KAT. SHE was always Kitkat to everybody. Ngayon lang may tumawag na Kat sa kanya. Si Dominic lang. Pakiramdam niya ay napaka-espesyal niyon. Katumbas siguro ng sweetheart. O love. Sa eskuwelahan ay lalo na silang hindi mapaghiwalay ngayon ni Dominic. Laging sila ang magkasama. At alam na rin ng mga kaklase nila ang tunay na score sa pagitan nila. Wala naman silang dapat na itago. Kung sa magulang nga niya ay hindi naman nila itinago ang totoo, bakit nga ba nila itatago iyon sa iba? “Maglakad na lang tayo pauwi,” sabi sa kanya ni Dominic. Maaga silang pinauwi dahil wala na silang teacher sa last period. Kanya-kanyang pulasan na ang magkakabarkada. Pero dahil cleaner siya, hindi pa siya agad na nakauwi. Si Dominic, siyempre pa, bukod sa nakabantay sa kanya ay tinulungan na rin siya nito.

