Malalim ang iniisip ni Lesley na minamasdan ang pagsayaw ng apoy sa kaniyang harapan habang yakap ang sarili at nakaupo sa isang malapad na bato. Ninanamnam niya ang pag-init ng kaniyang balat habang si Dan ay patuloy sa pagdagdag ng mga tuyong sanga ng puno sa siga na tinipon nila bago lumubog ang araw. Dito na sila sa gubat inabutan ng dilim matapos na makatakas sa mga tauhan ni Shane. Hinimas ni Lesley ang mga natamong galos sa braso mula sa kaninang pagtalon niya sa umaandar na sasakyan. Wala naman siyang malaking sugat o nabaling buto pero mahapdi pa rin ang mga gasgas niya sa balat. Nagkaroon din siya ng maliit na sugat sa noo. Liningon niya si Bangs na mahimbing pa ring natutulog sa tabi niya. Ano kayang klaseng pampatulog ang itinurok dito at tulog pa rin ito hanggang ngayon? But

