Hapon na ng ihatid ako ni Jude sa bahay namin. Hinintay pa kasi namin ang kanyang mga magulang para magamit ang kotse ng daddy niya. Hindi pa rin kasi niya napapaayos ang sarili niyang sasakyan.
"Sure ka ba na okay ka na?" Ulit na tanong ni Jude. Nandito na kami ngayon sa tapat ng bahay namin.
Ngumiti ako sa kanya. Kahit na papaano ay nabawasan ang bigat na nararamdaman ko. Mabuti na lang talaga nandito si Jude para damayan ako.
"Oo. Salamat.."
Ginulo niya ang aking buhok. "That's good. Wag ka ng umiyak, okay?" Pinisil niya ng marahan ang aking pisngi.
"Oo.." Sa ngayon, hindi na muna ako iiyak. Hindi ko na muna iisipin ang mga sinabi ni Timothy. Kukuha pa rin ako ng pagkakataon para makausap siya. Hindi pa rin malinaw ang lahat para sa 'kin.
Bababa na sana ako nang may bigla akong maalala. "Ah, Jude..." Lumingon ulit ako sa kanya.
"Bakit?"
"Uhm.. ano.. pwedeng wag mo munang sabihin sa iba yung mga nangyari kanina?" Nahihiyang sabi ko. Ayoko muna kasing ipaalam kahit na kanino. Alam ko naman na may pag asa pa kami ni Timothy. Hangga't hindi pa sigurado ang lahat ay hindi ko muna pagsasabi kung ano nga ba ang mga nangyayari.
"Oo sige.." Muli niyang pinisil ang aking pisngi.
Pagpasok ko ng bahay ay siya naman ang paglabas ni mommy at daddy. Naka bihis na sila. Oo nga pala, magsisimba sila ngayong hapon.
Napakunot ang noo ni daddy nang makita niya ako na kakapasok lang ng aming bahay. "Oh, bat ngayon ka lang?" Seryosong tanong niya. Nakasunod sa likuran niya si mommy.
Nag iwas ako ng tingin. "Pumunta po kasi ako kina... Jude."
Naging malambot ang ekspresyon ng kanyang mukha. "Ganun ba?" Aniya. "Sige. Aalis na kami ng mommy mo. May pagkain na d'yan. Initin mo na lang pag lumamig. Baka hindi kami agad maka uwi dahil may dadaanan pa kami.."
"Okay po.." Tango ko. "Ingat."
Sinara ko na ang gate pag alis nila. Naiwan na naman akong mag isa. Napabuntong hininga na lang ako. Binagsak ko ang aking katawan sa kama. Pinikit ko ang aking mga mata. Hindi ko ininda ang sakit ng aking ulo. Wala pa ito sa sakit na idinulot ni Timothy.
Gusto kong isara ang isip ko. Ayokong alalahanin ang mapait na nangyari kanina. Ang dami kong tanong pero pinili ko na lang na wag na munang isipin ang mga ito. Sasaktan ko lang naman ang sarili ko pag ganun ang tumakbo sa utak ko. Si Timothy lang din ang makakasagot sa aking mga tanong.
Napansin ni Macy ang pagiging matamlay ko kinabukasan. Pinilit ko namang ngumiti, para pagtakpan na lang ang lahat. Pero hindi ko talaga kayang itago ang hapdi na nararamdaman ko.
Kanina muntik ko ng makasalubong si Timothy kasama ang babae niya. Ako na mismo ang lumihis ng daan. Hindi ko pa sila kayang harapin ngayon. Hangga't kaya ko ay iiwas na muna ako. Masyado pa akong duwag ngayon.
"May mali talaga.." Puna ni Macy. Lunch na namin pero hindi pa rin niya ako tinatantanan sa mga tanong niya.
Huminga ako ng malalim. Bawat hinga ko ay kumikirot ang aking puso. Lumingon ako sa kanya. Hindi ko na kayang itago 'to. Sasabog na talaga ang puso ko pag hindi ko pa nilabas ang sakit na aking nararamdaman. Akala ko ayos na ako kahapon, hindi pa pala.
"Si Timmy.." Nabasag ang boses ko. Hindi ako nagtagumpay na pigilan ang aking mga luha. Bumuhos na sila bago ko pa man masabi kay Macy ang mga nangyari. Banggitin ko pa lang ang pangalan niya, tinutusok na ng mga karayom ang buo kong pagkatao.
"Scar.." Mabilis siyang lumipat sa tabi ko. Inangat niya ang aking mukha at pinunasan ang mga luha ko. Hinahabol ko na ang aking hininga dahil sa bigat na nararamdaman ko. "Anong.. anong nangyari?" Nag aalalang tanong niya.
Pinilit kong magsalita, kaso ay inunahan na naman ako ng aking mga luha. Niyakap ako ni Macy. Hiyang hiya na ako sa sarili ko at sa lahat ng taong nakakakita sa aking pag iyak. Napakahina ko talaga. Hindi ko kayang pigilan ang emosyon ko. Ito lang ang nagiging solusyon ko para takasan ang sakit na ibinigay ni Timothy.
"Wag ka ng magsalita.." Aniya. Hinahaplos ang aking likod. Nabasa ko na ata ng luha ang kanyang uniform. "Sa tingin ko alam ko na.."
Kinagat ko ang aking labi. Gusto kong saktan ang sarili ko. Pero hindi yata kayang lampasan ng kahit anong pisikal na sakit ang mga ginawa ni Timothy sa akin. Mababaliw na yata ako. Sana ay matapos na 'to.
Sana. Sana. Sana.
"Macy..." Iyak ko. Hindi ko na alam kung ano nga bang dapat kong isipin o sabihin para lang tumigil na ang mga taksil kong luha sa pagtulo. Pagod na pagod na ang katawan ko sa emosyonal at pisikal na sakit.
Magang maga ang mga mata ko nang pumasok kami sa huling subject namin. Pinagtitinginan na ako ng lahat. Nahihiya na 'ko sa aking kalagayan. Gusto ko na lang umuwi. Humiga sa aking kama at iiyak na lang ang lahat hanggang sa ako na mismo ang sumuko. Gusto kong takbuhan na lang ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Sana ganun kadali lang 'yun kadali.
Paulit ulit lang ang nangyari sa akin sa mga sumunod na araw. Hiyang hiya na ako kay Macy dahil palagi na lang niya akong pinagtatakpan kay Jude at Gab. Pareho ko silang iniiwasan. Ayokong ipakita sa kanila na umiiyak ako. Lalo na kay Jude. Nangako ako na hindi na iiyak pero, araw-araw naman ay ganun ang ginagawa ko.
Championship na ng basketball pagsapit ng Biyernes. Ilang araw ko na ring hindi nakikita si Timothy. Ilang araw na rin akong ganito, malungkot at laging wala sa sarili. Sobrang miss ko na siya. Gabi-gabi akong hindi makatulog. Ilang beses ko na siyang sinubukan tawagan, kaso, nagpalit na yata siya ng numero. Hindi ko na siya ma-contact.
Nangako ako ko kay Macy na hindi ako pupunta sa laban. Pero hindi ko talaga kaya. Hindi ko magawang pigilan ang sarili ko. Sa unang pagkakataon, tumakas ako sa klase namin para lang mapanuod si Timothy.
Nursing at IT students lang ang dapat na nanunuod, pumuslit lang ako. Nakisabay ako sa iilang IT students para hindi ako mapansin sa entrance. Nakipagsisikan ako sa maraming estudyante. Gusto ko talaga siyang makita.
Puro hiyawan ang naririnig ko nang magsimula na ang laban. Bumilis agad ang kabog ng dibdib ko nang makita ko na si Timothy. Gusto na naman kumawala ng mga taksil kong luha, pero hindi ito ang tamang panahon para umiyak.
Sa kanya lang nakatuon ang atensyon ko sa buong laro. Hindi rin pinalampas ng mga mata ko ang paghahalikan nila sa labi ng babae niya tuwing time out. Dapat ako yun, eh. Dapat ako ang sumusuporta sa kanya. Pero bakit binigay na niya ang karapatan na 'yun sa iba?
Magpakatatag ka, Scarlett. Paalala ko sa aking sarili.
Nursing ang nanalo. Magagaling ang lahat ng players nila. Hindi 'yun maipagkakaila. Lumakas lalo ang hiyawan ng mga Nursing students. Samantalang ang mga IT students naman ay dismayadong lumabas ng court.
Nilakasan ko na ang loob ko. Lumapit ako kay Timmy. Kakapalan ko na ang mukha ko. Pangako, ito na ang huli. Isang tulak pa niya sa 'kin ay lalayo na ako. Hindi ko na ipipilit ang sarili ko sa kanya. Ako na mismo ang susuko sa laban na 'to.
"Timothy.." Tawag ko sa kanya. Natigilan siya sa pakikipagtawanan sa kanyang mga teammates. Maging sila ay natigilan din. Sabay -sabay silang lumingon sa akin.
"Anong ginagawa mo dito?" Tanong niya. Kasing lamig ng yelo ang bawat salita niya.
Hindi! Hindi ako iiyak.
Natawa naman ang ibang teammates niya dahil sa kanyang sinabi. Ayaw nila ko dito, alam ko. Baka nga gusto na nilang tumawa ng sobrang lakas dahil nandito ako ngayon sa harapan ni Timothy. Nagmumukha ng desperada para lang balikan ako.
"Tim. Hintayin ka na lang namin sa labas." Anang isang teammate niya sabay tapik sa kanyang balikat.
"Sige.." Tango niya. Nilingon ulit nila ako at umiling. Hindi ko na lang sila pinansin.
Lumapit ako sa kanya nang iwan na nila kami. Nauubos na ang mga estudyante sa loob ng court. Mabuti na lang ay lumabas na ang babae niya kanina kasama ang mga cheerdancers. Hindi ko yata kakayanin pag nandito din siya. Baka tuluyan na akong bumigay.
Sinubukan kong hawakan ang kamay ni Timothy pero tinalikuran lang niya ako. Kinuha niya ang isang bottled water sa upuan. Pawis na pawis ang kanyang katawan. Gusto ko siyang yakapin, gaya ng ginagawa ko noong High school kami. Kahit na pawis siya ay yayakapin at hahalikan ko pa rin siya.
"Timmy.." Nagbabadya na ang mga luha ko. Wag ngayon, please. Halos magmakaawa na ako sa mga mata ko na pigilan ang mga ito. Ayokong makita niy na sobrang hina ko ngayon.
"Ano pa bang gusto mo, Scarlett?" iritado na ang kanyang boses. Humarap siya sa 'kin.
May panibagong sakit na naman ang gumuhit sa aking puso. Masama bang magmaka awa sa harapan ng taong mahal na mahal ko? "Sabihin mo naman na... tayo pa rin." Kulang na lang ay lumuhod na ako sa harapan niya para sundin ang aking gusto. Kahit na pride ko, handa kong lunukin, bumalik lang kami sa dati.
"Ayoko na." Binaba niya ang inumin na hawak sa upuan.
Lumapit siya sa 'kin at mahigpit na hinawakan ang magkabilang braso ko. Napadaing ako sa sakit. Sa sobrang higpit ng hawak niya, nawala sa isip ko ang mga dapat kong sabihin. Hindi ko lubos akalain na kaya niya 'kong saktan ng pisikal. Sa loob ng limang taon, ngayon lang niya ko hinawakan ng ganito kahigpit.
"Matalino ka diba?" Nanlilisik na ang kanyang mga mata sa galit. "Ayoko. Na. Ayoko. Na." Mas dumiin pa ang hawak niya. "Naiintidihan mo?"
Hindi ko masyadong naintindihan ang mga sinabi niya. Hindi ako makapag isip ng tama. Nasasaktan talaga ako sa higpit ng hawak niya. Napapikit na lang ako. "A.. aray.." Daing ko. "Timmy.. nasasaktan ako." Pisikal at emosyonal.
Kasabay ng pagmulat ko ay ang pagtulo ng aking mga luha. Ganito pala kasakit pag sinaktan ka na rin ng pisikal ng taong mahal mo ng higit pa sa 'yong buhay. Bigla siyang natigilan. Lumuwag ang hawak niya sa aking braso. Marahas niya itong binitawan.
Napahikbi na ako. Wala na. Huli na. Kahit anong pigil ko ay wala na akong magagawa.
"Hindi ko alam kung ano ba ang nagawa ko.. bigla ka na lang naghanap ng iba.." Malungkot na sabi ko. Umiiyak pa rin. "Sa loob ba ng limang taon, may hindi pa ba ako naibigay?" Hindi ko na makilala ang sarili kong boses dahil sa panginginig nito. "s*x ba?" Tanong ko. "Yun ba ang hinanap mo dahil hindi ko kayang ibigay?" Nag iwas siya ng tingin.
Mas lumapit ako sa kanya. Hinawakan ko ang kanyang mukha para harapin ako. Ngunit ang mismong mga mata niya ay umiiwas sa 'kin. Mas lalo akong nasasaktan. Sana noon pa lang ay hinanda na niya ako sa ganitong pangyayari. Sana hindi ako nagmumukhang mahina at talunan ngayon.
"Yun ba, Timothy?" Ulit ko.
Hindi siya sumagot.
Nawawalan na talaga ako ng pag asa. Wala na siguro talaga? Baka ako na lang ang kumakapit. Baka matagal na siyang sumuko. Matagal na niya 'kong binitawan. Wala na ang pagmamahal niya sa 'kin dahil may bago na siyang mahal.
Bakit ganun? Kailangan ba talagang maranasan ko pa ito? Wala akong ginawang mali sa relasyon namin. Limang taon ang ibinigay ko sa kanya. Limang taon.. pero sa isang iglap, ang limang taon na 'yun ay alaala na lang.
Binitawan ko siya. "Sana sinabi mo sa akin.. kung yun naman ang gusto mo.. ibibigay ko. Wag mo lang akong iwan." Kung ;yun lang naman ang makakapagpabago ng isip niya, sana ay sinabi na lang niya agad. Sana hindi na kami umabot sa ganito. Pinunasan ko ulit ang aking pisngi. "Pero hindi ka na yata nakapaghintay.."
Sa wakas ay hinarap na niya ako. "Hindi lang yun, Scarlett." Malamig na sabi niya. "Pagod na pagod na 'ko.."
Natawa ako ng mapakla. "Pagod?" Gusto ko siyang sampalin dahil sa sinabi niya. Pinigilan ko lang ang sarili ko dahil hindi masusuklian ng isang sampal ang lahat ng sakit na ibinigay niya sa akin.
"Akala mo ba ikaw lang? Ako din, Timothy! Pagod na pagod na 'ko. Pero narinig mo ba kong nagreklamo? Hindi, diba? Ni minsan hindi ko inisip na sumuko. Dahil mahal kita. Ganun naman dapat, diba?! Ganun ang nagmamahal! Hindi yung bigla ka na lang hahanap ng iba!" Tumaas na ang boses ko.
Gusto kong isumbat ang lahat, pero para saan pa? Para saan pa ang ang panunumbat ko kung wala na rin namang kwenta ang lahat sa kanya. Isa na lang akong basura. Parte ng nakaraan. May bago ng nagpapasaya sa kanya. Sa iba na nakatuon ang atensyon niya.
Lahat ng sakit na ibinigay niya sa akin ay ngayon na bumuhos. Gusto ko ng ubusin ang lahat ng luha ko para bukas ay hindi na ako umiyak. Gusto ko ng ilabas ang lahat ng hinanakit ko para bukas ay ayos na ako.
"Alam mo ba na kahit paulit ulit mo 'kong saktan ay babalikan pa rin kita?" Mas lalong nabasag ang boses ko. Hindi na ako makahinga ng maayos dahil sa aking pag iyak. "Kasi mahal na mahal kita! Kahit itulak mo pa 'ko, Timothy ."
Patuloy pa rin ako sa pagpunas ng aking mga luha. Siya naman ay mataman lang na nakatayo. Hindi na makatingin sa 'kin. "Mahalaga ka sa 'kin. Kahit na anong sabihin nilang masama... tungkol sa 'yo ay ipagtatanggol kita.. pero hindi mo yun nakikita.. kasi hindi siguro talaga ako sapat.." Wala na akong lakas.
Kahit anong panghihinayang ko ay wala na akong magagawa. Hindi ko na kayang lumaban mag isa. Nakakapagod. Nagmumukha na akong tanga at katawa-tawa sa ibang tao. "Kahit siguro anong gawin ko.. kahit lumuhod pa ako ay hindi pa rin ako magiging sapat.. kasi iba na ang gusto mo.. iba na ang hanap mo.."
Kinalma ko na ang sarili ko. Lumapit ako sa kanya. Hinawakan ko ang mukha niya para harapin ulit ako. Kaso, ang mga mata talaga niya ay ayaw akong tingnan. "Kung ayaw mo na talaga..." Ngumiti ako sa huling pagkakataon kahit na hindi naman niya ako binabalingan ng tingin. "Papakawalan na kita. Kahit mahirap, basta't alam 'kong masaya ka." Hinalikan ko siya sa pisngi. "Congrats. Ikaw pa rin ang pinaka magaling magbasketball para sa 'kin."
Naglakad na ako palayo. Hindi na niya ako kinibo. Hindi na rin ako lilingon. Hindi na ako titingin pa. Wala ng lumabas na kahit anong salita sa kanyang bibig. Siguro ay nabunutan na siya ng tinik sa dibdib dahil pinakawalan ko na siya. Hindi na niya kailangan pang magtago.
Hinihintay na ako ni Macy pagdating ko. Nasa labas na siya ng aming classroom. Tapos na ang aming klase. Kita ko ang pag aalala sa kanyang mga mata. Dala niya ang bag ko. Ngumiti ako ng tipid sa kanya. Inabot niya sa akin ang aking bag.
"Gusto mo bang mag kwento? Punta muna tayo sa 'min." Aniya. Walang alinlangan akong tumango.
Nakakapit siya sa braso ko habang naglalakad kami. Yumuko na lang ako nang makasalubong namin ang team nila Timothy kasama ang mga cheerdancers. Hindi na ako titingin. Hindi ko na siya titignan.
Tama na. Kailangan panindigan ko ang aking mga salita. Hinding hindi na ako aasa pa na babalikan niya 'ko. Hindi na darating ang araw na 'yun dahil masaya na siya sa piling ng iba. Ang dapat ko na lang gawin ay tanggapin ang lahat. Unti-unti kong tatanggapin hanggang sa masanay na 'ko.
Malapit na kami sa gate ni Macy nang may humarang sa 'min. Si Gabriel. Nakita niya ang pamamaga ng aking mga mata. Kinalas ni Macy ang hawak niya sa 'kin.
Lumingon ako sa kanya, nagtataka. Nilipat ko ang tingin kay Gab. Hindi siya nagsalita. Hinila lang niya 'ko at kinulong sa kanyang mga bisig. Pumikit ako nang maramdaman ko ang pagkalma ng aking sistema. Biglang napawi ang sakit na binigay ni Timothy kanina. Hindi ko maintindihan. Pareho sila ng yakap ni Jude.
"You'll be okay. I promise.." Mahinahong bulong niya.