CHAPTER 4

1171 Words
“AAYY!!!” malakas niyang tili ng mapagsino ang may-ari ng mga matang iyon. Kanina pa niya kinikilala kung sino ang katitigan niya. Hindi kaagad rumehistro sa utak niya na si Gilbert ang nasa harap niya dahil madilim ang paligid. Ni hindi niya agad naisip na bakit siya nakikipagtitigan ng ganoon. Napabalikwas siya ng bangon at hindi magkandaugaga sa pag-iwas dito. Nataranta siya. “Cali…” tawag nito at akmang lalapitan siya. Hindi niya pinansin ang pagtawag dito. Bigla ay naging abala ang utak niya kung papaanong iiwas dito. Hindi na siya mapakali. Hindi niya alam kung tatayo siya o kung saan siya pupunta. Nasa harap lang niya si Gilbert. Saglit ding nawala sa sistema ang nerves niya at kung bakit niya kasama ang binata. “Cali!” tawag ulit nito at hinawakan siya sa kamay. May nanulay na kuryente sa kanyang balat galing dito kagaya sa mga iilang pagkakataon na nahahawakan siya nito. Tila napapasong pinalis niya ang kamay nitong humawak sa kanya. “Huwag kang lalapit!” pigil niya dito ng akmang lalapitan siya nito. Malakas ang boses niya. Nagsumiksik siya sa gilid ng sofang kinahihigaan niya kanina. Tumalim ang kanyang mga mata at sinimulang igala ang paningin sa paligid. Hindi siya aware na parang maysakit na ang kaharap niya at ganoon nalang kung umiwas siya dito. “N-nasaan ako?” naguguluhang tanong niya. Umayos ng tayo si Gilbert at nameywang. Tila frustrated na sumagot. “Nandito ka sa loob ng opisina ko.” Napanganga siya. “A-anong ginagawa ko dito? B-bakit… Bakit tayo magkasama? Bakit nandito ako sa opisina mo?” sunod-sunod niyang tanong. Lalo siyang naguluhan. Nang magising siya ay hindi pamilyar sa kanya ang kwartong kinaroroonan niya. Nakita niya si Gilbert at rumagasa ang pagpapanic sa kanyang katawan. Kumabog na kumabog ang kanyang dibdib. “Hinimatay ka sa harap ng sasakyan ko.” Imporma nito dahil para siyang nagkaroon bigla ng amnesia. Napatingin siya dito. “N-nabangga mo ba ako?” bumakas ang pag-aalala sa mukha niya. Lalong nadagdagan ang pagtambol ng kanyang dibdib dahil sa sinabi ng binata. Saka nanumbalik ang mga eksena kanina kung saan dapat ay pauwi na siya. Bigla-bigla ay doble doble ang tensiyong naramdaman ng kanyang katawan. Nag-aalalang lumapit sa kanya si Gilbert. “May masakit ba sa iyo?” Akmang hahawakan siya nitong muli nang iiwas niya ang katawan. “Calixa, please let me check you…” may pagmamakaawa na sa boses nito. Noon lang niya narinig ang pagmamakaawa ito. Nang titigan niya ang binata ay noon lang din niya napansin na labis ang pag-aalala sa itsura nito. “Please…” Muntikan niyang payagan ang binata pero siyempre ay hindi niya ito hahayaan na hawakan siya. Kung hahayaan niya itong gawin ang bagay na iyon sa kanya ay baka isipin nitong pinapayagan na din niya ito sa mga bagay na ginagawa nito para sa kanya. “Kaya kong i-check ang sarili ko.” May kalamigan niyang sabi dito. Nakita niya ang pagtiim ng bagang nito at ang lungkot sa mga mata nito ng tanggihan niya. Lumayo ito ng ilang hakbang sa kanya. Sandali niyang pinakiramdam ang sarili. Wala siyang makapang sakit sa kahit saang bahagi ng kanyang katawan. Binistahan niya ang ilang bahagi ng kanyang katawan. Walang gasgas o anumang indikasyon na nabundol siya nito. Totoo ang sinabi nitong hinimatay lang siya kanina. Kahit papaano ay bahagya siyang nakahinga ng maluwag. Nang ibalik niya ang tingin dito ay muli siyang naalerto. Akmang lalapit ulit ang binata sa kanya subalit mabilis niya itong pinigilan. “Lumayo ka sa akin! H-huwag mo akong lalapitan at h-huwag mo akong hahawakan!” inatake ulit ng pagkabog ang kanyang dibdib. Mabilis na napaurong si Gilbert kasabay ng pagtaas ng dalawang kamay. “Okay. Just tell me kung ayos lang ba ang pakiramdam mo?” hindi nawawala ang pag-aalala sa mukha nito. Mukha din itong mauubusan na ng pasensiya. “W-walang masakit sa akin. B-bakit ako nandito?” matigas niyang tanong. Muli niyang iginala ang paningin sa loob ng opisina ng binata. Maaliwas at medyo maluwang ang kwarto. Malinis tingnan. Walang masyadong gamit maliban sa konkreto at eleganteng mesa ng binata at sa likod niyon ay isang magarang swivel chair nito. Gilbert Del Pierro. Vice President for Business Development. Nakaukit ang pangalan nito sa magandang disenyo sa isang matigas na kahoy na nasa ibabaw ng mesa. Dalawang single chair sa harap ng mesa, isang malaking estante s***h cabinet na kung ano-ano ang nakalagay sa isang panig, dalawang single sofa na katerno ng mahabang sofa na kinauupuan niya at glass table na katerno ng sofa set. Very manly ang kwarto pero malinis at masinop. Kahit ang mga kurtina ay kay-aliwalas tingnan kabaliktaran ng nangyayari sa labas ng gusali. Hindi nakaligtas sa kanya ang mabangong amoy ng opisina. Para tuloy siyang aantukin sa atmosphere ng silid. Nang idako niya ang tingin sa malaking bintana ay kita niya ang liwanag sa labas dala ng iilang pagkidlat at dinig niya ang mga kasunod na kulog. Kahit natatabingan ng kurtina ang bintana ay tagos na tagos sa loob ang liwanag ng kidlat. Malakas pa din ang ulan sa labas. “Hindi ko alam ang bahay niyo.” Narinig niya ang pantay nitong tinig. Isa iyong kasinungalingan dahil ang totoo ay alam ng binata kung saan siya nakatira. Ibinalik ng dalaga ang tingin sa binata ng sagutin nito ang tanong niya. Nagtaas ito ng dalawang kamay. “Kahit alam ko ay hindi pa rin kita maihahatid. Hindi natin pwedeng salubungin ang malakas na ulan kagaya niyan kung ayaw mong pareho tayong ma-stranded sa kalsada. Nang himatayin ka kanina ay naisip kong dito nalang kita dalhin. Isa pa, masyado nang malakas ang ulan sa labas para salubungin iyon. Naisip kong mas mapapabuti kung dito kita dadalhin.” Paliwanag nito. Hindi siya sumagot. Totoo ang sinabi nito. Naisip niyang mas mabuti nang nandoon sila keysa magkasama sa loob ng sasakyan nito habang stranded sila sa gitna ng daan. Atleast, sa loob ng opisina ay maiiwasan niya ito. Sa kotse ay hindi. Tumango-tango siya. Katahimikan… Isang mahabang katahimikan dahil wala siyang maisip na isagot dito. May punto kasi ito. Mukhang maging ang binata ay walang planong basagin ang katahimikan… Relax ka lang girl. Huwag kang masyadong mataranta sa harap ng lalaking ‘yan. Para kang timang!  Pagpapakalma niya sa sarili. Kung makaiwas ka naman sa kanya ay para siyang maysakit. Ano nalang ang iisipin niya? Huwag mo nalang siyang masyadong tingnan. O huwag mo siyang tingnan talaga, baka mainlove ka sa kanya. Pang-aasar ng isang bahagi ng isip niya. Gusto niyang tuktukan ang sarili dahil kung ano-ano ang naglalaro sa isip niya. Wala sa loob na sumulyap siya sa binata. Nahuli niyang nakatitig ito sa kanya. Sinimangutan niya ito. “Huwag mo nga akong tingnan ng ganyan.” Mataray niyang sabi. Napangiti ang binata. “Ang taray-taray mo talaga pero ang ganda-ganda mo pa din.” Sa halip ay sabi nito. Lalo niya itong sinimangutan. Gusto pa niya itong sagutin pero pinili niyang itikom nalang ang bibig. Ayaw niyang pahabain pa ang usapan nila. Hindi na din muling nagsalita ang binata. Muli ay nagkaroon ng mahabang katahimikan…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD