Five

1981 Words
"NOONG wala si ate, araw araw kang nandito," sita ni Daisy kay Edgar na nasa bahay na naman nila nang araw na iyon. Sabado ng umaga, katatapos lang niyang magwalis sa paligid ng bahay. Ilang minuto pa lang matapos niyang maupo sa swing at iduyan ang sarili ay dumating ang lalaki, may bitbit na kung ano. Ang duyan at ang swing ang paborito niyang lugar sa bahay nila bukod sa sala kung saan nagbo-bonding ang buong pamilya. "Ngayon na nandito na siya, araw araw pa rin? Ikaw na, Kuya Ed!" malakas niyang sabi. "Hindi ka ba busy sa ibang bagay?" ang gusto talaga niyang itanong ay kung balak nitong maghanap ng trabaho. Para kasing walang ginagawa ang lalaki. Kung walang trabaho ang candidate one at sa hula niya ay rich kid ang candidate two, kanino ba siya kakampi? Narural sa candidate two. Hindi nga lang niya basta basta itatapon na lang ang tulong ni Edgar kay Ate Ara kaya ito nakabalik na ligtas. Plus point si Edgar Dimatulac dahil doon. Si Zeph De Villar naman, wala pang ideya si Daisy sa financial status ng lalaki. Tikom ang bibig ng Ate Ara niya. Halatang nabubura ang ngiti nito kapag nabanggit niya si Zeph. Hindi alam ni Daisy kung bakit parang nalulungkot—o nasasaktan yata, hindi niya sigurado—ang kapatid kapag napag-uusapan ang lalaking iyon na naghatid rito sa Naga. Hindi tuloy siya makapagtanong. "No'ng wala pa ang Ate mo, hinahanap mo ako lagi. Panay rin ang text mo, ngayon ganyan na lang? Itataboy mo na lang ako, Daisy?" balik ni Edgar. "Kailangan ko lang ng impormasyon kaya kita hinahanap, 'oy!" agap niya agad. "At nag-aalala ako kaya kita tini-text lagi no'n!" "Wala naman akong ibang sinabi, ah?" si Edgar uli. "Bakit parang nagpapaliwanag ka?" "Hindi ako nagpapaliwanag!" "Hindi paliwanag ang tawag do'n—" "Sinasabi ko lang!" "'Di hindi kasi," bawi naman ni Edgar na ngumiti nang malapad. Inabot sa kanya ang supot na bitbit nito. "O, almusal. Pansit at suman." Inilagay nito sa kandungan niya ang supot, nakaupo kasi siya sa swing. "Sa akin?" Natuwa si Daisy. Tamang-tama, gutom na siya. Plus point uli si Dimatulac sa score board niya: three-one. Si De Villar pa rin ang lamang base sa personal impression. "Bakit naman kita dadalhan ng almusal?" balik ni Edgar. Sa Ate mo 'yan—" Tumayo siya bigla mula sa swing. Back to zero-zero agad ang score ni Edgar Dimatulac. Lakas makasira ng araw talaga minsan ang Dimatulac na ito. "'Di sa kanya mo iabot!" singhal niya, pinigilan ang sariling ibato sa nakangising mukha ni Edgar ang pagkaing nasa supot. "'Kainis na 'to!" Tinawanan siya ng lalaki kaya lalo nang nainis si Daisy. "Lumayo ka nga sa akin, Kuya Ed!" dagdag niyang singhal. "Umagang-umaga iniinis ko ako—" "Biro lang," putol nito, tumatawa pa rin. "Pikon ka na naman agad," lumapit ito at magaang pinisil ang baba niya. "Sa inyong apat 'yan." Inirapan niya ang lalaking ang lakas mang-inis. "'Yon naman pala," sabi niya at sinilip ang laman ng supot. Para sa apat nga ang pansit at ilang piraso rin ang suman. "Nakakainis ka pero salamat pa rin!" "Ang Ate Ara mo?" "Nakabihis na paggising ko," sagot niya. "Baka nakaalis na. 'Balik sa dating raket sa bayan. Mas okay na nandito lang siya kahit hindi sapat ang kita. Puwede namang next sem o next year na lang ang ako mag-college, eh. Ang importante, safe siya." "Sa Maynila mo raw gustong mag-aral?" "Kung may chance lang naman. Pero kung wala, kaya ko namang mag-working student, Kuya Ed." "Hindi madali 'yon, Daisy." "Na-try mo na?" "Working student ako. Hanggang highschool lang ang kinaya kong tapusin. Bumibigay na ang katawan ko sa pagod." "'Sabi mo, magkasama kayo ni Ate sa trabaho?" naalala niya ang kuwento nito. "Lugar ng prostitusyon ang Neon 'di ba? Ano'ng trabaho mo do'n?" "Depende sa utos." "Utos gaya ng...?" "Trabahong hindi ako proud pero hindi ko ikinakahiyang amining ginawa ko." Hindi na dinagdagan ni Daisy ang tanong, mukhang hindi nito gustong isaboses. Nahuhulaan