ILANG SANDALI siyang nag-isip kung ano ang gagawin. Tumayo siya at inayos ang sarili. Hindi tumitingin sa binatang tinungo niya ang pinto.
“Saan ka pupunta?” maang na tanong ng binata ng makitang lalabas siya ng opisina nito. Mabilis itong tumayo at sinundan siya.
Hindi niya ito nilingon. “Uuwi na ako. Siguradong nag-aalala na sa akin sila Auntie Mila.” Matabang niyang sagot. Saglit siyang huminto sa paglalakad. “Salamat nga pala dahil hindi mo ako iniwan sa kalsada kanina.”
“Calixa, you know I will never do that to you. And I’m sorry kung muntik kitang mabangga kanina. Nagmamadali lang ako dahil ----.”
“Hindi mo kailangang magpaliwanag.” Lihim niyang nakagat ang ibabang labi. Hindi naman niya kailangan o tamang sisihin niya ito. Ang totoo ay may kasalanan din naman siya kung bakit muntikan siyang mabangga. Nasa ibang dimensiyon ang utak niya kanina kaya hindi niya napansin ang ilaw ng sasakyan ni Gilbert. Kahit pa sabihing galing ito sa kabilang kanto ay makikita pa din niya dapat ang ilaw sa harap ng sasakyan nito. Pero dahil ang isip nga niya ay nasa binata ay hindi niya napansin ang kotse.
Isa pa, kung nagkataon na ibang tao ang nakagawa ng ganoong bagay sa kanya ay hindi niya sigurado kung ano ang mangyayari sa kanya. Maybe worst. Hindi niya ito dapat pagsungitan dahil doon.
Nilingon niya ito. “P-Pasensiya ka na din kung naabala kita. Hindi ko na dadagdagan ang pang-aabala ko sa’yo. Salamat.” Tinalikuran na niya ito at itinuloy ang pagpunta sa pinto.
“Wait!” subalit mabilis siyang pinigil nito sa siko at napapitlag siya sa kuryenteng dumaloy doon.
“Bitiwan mo ako!” nabigla siya sa simpleng kuryenteng iyon. Kagaya ng madalas na nangyayari kapag nagkakadaiti ang kanilang mga balat sa iilang pagkakataon. Iba ang nagiging epekto sa kanya kapag nagkakadikit ang kanilang mga balat. Nagsisirko-sirko ang mga nerves niya. At dahil doon ay mabilis niyang ipiniksi ang braso na hawak ng binata.
Tumalima si Gilbert pero hindi umalis sa tabi niya. “Masyadong malakas ang ulan Calixa, bakit hindi muna natin patilain bago kita ihatid sa inyo. Kung tutuloy tayo ay baka mastranded lang tayo sa kalsada.”
Tumaas ang isang kilay niya. “Sinong maysabing magpapahatid ako sa iyo?”
Pumormal ang binata. “Mahihirapan kang makasakay kapag ganitong panahon lalo at sa mga ganitong oras.” Mukhang malapit-lapit na talaga itong maubusan ng pasensiya base sa himig ng boses nito. Sumeryoso na ito at kung paiiralin pa niya ang katigasan ng ulo ay baka sumabog ang binata. “Sa tingin mo ba ay papayagan kitang lumabas dito sa ganyang panahon sa labas? Sa tingin mo ba hahayaan kitang maglakad sa kalsada habang napakalakas ng ulan? Sa tingin mo ba hahayaan kong atakihin ka ng kung sinong halang ang bituka diyan sa kalsada kapag nakita ka nilang mag-isa? No Calixa! I won’t allow you to leave this building unless kasama mo ako. I will not let you harm by anyone. Kahit ang malakas na ulan sa labas ay hindi ko hahayaang gawan ka ng masama.” Mahabang litanya nito sa napakababang tinig. At habang sinasabi nito ang lahat ng iyon ay hindi siya nito nilulubayan ng tingin.
Masyadong mahaba ang mga sinabi nito para makapagsalita siya kaagad. Napalunok siya. Natigilan siya dahil may katotohanan ang sinabi nito. Totoo ang lahat ng sinabi nito. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kanya paglabas niya sa building na iyon. Kung paiiralin niya ang katigasan ng ulo ay baka mapahamak lang siya. Bukod sa malakas na ulan ay nagkalat din ang masasamang loob sa buong Kamaynilaan. Oo at bago palang siya sa lugar pero hindi ibig sabihin na wala siyang ideya kung ano ang kayang gawin ng masasamang-loob doon. Ang totoo ay hindi pa niya masyadong kabisado ang lugar na iyon at kapag may nangyari sa kanya dahil sa katigasan ng ulo niya ay siya din ang magpapahamak sa sarili. Isa-isang naglaro sa isip niya ang mga maaring mangyari sa kanya kapag hindi niya pinakinggan ang sinabi ng binata. Dapat ay magpasalamat siya dito dahil sobra ang concern nito sa kanya.
Pero hindi niya maatim na makasama pa ito ng matagal sa loob ng opisina nito. Baka kung ano ang mangyari sa ilang oras na ipaglalagi niya doon. Mas gugustuhin niyang manginig sa lamig sa labas habang hinihintay na tumila ang ulan keysa makasama ang binata doon.
“Sa labas ko nalang hihintayin na huminto ang ulan.” Blangko ang ekspresiyon ng mukhang sabi niya.
Weh! Iyon ba talaga ang gusto mo? Ang sarap sarap ng higa mo sa sofa. Mas gugustuhin mong maghintay sa malamig na semento? pang-asar ng isang bahagi ng utak niya. Pero hindi niya iyon pinansin.
Malalim na napabuntong-hininga si Gilbert.. “Please Cali, don’t sacrifice yourself sa lamig ng panahon sa labas instead of staying here with me.” nagsusumamong saad nito sa kanya. “I know, allergic ka sa akin. But this is exemption, right? Just stay here in my office. I’ll keep you safe.”
Pinukulan niya ito ng tingin. I’ll keep you safe…
Alam niya sa sariling iyon nga ang gagawin ng binata. Hindi naman talaga siya natatakot dito. Ang totoo ay mas natatakot siya para sa sarili. Baka biglang magbago ang mga hormones niya sa katawan kapag nakilala ng mga ito ang binata. Baka tuluyan siyang bumigay dito. At iyon ang pinaka-iniiwasan niya ngayon. Ang huling bagay na gusto niyang mangyari ay ang mapalapit dito.
“I know what’s on your mind. Mas gugustuhin mo pang mag-isa sa labas keysa makasama ako dito. Dahil nga naman masyado kang allergic sa akin.” Hindi nawala ang pait sa tinig nito.
Hindi siya nakaimik.
“Ako nalang ang lalabas. Dito ka lang sa loob. Babalik nalang ako kapag huminto na ang ulan.” Anito at tinungo ang pinto.
“Bahala ka.” Walang emosyong wika niya dito saka bumalik sa sofa at namaluktot doon.
Huminto ang binata nang akmang bubuksan na ang pinto. Pumihit ito paharap sa kanya. “I tried to contact Auntie Mila by the way. Para sana masabihan sila. Gagamitin ko sana ang cellphone mo sa bag mo because I don’t have her number. Unfortunately, you have password. Hindi ko na sila natawagan.”
Nagtama ang kanilang mata ng pukulan niya ito ng tingin. Gusto niyang mag-react sa sinabi nito pero mas pinili niyang itikom ang bibig. Binawi niya ang tingin sa binata.
Nang walang matanggap na reaksiyon mula sa kanya ay kumilos na ang binata palabas. “I’ll just be outside if you need me.” Iyon lang at tuluyan na itong lumabas.
Hindi na niya pinukulan ng tingin ang binata. Naramdaman niya ang pagbukas at pagsarado ng pinto. Ibinalik niya ang tingin doon. Mag-isa nalang siya sa loob.
Ilang sandali pa siyang nanatili sa ganoong pwesto. Ilang sandaling inhale-exhale lang ang kanyang ginawa. Ilang sandaling nilimi ang sitwasyon.
Tama bang naroon siya habang ito ay nasa labas ng sarili nitong opisina? Tama bang tarayan niya ito sa halip na magpasalamat dito at magpakumbaba dahil hindi siya nito pinabayaan sa gitna ng ulan? Tama ba na hayun siya at nagpapaka-kumportable habang ito ay nagtitiyaga sa labas sa kung hanggang kailan mawala ang topak niya?
Siyempre hindi! Malakas na sagot ng isang bahagi ng utak niya. Hindi naman kasi talaga masama ang ugali niya.
Pero ano ang mangyayari kapag hinayaan niyang magkasama sila sa loob ng kwartong iyon ng kung hanggang sa gaano katagal? Siguradong kailangan nilang pahupain ang ulan bago sila lumabas ng gusali. At naisisiguro na niyang ihahatid siya ng binata pauwi. Alam niyang hindi ito papayag na umuwi siya mag-isa. Kaya sa ayaw o sa gusto niya ay makakasama niya ang binata sa sitwasyong iyon ngayon. No choice siya. May choice siya kung gugustuhin niya. Pero alam niyang mapapahamak siya kapag pinairal niya ang katigasan ng ulo.
Maya-maya ay nakaramdam siya ng sundot ng kunsensiya. Parang napakawalang puso naman niya kung hahayaan niya si Gilbert na nasa labas ng opisina nito habang siya ay nagpapakasarap sa init ng kutson ng sofa. Napakawalang puso niya dahil malaki ang pag-aalala nito sa kanya habang siya ay tinitikis ang binata sa labas.
Muli siyang napatingin sa pinto. Natanong niya sa sarili kung nasaan na kaya ito at anong ginagawa nito. Baka nilalamig na ito sa labas. Baka magkasakit ito ng di-oras dahil sa katigasan ng puso niya.
Napakasama mo, Calixa! Maawa ka naman sa kanya. Sundot ng kunsensiya niya. Siya na nga ang tinulungan nito kanina pero siya pa ang matigas. Pero kundi naman dahil sa biglang pagsulpot ng kotse niya ay wala ako dito ngayon. Biglang saad ng isang bahagi ng utak niya. Oo, wala ka nga dito pero siguradong basang-basa ka na kanina pa at nahirapang sumakay dahil bago pa mangyari ito ay bigla ng umulan ng malakas. Sabad namang ng isang bahagi ng utak niya. At kasalanan mo din dahil hindi mo tinitingnan ang dinaraanan mo kakaisip sa kanya!
Tuloy ay hindi niya mawari kung sisimangot siya o ano. Hindi nagkakaisa ang other sides ng utak niya.
Tumayo siya at nagpalakad-lakad sa loob ng silid. Kung papasukin nalang kaya niya ang binata? Matutulog nalang siya hanggang sa tumila ang ulan kung ayaw niya itong kausapin. Pero mukhang magiging kabastusan naman kung tutulugan lang niya ito.
Hindi ba kabastusan na ang ginagawa mo ngayon??? Sita ng isip niya. Alangan magtangahan naman sila?
Napasimangot siya. Hindi naman talaga siya bastos. Gusto lang talaga niyang umiwas sa binata. Pero mukhang kailangan niyang gawin ang tama sa mga oras na iyon. Sa wakas ay nagdesisyon siya. Bago pa magbagong muli ang mood niya ay mabilis na niyang tinungo ang pinto at binuksan iyon.