CHAPTER 1
* * Hanna's POV * *
"Pamela!!" malakas na tawag ko sa kaibigan ko nang matanaw ko siyang pasakay na sana ng tricycle. Habang bitbit ng isang kamay ko ang bayong na may lamang mga gulay, ang isa ko namang kamay ay mahigpit na nakahawak sa bilao na nakapatong sa ulo ko. Nilalako ko kasi ang mga paninda kong gulay at kakanin sa palengke at sa mga tsismosa naming mga kapitbahay. Mabilis akong tumakbo sa gawi ni Pamela.
"Oh, bakit, bes? May problema ba?" tanong ng best friend kong si Pamela habang ngumunguya pa ito ng bubblegum na mukhang wala nang lasa dahil mukhang ilang oras nang nasa bibig niya ang bubblegum niya. Naka-suot nga pala siya ngayon ng pekpek shorts at black crop top t-shirt na tinernuhan niya ng 3 inches na heels.
"Pa-Maynila ka na ba, bes?" tanong ko sa kanya.
"Oo, alam mo na, Sunday ngayon at bukas ng gabi rarampa na naman ako sa customers ko," tugon niya.
"Bakit pala?" dagdag pa niya.
"Gusto ko sana mag-Maynila rin bes eh, magbabakasakali sana ako ng trabaho doon, baka makatsamba ng maayos-ayos na trabaho doon. Punyeta kasi itong paglalako ko, mukhang kahit araw-araw at gabi-gabi akong magtinda nito, walang mangyayari sa amin ni tatay. Malabong maging milyon ang 200 pesos na kinikita ko rito," mahabang litanya ko sa kaibigan ko matapos kong ilapag ang bilao ko sa bubong ng tricycle na nasa tabi lang namin kung saan sasakay dapat itong si Pamela bago ko siya tinawag kanina.
Lahat ng mga kapitbahay naming tsismosa ay hindi nila sukat akalain kung paano ko naging best friend itong si Pamela gayong ang layo-layo daw ng aming pagkakaiba. Dahil sa trabaho pa lang namin ay milya-milya na ang layo, isang pokpok at isang tindera ng gulay at kakanin sa aming probinsya.
Mula pagkabata ay magkaibigan na kami ni Pamela. Sa totoo nga lang, pareho kaming tindera nito dati. Nagkataon lang talaga na sinubok siya ng panahon nang malubog sa utang ang kanyang mga magulang. Dahil sa utang na 'yon, naging delikado ang buhay nila. Dalawang buwan lang noon ang ibinigay sa kanila na palugit para makabayad sa utang nila dahil kung hindi daw sila makakabayad, ay buhay nila ang kapalit. Hindi na rin sila nakapagsumbong noon sa pulisya lalo pa’t isang hepe ng kapulisan ang asawa ng nautangan nila. Dito kasi sa lugar namin bihira na lang ang matinong pulis. Sa awa ni Lord, nakabayad sila ng kanilang utang wala pang dalawang buwan; iyon nga lang ito ang naging kapalit para kay Pamela. Mabait daw kasi ang kauna-unahang customer ni Pamela sa trabaho niyang ito. Lalo na nang malaman niyang siya ang nakauna kay Pamela; in short, siya ang naka-virgin kay Pamela. Gano'n. Ayon, binigyan ng malaking halaga itong bruha kong kaibigan kaya nakabayad sila kaagad ng utang nila.
"Oh, eh ano pang hinihintay mo? Tara na," mabilis nitong turan sa akin sabay hawak sa kamay ko para sumakay na sa tricycle.
"Teka, teka bes," pigil ko sa kanya.
"Hindi muna sa ngayon, bes. Sa susunod na lang na uwi mo rito, kakausapin ko pa si tatay tungkol dito," dagdag ko sa sinabi ko.
"Oh, sige. Akala ko naman ngayon na. Basta kausapin mo nang maayos 'yan si tiyo. Ipaliwanag mo sa kanya na hindi siya maooperahan sa sakit niya kung aasa kayo sa pagtitinda mo ng kakanin at gulay," wika sa aking ng bruha sabay turo sa mga paninda ko.
May sakit kasi si tatay sa kidney. ‘Yung tinatawag nilang kidney stone. At hindi na rin kaya ng simpleng gamotan lang dahil lumaki na ang bato nito sa kidney niya, kaya ngayon hirap siyang umihi at madalas magsuka. Tatlo o hanggang limang buwan lang ang ibinigay na oras sa amin ng doktor niya. Kailangan bago matapos ang panahong 'yon ay maoperahan na siya kundi mas lalo siyang manghihina sa sakit niyang iyon.
"Oo, bes, 'wag ka mag-alala. Sa susunod na uwi mo dito, kasama mo na ako sa pagbalik mo sa Maynila," wika ko.
Tuwing Friday night ang uwi dito ng kaibigan ko, tapos babalik naman siya sa Maynila kapag ganitong Sunday o di naman kaya ay Lunes ng umaga.
"Ano ba, kopkop at tindera? Sasakay ba kayo o mag-uusap na lang d'yan? Kanina pa ako nandito oh, nasasayang ang oras ko sa inyo," reklamo ng driver ng tricycle kaya napalingon kami sa kanya. Mabilis na umikot si bes sa gawi ng tricycle driver at binatukan niya ito.
"Kung makakopkop ka, akala mo ang linis-linis mo ah. Kung sabihin ko kaya sa asawa mo na minsan mo rin akong inalok, pero tinanggihan kita kasi hindi ako pumapatol sa lolo na amoy bangkay na kahit kopkop ako," madiin na asik ni bes sa tricycle driver dahilan para ako ay matawa. Madalas kasi na tawag sa amin dito sa lugar namin ay tindera at kopkop. Kopkop means pokpok, binaliktad lang. Hindi na rin naman iba sa kaibigan ko na gano'n ang tawag sa kanya o sa amin. Hindi na lang niya pinapansin ang mga taong hindi nakakaintindi sa kanya kung bakit nasa ganoong trabaho siya.
"Hindi ka naman mabiro, Pamela," biglang bawi ni manong tricycle driver sa sinabi niya matapos siyang batukan ni Pamela at pagbantaan.
Hindi naman nakapagtataka kung marami rin taga-rito sa amin ang malilibog na gustong alukin itong kaibigan ko. Dahil bukod sa maganda siya, ay napakakinis rin niya at sexy pa. Pero ni isa sa mga taga-rito ay wala siyang pinatulan dahil hindi niya dinadala sa lugar namin ang uri ng kanyang trabaho. Hindi ko nga alam kung bakit ganito ngayon ang suot niya; eh hindi naman siya nagsusuot ng ganito pag nandito siya sa lugar namin. Malamang at may kikitain na naman na customer sa terminal ng bus kung saan siya sasakay pa-Maynila.
"Sumakay ka na," dagdag ng tricycle driver kay bes.
"Oh, siya, bes, mauna na ako ha. Alam mo na, dadaan pa ang kopkop sa terminal ng bus. May maghahatid na sa akin pa-Maynila doon," nakangiting sambit nito sa akin matapos niyang umikot pabalik sa gawi ko.
"Oh, sige, bes, message na lang kita ha," sabi ko kasabay ng pagyakap niya sa akin bago siya tuluyang sumakay sa loob ng tricycle.
"HOY!! Yung bilao ko, manong!!" hiyaw ko sabay habol sa tricycle driver nang matanaw ko ang bilao ko sa bubong ng tricycle niya na papalayo sa akin.
"Oh, ayan, kakasulyap mo sa akin pati bilao ng bes ko hindi mo napansin," sambit ni bes nang huminto ito sa pagmamaneho sabay hampas niya sa braso ni manong driver.
"Sige na, bes, ingat ka," wika ko sa kanya nang makuha ko ang bilao ko sa bubong ng tricycle.