na rin naman niya. Sa katawan at mukhang taglay ni Edgar, babagay talaga ang lalaki sa ganoong trabaho. May isa lang talaga siyang gustong itanong. "Ginusto mo ba, Kuya Ed o nawalan ka nang pagpipilian?" Tahimik na titig lang ang sagot ni Edgar sa tanong niya. MINSAN, para iahon sa putikan ang isang taong walang dungis, kailangang may lumusong para sagipin siya, Daisy... Pinili ni Edgar na hindi na sabihin kay Daisy ang nasa isip. Sa pagtitig sa inosenteng mga mata ng babae, alam niyang walang ideya ito kung gaano kalupit ang mundo sa labas ng bayang kinalakhan. Isang bahagi lang ng mundo ang nakikita ni Daisy—ang simple at payapang mundo. At hindi niya balak sirain ang tingin nito sa mundo at sa buhay. Alam ni Edgar na hindi rin ikukuwento ni Ara sa kapatid ang bawat detalye ng karanasan nito sa isang linggong pagkakakulong sa Neon. Tama na ang isang maikling kuwento lang. Kung sa isang pangit na pelikula, tama na ang ilang segundong silip lang. Hindi kailangang panoorin pa ang kabuuan ng pelikula. Ang alam ni Ara, bouncer at macho dancer siya sa Neon—base iyon sa kuwento niya. Sa isang linggo ng kababata sa lugar, hindi siya nito nakitang nagsayaw sa entablado. Naniwala lang si Ara sa kuwento niya. Hindi man nito nakita, naniwala ang babae na nagsasayaw siya sa entablado. Totoong naging bouncer siya ng Neon, isa lang iyon sa marami niyang 'trabaho' bilang paboritong tao ni Mami. Naging isa rin siya sa Romanticos, ang grupong binubuo ng apat na lalaki, kumakanta at nagsasayaw ng topless sa Music 'N Lights. Isang banda lang ang tumutugtog sa lugar na totoong guest band at hindi hawak ni Mami. Bukod sa bandang iyon, ang mga performer sa Music 'N Lights ay parehong mga tao rin na nasa Neon. Doon kumikita nang husto si Mami. Napagtatakpan nito ang Neon gamit ang mga talentadong musikerong nagpapanggap na totoong mga performer at na tumutugtog sa Music 'N Lights—isa siya sa mga taong iyon. Mga 'puppet' ni Mami na sumusunod sa lahat ng utos nito. Bakit niya ginagawa iyon? Naging madali ang buhay mula nang maging bahagi siya ng Neon. Nagkaroon siya ng tahanan—gaano man kadilim ay mauuwian parin, bagay na hindi siya nagkaroon mula nang tumuntong siya ng Maynila. Noong pakiramdam ni Edgar ay nagsasara ang bawat pintong sinusubukan niyang pasukin para umahon, ang Music 'N Lights ang nagbukas para tanggapin siya. Desi-nuebe lang siya nang panahong iyon—napagdaanan na ng katawan niya lahat ng mabigat na trabaho. Napag-aral niya sa higshchool ang sarili sa pagiging kargador sa madaling araw at construction worker sa mga araw na walang pasok. Napasukan na rin niya lahat ng raket na may delihensiya, pati ang makipagbugbugan na may pusta. Pagnanakaw at pagtutulak ng droga lang ang hindi niya pinatos. Ang panahong napasok si Edgar sa Neon ang nagmulat sa kanya kung gaano kalupit ang mundo sa isang mahinang gaya niya. Mula nang unang gabi niya bilang tao ni Mami, bawat araw at gabing dumaan ay pinatibay siya, pinatigas ang dibdib at sikmura niya. Sariling karanasan ang nagturo sa kanya kung paano makipaglaro sa mga makapangyarihan, sa mga may impluwensiya at kakayahan na natamo lang naman ng mga ito dahil sa yamang nakakabit sa mga pangalan. Ang panahong iyon rin ang nagmulat kay Edgar kung ano ang kayang bilhin ng pera. Kung gaano kadaling luluhod at animo ay asong susunod-sunod ang isang mahina at walang kakayahan sa malakas at may kapangyarihan. Nakita rin niya kung gaano kadaling paikutin ng taong may salapi ang mga taong madaling masilaw. Nakita rin niya kung paano nagagawang itapon ang dangal kapalit ng marangyang pamumuhay. Nakita rin niya kung gaano nagiging malupit sa kapwa ang taong mapaghangad. Marami pa siyang nakita na nagmulat sa kanya sa madilim na bahagi ng mundo. Ibang-iba sa mundong kilala ng musmos na namulat sa kalinga ng mapag-arugang mga magulang. Pero dahil bata pa man ay naranasan na niyang masaktan lagi, hindi na siya nagulat pa. Alam na niyang hindi talaga patas ang mundo. Nang mga sumunod na taon ay ang madilim na mundong iyon na ang naging tahanan ni Edgar. Wala siyang pamilyang ikakahiya siya, wala siyang mahal sa buhay na kailangang protektahan, wala siya lahat—sarili lang ang mayroon siya at lahat ng kanyang desisyon, walang ibang maapektuhan kundi siya rin lang. Liban sa sariling buhay, wala nang pakialam si Edgar sa iba pa. Lahat ng utos ni Mami ay sinusunod niya kapalit ng napagkasunduang halaga. Marami ang nag-alok sa kanya ng magandang buhay kapalit ng magaling na 'serbisyo'—mapa-bakla o mga may edad na babaeng naghahanap ng aliw—lahat ay tinanggihan niya. Hindi niya nais mag-sarili. Lahat ng 'kliyente' na nakakasama niya sa mesa pagkatapos ng show ay dumadaan kay Mami kaya nakukuha nito ang pinakakaasam na 'porsiyento'. Kapalit ng 'katapatan' niya ay isa siya sa mga taong pinakikinggan nito ang anumang pabor na hiningi. Alam niyang mas malaki pa kaysa sa kanya ang nakukuha ni Mami, wala na siyang pakialam. Ang mahalaga lang sa kanya, sapat ang nakukuha niyang halaga at hindi nababali ang rule niya sa sarili mula nang pinasok niya ang buhay sa Neon. Magsasayaw siya sa gay bar na pag-aari ni Mami hanggang gusto nito. Walang kaso sa kanya ang paghuhubad. Komportable siya sa sariling katawan at walang mawawala. Pero hanggang sa mesa lang siya maaring makasama pagkatapos ng show. Nilinaw niya ang bagay na iyon at pinagbigyan naman siya ni Mami. May limitasyon ang hawak at haplos. Alam ni Mami na hindi siya mapipilit sa bagay na hindi niya gustong gawin. Kung gusto niya naman, wala nang usapan pa. Hindi siya kailangang pilitin. Pero kung ayaw niya, magkakabugbugan muna at sigurado si Edgar na hindi siya ang mao-ospital pagkatapos. Nangyari iyon minsan sa isang abusadong kliyente. Hindi niya pinalakas ang sarili para lang palampasin ang mga mapang-abuso. Alam rin ni Mami na hindi niya panghihinayangan na isugal ang sariling buhay para sa mga pinaniniwalaan niyang tama. Nag-iba ang lahat sa biglaang pagdating ni Ara sa Neon. Malaki man ang naging pagbabago sa katawan ng kababata na patpating bata lang noon, namukhaan niya ito. At nang magpakilala siya, nang umiiyak na yumakap sa kanya ang babae at nakiusap na tulungan niyang makatakas, alam ni Edgar na magbabago ang buhay niya. Hindi niya naisip na darating ang isang araw na may babaeng darating sa kanyang buhay na pipiliin niyang protektahan—ang kababatang lagi siyang hinahatian ng baon o kaya ay nililibre tuwing recess. Napakaraming beses na sinagip siya ng batang Ara sa gutom noon. Paano niya makakalimutan na lang ang masakit niyang kabataan? Ipinangako ni Edgar sa sariling ilalabas niya ng Neon si Ara anuman ang maging kapalit. At sa biglaang pagdating na iyon ni Ara sa kanyang buhay, kinailangan rin ni Edgar na baliin ang rule sa sarili na pinilit niyang panindigan sa loob ng mga taong nasa Neon siya; kapalit ng kaligtasan ni Ara. Pumayag si Mami na hindi mailabas ang babae ng mga parokyanong nag-aagawan—ang kapalit, siya ang ilalabas ng kliyenteng may pinakamataas na alok. Alam ni Edgar na hindi iilang bakla at matrona na kontak ni Mami ang nag-aagawan sa kanya. Lahat ng mga nagtangka ay hanggang sa mesa lang. Hanggang titig at haplos lang. Mula pusod pababa ay hindi na niya pinapayagan ang hawak. May nagkamaling nagtangka, isang sing-macho niyang nagtatago ng tunay na pagkatao, pinakitaan siya ng pera habang nasa hita niya at gumagapang pataas ang kamay—iniwan niyang napaluhod sa sahig at hawak ang nasaktang braso, katabi ang nakakalat na perang inalok sa kanya. Sa pagdating ni Ara, binali ni Edgar ang rule niya sa sarili. Bawat gabing ligtas si Ara sa mga naghahangad na parokyano ay gabi namang gagawin ni Edgar ng labag sa loob ang pagsama sa kliyente. Para kay Ara, pikit matang tinanggap niya ang kondisyon ni Mami.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD