ANG dalawang larawang nabitiwan ni Kelly ay agad din niyang dinampot at muling sinulyapan ang kuha ng isang lalaki; na kahit saang anggulo niya tingnan ay walang makapagpapaalala na iyon noon si Aling Adeng.
Hindi niya gusto ang agad maniwala sa mga sinasabi ni Aling Helen subalit nakapagtatakang hindi niya makapa ang pagdududa sa kanyang dibdib.
Lalo pa nang tingnan niya sa mga mata si Aling Helen at hindi niya masalamin doon na likha lamang ng mapagbirong imahinasyon nito ang mga ibinunyag sa kanya.
Natugunan ang mga katanungan sa isipan ni Kelly nang walang ano-ano ay magsalaysay sa kanya ang ginang ng tungkol sa nakaraan nito...
Kaibigang matalik noon ni Aling Helen si Aling Adeng na "Adelio" pala ang tunay na pangalan. Bagaman sa simula ay batid na ni Helen na may pusong-babae si Adelio ay nagawa pa rin nitong hangaan ang mga katangian ng binabaeng kaibigan.
Minsan na nitong pinagdudahan ang sariling katinuan sa pagmamahal sa isang baklang kaibigan. Subalit naitanong din nito sa sarili na ano ang masama kung mahalin nito si Adelio sa paraan kung paano magmahal ang isang babae sa isang lalaki.
Kung tutuusin ay lalaki pa rin naman si Adelio, ang isip at puso lang naman nito ang taliwas sa kasarian.
Nang sabihin ni Adelio na desidido na raw itong magpapalit ng kasarian ay lihim na hindi iyon sinang-ayunan ni Helen.
Isang gabi ay inaya nitong makipag-inuman dito ang kaibigang lihim na minamahal, na may intensyon talagang lasingin si Adelio.
At ang seksuwal na nangyari sa kanila ay inasahan ni Helen na magpapamulat kay Adelio na hindi na nito itutuloy ang planong pagpapa-s*x change.
Subalit taliwas iyon sa nangyari. Si Adelio ay iniwasan na si Helen. Ipinagpatuloy nito ang pagpapalit ng kasarian.
Bagay na ikinagalit ni Helen. Bilang ganti ay inakit nito ang lalaking matagal nang gusto ni Adelio at ginawang nobyo. Subalit nang magbunga ang isang gabing nangyari kina Helen at Adelio, ang lalaking inakit ni Helen, ay pinandirihan ito nang aminin ng babae na isang bakla ang nakabuntis dito.
Hindi iyon dinibdib ni Helen dahil wala naman talaga itong pagtingin sa lalaking iyon. Ginamit lamang nito ang lalaki upang pasakitan si Adelio.
Nang umabot sa kaalaman ng transexual na buntis si Helen, ay umiral pa rin ang pagiging responsable nito. Sinabi ng operada nang si Adelio na handa itong suportahan sa pinansyal na aspeto ang magiging pangangailangan ng bata. Kikilalanin pa rin nitong anak ang iluluwal ni Helen.
Bagaman hinangaan pa rin ni Helen ang side ng personality na iyon ni Adelio, ay mas nangibabaw pa rin ang galit nito. Sa dahilan ngang isa na ring "babae" ngayon si Adelio.
Nangyari ay lumayo si Helen upang makalimot at kasabay ng planong hindi na nito ipapakita kay Adelio ang sanggol na iluluwal nito.
Madalas nitong tingnan ang natatanging litrato ni Adelio na mayroon si Helen. Kuha iyon bago pa ito makapagpaopera at kung wariin ay pormang lalaki talaga.
Nagluwal ng sanggol na lalaki si Helen at pinangalanan itong Andrew.
Nang humantong ang bata sa gulang na apat na taon ay nagpasya ang babae na mag-abroad. Wala itong mapag-iiwanan sa bata. At doon pumasok sa isip nito si Adelio.
Hindi si Helen ang mismong naghatid sa bata kay Adelio. Ipinahatid lamang sa isang kaibigan si Adrew upang mapunta ito sa amang transexual.
At noong mga panahong iyon, naniniwala si Helen na tatanggapin nito nang buong-buo ang bata at mapapalaki si Andrew sa paraang matiwasay at maayos...
"NOONG nakapag-abroad ako, nakapag-asawa ako ng banyaga," patuloy si Aling Helen sa pagsasalaysay kay Kelly na panaka-naka ay nagpapahid ng luha.
Kung bakit si Kelly ay nahawa na rin sa ginang at naramdaman niyang may luha na ring tumutulo mula sa kanyang mga mata.
"Pero hindi pinalad na magkaanak kami," tukoy ni Aling Helen sa napangasawa nito. "Recently ay pumanaw na ang asawa ko. Bigla na lang, pakiramdam ko ay nag-iisa na ako sa mundo... Ang tanging gusto ko lang, hija, ay muli akong kilalanin ni Andrew bilang ina niya. Alam kong bukod pa sa pagiging ina ang naging pag-aaruga sa kanya ni Adelio, o Adeng na ngayon. Isa pa'y hindi ako nakasisiguro kung natatandaan pa rin ako ni Andrew... Baka ipinalimot na rin ako ni Adeng sa kanya."
Si Aling Helen ay batid nitong matagal nang lipas ang kung ano mang pagtingin na naramdaman noon para kay Adelio. Ang tanging gusto na lang nito ay maging kaibigan nang muli ang kasalukuyan na ngang si Adeng.
Subalit sa tuwing susubok itong personal na magpakita kay Andrew at Adeng, sa tuwina ay nauuwi sa pangamba kung ano ang magiging reaksiyon dito ng dalawa.
At ngayon nga ay nakaisip ito ng paraan na humingi ng tulong sa kasintahan ng anak nitong si Andrew na si Kelly.
At ang dalaga'y nangako ritong tutulungan ang ginang sa paraang makakaya niya.