KAPANSIN-pansin na umiiwas sa akin si Maddie. Napabuga ako ng hangin. Gusto kong takbuhin at yakapin siya ngunit natatakot ako na baka lalo niya lang akong iwasan. Gayunpaman, ramdam ko na kaswal niya pa rin akong pinakitutunguhan. Magkatulong kaming magluluto ng makakain namin, magliligpit, mamamasyal sa paligid ng rest house at magkayakap sa pagtulog sa gabi. Dalawang araw pa lang ang lumipas ngunit pakiramdam ko napakabilis ng oras. Nagkukunwaring tulog na ako sa gabi nang sa gayon ay komportable siyang makatulog at kapag nangyari ‘yon, saka ko naman siya tititigan. Kabaliwan na nga yata ang ginagawa ko. Asawa ko naman si Maddie at hindi naman kami hiwalay ngunit pakiwari ko sa papel na lang ang kaugnayan namin sa isa’t isa. Ang titig ko sa kanya ay nauuwi sa pagniniig naming dalawa.

