
Si Grace Lyne Smith (Gigi) ay ipinanganak sa Lipa, Batangas bilang nag-iisang anak ni Grasilinda, isang bilyonaryong may-ari ng malawak na taniman ng puno ng kape. Ngunit nang ito ay nagka-isip ay pumayag ang kanyang ina na palakihin siya sa puder ng kanyang ama na isang mayamang negosyante sa Pampanga upang mabigyan ito ng pagkakataong makapag-aral ng maayos at matuto sa buhay sa siyudad. Doon niya malalaman na isa pala siyang anak sa labas ng kanyang ama at titira sa iisang bubong kasama ang kanyang kapatid na si Bridgette. Ang kapatid nito ang maghahatid ng hirap at pasakit sa kanyang buhay dahil mag-aagawan sila sa kumpanyang iniwan ng kanilang pumanaw na ama. Guguluhin din ni Bridgette ang relasyon nito kay Miggy sapagkat siya ang unang umibig sa binata, ngunit mahuhulog ang loob ng gwapong pintor kay Gigi.
Lalo pang magiging masalimuot ang kani-kanilang mga buhay dahil lahat pala sila ay reinkanasyon ng tatlong nilalang na nabuhay noong 1800s, sa panahon ng pananakop ng Kastila sa Pilipinas. Nasa katauhan ni Gigi ang kaluluwa ni Graciella, ang bunsong anak ng mayamang si Don Victoriano. Tanyag ang kanilang angkan sapagkat napakabuti ni Don Victoriano sa mga tao. Marami siyang tinutulungang mga pamilya noon na naghihirap sa pamamalakad ng mga mananakop. Namana ni Graciella ang butihing puso ng kanyang ama kaya’t marami ang nahuhumaling sa kanya, lalo na’t itinuturing na wangis ng anghel ang kanyang hitsura.
Dahil nasungkit ni Graciella ang puso ng mga mamamayan sa kanilang bayan, uusbong ang selos at galit sa kalooban ni Leonora, ang nakatatandang kapatid ni Graciella. Mapupuno ng paghihiganti ang kanyang puso nang napag-alaman nito na ipinamana ang pamamalakad sa hacienda kay Graciella ng pumanaw niyang ama. Susukob din ang paninibugho sa puso ni Leonora dahil masusungkit ni Graciella ang puso ng kanyang pinakamamahal na si Miguelito. Sinuyod ni Leonora ang lahat ng paraan upang makamkam niya ang pinaniniwalaan niyang dapat ay sa kanya na napunta kay Graciella. Dahil sa sukdulan ang galit nito sa kanyang kapatid ay magtatangka itong paslangin si Graciella kasama si Miguelito. Malalaman naman ito agad ng magkasintahan at susubukan nilang tumakas sa kanyang masamang balak, ngunit magtatagumpay si Leonora sa kanyang hinahangad. Bago malagutan ng hininga si Miguelito ay nag-iwan siya ng pangako kay Graciella na hahanapin at iibigin nito ang dalaga hanggang sa susunod niyang buhay. Binaril din ni Leonora ang kanyang kapatid sa araw na iyon.
Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay muling magigising si Graciella sa katauhan ni Gigi sa taong 2024. Sisikapin nitong pag-aralan ang modernong pamumuhay bitbit ang misyong hanapin ang katauhan ni Miguelito dahil nangako itong siya pa rin ang kanyang iibigin hanggang sa susunod nilang buhay.
Babalik ang kaluluwa ni Miguelito sa katauhan ni Miggy, ang gwapong pintor, ngunit wala itong matatandaan sa kanyang nakalipas. Ngunit gaya noong 1800s, iibig pa rin ito kay Gigi ng hindi nalalaman ang kanyang nakaraan.
Mapupunta naman ang kaluluwa ni Leonora kay Bridgette, ang nakababatang kapatid sa ama ni Gigi. Siya ang magiging balakid sa pag-iibigan nina Miguelito at Graciella sa katauhan nina Miggy at Gigi sa kasalukuyang panahon at magpapahirap sa buhay ng kapatid nito. Susubukan niyang muling agawin ang lahat kay Gigi sa pangalawang pagkakaton.
Ngunit paano mahahanap ng dalawang magkasintahan ang isa’t isa kung tanging si Gigi lamang ang nakakaalam ng kanyang tunay na pagkatao? Tatawirin ba ng wagas na nagmamahal ang kabilang buhay upang muling makapiling ang iniibig? Muli bang itataya ng umiibig ang kanyang buhay para sa kapakanan ng isa?

