Nakatingala si Gigi at sinusundan ng kanyang mga mata ang mga alambreng may mga tinik sa ibabaw ng kulay berde na gate. Bumaba ang kanyang paningin at napansing may kumpol ng basura sa gilid ng tarangkahan. Marahil ay itinapon ito ng mga kapitbahay dahil sa matagal na pagkawala nito sa kanyang bahay. Napukaw ni Allie ang kanyang atensyon nang tanggalin nito ang seatbelt niya na pumapalibot sa kanyang katawan. Bumuntung-hininga si Allie at naningkit ang mga mata habang tinitignan niya ang gate ng bahay.
“Tsk… Ewan ko ba sayo, Gi. You have the means to buy a new house but you choose to stay in this… old… hay…” Nanlalambot nitong sinabi.
Malamlam ang ngiti ni Gigi at tinugunan ang kaibigan.
“Maraming salamat, Allie… Utang ko ang buhay ko sayo…” Nakangiti nitong sambit.
Pinisil ng kaibigan nito ang kanyang mga kamay at nagsalita.
“Bes, hindi talaga ako mapalagay. Sa condo ko na lang kaya ikaw matulog? O kaya dun sa katabi kong unit? Diba matagal ko na ‘yun ino-offer sayo? Gabi na kasi… I really can’t put myself at ease especially now that you’ve just recovered…” Payo ni Allie.
“… Maayos na ang pakiramdam ko. Huwag kang mabahala…” Nakangiti naman nitong tugon sa kanyang kaibigan.
Napaurong ng kaunti ang ulo ni Allie at kumunot ang noo.
“Grabe sa Tagalog vocabs ah.” Natatawa nitong tugon.
Niyakap niya ang kanyang kaibigan at bineso. Bago sila magpaalaman ay muli itong pinaalalahanan ni Allie.
“Gi, you have your cellphone. Tawagan mo ko ha kung ano man ang kailangan mo. And forget about your work. I’ll inform your HR tomorrow. Ako na bahala for now. Take a week off and rest.” Malambing nitong pabatid.
Kumaway siya sa kanyang kaibigan nang makababa na ito sa sasakyan. Humarap ito sa kanyang gate at nagitla nang biglang umilaw ang solar light na may censor sa poste. Binuksan nito ang gate at dahan-dahang naglakad patungo sa pintuan ng kanyang bahay. Lumatag ang kaunting takot sa kanyang puso dahil nakaramdam ito ng hindi pagkapamilyar na pakiramdam sa kanyang sariling tahanan.
Nang maisindi niya ang ilaw sa loob ng kanyang bahay ay bumungad sa kanya ang mga iba’t ibang larawan na kanyang paboritong nakuhanan. Batid nitong siya ang kumuha ng mga larawang nakasabit bilang dekorasyon ngunit manghang-mangha pa rin ito sa kanyang mga nakita. Tila nagsasalaysay ng kuwento ang mga litratong sari-sari ang laki gaya ng mga nakuhanang magsasaka sa Banaue Rice Terraces, ang isang mamang naglilinis ng sapatos sa kanyang puwesto, mga palaboy na batang nakaupo sa tulay, at iba pa. Pinasadahan ng kanyang mga daliri ang bawat litrato hanggang sa makarating siya sa isang maliit na picture frame na naglalaman ng kanyang larawan noong pitong taong gulang pa lamang ito. Buhat-buhat siya ng kanyang ina at kapwa sila nakangiti. Nakaramdam ito ng pangunguyom sa kanyang puso at napahawak sa dibdib. Nang ipikit nito ang kanyang mga mata ay biglang sumagi sa kanyang isipan ang maamong mukha ng ama niyang si Don Victoriano sa nauna niyang buhay.
Napahawak ito sa wooden bookshelves at bumaon ang kanyang mga kuko dahil sa matinding sakit na pumipiga sa kanyang dibdib. Nagpalabas ito ng malalim na paghinga at doo’y muli siyang idinuyan patungo sa mga tagpo ng kanyang nakalipas na buhay.
---
Maulang Gabi ng Mayo, 1868
“Senyorita!!!” Humihingal na tawag ni Luwalhati sa kanyang amo na si Graciella.
Napaluhod ito sa sahig sa pagkahapo at napahawak sa pintuan. Dagliang tumungo si Graciella sa kanya upang tulungan itong tumayo. Kahit hapong-hapo na si Luwalhati ay sinubukan niyang magsalita upang balaan ang kanyang amo.
“Mag…magmadali ka, Senyorita… Katuwang ni Senyorita Leonora si Don Mariano… Sa tantya ko ay makakapanaog sila dito bago maghatinggabi! Kung nais po ninyong datnan ang inyong irog, hayaan… hayaan po ninyo akong tumu...long sa pagbabalot ng inyong mga kasuotan…” Humihingal na sambit ni Luwalhati.
Napatayo si Graciella at hindi alam kung ano ang gagawin. Nagpalingon-lingon ito sa kanyang silid at nalilito kung ano ang kanyang dapat na unahing bitbitin. Hinawakan siya ni Luwalhati at niyugyog ang kanyang mga braso.
“Senyorita!!! Wala na tayong panahon!!!” Malakas na boses na paalala nito.
Nahimasmasan si Graciella at umikot patungo sa kanyang lalagyanan ng damit. Lumutang ang kanyang mamahaling pantulog sa hangin at nahulog ang kanyang balabal sa leeg. Hindi na niya ito pinansin at mabilis nilang ibinalot ni Luwalhati ang anumang kasuotang kanilang nadampot. Ilang saglit pa ay narinig niya ang boses ng kanyang nakatatandang kapatid.
“Graciella!!! Alam kong nasa loob ka ng iyong silid!!! Lumabas ka at harapin ang iyong mapapangasawa!!!” Dumadagundong na boses ni Leonora na mabilis na umaakyat sa hadgan ng kanilang bahay na bato kasama si Don Mariano, ang ipinagkasundong kanyang mapapangasawa pagkatapos na binaril at pumanaw ang kanyang ama.
Nagulantang si Graciella at nabitawan ang telang bumabalot sa kanyang mga damit. Dagliang pinulot ni Luwalhati ang kanyang mga kagamitan at hinawakan ang mga kamay ni Graciella.
“Senyorita! Pumanatag ka! Hindi kita pababayaan kahit anong mangyari! Halika na!!!” Impit na sigaw ni Luwalhati para ibalik sa katinuan ang kanyang senyorita.
“Graciella!!! Pagbuksan mo kami ng pinto!!! Tanggapin mo ang iyong tadhana para sa kapanakanan ng ating pamilya!!!” Alulong ni Leonora habang pinupukpok ng kanyang kamao ang pintuan ng mansyon.
Hinila ni Luwalhati ang braso ng kanyang amo at mabilis na iniwan ang kuwarto. Nagpalinga-linga si Luwalhati sa mga pasilyo ng mansyon at napagtanto kung saan sila maaaring palihim na makatakas. Ipinatong nito ang itim na balabal sa kanyang amo at muli itong hinila papunta sa kuwarto ng mga kasambahay. Pagbukas ni Luwalhati sa pintuan ng kuwarto ay naihanda na ng kanyang mga kasama ang pinagdugtong-dugtong na tela na maaaring gamitin ni Graciella pababa sa mansyon.
Lahat sila ay napayuko at nagpupumigil na humiyaw nang bumagsak ang matinding ugong ng kulog at kidlat, hudyat ng paparating na malakas na pag-ulan.
Nang mapagod si Leonora sa pagdabog sa pintuan ay tumingin ito kay Don Mariano. Inihagis ng lalaking ito ang kanyang tabako at buong lakas na binunggo ang pintuan upang ito ay sapilitang mabuksan. Narinig nina Graciella at Luwalhati ang malakas na puwersang bumangga sa entrada ng mansyon kaya’t nagmadaling binuksan ni Luwalhati ang bintana ng silid. Dumungaw sila pababa at nasilayan ni Graciella ang kanyang minamahal na nababasa na sa ulan at kumakaway habang siya ay hinihintay—si Miguelito.
---
Naputol ang kanyang pagbabalik-tanaw at biglang nawalan ng lakas ang kanyang mga tuhod. Sinikap niyang suportahan ang kanyang natutumbang katawan ngunit sumayad ang kanyang kamay sa patungan ng bookshelf at nailampaso ang lahat ng mga aklat, pati na rin ang larawan nina Gigi at ng kanyang ina pahulog sa sahig. Kumalat ang mga libro at nabasag ang picture frame sa harapan ni Gigi. Dumaplis ang isang maliit na bubog sa kanyang kaliwang braso at napakapit ito sa paligid ng nasugat niyang balat. Umiyak ito hindi lamang sa hapdi ng sugat kundi pati na rin sa masidhing pangungulila nito kay Miguelito.
“Si Miguelito… Anong nangyari kay Miguelito???” Pahagulgol niyang bulong sa sarili.
Tumayo ito at hinayaang tumulo ang kaunting dugo sa kanyang sugat. Nagpalinga-linga ito ng mabilis sa paligid at sinikap na isipin kung ano ang nakapagdudulot sa kanya ng kanyang pagbabalik-tanaw. Nais niyang malaman kung ano ang kasunod na nangyari ngunit hindi nito mapiga ang kanyang memorya ng kusa. Kaya naman nag-isip ito ng paraan upang makapaglakbay muli ang kanyang diwa sa kanyang nakaraan. Hinawakan niya ang lahat ng larawan sa kanyang tahanan ngunit wala itong naging epekto. Sumandal siya sa pader at nag-iisip. Pagkatapos ay biglang sumagi sa kanyang isipan na sa tuwing may bago itong nakikitang larawan o pangyayari ay bumabalik ang kanyang alaala sa nakaraan. Bigla siyang napatingala sa kisame at napamulagat. Hinablot nito ang kanyang bag at mabilis na isinusi ang kanyang bahay. Tumakbo ito palabas ng gate at naghanap ng masasakyan. Doo’y kanyang naisip na maaari siyang sumakay ng jeep para marating ang kanyang nais na puntahan—ang lugar kung saan niya iniligtas ang bata at kung saan ito naaksidente.