8

472 Words
Lumapit ang isang katropa sa akin pero naunahan ko ng suntok sa mukha. Bumalandra sa lupa. Dalawa ang sumunod na lumapit. Nasipa ko sa tiyan ang isa pero nabawian ako ng sipa sa likuran ng pangalawa na nagpaluhod sa akin sa lupa. Ramdam ko ang pagtusok ng pinong bato sa tuhod ko na parang lampasan sa malambot na tela ng sweat pants pero mas masakit ang pagsipa ng isa pang lalaki sa sikmura ko na nagpahiga sa akin pabagsak sa lupa. Hinawakan ako ng dalawang payat na katropa sa magkabilang braso saka sapilitang itinayo. “Wala akong atraso sa inyo,” sigaw ko pagkatapos akong suntukin sa mukha ng isa sa mga lalaking mas malaki ang katawan na nasa harapan ko. Mukhang siya ang leader ng grupo.  Hindi ako nagpakita ng takot kahit alam kong katapusan ko na ito. Nalasahan ng aking dila ang dugo mula sa pumutok kong labi. Sinikmuraan ako ng leader na awtomatikong nagpabagsak ng ulo ko sa sakit. “Atraso ng kakosa mo, atraso mo na rin. Damay-damay na.” Susuntukin pa niya ako ulit nang may pumigil sa kaniyang kamao sa ere mula sa kaniyang likuran. Mabilis na pinilipit iyon ng sinomang nagtangkang magtanggol sa akin saka itinulak ang leader palayo sa harapan ko. Napatingin ang mga katropa sa kung sino mang pumigil ng pagbugbog nila sa akin. “Tama na ‘yan,” matigas at buo ang tinig na utos ng lalaking humarang na nakilala ko lang nang mag-angat ako ng tingin at makita ang sandong puting may splash ng softdrinks. Mas maedad kumpara sa amin ang lalaki base na rin sa boses na mamang-mama na. Napailing ako. Mukhang hindi kilala ng lalaking ito kung sino ang kinakalaban niya. Salamat sa kaniya pero nagkamali siya ng tinulungan. Idinamay lang niya ang sarili sa pakikialam niya sa away ng mga magkalabang grupo namin. “Huwag ka ng makialam at madadamay ka lang,” sabi ko sa kaniya sa una at huling pagkakataon. Minasa-masahe ng leader ang napilipit niyang kamay at nasaktang braso saka nagsalita, “O narinig mo ang sabi ni kosa, huwag ka ng makialam. Saglit lang naman at bugbog-sarado na ito sa amin.” Pero hindi nakinig sa akin ang lalaki o nagpatinag man lang sa asta ng leader ng katropa. “Ang sabi ko tama na ‘yan at magsiuwi na kayong lahat,” utos nito na parang mga batang naglalaro lang sa playground ang sinabihan. Sa kaniya tuloy nabaling ang galit ng tatlong katropa at sumugod sa kaniya. Mukhang may alam sa self-defense ang lalaki at ilang suntok at sipa lang, taob na sa lupa ang tatlong katropa. Ni wala sa tatlo ang nakatama man lang sa katawan niya. Nang bitiwan ako ng isang lalaking nakahawak sa aking braso para lumusob sa kaniya, sinamantala ko ang pagkakataon para lumaban. Suntok ko sa mukha ang natirang nakahawak sa braso ko at napabitiw sa akin. Mabilis kong sinundan ng sipa sa lulod at hita hanggang mapatumba ko ng tuluyan ang kalaban ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD