Prologue

833 Words
OCTOBER 3, 2084 Gumuguhit ang kintal ng sikat ng araw sa balat ng isang matandang lalaking naglalakad patungo sa isang matayog na akasya sa gitna ng taniman ng kape. Inayos niya ang pagkakapatong ng kanyang mapakal na salamin sa matangos nitong ilong at sinipat ang di-kalayuang puno. Nababanaag ang apat na guhit ng karanasan sa kanyang noo at nililipad ng mainit na hangin ang kanyang kulay pilak na buhok. Tila marami na itong napagdaanang mga dekada dahil sa mga linya sa kanyang pisngi ngunit lumalatag ang kaligayahan sa kanyang hitsura. Mabibigat ang kanyang mga hakbang at nakaukit sa kumpas ng kanyang tungkod ang pagod at mahabang karanasan sa buhay. Sa nanginginig na kaliwang kunot na kamay nito ay bitbit niya ang isang bungkos ng mga puti na may nag-iisang pulang rosas sa gitna nito. Nang marating niya ang tuktok ng burol ay nagpalabas siya ng malalim na paghinga at sinulyapan ang langit. Napangiti siya at may sinabing mga salita ngunit walang boses. Dahan-dahan itong yumuko at tinignan ang tatlong lapida na naroroon. Hinahaplos sila ng mahahabang anino na nagmumula sa manaka-nakang pagtakip ng mga ulap sa kalangitan. Sinikap niyang maupo sa paanan ng puno ng akasya. Bagamat umaangal na ang kanyang mga kasu-kasuan ay pinilit pa rin niyang umupo at sumandal sa makapal na katawan ng puno. “Kayhirap talaga kapag matanda ka na, irog…” Mahinang sambit nito. Gumegewang ang kanyang kamay na itinabi ang kanyang tungkod. Sumalampak ito at hinayaang tumagos ang lamig ng lupa sa kanyang puwitan upang guminhawa ang kanyang pakiramdam. Pinagmasdan niya ang mga lapida at kanyang hinaplos ang nasa gitna. Sa kabila ng kanyang naghihinang mga daliri ay sinikap niyang tanggalin ang mga tumutubong lumot at damo sa paligid ng tatlong lapida. Pinagpag niya ang bumabalot na alikabok sa mga marmol na may mga nakaukit na pangalan at petsa ng kapanganakan at pagpanaw. Pinulot niya ang mga nahugot na damo at itinabi sa puno. Pagkatapos ay isa-isa niyang binunot ang talulot ng mga rosas at inalay sa mga lapida. Inilagay niya ang dalawang pirasong rosas sa magkahiwalay na himlayan ng dalawang pumanaw at hinawakang mabuti ang kanilang mga lapida ng may pangungulila. Gumagalgal ng kaunti ang kanyang mga labi sa kirot na naramdaman niya sa kanyang puso. Pagkatapos ay tinanggal niya ang pagkakatali ng mga natitira pang mga rosas at inilatag ito sa gitnang lapida. Isinandal niya ang nag-iisang pulang rosas sa lapidang nasa gitna at hinaplos-haplos ito. “Kumusta ka na, giliw ko…” Pabulong at paos niyang sinambit na parang kinausap ang nakahimlay doon. Sinundan ng kanyang daliri ang mga nakaukit na letra na tila ipinagdudugtong nito ang kanilang nakaraan sa kasalukuyan. “Pagmasdan mo irog ko at dala-dala ko ang paborito mong inumin. Kaya lang ay candy ang naidala ko.” Namamalat na sabi nito habang inilalabas niya sa kanyang bulsa ang mga Kopiko candies. Kahit nanginginig ay pinilit niyang mabuksan ang isang candy at kanyang kinain. Gumalgal ang kanyang bibig at pisngi na tila umagos ang mga alaala niyang bitbit habang nilalasap nito ang pait ng candy. Napakurap-kurap ito upang pigilan ang pag-agos ng kanyang mga luha. Sumandal ito at kanyang ipinikit ang mga mata. Sa kanyang hinog na edad ay hinagilap niya sa kanyang memorya ang kanyang irog. Hawak-hawak nito ang kanyang malalambot na kamay at siya ay kanyang tinatangay sa kanyang pagtakbo. Umaalingawngaw ang kanyang napakatamis na halakhak na parang musika sa kanyang puso. Naalala niya ang kanyang mga kumikinang na mga kulay kastanyas na mga mata at umaalon niyang buhok. Dumaloy sa kanyang mga kamay ang nararamdaman nito tuwing hinahaplos niya ang makinis at kulay rosas na pisngi ng kanyang giliw, ang kanyang mga malalambot at maninipis na braso at ang leeg nitong sumasabay sa kislap ng mga bituin. Nang maramdaman niya ang paghalik ng hangin sa kanyang mga pisngi ay iminulat niya ang kanyang mga mata at muling inabot ang lapida. Sinimulan niya itong kuwentuhan ng mga pangyayari sa araw na iyon. Binanggit niya na ang mga rosas niyang dala ay galing sa harding parati niyang dinidiligan araw-araw. Ikinuwento niya ang pagbisita ng kanilang mga barkada at pakikipag-tsismisan niya sa mga kapitbahay, ang pagtaas ng kanyang presyon sa kanilang mga apong walang puknat sa paglalaro, ang parati niyang pagpupunas sa kanilang mga larawan, at iba pa. Pagkatapos niyang magkuwento at bigla itong yumuko at kinuha ang isang pirasong rosas. Nilaro-laro nito ang dulo ng tangkay sa kanyang mga kuko at napahikbi. “Namimiss kita sa bawat araw, irog…” Banggit nito at mabilis na sinalo ang patak ng luha sa kanyang mga mata. Huminga siya ng malalim at pinakalma ang sarili. Ngumiti siya sa lapida at muling nagsalita. “… Ngunit huwag kang mabahala. Ramdam kita sa lahat ng oras—sa bawat paglubog ng araw, sa bawat pagyakap ng hangin, sa bawat patak ng ulan. Hindi ka nawawala sa aking tabi, sa kaibuturan ng aking puso. Nakaukit ka sa bawat hibla ng aking mga ugat. Ikaw lang ang aking mamahalin at hahanapin hanggang sa susunod nating buhay…”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD