Sandali akong nakaramdam ng gaan ng loob habang nakakulong ako sa kanyang bisig, pakiramdam ko ay naging safe ako. Lalo kong nadama na hindi ako nag-iisa, na kahit papano’y may handa namang dumamay sa akin sa ganitong uri ng sitwasyon.
Kaunti na ang mga tao at nahihimgan ko na ang katahimikan. Isang oras na ang nakalilipas at unti-unti nang nagsisi-alisan ang mga customer. Huminga ako nang malalim at sumilip mula dito sa locker room. Kitang kita ko mula rito ang mga magulang ko na prenteng nakaupo at tapos na sa kinakain. Sa mesa nila’y may isang meal pang hindi nagagalaw at may isa pang bakanteng upuan na mukhang inilaan para sa akin. Huli akong nagpasalamat kay Cullen at dahan-dahang naglakad patungo kina Papa.
Kaba ang namumutawi sa akin sa bawat hakbang. Sa unti-unting paglapit ay nagiging malinaw sa akin ang seryoso nilang ekspresyon at ang paninitig nang mapansin na nila ang paglapit ko.
Hinila ko ang bakanteng upuan at tahimik na naupo sa kanilang tapat.
“Eat,” may awtoridad na sinabi ni Papa. Marahan akong tumango at binuksan ang meal. Malamig na ito hindi gaya kanina. Gayunpaman, kailangan ko na rin ito dahil bahagya na akong gutom.
Mahinahon kong hiniwa ang chicken at sinubo ito kasabay ng kanin. Paminsan-minsan kong naririnig ang kanilang tikhim ngunit pinababayaan ko na lang. Hindi rin naman ako tumitingin sa kanilang mga mata at pinipili na lamang iwasan ang kanilang paninitig. Ang seryoso nilang presensya ay kailangan ko ring seryoshin. Ayokong umiyak na naman. Sapat na ang mga luhang nailabas ko kanina.
Pinunasan ko ng tissue ang aking labi nang masimot na ang pagkain. Subalit kahit sa puntong ito, iniiwasan ko pa ring tumingin.
“Done?” si Mama. Tumango ako nang nakayuko.
“Anong klaseng kabaliwan ito, Frances?” singhal ni Papa. Napakalagat-labi ako. Ito na nga ba ang sinasabi ko.
“Hinaan mo ang boses mo, Francis,” mahinahon na sambit ni Mama kay Papa, pinapakalma sa maari nitong maipakita sa akin.
Muling nabasa ng luha ng mga mata ko at mabilis itong hinawi. Pumikit ako nang mariin at kumurap-kurap para sa posible pa nilang sasabihin sa akin.
Nagmura si Papa nang mahina. “You damned child. Tingin mo tama ang ginagawa mo?”
Umangat ako ng tingin at pilit na ngumiti. Hindi ko pinalagpas ang kanyang tingin sa akin at mata sa mata ko siyang hinarap.
“Kayo, sa tingin niyo tama ang ginagawa niyo sa akin?”
Suminghal si Mama, hindi makapaniwala sa narinig sa akin.
“At natuto ka na lumaban nang ganyan? May ibabastos ka pa pala.”
Inilipat ko naman kay Mama ang tingin. Tinuringang mga abogado pero sunod-sunuran sa angkan. Wala ba silang sariling desisyon?
I knew it. Gusto nila akong mag-abogasya dahil ito rin ang gustong mangyari ni Lolo. Gusto nila na maging lawyer ako upang hindi maputol ang sinimulan ng ninuno ko. But hell, why would I? Magkaroon man ako ng degree sa law, ano ang silbi kung hindi ko gagamitin? Bakit ko sasayangin ang apat o higit pa sa limang taon kung sa huli, magme-medisina naman ako?
“Matagal na po akong lumaban, ngayon niyo lang ba nalaman?” sagot ko. Halatang nagpipigil si Papa at batid kong paubos na ang kanyang pasensya. Ngunit hindi ko na iyon inalintana pa. Kung mag-iskandalo man sila rito, pangalan nila ang pangunahing masisira.
“Ganito ba ang buhay na gusto mo? Look at you,” binaba ni Papa ang tingin niya sa akin, tila ako’y pinandidirihan. “Isang crew sa fast food chain.”
“Kung ito ang magiging paraan para matupad ko ang mga pangarap ko, wala akong pakialam kahit na mababa sa paningin niyo ang trabaho ko.”
Pabalasik na sumagot si Mama. “Nakakahiya Frances! Ang dami-daming nakakakita sayo’t nagsasabi sa amin, mga kliyente pa. Kasiraan sa apelyidong dala mo ang mga katangahan mo!”
Para akong sinaksak ng matalim na punyal mula sa pagkakasabi niya nito. Maging ako ay hindi makapaniwala. Paano nila ito nasisikmurang sabihin sa sarili nilang anak? Kung talagang mahal nila ako, hindi nila ako hahayaang naghihirap dito. Kung talagang kapakanan ko ang iniisip nila, hindi nila ako hahayaang magtagal dito. Pero hindi. Sa dami ng maaari nilang sabihin sa akin, angkan at dangal pa ng apelyidong gamit ko ang iniisip nila.
‘Yan ba ang dapat na sabihin ng isang magulang?
“Sa mga sinabi niyo sa’kin, lalo akong hindi magsisisi. Madalas niyong kinukwestyon ang pagiging anak ko pero kayo? Nakwestyon niyo na po ba ang sarili niyo bilang mga magulang ko?”
“Hinayupak,” ani Papa. Umiling ako.
“Hindi hinayupak ang taong nangangarap, Pa.”
“Then go!” ngayon ay sumigaw na siya. Napansin ko na ang pagtingin ng karamihan sa amin, ganon din ng mga tao sa counter.
Tumayo na si Mama at inalalayan sa pagtayo si Papa.
“Huwag na huwag kang babalik sa amin. Huwag na huwag mong susubukang umuwi at magsisi sa mga kalokohan mo!”
Yumuko ako at hindi na sila pinagmasdang umalis. Pikit-mata kong ibinalik sa huwisyo ang sarili ko at sa pagkakataong ito, hindi ko na nakayanan. Tuloy-tuloy ang mga luha ko.
Way back, I knew we’re okay. Masaya naman kami bilang isang pamilya. Naroon ang mga achievements ko. Nahihimigan kong proud sila sa bawat nakakamit ko. They were so vocal about it, na kahit sa mga kliyente, simple akong pinagmamayabang.
But right when I passed PUPCET, s**t began to happen. Ayaw nila sa preferred course ko, gusto nila sila ang masusunod.
At doon na gumuho ang lahat. Doon na nasira ang lahat.
Now that I’m gone, I’ll never regret what I’ve done. I fought for this. They started it. And I have this passion to end it.
Nahihiya man sa mga eksena, ako na mismo ang humingi ng tawad kay Manager. Naging tahimik naman ang mga workmates ko para rito. Nirerespeto na lang ang personal kong mga pinagdadaanan.
“Maraming salamat,” wika ko kay Cullen nang marating na namin ang tapat ng apartment. Ginawaran ko siya ng ngiti habang siya ay nakahawak pa rin sa manibela. This time, namataan ko na rin ang kanyang ngiti.
“Wala ‘yon. See you tomorrow.”
Bumaba na ako at kumaway sa kanya. Ibinaba niya ang door glass upang ipakita ang pagtaas ng kanan niyang kamay saka sumaludo.
Bukod kay Leila, masaya ako na may taong dumamay sa akin at naiintindihan kung ano ang aking pinagdadanan.
Sa pagtatapos ng araw na ito, kahit na may masamang nangyari, binigyan pa rin ako ng dahilan upang ipagpasalamat ang isang nangyari. Cullen just happened in my life. Kahit iyon na lang ang isipin ko, gagaan na ang pakiramdam ko.
Nang sumapit ang umaga, sa school ay sumalubong sa akin si Leila. Hindi gaya ng mga nagdaan, wala na siyang notes na pilit nire-review habang papasok kami sa unibersidad. Seryoso lamang siyang nagkwento tungkol sa kanyang crush mula sa ibang campus.
Pagpasok sa room, unang dumapo sa aking mga mata ang pwesto ni Cullen. Sa pagtama ng aming mga mata, hindi ko naiwasang masulyapan kung paano umangat ang dulo niyang labi at ngumiti. Ngumiti rin ako pabalik at umupo na sa upuan.
Napahinga ako nang maluwag. Mabuti at nagagawa ko nang makontrol kung ano ang aking naiisip. Hindi kasi gaya noon ang pumapasok sa utak ko kapag nakikita ko siya. Natuldukan na ang kalaswaan. Sana naman ay magtuloy-tuloy na ito.
Sa klase, nagkaroon ng series of activities. May reporting at sandamkamk na hand-outs ang inabot upang pag-aralan. Una kong napansin ang naiinis na reaksyon ni Leila dahil may bago na namang dahilan upang magpuyat at ma-stress.
Nang sumapit ang tanghalian, hindi ko alam kung nagulat ang lahat. Dahil pagkalabas ng prof, namataan ng lahat ang pagtayo ni Cullen at ang matikas nitong paglakad patungo sa akin.
Tila nalaglag ang panga ni Leila sa nakita. Ang iba kong mga kaklase ay tahimik na sumusulyap. Maingay pa rin naman ang paligid ngunit hindi gaya kanina, mas humina ngayon nang tuluyang makalapit sa upuan ko si Cullen.
“Pwedeng sumabay?”
Hindi ako nag-alinlangan. Mabilis akong tumango at pumayag. Tumayo na ako at tinapik si Leila na ngayon ay halatang gulat at hindi pa rin makapaniwala. Mamaya ipaliliwanag ko sa kaniya.
Sa totoo lang, naiinis ako sa reaksyon nila. Anong masama? Oo, kakaiba dahil nakipagkapwa na itong tao, pero tao pa rin siya. Hindi naman habang buhay na mag-isa rito ‘yan. Kailangan niya rin ng kaibigan.
Upang hindi matao, sa Teresa street na kami nagtanghalian. Talagang iiwasan namin ang lagoon dahil lalo lang kakalat ang usap-usapan.
“OMG, totoo ba ‘to?” pabulong na tanong sa akin ni Leila habang papasok na sa mumurahing karinderya. Nakapagitna ako sa kanila ni Cullen at kapwa kami tahimik kanina pa.
Tumango na lang ako at hindi nagsalita. Saka na lang namin siya pag-uusapan, hindi ngayon.
Kanya-kanya kami ng order nang kausapin namin ang tindera. Nag-stick ako sa tapsilog samantalang ang dalawa ay nag-menudo. Naramdaman ko pa ang hiya ni Leila nang malamang parehas sila ng ulam.
Nakahanap kami ng pangtatluhang upuan. Nilapag namin sa lamesa ang tray saka nagsimula na kumain.
Walang usapang naganap dahil kahit ako'y hindi alam kung saan magsisimula. Nasasakyan ko na rin halos ang praning na reaksyon ni Leila. Goodness, kung alam ko lang naman kasi na sasabay sa amin si Cullen, sana ay napaghandaan ko kahit papano. Pero ngayon, saan magsisimula?
Tahimik kami at tanging mga kubyertos lang ang nagsisikalansingan. Paunti-unti lang ang pasok ng mga estudyante rito at ang iba ay kusang napapatingin sa aming pwesto, bagay na hindi na bago sa'min. In time, alam kong makakasanayan namin.
Pagkatapos kumain, nagulat kami nang i-alok ni Cullen na siya na mismo ang magbabayad. Natuwa ako nang bahagya para roon pero si Leila ay praning na ewan. Sa gulat niya, ni hindi na siya nakapagsalita. Ako na ang nagpasalamat kay Cullen para sa kanya.
Naging tahimik pa ang tagpo naming tatlo hanggang sa makabalik na kami sa room. Saka lang uli nagdadaldal si Leila nang makaupo na kami sa aming upuan.
“Kailan pa France?” Niyugyog niya ang siko ko. Tumawa ako.
“Kahapon. Workmate ko siya then nakipagkaibigan. Don’t worry, mabait naman.”
Mabilis ang iling niya. “Pero gosh, biglaan. Sana naman ininform mo ako kaninang umaga 'di ba? At least may hint na akong mangyayari ‘to. Gosh talaga, hindi ako makapaniwala sa bilis ng pangyayari.”
Marami pa siyang sinabi, bagay na hindi ko na masyadong inintindi. Lihim akong lumilingon kay Cullen, sa pag-asang mangitian siya. Huli na nang malaman kong nakatitig siya sa akin at nakapangalumbaba. Sinuklian niya ako ng ngiti.
Uwian ang hindi ko inaasahan dahil sa pagsapit nito, inalok ako ni Cullen na ihatid ako sa inuupahan.
Kakaiba na ang mga tingin sa akin ni Leila, lalo na nang maghiwalay na ang landas namin sa parking. Mapanuya ang kanyang mga mata ngunit naroon sa labi niya ang ngiti. Hindi ko na lang pinansin kahit na maliban sa kanya, ay may iba ring nakatingin sa amin.
“Mabait ‘yon si Leila, sadyang nagulat lang at… nahihiya,” sabi ko habang naglalakad. Pinagbuksan niya ako ng pinto at kaagad akong pumasok roon.
“Ayos lang. Ganoon talaga kapag naninibago,” aniya nang makaupo na sa aking tabi at isalpak na ang susi. Sinimulan niyang ikutin ang manibela nang umandar na ito.
Kinuha ko ang phone ko habang nasa byahe. Nang makitang off namin ngayon sa trabaho, para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan. Naroon pa rin kasi ang hiya ko dahil sa iskandalo ng magulang ko. Kung alam ko lang na sisigawan pala nila ako sa loob, sana nakiusap na lang ako na kausapin ako sa labas.
“Kotse mo ‘to?” tanong ko nang tapakan niya ang preno. As usual, heavy traffic. Tumango siya bilang sagot. “Ang yaman mo pala, bakit ka pa naging crew kung ganoon?”
“Lumayas ako.”
Kumunot ang noo ko nang marinig iyon. Lumayas siya?
Huminga ako nang malalim, may pagkakapareho kami.
Hindi na ako nagtanong dahil ayokong isipin niya na nangingialam ako sa personal nyang mga problema. Ngunit sa kabila nito, nahihimigan ko ang dahilan kung bakit siya naglayas kagaya ko.
Tingin ko, malaking dahilan ang s*x scandal niya.
“Law student ako,” panimula niya. Matiim akong nakinig at inabangan ang bawat niyang sasabihin habang umaandar na ngayon ang sasakyan. “Graduating na sana ako, until it happened. The scandal.”
Napalunok ako. Ramdam ko ang sakit sa baritono niyang boses. Sa huling tapak niya sa preno, doon ko napagtanto na narito na kami sa tapat ng aking apartment.
Tumingin siya sa akin gamit ang mga matang nag-aalala. I can sense his gleaming senserity as his mouth twitched for a small smile.
Kumurap ako at piniling suklian ng matamis ang kanyang ngiti. Ngayon pa lang, ramdam ko na ang sakit ng pinagdadanan niya.
“Marumi na akong tao, France. Salamat dahil tinanggap mo pa rin ako… bilang kaibigan.”