CHAPTER 01: A Deal of Twenty Million
THIRD PERSON POV
"Hindi ako magpapakasal sa kanya!" sigaw ni Miyona. Pumuno sa buong bahay nila ang boses niya.
Agad naman siyang sinabunutan ng madrasta niyang si Laura. "Sumasagot ka na ngayon?!" sigaw nito sa kanya habang nanggagalaiti sa galit.
"Ah," napadaing naman siya sa tindi ng sakit na nararamdaman, na pakiramdaman niya'y matatanggal ang anit niya sa ulo. "T-Tita Laura, n-nasasaktan po ako..."
Patuloy naman sa pagtawa ang half-sister niyang si Lynette habang pinapanood siya.
"Talagang masasaktan ka kapag hindi mo sinunod ang utos ko!" sigaw ni Laura sa mukha niya. "Baka nakakalimutan mo kung paano tayo pinabayaan ng 'yong ama! Ako ang gumapang sa'yo sa hirap para makatapos ka sa pag-aaral kahit hindi naman kita anak! Kaya nararapat lang na suklian mo ang lahat nang pinaghirapan ko!"
Malakas siya nitong itinulak hanggang sa mapaluhod siya sa sahig.
At heto na naman siya, bago pumasok sa trabaho, hindi pwedeng hindi siya dadaan muna sa mabigat na kamay ng kanyang madrasta. At walang umaga na hindi siya iiyak.
"Bakit?! Sa tingin mo ba, makakaahon tayo sa hirap dahil dyan sa pagdodoktor mo na araw-araw ay sakiting mga hayop lang ang hinahawakan?!" anitong muli sa kanya. "Mga gusgusing aso na pinupulot lang dyan sa kalye?! Mapapayaman ba tayo ng mga 'yan?! Hindi! Kaya imulat mo 'yang mga mata mo, Miyona!"
Lalo pang lumakas ang tawa ng half-sister niyang si Lynette habang naka-de-kuwatro nang pagkakaupo sa sofa. Pumipilantik ang mga daliri nito, na ang mga kuko ay namumula dahil sa ginamit na nail polish.
"Huwag ka nang mag-inarte dyan, my dear sister," anito sa kanya. "Kahit naman matanda na 'yong pakakasalan mo, mayaman naman. Siguradong hihiga ka sa limpak-limpak na salapi. Mababayaran mo na ang mga pinaghirapan noon ni Mama para lang makatapos ka. Wala ka bang utang na loob?"
"Eh, bakit hindi ikaw ang magpakasal sa kanya?" mariin naman niyang sagot.
"Ano?" Gulat namang tumitig si Lynette sa kanya. "Bakit ako? May boyfriend na akong mayaman habang ikaw ... single ka naman, 'di ba? At tama si mama, walang patutunguhan ang paggagamot-gamot mo lang sa mga hayop. Ang gawin mo, pakasalan mo si Mr. D at siya na lang ang gamutin mo. Baka sakaling matuwa siya sa'yo at bigyan ka kaagad niya ng kayamanan!"
Hindi sumagot si Miyona. Pinunasan niya ang basang pisngi niya habang tumatayo at isinakbat muli sa balikat ang bag.
"Saan ka pupunta?!" malakas na tanong ng kanyang madrasta.
"P-Papasok na po sa trabaho—"
"Sinabi nang hindi ka na papasok sa trabaho!" Muli siya nitong sinugod at hinawakan ng mahigpit sa braso. "Pupunta ka ngayon sa mansyon ni Mr. D!"
Muli siyang napahikbi. "T-Tita, p-parang awa niyo na po. Ayoko po—"
"Wala ka nang magagawa pa. Ibinenta na kita sa kanya! At ang sisihin mo ay ang 'yong ama! Kung hindi niya tayo iniwan noon, hindi sana magkakandaletse-letse ang mga buhay natin!" Muli siya nitong itinulak ng malakas. "Hala! Nasa labas na ang sundo mo! Pupunta ka ngayon at haharap kay Mr. D!"
Muling tumawa nang malakas ang half-sister niyang si Lynette. "Good luck, my dear sister! Ang balita ko, matanda at pangit daw si Mr. D. At saka, baog daw kaya hindi nagkakaasawa. Kaya matuwa ka dahil hindi kayo magkakaanak. Hindi mamamana ng mga anak mo ang kapangitan niya." Humalakhak ito na pumuno sa buong bahay nila.
Lalo pang napaiyak si Miyona habang marahang naglalakad patungo sa pinto. Tila ba kay bigat nang bawat hakbang niya. Sa labas ng mababa nilang gate ay may natanaw na siyang mga lalaki na kalalabas lamang mula sa dalawang itim na sasakyan.
Lalo pang lumakas ang kabog ng dibdib niya dahil nasisiguro niyang mga tauhan na ito ng matandang lalaking nakatakdang ipakasal sa kanya.
Muli siyang itinulak ng kanyang madrasta. "Sige na! Huwag mong paghintayin nang matagal si Mr. D! Masama magalit ang taong 'yon, at hindi niya pwedeng bawiin ang twenty million na ibinayad niya sa akin!"
Biglang napanganga sa gulat si Miyona sa narinig niyang 'yon.
"T-Twenty million?" ulit niya habang nakatitig sa madrasta niya.
"Oo! 'Yan ang halaga ng buhay mo! Twenty million! At ang sabi ni Mr. D, sa oras na matapos na ang kasal niyo, bibigyan pa niya ako ng another 20 million. Kapag nangyari 'yon, bayad ka na sa lahat ng utang mo sa akin. Huwag ka nang magpapakita pa! Sige! Larga na!" Muli siya nitong itinulak, na halos ikasubsob niya sa lupa.
Halos mapahagulgol siya sa tindi ng sakit na nararamdaman niya sa mga sandaling iyon.
Hindi nagtagal ay tuluyan na rin siyang nakalabas ng gate. Agad din niya itong nilingon nang marinig niya ang biglaang pagsara nito. Naroroon pa ang kanyang madrasta at nakatingin sa kanya.
"Sige, dalhin niyo na 'yan! At ipabatid niyo na lamang kay Mr. D ang mainit kong pagbati sa kanilang kasal." Tumawa ito bago tuluyang tumalikod at bumalik sa kanilang bahay.
"Magandang umaga po, Ms. Miyona," narinig niyang bati ng mga lalaki sa kanya, na ikinalingon niyang muli sa mga ito.
Nakayuko na ang mga ito sa harapan niya. Lahat ay nakasuot ng itim na suit at kurbata, puting dress shirt sa loob, at polished na sapatos. At bawat isa ay may earpiece sa tainga.
Mas lalo pang lumakas ang kabog ng dibdib niya. Sa isip niya ay nakalarawan ang hitsura ng amo nilang lalaki na si Mr. D—matanda, maitim, pangit, kulubot na ang balat, mataba, malaki ang tiyan at kung ano-ano pa.
Ilang ulit siyang napailing at 'di mapigilang makaramdam nang pandidiri.
Binuksan na ng isa sa mga lalaki ang pinto ng kotse sa backseat.
"H-Hindi," sambit niya sa mga ito. "H-Hindi ako sasama."
Napahinto naman ang mga ito at napatitig sa kanya.
"Pero, Ms. Miyona," ani ng isang lalaki. "Kung hindi kayo sasama, mapipilitan kaming puwersahin ka."
Natigilan naman siya at nakaramdam bigla ng matinding takot. "A-Ano?"
"Bayad ka na po ni Boss D. Kaya hindi pwedeng hindi ka sasama sa amin. Hawakan niyo," utos nito sa mga kasama.
"H-Hindi!" napasigaw na siya sa matinding takot at agad na napaatras. "Hindi ako sasama sa inyo. Kung gusto niyo, si Lynette ang kunin niyo! Hinding-hindi ako magpapakasal sa matanda at pangit niyong amo!"
Agad na niya ang mga itong tinalikuran at mabilis na tumakbo sa kalsada.
"Habulin niyo!"
Mas lalo pa siyang binalot ng matinding takot nang maramdaman niya ang mabibilis na yabag sa likuran niya. Nilingon niya ang mga ito at nakita niyang hinahabol na siya.
"Oh, Diyos ko. Hindi... ayoko..." Mas binilisan pa niya ang takbo niya.
Ngunit 'di sinasadya'y natisod siya sa isang mataas na speed hump, na hindi niya rin agad napansin.
Nadapa siya at tumama doon ang mga tuhod niya. Kasabay niyon ay biglaang pagbuhos ng malakas na ulan, na may kasamang kulog at kidlat.
Agad siyang nabasa. Sinubukan niyang tumayo, ngunit hindi niya kinaya ang matinding pananakit ng mga tuhod niya, na nagsisimula nang dumugo.
Maya-maya'y isang sasakyan ang huminto sa harapan niya. Bahagya siyang nasilaw sa malakas na puting ilaw ng headlights nito. Naipikit niya nang mariin ang kanyang mga mata.
"Lagot na. Si Boss D," narinig niyang sambit ng mga lalaki sa likod niya, at ramdam niya ang takot sa mga ito.
Natigilan naman siya kasabay nang malakas na pagkabog ng dibdib niya.
"B-Boss D?" bulong niya, kasabay nang pagtunghay niya at pagdilat muli ng kanyang mga mata.
Isang lalaki ang bumababa na ngayon sa kotse habang pinapayungan ng isang lalaki.
Dahil sa ilaw na tumatama sa kanyang mga mata at sa malakas na buhos ng ulan, hindi niya kaagad makita ang mukha nito. Pero ang katawan nito ay malayong-malayo sa lalaking nai-imagine niya na mataba at malaki ang tiyan.
Hanggang sa 'di nagtagal ay nawala ang buhos ng ulan sa kanya at nasa ulunan na niya ang payong. Maging ang lalaking tinatawag nilang Boss D ay nasa harapan na niya.
“What are you doing here?” tanong nito sa malamig ngunit mahinahong tinig. "Tinatakasan mo ba ang mga tao ko?"
Natigilan siya dahil sa bata pa nitong tinig at tila pamilyar sa kanya.
Dahan-dahan itong yumuko at umupo na rin sa harapan niya hanggang sa magpantay na ang kanilang mga mukha.
At ganun na lamang ang pagtulala niya nang mamukhaan niya ito agad.
"A-Anong..." sambit niya. Lumarawan ang matinding gulat at pagtataka sa kanyang mukha. "I-Ikaw ... s-si Mr. D?"
Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi ni Noah Abram Parker Delavega habang nakatitig kay Miyona.
"Why are you running away?" tanong nito sa kanya. "Ayaw mo bang magpakasal sa 'kin?"