Abot langit ang kabang nararamdaman ni Kaiden Abrego habang nagsisimula nang maglakad papasok ng simbahan ang bridesmaid at ang groomsman na kanilang kinuha para sa espesyal na araw na ito. Lalo pa nang sabayan ng matatamis na ngiti ng mga taong nasa paligid nila ang bawat isa, habang tumutunog ang isang maganda at nakaka-in love na musika.
Malakas ang bawat pagkabog ng kanyang dibdib lalo pa nang masilayan na niya sa dulo ang babaeng kanyang pinakamamahal. Habang pinagmamasdan niya ito sa marahan nitong paglalakad ay hindi niya napigilan ang unti-unting pag-init ng magkabilang sulok ng kanyang mga mata.
Finally, ang matagal na nilang pinapangarap na dalawa ay matutupad na ngayong araw. Dahil pagkatapos ng araw na ito ay magsasama na sila bilang ganap na mag-asawa.
Tinakasan si Kaiden ng isang butil ng luha mula sa kanyang mata nang papalapit na nang papalapit sa kanyang harapan si Faye Nasti. Ang kanyang kasintahan sa loob ng dalawang taon at ang tanging babae na kanyang pinakamamahal.
Malawak na ngumiti sa kanyang harapan si Faye at nakita din niya ang pangingilid ng mga luha nito. Inilahad niya ang kanyang kamay sa kanyang mapapangasawa at kaagad naman iyong tinanggap nito. Hiyawan at palakpakan ang narinig nila sa kanilang kapaligiran pagkatapos ay sabay na silang nagpatuloy sa paglalakad patungo sa altar.
Labis ang kabang nararamdaman nilang dalawa, ngunit sa kabila no’n ay masayang-masaya sila at excited para sa kanilang pag-iisang dibdib.
“We are assembled here in the presence of family and friends, to celebrate the joining of this man and this woman, in the unity of marriage,” paunang salita ng pari na nasa kanilang harapan. “True marriage is the holiest of all earthly relationships. The state of matrimony is based on this deep, invisible union of two souls who seek to find completion in one another. Do you understand this?” tanong pa nito sa kanila.
“Yes, father,” nakangiting tugon ni Kaiden sa pari.
“Miss Nasti, do you understand?” balin naman ng pari kay Faye.
“Yes, father,” nakangiting tugon naman ni Faye.
“Will you please face each other and join hands?” sabing muli ng pari na agad naman nilang sinunod.
At nang oras na iyon ay binigkas nga nila ang wedding vow nila para sa isa’t isa. Hindi naman magtigil ang malalakas at mabibilis na pagtibok ng puso ni Kaiden. Pakiramdam niya ay nananaginip lamang siya ngayon. Hanggang sa matapos nga ang seremonya ng kanilang kasal at sa huli ay inanunsyo na ng pari na sila ay mag-asawa na.
Malalakas na hiyawan at palakpakan ang bumalot sa kanilang kapaligiran nang mga sandaling iyon. Lalo pa nang gawin nila ang unang halik nila bilang mag-asawa sa harapan ng altar ng Diyos at sa harapan ng kanilang pamilya at mga kaibigan.
Labis ang saya at ang tuwang nararamdaman ni Kaiden na para bang ayaw na niyang matapos pa ang araw na ito. Talagang dream come true para sa kanya ang mapakasalan ang babaeng labis niyang minamahal.
“Congratulations, insan! Sobrang saya ko para sa inyo ni Faye,” masayang bati ni Roman Abrego sa kanya.
Si Roman ang pinakapaborito niya sa lahat ng kanyang mga pinsan. Sobrang lapit kasi nilang dalawa sa isa’t isa mula pa noong mga bata sila. Napagkakamalan pa nga niyang kapatid niya ito noon dahil sa kakaibang closeness nilang dalawa.
Kasing-edad niya lang din kasi si Roman kaya naman kasundong-kasundo niya ito habang sabay silang lumalaki.
“Maraming salamat, insan! Isa ka sa mga tumulong para matupad ang pangarap kong ito,” nakangiting tugon niya sa kanyang pinsan. Katulad niya ay abala din ang kanyang asawa na si Faye sa pagharap sa kani-kanilang mga bisita.
“Wala iyon, insan. Basta para sa iyo. Ngayon ay hihintayin ko naman na magkaanak ka,” masayang sabi ni Roman sa kanya.
“At ako naman ay hihintayin kong makapagpakilala ka na din sa amin ng iyong kasintahan,” biro niya dito.
Sa dalawampu’t pitong taon kasi ng kanilang buhay ay wala pang naipapakilalang babae si Roman sa kanila. Minsan nga ay pinag-iisipan niya na itong baka iba ang gusto nito, pero madalas din niyang sawayin ang sarili lalo pa at never naman niyang kinakitaan ng kakaibang kilos ang kanyang pinsan. Marahil ay wala lang talaga itong napupusuan pa.
Pagak na tumawa sa kanya si Roman saka nagsalita. “Huwag kang mag-alala, insan. Kapag nagkaroon na ako ng kasintahan ay ikaw ang kauna-unahan kong pagbabalitaan.”
“Aba’y aasahan ko talaga iyan, insan.”
Naputol ang kanilang masayang pagkukwentuhan nang biglang lumapit sa kanila si Moiser Cabello.
“Brad, congratulations! Grabe, kasal ka na. Talagang inunahan mo ako ha,” masayang bati ni Moiser sa kanya. Si Moiser Cabello ang pinakamatalik na kaibigan niya at isa sa pinakapinagkakatiwalaan niya tulad ng pinsan niyang si Roman.
“Salamat, Brad. Huwag kang mag-aalala dahil nararamdaman kong malapit ka na ding sumunod sa akin,” nakatawang tugon niya sa kanyang kaibigan.
Pagkatapos no’n ay dumeretsyo ang bagong kasal kasama ng kanilang mga bisita sa reception. Masayang nagkainan at nagkwentuhan ang lahat. Hanggang sa natapos na nga ang araw na iyon.
Bagama’t pagod sina Kaiden at Faye nang umuwi sa kanilang pinatayong bahay, ay masayang-masaya pa rin naman sila dahil ito na ang unang gabi nila sa kanilang bagong bahay bilang bagong mag-asawa. Nakikita na ni Kaiden ang magiging future pa nilang dalawa ni Faye kasama ng pamilyang bubuuin nila sa munting tahanan nila.
“Babe?” malambing na tawag niya sa kanyang asawa habang yakap-yakap niya itong nakahiga sa malambot at malawak nilang kama.
“Yes, Babe?”
“I love you so much,” saad niya sa asawa.
“I love you more, Babe!” nakangiting tugon naman nito sa kanya.
“Bukas na tayo gumawa ng baby, Babe. Alam kong pagod ka sa maghapon na ito,” pagbibiro niya sa kanyang asawa.
“At alam ko rin naman na pagod ka rin, Babe.”
“Basta kapag nagka-baby na tayo at kapag lalaki ang naging anak natin, Henry ang ipapangalan ko sa kanya,” saad niya.
“Henry? Iyon ‘yong pangalan ng batang palagi mong napapanaginipan, tama ba?” tanong sa kanya ni Faye.
“Yes, Babe. Kaya ko siguro napapanaginipan lagi ang batang iyon dahil hudyat iyon na Henry dapat ang ipangalan ko sa magiging anak natin,” tugon niya.
“Sure, Babe. Henry ang ipapangalan natin sa magiging anak natin. Ang gandang pangalan!” masayang wika ni Faye sa kanya.