok ko na sana!" panghihinayang niya.
"Malay ba namin! Di mo naman agad sinabi.." Depensa ni Macy.
Inawat ko na sila sa kanilang pagbabangayan. Wala na rin naman kaming magagawa. Nangyari na. Tapos na ang lahat. "Hayaan na lang natin.." Sabi ko.
"Hindi, Scar! Ang mga ganyang bagay hindi dapat pinapalampas.." Pilit ni Macy.
"Oo nga!" Sang ayon ni Gab. "Sabihin mo lang sa 'kin kung gusto mo siyang ipabugbog. Ako ng gagawa." Tinaas pa niya ang kanyang kamao.
"Ano ba.." Kinurot ko siya sa tagiliran. Napadaing naman siya sa aking ginawa. "Walang manununtok, okay? Walang away na mangyayari. Basta hayaan na lang natin.."
Ayoko na ng gulo. Natuldukan na ang sa 'min ni Timothy. Maluwag ko siyang pinakawalan. Hindi ko ipapakita sa kanya na bitter ako. Ang dapat ko na lang gawin ngayon ay pagtuonan ng pansin ang aking sarili.
Napagdesisyunan na lang namin na tawagan ang lahat. Pinapunta namin sila dito. Wala namang pasok bukas, kaya naisipan ni Macy na uminom. Tinext ko agad si daddy, mabuti na lang ay pumayag siya. Kaso dapat ay umuwi na 'ko bago mag alas dose.
"Ihahatid kita.." Ani Gab habang hinihintay namin ang iba. Nandito kami ngayon sa kwarto ni Macy. Hindi naman kami pwede sa sala dahil dumating na ang mga kapatid niya pati na rin ang magulang niya.
"Bahala ka.." Kibit balikat na sagot ko.
Isa-isa ng dumating ang mga kaibigan namin. Si Carlos ang bumili ng alak. Kasama niya kanyang girlfriend. Dumating na rin si Wendy at Jayden. Huling dumating si Jude. Kasama niya si Wayne. Nasulyapan ko si Macy, hindi makapaniwala ang kanyang mukha.
Hinila ko agad si Jude. "Ba't mo sinama si Wayne?" Bulong ko sa kanya. Hindi naman sa ayaw ko na nandito si Wayne, syempre gusto ko rin naman dahil kaibigan ko siya. Pero inaalala ko rin naman si Macy.
"Magkasama kami kanina nung tumawag si Macy. Nakakahiya naman kung.. kung hindi ko siya isasama. Kaibigan din naman natin siya."
Kaya naman naging awkward ang kinalabasan ng mga pangyayari. Lalo na ng tabihan ni Wayne si Macy. Hindi sila nagpapansinan. Ni hindi nga nila magawang tignan ang isa't isa. Ako naman ay si Jude ang katabi, sa kabila ko ay si Gab. Lahat kami ay pabilog na nakaupo sa sahig.
"So, anong meron? Ba't naisipan niyong uminom?" Tanong ni Carlos habang binubuksan ang alak na dala niya.
"Mag celebrate tayo! Single na si Scarlett.." Anunsyo ni Gab. Agad ko siyang piningot. Inunahan pa 'ko sa pagsasalita! Si Jude at Macy lang yata ang hindi nagulat sa balita. "Araay, Scar!" Pinilit niyang tanggalin ang kamay ko sa kanyang tainga.
"Daldal mo!" Inis na sabi ko. Agaw eksena talaga ang isang to. Tinanggal ko ang hawak sa kanya. Nakatingin silang lahat sa 'kin. Bumuntong hininga ako. Kainis talaga ang Gabriel na to. Napakachismoso.
"Wala na talaga kayo?" Tanong ni Jayden. Nakaakbay siya kay Wendy.
"Oo.." Tango ko. "Nakipaghiwalay siya.." Mas lalo silang nagulat nang malaman na si Timothy ang nakipaghiwalay.
Pinaulanan nila ako ng mga tanong. Hindi ko na lang idinetalye ang lahat ng nangyari. Ayokong maging iba ang tingin nila kay Timothy. Baka isipin pa niya na, naghiwalay lang kami, siniraan ko na siya. Pinilit kong ilihis ang usapan. Ayokong napupunta sa 'kin ang topic.
"Wag kang iinom ng marami.." Bulong ni Jude. Pangalawang ikot pa lang naman ng shot. Hindi pa 'ko nahihilo.
"Opo.." Bulong ko pabalik. Napatingin ako kay Macy nang bigla siyang tumayo. Sumunod agad si Wayne sa kanya paglabas niya ng kwarto.
"Anong nangyari sa dalawang yun?" Nagtatakang tanong ni Wendy.
"Hayaan mo na, babe. Baka namiss nila ang isa't isa." Ani Jayden sabay halik sa leeg ni Wendy. Napaiwas ako ng tingin sa kanila.
"Oo nga.. hayaan niyo na, para makapag usap." Tawa naman ni Carlos habang pinaglalaruan ang mga daliri ni Cathy.
Umikot lang ng umikot ang shot. Malapit ng maubos ang isang bote pero hindi pa rin bumabalik si Wayne at Macy. Ano kaya ang nangyari sa dalawang 'yun?
"Wait, naiihi ako.." Paalam ko sa kanila. Biglaan akong tumayo kaya nakaramdam ako ng pagkahilo. Agad naman tumayo si Jude at Gab para sana saluhin ako.
"Okay ka lang?" Sabay na tanong nila.
