chapter sixteen

561 Words
"NAIINTINDIHAN ko na ngayon," ani Kelly sa mapang-unawang tinig. "Nandito ako para tulungan kang makapag-move on. Hindi nga tamang ipilit ko na dapat ka ring maging malapit agad sa mga kaibigan ko. Ngayon, alam ko na ang dahilan..." "Pero handa akong maging bahagi din ng buhay ko ang kung sino mang mahalaga sa 'yo, Kelly. Hindi naman habang buhay na iiwas ako kina Leonora at Harriet. Alam kong mabubuti silang kaibigan para sa 'yo... Nagkataon lang na pansamantalang nagpapaalala sila sa akin kay Devra. Kaunting panahon lang naman ang kailangan ko para tuluyang makalimot... Wala akong galit sa mga tulad nila. Pero hindi rin ibig sabihin niyon na bukas ang isip at damdamin ko na mahalin ang tulad nila sa paraang gusto nila. "Pero bukas ang pang-unawa at puso ko na mahalin nang buong-buo ang isang... babaeng baklang 'tulad mo, Kelly... Alam mo naman kung gaano kita kamahal, 'di ba?" Masuyong hinawakan ni Andrew ang kamay niya at marahang pinisil. Damang-dama niya ang sinabi ng kasintahan patungkol sa nararamdaman nito sa kanya. At sa dahilang iyon ay hindi niya nais maglihim dito. Isiniwalat niya na batid na niya ang tunay na pagkatao ni Aling Adeng. Si Andrew ay normal lang ang naging reaksiyon. "Paano mong nalaman?" Hindi naman talaga sikreto ang tunay na pagkatao ni Aling Adeng bagaman hindi rin naman kailangang tahasang ibunyag iyon o ipangalandakan. Kung tutuusin hindi iyon napupuna ni Kelly. Dahil babaeng babae sa natural na edad nito ang hitsura ni Aling Adeng. Higit ngang maganda ito noong gabing maging hurado ito sa pageant na sinalihan noon ni Leonora. "May isang taong nag-reveal sa 'kin," sagot ni Kelly sa tanong ni Andrew. Sa isip niya ay iyon na rin ang pagkakataon para masabi niya ang tungkol kay Aling Helen. At nagawa nga rin niyang sabihin na kasalukuyang nangungupahan sa kanila ang babaeng tunay na nagluwal sa nobyo. Nagkaroon ng reaksiyon si Andrew na tila hindi makapaniwala sa sinabi niya. At upang mapatunayan niya na nagsasabi siya ng totoo, ay nagawa niyang ayain itong pumunta ngayon sa bahay nila. Sa pagpasok pa lang sa kanilang gate ay pawang agad nilang namataan doon si Aling Helen, na para bang sadyang hinihintay nito ang pagsulpot nila roon ni Andrew. Napuno nang pananabik ang mga mata ni Aling Helen na tila nais nitong sugurin ng yakap ang anak. Si Andrew ay tila nasa mga mata rin nito ang pangungulila para sa tunay na ina. Agad ba nitong naramdaman iyon sa kaharap sa pamamagitan ng lukso ng dugo? Hindi na napigilan ni Aling Helen na tuluyang lapitan ang anak at yakapin ito nang mahigpit. "A-Andrew, anak, patawarin mo 'ko sa ginawa kong pag-iwan sa 'yo..." Kasabay niyon ang impit na hikbi at pagluha ng ginang. Ang hindi pagtugon ni Andrew ay hindi nangangahulugan na hindi nito handang unawain ang inang matagal na hindi nasilayan. Gayunman ay nagawa nitong gantihan ang yakap ng ina. At ang tagpong iyon ay hindi na kailangan ng mga salita upang maunawaan na agad nang pinapatawad ni Andrew ang ginang. Maraming oras ang nakalaan sa mga paliwanag ni Aling Helen para sa anak. Nadala si Kelly sa madamdaming eksenang iyon ng mag-ina. Namalayan na lang niyang tumutulo na pala ang kanyang mga luha. Nang tingnan niya si Aling Helen ay nakita niyang umusal ito sa kanya ng salitang "salamat." Hindi na siya nangiming lumapit sa mag-ina at nakiyakap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD