Chapter 1
Nagpakawala ng isang buntonghininga si Samantha habang nakatingala sa kalangitan at pinagmamasdan ang mga bituin. Nagpapahangin siya sa labas habang ang asawa niya’y nasa sariling kuwarto. Mag-asawa sila pero magkahiwalay ang kuwarto nila.
Napalingon siya nang marinig na bumukas ang pinto, nilingon niya iyon at nakita niya ang asawa niyang paalis. Mabilis siyang tumayo at sinalubong ang asawa.
“Saan ka pupunta?” mahinahon ngunit may pag-aalinlangan niyang tanong sa asawa.
Hindi siya nito sinagot kaya humarang siya sa daraanan nito at inulit ang tanong.
“Allan, saan ka pupunta? Gabi na, ah?” pag-uulit niya sa tanong pero mariin siyang tinitigan ng lalaki.
“Ano ang pakialam mo?” maanghang nitong sagot sa kaniya.
“Asawa mo ako, gusto ko lang malaman kung saan ka pupunta–” Hindi na niya natapos ang sinasabi niya nang tumawa ang asawa na parang may nakatatawa sa sinabi niya.
“Asawa? Correction, Samantha. Asawa lang kita sa papel at hanggang doon lang ’yon,” wika nito saka tuluyang lumabas ng bahay. Naiwan siyang mag-isa na parang sinaksak ng kutsilyo ang dibdib niya. Sobrang sakit ng mga salitang iyon. Hanggang ngayon, galit pa rin ito sa kaniya.
Nangilid ang luha niya pero agad din naman niyang pinunasan at saka nagpakawala ng malalim na buntonghininga.
“Kailan kaya darating ang araw na mamahalin mo ako? Mangyayari pa kaya ’yon?” bulong niya sa kaniyang sarili pero natawa lang din siya dahil wala namang sasagot sa tanong niya. Nagpasya na siyang pumasok sa loob at isinarado na ang pinto. Matutulog na lang siguro siya kaysa maghintay sa asawa. Tumalikod na siya para sana bumalik na sa kuwarto nang may kumatok naman. Napalingon siya roon at bumalik na naman para pagbuksan kung sino iyon. Nagulat siya nang makita na Daddy niya iyon.
“A-ah. D-Dad kayo po pala, pasok po muna. Napabisita po kayo?” nakangiti pa siyang sinalubong ito. Hindi lang niya maiwasang maging masaya ngayong narito ang Daddy niya.
“Where’s Allan?” tanong nito sa kaniya at hindi pinansin ang sinabi niya. Nadismaya siya at nakaramdam ng hiya para sa sarili dahil hindi tumugma ang inakala niya sa sasabihin ng Daddy niya. Napalunok muna siya bago muling sumagot.
“Umalis po siya, Dad. Kaaalis lang," sagot niya at pekeng ngumiti. Ngunit, tila hindi siya napapansin ng Daddy niya, dahil hindi man lang siya tinapunan ng tingin na parang hindi siya nage-exist sa mundong ito. Sa cellphone lang ito nakatutok. Itinago nito ang cellphone at tiningnan si Samantha.
“Okay. Pakisabi na pumunta sa office ko kapag nakauwi na siya,” saad nito at tinalikuran ang kausap. Pero hinabol pa rin siya ni Samantha.
“Sandali po, Daddy, kumusta na po kayo?” tanong niya pero parang wala itong narinig dahil diretso lang ito sa paglalakad palabas hanggang tuluyang makalayo. Mapait na napangiti si Samantha habang pinagmamasdan niya na sumakay ng sasakyan ang Daddy niya hanggang sa paandarin ito.
Napabuntonghininga na lang ulit siya at muling isinarado ang pinto. Dumiretso na siya sa sala at tumambay muna roon para manood ng tv at kauupo pa lang niya sa sofa nang biglang bumukas ang pinto at pumasok si Allan.
“Oh, Allan, saan ka gal-” Napatigil siya nang makitang may kasama itong napakagandang babae. Nakasuot si Chelsea ng yellow dress na bumagay sa makinis at maputi nitong balat at kulot na mga buhok. Ang ganda niya, sa isip ni Samantha habang nakatitig sa babae. Nababagay siya para maging model. Hindi tuloy niya maiwasan mainggit dito, lalo na nang pasimple niyang tingnan ang suot niyang damit. Nakasuot siya ng plain t-shirt at tokong saka nakapuyod ang mahabang buhok.
“Allan, sino siya?” Napabalik ang tingin niya sa dalawa nang marinig niyang nagtanong ang babae kay Allan habang nakatingin sa kaniya.
“She’s just my maid. Let’s go, I know you’re tired,” saad ni Allan at hindi nilingon si Samantha. Nakaramdam siya ng kirot dahil sinabi ng asawa niya ngunit ngumiti pa rin siya roon sa babae.
“Wait.” Pigil ng babae kay Allan saka lumapit kay Samantha.
“Hi. I’m Chelsea Perez, Allan’s girlfriend. Ikaw?” Malawak ang pagkakangiti nito sa kaniya. Hindi nawala ang ngiti niya kahit sa loob niya’y nasasaktan na siya.
Mas dumoble ang kirot sa dibdib niya nang sabihin iyon ni Chelsea. Pakiramdam niya babagsak na ang luha niya. Gusto sana niyang sigawan ang babae at sabihing asawa siya ni Allan. Gustuhin man niyang magalit dito pero hindi pa rin niya magawa. Masyadong mabait at totoo si Chelsea, saka paniguradong magagalit si Allan sa kaniya kapag ginawa niya ’yon. Mahal ni Allan ang babae kaya hindi siya matutuwa kung masasaktan ng kahit sino ang babaeng mahal niya.
Isa pa, hindi naman nito alam na asawa siya ni Allan. Wala siyang alam kaya hindi rin dapat siya madamay. Iyon ang inisip ni Samantha upang hindi masabi ang lihim nila na mag-asawa sila.
“Cassandra Santi--ay Santos.” Muntik pa niyang masabi ang Santillan na apelyido ni Allan kung hindi lang niya napansin ang masamang tingin sa kaniya ng asawa, baka tuluyan na siyang nadulas. Sa sobrang taranta niya, kung kaninong apelyido na ang nabanggit niya. Bigla na lang pumasok sa utak niya ang apelyidong iyon, na minsan niya lang nabasa sa isang newspaper.
“Nice meeting you. I hope we can be friends,” saad ni Chelsea habang nakangiti. Sinuklian naman niya ang ngiting iyon hindi dahil sa masaya siya, kung hindi para itago ang sakit na nararamdaman niya. Dahil ngiti ang pinakamabisang paraan para pagtakpan ang sakit na palaging gumuguhit sa kaniyang dibdib.
“Oo naman,” masiglang sagot niya.
“Tara na, babe. Huwag ka makipagkaibigan diyan at baka mahawaan ka ng kalandiaan niyan,” sambit ni Allan, pero hindi niya iyon pinansin at pinalabas na lamang sa kabilang tainga. Kunwari wala siyang narinig na ganoon kahit sa loob niya, tagos na tagos iyon.
“Babe naman,” malambing na sambit ni Chelsea. Nag-iwas siya ng tingin sa dalawa pero naagaw naman ng atensyon niya ang kamay ni Allan na nasa bewang ng babae. Isang bagay na kahit kailan hindi pa niya naramdaman sa asawa. Ngunit agad rin niya iniwas nang maalala ang sinabi ng Daddy niya. ‘Pakakasalan mo lang si Allan para isalba ang company ko para naman may pakinabang ako sa ’yo. Iyon ang sinabi sa kaniya ng Daddy niya bago sila magpakasal.
“Ah, Sir. Allan, nagpunta po rito kanina si Mr. Serrano. Sinabi niya po na pumunta kayo sa office niya kapag dumating ka,” wika niya. Pinangatawanan niya nang katulong siya roon. Tila gusto niyang palakpakan ang sarili dahil hindi siya pumiyok o kahit nabulol man lang sa pagsasalita. Best Actress ka talaga, Samantha!
Ngunit hindi siya pinansin ni Allan dahil naka-focus siya kay Chelsea, na tila siya lamang ang nakikita niya.
“Tara na, Chelsea. Magpahinga na tayo, pagod pa ako," wika ni Allan kay Chelsea. Parang hindi talaga siya nage-exist para sa lalaki, kaya naman si Chelsea na lang ang tiningnan niya.
“Sure! Puntahan namin ’yon pero baka bukas na lang. Napagod kasi kami sa date namin. Saka pagod din ako dahil kauuwi ko lang from states. Pahinga na muna kami, ah? Ikaw rin pahinga na, Goodnight!” saad nito sa kaniya at ngumiti pa.
Tanging maikling ngiti lang ang naisukli ni Samantha sa kaniya dahil hindi na yata niya kakayanin pang magsalita. Dahil baka sa oras na ibuka niya ang kaniyang bibig, bumigay na talaga ang luha niya. Pero nang tumalikod sila, unti-unting kumawala ang mga luhang kanina niya pa pinipigilan na lumabas. Tuloy-tuloy lang iyon sa pag-agos na tila nagkaroon ng butas ang kaniyang mga mata.
“Ang sakit-sakit. Kailan ko ba mararamdaman ang salitang pagmamahal na kahit kailan hindi ko pa naramdaman,” bulong niya at tuluyan nang napahagulgol sa sala.
Buong buhay niya, nakikiusap at nanlilimos na lang siya ng pagmamahal sa pamilya niya.
“Gaano ba ako kahirap mahalin at parang hirap sila ibigay iyon sa akin. Simpleng pagtanggap at pagmamahal lang ang gusto ko, hindi na ako naghahangad ng sobra. Kung nabubuhay lang sana si Mama, baka kahit papaano mabuo ako dahil alam kong mamahalin niya ako ng buo. Walang panghuhusga at panunumbat. Sana buhay na lang si mama,” bulong niya sa sarili.
Umiyak lang siya nang umiyak sa sala dahil sa sobrang sakit. Sana mayroong gamot dito para matapos na ang sakit na ito. Pero sa gitna ng pag-iyak niya bigla siyang napahawak sa dibdib niya. Agad siyang nagpunas ng luha at mabilis na tumakbo papunta sa kuwarto.
“Huwag naman ngayon, please!” bulong niya at pumikit saka huminga lang ng malalim. Mawawala rin ito.
Siguro, dapat ko na lang hayaan na ganito ang ang set-up namin dahil alam kong hindi ako kailan man mamahalin ni Allan. Sa isip niya bago humiga sa kama at pumikit.