"Bakit nga po kayo magkatabi? Bakit? Bakit? Bakit?" Paulit-ulit na tanong ni Elias sa ina. Lumabas na rin ako sa kuwarto at napapakamot sa ulo nang humarap sa akin si Elias. Mabilis siyang lumapit sa akin at hinila ako paupo katabi ng nanay niya. Nagkatinginan kami ni Luna habang palakad-lakad sa harap namin si Elias. Nang mapagod ay humarap sa amin. Pinameywangan kami na para bang matanda na makaasta. "Kuya, panagutan mo ang nanay ko!" sabi niya. Nanlaki ang mga mata ko sa kanyang sinabi. Mas masahol pa yata siya sa mg magulang na ipinakakasal ang anak kapag nahuling may katabi sa kama. I-sha-shotgun pa yata ako ng bubwit na ito. "Teka-teka,Elias. Nagkakamali ka yata ng iniisip," sabi ko na napakamot na muli sa ulo. Wala akong hang-over pero parang sasakit yata ang ulo ko sa kanya.

