PAGBUKAS pa lamang ng pintuan ay isang malakas na hampas ang binigay ko sa dibdib niya. Ngunit nang iangat ko ang tingin ko’y laking gulat ko nang hindi ang asawa ko ang naroon.
“Ito! Ito ang asawa niya!”
Sandali lamang nang isang malakas na sampal ang naramdaman ko sa aking pisngi. Tila parang nayanig ang buong ulo ko sa lakas n’yon. “Nasaan ang asawa mo? Ha?”
Hindi ako makasagot sa tanong.
Parang naikot ang mundo ko at ang tainga ko’y nakakarinig ng tunog na para ba akong nabingi sa ginawang pagsampal. “Nasaan na ang asawa mo?” mas malakas niya pang tanong.
“Halungkatin niyo! Kunin niyo ‘yung mga pwedeng ibenta! Ang hayop na ‘yon! Natunton na rin ang kuta niya!” Hindi ako makapagsalita pero nagawa kong umupo at tanging tanday lamang ang isang kamay ko, habang ang isang palad ko’y nakatakip sa masakit kong pisngi.
“Boss, wala mas’yadong gamit dito sa loob.”
Pera ba ang kailangan nila? Wala ako mas’yadong ipon, pero kung para sa kaligtasan ko ay ibibigay ko ang lahat ng mayroon ako.
Lumapit sa akin ang lalaking nanampal, panigurado ako na siya ang boss nila. Tumulo ang luha ko at tila nililikom ang lakas para makalayo sa kaniya. Yumuko ito at ngayon ay kita ko na kung sino ito. May hiwa siya sa kaniyang kanang mata.
Napalunok ako…
Hayop ka, Luis! Gago ka talaga!
“Ang asawa mo… nasaan?” mahinang tanong niya sa akin. “Wala sa trabaho niya, wala sa lagi niyang kinakainan. Nasaan siya? Wala rin sa bahay ng magulang niya.”
“Alam mo, malaki-laki ang utang sa akin ng asawa mo. Ninakaw niya ang atay na hinihingi ko.” Parang tumigil ang puso ko sa pagtibok. Ang atay… anong atay?
Hindi ko maintindihan… anong atay?
Umangat ang galit ko.
“Atay? Atay nino?”
“Malay ko. May pinangako siya sa aking atay… taon na. Tinakasan pa kami.” Ngumiwi siya.
“Ang hayop na ‘yon…” nanginginig ang labi kong umiyak sa harapan ng lalaki. “Ang hayop na ‘ yon!” Mas malakas ko pang sigaw.
“Binigay ko ang atay ko sa kaniya! Sabi niya, mamatay na siyang hayop siya! Ako ang papatay sa kaniya, hayop siya!” hinawakan ko pa ang dibdib ko, nang makaramdam ako ng hilo.
“Ang hayop niya!” para bang hingal kong sambit.
Lumakas ang tawa ng lalaki sa harap ko. Saka naman siya pumalakpak. Ramdam ko ang sakit ng aking mga mata mula sa pag-iyak.
“Boss, ano ang gagawin natin? Walang makukuha rito.” Ang lalaki na nagsalita rin kanina.
“Mahirap hanapin ang nagtatago, kaya isa lang ang magagawa natin.” Sandali lamang nang isang suntok sa mukha ko ang natamo ko.
“Sabihin mo sa asawa mo, kung hindi siya magpapakita sa akin ay ikaw ang pupuntiryahin ko.” Malamig na bigkas nito.
Iyon na lamang ang huli kong narinig nang mawalan na lamang ako ng malay.
Pagmulat ko ay maaraw na, hindi ko akalain na wala pa rin si Luis nang bumangon ako kung saan ako sinuntok at iniwan ng mga lalaki.
Nakatiwangwang lang din ang pintuan at nang mapansin ko kung anong oras na ay doon ako nagulantang. Buong araw na hindi umuwi si Luis? Ang kapal niya talaga!
“Ah!” hindi ko mapigilang mapasigaw nang maramdaman ko ang sakit sa aking kaliwang bahagi ng aking mukha. Nang tignan ko iyon sa salamin ay nanlaki na lamang ang mata ko. Namamaga iyon at may black eye ako!
Hindi ko mapigilang maiyak muli. Namumula ang mata ko mula sa pagsuntok ng lalaking iyon. Bagamat naiinis ako, nangunguna ang takot ko.
Hindi na ako safe rito.
Tinawagan ko si Luis para sabihin sa kaniya ang nangyari. Pag-uusapan namin ‘to, hindi ko aayusin ang relasyon namin, pero kailangan niya gawan ng paraan ang ginawa niyang gulo.