"Oo.." Tumayo ako ng maayos. Hinawakan ko ang gilid ng aking ulo.
"Sigurado ko? Gusto mo buhatin kita hanggang banyo?" Alok ni Gab. Natawa ako sa kanyang sinabi. Baliw talaga ang isang 'to.
"Sira! Sige na d'yan na kayo. Kaya ko na 'to." Paalam ko.
Lumabas na ako sa kwarto ni Macy. Mabuti na lang ay may banyo rin dito sa itaas. Natatakot na kasi akong bumaba. Sarado na ang mga ilaw. Takot ako sa dilim, eh. Hindi ako nakakahinga ng maayos pag madilim ang paligid.
Isang shot na lang siguro, titigil na 'ko. Medyo nahihilo na kasi ako. Baka magalit din si daddy kapag naamoy niya ang tindi ng alak na kumapit sa uniform ko. Baka hindi na ako makaulit sa susunod.
May narinig akong mga boses sa ibaba paglabas ko ng banyo. Kinilabutan ako bigla. Naalala ko ang mga horror movies na pinapanuod ko. Tatakbo na sana ako pabalik ng kwarto, kaso ay narinig ko ang boses ni Macy at Wayne. Lumapit ako sa hagdan at bumaba ng tatlong baitang.
"Bilisan mo.. s**t. Baka makita.. tayo.. aah!" si Macy!
Bumaba pa ako ng kaunti. Napatakip ako ng bibig nang makita ko sila. Nakahiga sa sofa. Topless si Wayne. Marahas siyang gumagalaw sa ibabaw ni Macy. Hindi naman ako ganun kainosente. Alam ko ang ginagawa nila!
Mabilis akong bumalik sa kwarto ni Macy. Hindi ako makapaniwala sa aking mga nakita! Akala ko ba hiwalay na sila? Ano yung nakita ko? Bakit... umiling agad ako.
"Oh? Anyre sa 'yo? Hinihingal ka?" Tanong ni Wendy.
Umiling ako. Umupo na ulit sa tabi ni Gab at Jude. Mabilis kong kinuha ang shot na binigay ni Carlos. Nilagok ko agad ito. Hindi matanggal sa isip ko ang imahe ni Macy at Wayne. Wala na sila, pero bakit may ganun pa ring namamagitan sa kanila?
"Ayos ka lang?" Tanong ni Gabriel.
"Oo.." Alanganin akong humarap sa kanya.
Sampung minuto yata ang lumipas bago sabay na bumalik si Wayne at Macy. Hindi ako makatingin ng maayos sa kanila. Naaalala ko pa rin ang aking mga nakita.
"Ngiting tagumpay!" Ngisi ni Jayden kay Wayne. Nagtawanan ang lahat mabilan sa 'kin at si Macy na namumula ang pisngi.
Hindi ko na lang iisipin ang mga nakita ko. Alam na nila kung ano man ang kanilang mga ginagawa. Pero sana, magkabalikan na sila.
"Uy, guys.. uwi na kami. Pinapauwi na si Cathy, eh." Ani Carlos. Nilingon niya si Cathy na mukhang inaantok na.
Tinignan ko ang aking orasan. Alas onse na pala. "Ako din, uuwi na." Sabi ko.
"Ako rin.." Sabi ni Jude sabay tingin sa 'kin.
"Ay! Ang daya naman. May isang bote pa." Reklamo ni Wendy. Inihilig niya ang ulo sa balikat ni Jayden.
"Sa susunod na lang natin ubusin." Sabi ni Gabriel. Humikab pa siya. "Inaantok na ko."
"Okay fine!" Wala ng nagawa si Wendy. Tumayo na rin sila ni Jayden.
Niligpit muna namin ang mga kalat bago umalis. Nauna na kaming umalis dahil kasabay namin si Jude. Ihahatid na rin siya ni Gab. Si Wayne naman ay nagpaiwan pa. Sana mag usap na sila ng maayos ni Macy.
"Magbabalikan din ang dalawang yun." ani Jude na nasa passenger's seat. Ako naman ay nasa bacskeat. Humikab ako at kinusot ang aking mga mata. Inaantok na 'ko.
"Oo nga." Sang ayon ni Gab na nagmamaneho.
"Sayang din naman kasi kung hindi, eh." Singit ko. Pagdadasal ko talaga na magkabalikan ang dalawang yun.
Una na akong dinaan ni Gab sa bahay. Malapit na kasing mag alas dose. Pag lumampas ako, hindi na ako papapasukin ni daddy sa loob ng bahay. Sigurado, sa labas ako matutulog.
"Oh, ba't pa kayo bumaba?" Tanong ko nang mapansin na bumaba din sila ng sasakyan. Lumapit silang dalawa sa 'kin.
"Scar.." Sabay nilang sabi. Napakunot ang noo ko. Ano bang nangyayari sa dalawang 'to? Napakaseryoso ng kanilang mga mukha.
Hinawakan ni Gab ang kanang kamay ko, si Jude naman ay hinawakan ang kaliwa. "Hoy, anong nangyayari sa inyo?" Tanong ko, nagtataka.
Sabay nilang hinalikan ang aking kamay.
"Love you.." Ani Jude.
"Mahal na mahal kita.." Sabi naman ni Gab.
Binawi ko ang aking mga kamay. Tinulak ko silang pareho. "Dami niyo sigurong nainom kanina, 'no? Sige na. Umalis na kayo!" Natatawang taboy ko na lang sa kanila.