Si Madam Yvanna ang unang kliyente ni Edgar. Isang mayamang lampas sixty na ang edad pero wala sa hitsura. Banat ang mukha at nasa tama pa rin ang kurba ng katawan. Walang pamilya liban sa nag-iisang apo sa anak-anakan nito noon—ayon sa kuwento nito. Ilang beses lang niyang nakasama sa mesa ang babae pero natatandaan niya. Ito lang kasi ang nag-iisang kliyente na nagbayad sa takdang presyo ni Mami hindi para mahagod ang katawan niya. Nakipagkuwentuhan lang ito hanggang matapos ang oras. Noong minsan na nakiusap itong lumipat sila sa isang tahimik na silid dahil hindi raw maganda ang pakiramdam ay pumayag si Edgar. Nakita niyang may gamot na ininom ang babae, isa lang ang inutos nitong gawin niya—hawakan niya ang kamay nito hanggang makatulog. Nakatulog nga si Madam Yvanna na hawak niya ang kamay. Tinanggihan niya ang inabot nitong halaga. Bayad ang oras niya at walang ekstrang serbisyong binayaran ang babae para tanggapin niya ang malaking halagang iyon.
Bago sila naghiwalay, inabutan siya ni Madam Yvanna ng calling card. Marami ang nag-abot sa kanya ng cards pero tanging ang kay Madam Yvanna ang itinago niya.
Nag-iwan rin ng salita si Madam Yvanna kay Mami, bukas raw ang imbitasyon nito. Anumang oras na gusto na niyang sumama ay handa itong magbayad ng kahit magkano. Nahuhulaan na ni Edgar na si Madam Yvanna ang unang tinawagan ni Mami at kung tama siya, sa dobleng presyo.
Sinundo siya ni Clarkson, ang driver-bodyguard ni Madam Yvanna alas nuebe ng gabi. Hindi lang iisa ang bodyguards nito pero si Clarkson ang laging kasama maging sa mga personal na lakad. Si MadamYvanna rin ang nagkuwento sa kanya. Sa van ay nakasama niya ang dalawa pang bodyguards. Sa isang marangyang hotel siya hinatid. Sa suite ay naghihintay si Madam Yvanna, ang parehong babaeng nakaharap niya—elegante ang suot at kagalang-galang ang dating. Nagbabayad man ito ng lalaki para makasama ng isang araw o isang gabi, ang tindig at dating nito ay karespe-respeto.
Gaya ng una nilang pagkikita, ginulat na naman siya ng babae—inutos nitong mahiga siya sa kama. At ang unang sinabi nito: "Ano'ng nangyari, Bren?" ang tingin nito ay makahulugan. Kilala siya sa Neon sa pangalang "Bren" Naintindihan niya ang tanong. Alam niyang ilang beses nitong sinubukan mag-alok ng malaking halaga kay Mami mailabas lang siya, hindi siya pumayag. Nagtatanong ito ngayon kung anong nangyari at bigla ay si Mami pa ang tumawag rito.
"Kung sabihin kong na-miss kita, hindi ka maniniwala, Madam?" balik niya sa magaang tono. Hindi siya nambobola at hindi rin siya nagpapa-cute. Hindi lang niya gustong sagutin ang tanong.
Bahagyang umangat ang kilay nito bago umiling. "Sagutin mo ako, Bren. Totoo ang gusto kong marinig."
Tahimik lang si Edgar sa mga unang segundo. Hindi niya gustong magbigay ng impormasyon. Hindi niya isusugal ang kaligtasan nila ni Ara. Maaring mabanggit nito kay Mami ang anumang mga sasabihin niya. Ayos lang kung siya ang habulin ng mga tao ni Mami. Handa siyang makipag-taguan hanggang sa impyerno. Kung sakit ng katawan din lang ang kailangan, wala rin kaso sa kanya. Handa siya sa kahit anong gusot. Kaya niyang protektahan ang sarili at sanay siya sa hindi tahimik na mundo. Pero ibang usapan ngayong kasama niya si Ara. Hindi siya susugal. Kailangan ng babae ang kakampi. Siya lang ang mayroon ito. Hindi niya bibiguin si Ara na umaasa sa kanya.
"Babae, hindi ba?"
Bumalik ang mga mata niya kay Madam Yvanna. Psychic ba ito?
Marahang ngumiti ang babae. "Alam mo ba kung bakit ikaw ang gusto ko?"
"Nag-iisip na rin nga ako, Madam."
"Alam ko ang lahat nang tungkol sa 'yo."
"Dapat pa ba akong magulat?"
"Iba ka sa mga kasama mo," ang sinabi nito. "Among the beasts, you're the one who deserves a safe home."
Hindi siya umimik, tiningnan lang ang babae. Hindi niya naintindihan ang punto nito bukod sa ginawa silang 'beasts'.
"Bakit ayaw mong gawin ang ginagawa ng mga kasama mo?"
"Napakarami ko nang bangungot, Madam. Gusto ko lang ng payapang tulog," sabi niya, bumangon sa pagkakahiga at sumandal na lang sa unan. "Nagbibilad ako ng katawan sa entablado, nagpapahagod, nagpapahaplos at nagmamahimas kapalit ng pera—hindi ibig sabihin na masama na akong tao."
"You're a good man."
"Salamat sa kumpiyansa, Madam."
Marahang ngumiti ito. "Hindi ako magbabayad ng doble sa isa man sa mga kasama mo, Edgar Dimatulac. Sa 'yo, kahit magkano, magbabayad ako para lang sa simpleng pag-uusap."
Ilang segundo siyang nakanganga lang pagkarinig sa totoong pangalan. Kilala na nga siya ng babae. Sigurado siyang naglaan ito ng pera at panahon para mahukay ang mga impormasyon tungkol sa kanya.
"Huwag nating sayangin ang ibinayad mo. Ano'ng magagawa ko para sa 'yo, Madam?" iyon naman ang binayaran nito, hindi ba? Ang oras na makasama siya. Kailangan niyang gawin ang anumang nais nito dahil bayad siya.
"Matulog ka lang, Bren," ang sinabi nito na hindi niya inaasahan. "Wala kang magagawa para sa akin." kung pait o lungkot ang nasa tono nito, hindi tiyak ni Edgar.
Ang hirap paniwalaan pero wala talagang ipinagawa sa kanya ang babae. Pinagmasdan lang siya nito hanggang sa naidlip na nga siya. Paggising ni Edgar ay nagpahatid ng pagkain ang babae. Sabay silang kumain. Wala silang pinag-usapan kundi ang lasa ng pagkain at kung ilang porsiyento ng tao sa mundo ang nagugutom.
"Years from now," ang sinabi nito nang patapos na sila. "Would you still remember me?"
"Sigurado 'yan, Madam."
"Ano'ng maaalala mo sa akin, Bren?"
"Kakaibang babae."
Huminga lang ito nang malalim, pinagmasdan ang mukha niya nang mahabang sandali.
"Bren?" si Madam Yvanna at sumimsim ng alak. "Baguhin mo ang buhay mo kapag wala na ako."
Napatitig siya rito. Ano'ng sinasabi ng babae? Pero hindi na ito nagsalita hanggang natapos ang araw na iyon. Ang ginawa nito ay nagpakuha ng maraming litrato. Pati siya ay kinunan rin nito. May mga kuha rin na magkasama sila.
Ang sumunod na anim na araw pang naging ligtas si Ara sa mga animo ay maninilang parokyano ni Mami ay si Madam Yvanna pa rin ang naging kliyente ni Edgar. Isa sa anim na araw na iyon, sa ospital niya inubos ang oras na natitira. Nag-collapse ang babae sa mismong sandaling nagkukuwentuhan sila sa suite. Siya ang mismong nagdala rito sa ospital. Nalaman ni Edgar ang sekreto ni Madam Yvanna.