“Luis,” sambit ko sa kabilang linya.
“Hello? Who’s this?”
Agad akong napapikit sa sakit na aking naramdaman. Ang makita sila ay masakit na para sa akin, ngunit dinoble pa iyon nang mapatunayan kong totoo lahat nang nakita ko.
Imbis na magsalita pa ay narinig kong magsalita ang babae sa kabilang linya.
“Babe… babe… gising. May natawag sa ‘yo, nakalagay Shopee. May hindi ka ba nabayaran? Gising!” Ang hayop na lalaking iyon! Pinangalan pa sa asawa niya… Shopee!
“Hindi pa po siya nagigising, e. babayaran ko na lang po. Napagod po ata… nakailang rounds kasi kami kagabi--” hindi ko na siya pinatapos nang ibaba ko na ang tawag.
Wala kang kwentang lalaki, Luis! Hindi na nga malaki ang uten mo! Nagawa mo pang manloko!
Kahit masama ang pakiramdam ko ay pumasok pa rin ako sa trabaho ko.
“The f**k?” Agad na bungad ni Nel nang makita ang itsura ko. Kunot na kunot ang noo niyang ihawi ang buhok ko’t napapikit sa kaniyang nakita. “Don’t tell me ginawa ‘yan nang mabait mong asawa?” tanong niya.
“Hindi niya ‘to ginawa.”
“Naih, tanggap kong tanga ka, pero hindi ka bobo!” Medyo tumaas ang boses niya.
Naiintindihan ko naman siya pero ang tanging nagawa ko na lamang ay ang umiyak. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa matalik kong kaibigan ang totoo. Pinagmamalaki ko si Luis sa kaniya at sa kaniyang pamilya at ang ganda na nang tingin ng mama at papa niya kay Luis.
Nanginig lamang ang labi ko kung paano ko ibibigkas ang totoo sa kaniya.
Mabilis niya akong hinila nang makapunta kami sa isang kwarto.
“Ano ginawa niya sa ‘yo, Naih? Just tell me, please.” nilibot niya pa ang tingin sa katawan ko. “He…” hindi ko mabigkas.
“He what?”
“He cheated…” nagawa kong bigkasin ng buo nang sandaling mawalan ng lakas ang kaniyang pagkakahawak sa braso ko. “And he hit you?”
“No.”
“Ano ba, Naih?!”
“I swear! Hindi siya… ibang lalaki.” Tila parang may kung ano sa itsura niya ang naguluhan sa binigkas ko. “You cheated?” Nanlalaki pa niyang mata na tingin sa akin.
“No!” Malakas kong bawi.
I can’t explain to her. Lalo na kapag nalaman niya na niloko lang ako ni Luis sa atay na binigay ko na para dapat sa kaniya, pero binenta niya lang pala sa iba! Nagpanggap pa siya na inoperahan!
Nel will be pissed off…
Ilang beses nanaman niya akong pagsasabihan na tanga at magagalit din sina Tita at Tito.
“E, ano? Sabihin mo na kasi! Hindi ‘yung huhulaan ko, Naih. Hindi ako manghuhula.”
“He cheated… iyong… iyong boy friend ng babae niya… sinuntok ako.” paggagawa ko ng kwento. “Babae ka! Susuntukin ka? Nasaan ang gagong ‘yan! Magsuntukan kami!”
“Nel! Sandali lang!”
“Lumayas ka na, Naih. Umalis ka na doon sa kanila.”
Magsasalita pa sana ako nang magsalita na siya. “Doon ka sa unit ko!”
Hindi na ako nakipagtalo pa.
Pinagpahinga na lang din ako ng boomer naming head nurse. Sinabi ni Nel sa mga workmates namin na si Luis ang sumuntok sa akin. Ang babaeng iyon talaga.
Ang trabaho ko lang din ay hindi na mabigat, dahil sa pamamaga ng mata ko ay mas delikado kung hindi ko aagapan ng pahinga lalo’t nanakit pa ang mata ko’t pisngi.
Nang makauwi naman ako sa bahay ay nagulat na lamang ako nang wala na ang mga gamit ni Luis. Mabilis naman akong kinabahan nang akalain ko na pumasok nanaman muli ang mga lalaking iyon dito sa bahay, nang makita ko ang isang sulat sa mesa.
Naih, babalikan kita. Huwag kang mag-alala. Ginagawa ko lang ang gawain ng isang lalaki. Babalik ako sa ‘yo. Alam kong alam mo na nagloloko ako, pero pinapangako ko sa ‘yo na sa ‘yo pa rin ako babalik, kasi kasal tayo at mahal kita.
Hintayin mo ang pagbabalik ko sa ‘yo, asawa ko.
- Luis