ANG akala ni Aling Helen ay magiging mahirap ang paghingi nito ng tawad sa anak na si Andrew at kay Aling Adeng.
Sa ginawa ng ginang na iniwan nito ang anak sa amang transexual ay lihim na ipinagpasalamat pa iyon ni Aling Adeng. Dahil nagkaroon ito ng pagkakataon na makasama at mapalaki ang anak.
At si Aling Adeng ay hindi naman nagawang ipalimot sa anak si Aling Helen bilang tunay na ina ni Andrew habang lumalaki sa piling nito ang anak. Hindi ito nagtanim ng galit o sama-ng-loob sa puso at isip ni Andrew patungkol sa totoong ina nito. At sa halip, sa tuwina ay ipinapaliwanag nito na may dahilan si Aling Helen kung bakit nagawa nitong iwan dito si Andrew.
At si Aling Helen, ang higit na inihingi nito ng tawad kay Aling Adeng, ay noong gabing nagawa nitong lasingin ang nagngangalan pa noong "Adelio."
At sinabi ni Aling Adeng na hindi kasalanan ang nangyaring iyon. Paanong masasabi na kasalanan ang nangyaring seksuwal noon sa dalawa kung nagbunga naman iyon ng isang mabait at guwapong anak na tulad ni Andrew. Hindi iyon isang kasalanan kundi isang pagkakamali. Pagkakamali na nagbunga ng isang biyayang bigay ng Maykapal.
Si Aling Adeng ay lumapit kay Kelly at may ipinakiusap. "'Wag sanang makaapekto sa pagmamahal mo sa anak ko ang katotohanang isang transexual ang totoo n'yang ama..."
"Naku, hindi po," aniyang nakasisiguro sa pagmamahal niya kay Andrew. Hindi iyon nakabawas, higit pa nga niya itong minahal sa kaalamang malaki ang respeto nito sa tunay na pagkatao ng ama.
At si Aling Adeng ay nakuha rin nito ng buo ang respeto at paghanga niya sa totoong ito.
Hindi lang sa panlabas nito "maganda" si Aling Adeng kundi higit ang kalooban nito.
"Anong drama 'yan?" Singit ni Andrew sa pag-uusap nila ng ina o ama nito.
"Usapang babae lang ito, anak," agad na tugon naman ng nakangiting si Aling Adeng.
"Tama, usapang babae lang," ulit ni Kelly.
Nagawa silang iwan sa itaas ng bahay ni Aling Adeng, nagdahilan na baka marami nang customers sa ibaba.
Pagkuwan ay nilapitan ni Andrew ang kasintahan, masuyong hinalikan sa labi at niyakap.
"Halika, manood tayo ng sine. Isama natin sina Leonora at Harriet," pag-aya nito.
"Tara. Libre mo, ah! " Masayang turan niya.
Buhat ng ikuwento ni Andrew kay Kelly ang tungkol kay Devra, kahit papaano ay nagagawa na ng nobyo na pakiharapan ang dalawang gumamelang kaibigan ni Kelly na hindi na ito masyadong naiilang. Ngayon nga ay medyo panatag at nasasanay na rin ito sa kakulitan ng dalawang beki.
Sina Leonora at Harriet ay hindi rin naging lingid sa kaalaman ng mga ito ang bawat pangyayari sa personal na buhay ni Andrew.
Bagay na ipinagkatiwala ni Kelly sa dalawa.
Hindi mailarawan ang reaksiyon ng dalawa nang malaman na si Aling Adeng ay tulad ni Harriet na isang operada. Gayunman ay hindi nabago ang pagtingin at pakikitungo ng mga beki sa may-edad na kabaro ng mga ito. Mas tumaas pa ang respeto ng dalawa rito dahil nagawa ni Aling Adeng ang magpalaki ng anak na walang katuwang sa kabila ng totoong katauhan nito.
At si Kelly ay wala na yatang mahihiling sa buhay niya.
Nag-uumapaw ang puso niya sa saya dahil sa mga positibong nangyayari ngayon sa buhay ng kanyang nobyo.
Bukod doon ay nag-uumapaw rin maging ang pagmamahal niya para dito.
"Ay, teka, wait lang. Pa-kiss nga muna ulit," ani Kelly na sadyang pinatulis ang nguso.
Natatawang tumalima naman agad sa kanya si Andrew.