MUKHANG umulan ng kalandian at nagbaha ng kiring mga babae na may mangilan-ngilan ding beki sa lugar nila Kelly kung saan naroon mismo ang carinderia ni Aling Adeng.
Buhat iyon nang dumating ang guwapong anak ng may-ari na si Andrew.
Ang lalaking nagmistulang Knight In Shining Armor na nagtanggol kina Kelly mula sa pang-aapi ng tropang SMB.
Salamat at hindi naman natuloy ang riot sa pagitan ni Andrew at ng tatlong lasenggo. Sa dahilan na pumagitan ang biglang napadaan na Barangay Chairman at sa halip, ito na mismo ang kumastigo sa mga lasenggo.
Parang gusto rin ng dalawang maharot na sina Harriet at Leonora na magpapansin kay Andrew.
Aminado si Kelly na guwapo ang lalaki. Tall, dark and handsome. May maangas na tindig na totoo namang nakakapukaw ng pansin.
Gusto sana niyang personal na magpasalamat dito sa ginawa nitong pagtatanggol sa kanila. Lamang ay nahihiya siyang lumapit dito lalo na't anak pala ito ni Aling Adeng.
Eh, hindi ba't imbyerna na nga siya sa may-edad na babae dahil sa pagiging simpleng mahadera nito?
Ito ang nagbunyag sa ama ni Leonard ng totoong pagkatao ng kaibigan.
At simula nga noon ay hindi na sila kumakain na magkakaibigan sa carinderia ni Aling Adeng.
"Move on na tayo kay Aling Adeng, girls. Let's forgive her na," wika ni Harriet sa kanila ni Leonora. "Kung tutuusin dahil sa kanya, heto nga't nakapagladlad ka na, Sister Leonora. Atleast, 'di ba?"
"Nagtunog madre naman ako, girl, sa ikinabit mong 'sister' sa pretty kong name."
Nang tingnan ni Kelly si Leonora ay mukhang hindi naman talaga ito nagtanim ng galit patungkol kay Aling Adeng. At sinang-ayunan nga nito ang naunang sinabi ni Harriet na palayain na nila sa mga dibdib nila ang inis na kinimkim nila sa may-edad na babae.
At sino ba naman siya para magmatigas?
"Nami-miss ko na 'yung tortang talong ni Aling Adeng. Tara kain na ulit tayo sa carinderia n'ya. Ako ang manlilibre," kayag ni Harriet.
"Gusto mo lang ma-sight doon si 'Papa Andrew,' eh, hindi mo pa kami diretsahin," panonopla ni Leonora.
"Hoy, kayong dalawa, 'wag kayong ipokrita, ah!" anito na dinamay si Kelly. Dinuro pa sila ng daliri nitong may 'murder' ang kuko. "Iisa lang ang mga taste natin pagdating sa mga lalaki. Alam kong naguguwapuhan din kayo kay Papa Andrew. Plus dagdag pogi points pa 'yung ginawa niyang pagtatanggol sa atin d'un sa tatlong lasenggong unggoy. Kung tutuusin, may utang-na-loob tayo sa kanya. Ni hindi pa nga tayo nakakapag-'thank you' man lang d'un sa tao, eh," mahabang litanya ni Harriet.
May punto naman ang huling mga sinabi nito.
At dahil nagugutom na nga sila nang mga oras na iyon ay nagpasya na silang tatlo na tunguhin na ang carinderia ni Aling Adeng; na may intensyon na ring magpasalamat sa anak nitong si Andrew.
Nang nakangiting pinakitunguhan sila ni Aling Adeng bilang mga customers nito, ay tila ba dagling gumaan na muli ang loob ni Kelly sa may-edad na babae.
At inamin niya sa sarili na totoong nami-miss na rin ng panlasa niya ang masasarap na pagkaing itinitinda nito.
Kung tutuusin ay isa't kalahating taon pa lang naninirahan sa lugar nilang iyon ang ginang. Nabili nito ang up-and-down na bahay na iyon na ginawa ngang carinderia ang ibabang palapag ng bahay. At buhat nang magtinda ito ay sadyang nakuha ni Aling Adeng ang loob ng mga nagiging parokyano nito. Hindi lang dahil sa masasarap na itinitinda nito kundi pati sa magiliw na pakikiharap at pakikitungo ng ginang sa mga kumakain sa carinderia nito.
Nang nakapuwesto na ang tatlong magkakaibigan sa plastic na mesa at bangkuan, ay hindi na nangimi si Herriet na ito na ang magtanong kay Aling Adeng kung nasaan ang anak nitong si Andrew.
Right on cue ay bigla namang sumulpot ang lalaki.
At ang dalawang gumamelang kaibigan ni Kelly ay tila nais impit na mapatili o kiligin sa guwapong lalaki.
Si Kelly ay hindi naman nagpahalata na may epekto rin sa hormones niya ang nag-uumapaw na testosterone ng lalaki.
Higit pala talagang guwapo ito sa malapitan.
Unang nagpasalamat si Harriet dito na sinapian yata ng duwende dahil masyadong pinaliit nito ang boses.
Sumegunda sila ni Leonora sa pagpapasalamat kay Andrew sa ginawa nitong pagtatanggol sa kanila mula sa tatlong lasenggo.
Simpleng tango lamang ang nakuha nilang response mula rito. Ni hindi man lang ito ngumiti. Parang bigla ay naging suplado ang dating nito.
Ipinagkibit na lamang iyon ng mga balikat ni Kelly.
Ang dalawang gumamela niyang kaibigan ay obvious ang pagpapapansin kay Andrew.
Subalit ang mga mata ng lalaki ay biglang nagpa-conscious sa pakiramdam ni Kelly dahil ramdam niyang siya ang mas tinututukan nito nang pansin.
Marahil ay sa dahilan lamang na sinisiguro nito kung isa siyang tunay na babae.
Hanggang sa bigla ay sunud-sunod ang naging pagpasok ng mga customer na halos mapuno na ang carinderia ni Aling Adeng. Halos puro babae ang pumaroon.
Hindi mahirap hulaan na ang talagang sinadya ng mga babaeng ito ay upang masilayan doon ang guwapong anak ng may-ari na si Andrew.
May isang babae na hindi nakatiis at hantarang nagpapansin kay Andrew. Nilapitan nito ang lalaki at ikinawit ang braso sa braso ni Andrew.
"Papa Andrew, date tayo. Sagot ko kahit saan mo gustong pumunta..."
Si Andrew ay halatang nagpapaka-gentleman lang. Hindi nakaligtas kay Kelly ang nakita niyang bahagyang pag-ngiwi ni Andrew bilang reaksiyon sa babaeng biglang lumapit dito.
Ang babae ay may katawan na pang-Barbie. Pero ang mukha, Ronald Mcdonald. Nagmukhang clown sa kapal ng makeup.
"Pareng Andrew, dalhin mo 'yan sa sementeryo. Ipasok mo sa nitso. Buhay pa inaagnas na ang mukha kaya tinatakpan ng makapal na makeup." Isang tricycle-driver ang nang-alaska sa babaeng lumapit kay Andrew.
Ang carinderia ni Aling Adeng ay nagmistulang comedy bar, dahil halos lahat ng customers ay nagsipagtawan. Kabilang na sina Kelly at ang dalawa niyang beking kaibigan.
Napaingos lang sa kanilang lahat ang babaeng pinagtawanan.
ISANG gabi ay nakaramdam ng gutom si Kelly. Wala nang pagkaing natira sa ref nila. Bagaman gabi na ay sanay siyang lumabas at magtungo sa kalapit na convenience store sa lugar nila.
Bago iyon ay madadaanan muna sa kanto ang puwesto ng carinderia ni Aling Adeng. Sarado na iyon subalit sa labas niyon ay naroon si Andrew at naninigarilyo, pormang action star ang dating.
Kung bakit parang gustong bumalik ni Kelly sa bahay at magpaganda muna nang todo.
Natigil ang maharot niyang isip nang makitang mula sa isang eskinita na malapit sa kanto, ay biglang sumulpot doon ang kamukha ni Bentong. Mabilis itong nakalapit kay Andrew at walang ano-ano ay biglang inundayan nito ng saksak ang lalaki.
Sa maliksi at mabilis na kilos ni "Bentong" ay hindi iyon napaghandaan ni Andrew.
Mabilis na ring nakapuslit ang nakasaksak.
Hanggang sa mapahiga si Andrew na sapo nito ang tiyan.
Nasindak si Kelly sa nasaksihan. Gayunman ay agad niyang dinaluhan si Andrew. Malakas na sumigaw siya upang makahingi ng saklolo...