BAGO pa sumikat ang araw ay kalaboso na ang kawangis ni Bentong. Ang pulis na ama ni Leonora ang mismong nakadampot dito. Ang dalawa pang miyembro sa tatlong lasenggo ay pawang mabilis na nagsipagtago sa takot na madamay sa ginawa ng katropa ng mga ito sa inuman, bagaman wala naman talagang kinalaman ang dalawa roon.
Salamat at ligtas na si Andrew at wala namang malubhang napinsala sa kung ano mang parte ng vital organs nito sa katawan. Ang tinamong saksak ay hindi kalaliman ang sugat at tiyak lang na mag-iiwan ng marka ng pilat mula sa maliit na hiwa nito sa tiyan.
Kaya lamang ito napahiga matapos masaksak ay sa dahilang pagka-out-of-balance.
Sa paghingi ng saklolo ni Kelly sa kung sino man habang dinaluhan si Andrew nang gabing iyon, ay nabulabog nang malakas na boses niya ang mga tagaroon at agad ngang nabigyan ng tulong ang lalaki. Hanggang ospital ay sumama si Kelly.
Labis naman ang pasasalamat sa kanya ni Aling Adeng.
Sa totoo lang ay may gumuhit na guilt sa dibdib niya sa nangyari kay Andrew. Kung hindi dahil sa ginawa nitong pagtatanggol sa kanilang magkakaibigan noon ay hindi sana ito mababalingan ni "Bentong."
At lalo pang nakadagdag sa guilt niya nang malaman niyang hindi pala talaga si Aling Adeng ang nagbunyag noon ng sikreto ng kaibigang si Leonard sa ama nitong pulis.
Nangyaring nalaman niya iyon nang saglit silang makapagkuwentuhan ng ginang habang nakaupo sa lobby ng ospital at naghihintay ng resulta sa ginawang tests at pagsusuri sa natamong saksak ni Andrew.
Napansin daw ng ginang buhat noong magladlad si Leonard ay hindi na sila nagagawing magkakaibigan sa carinderia nito, maliban nitong huli nang magpasalamat silang tatlo sa anak nito.
Hindi naman nag-atubili si Kelly na aminin ang dahilan na nagawa niyang magkimkim dito ng munting sama-ng-loob mula sa pagbisto nito sa tunay na pagkatao ni Leonard. Sinabi niyang nakita niya itong kinausap ang amang pulis ng kaibigan.
"Hindi ho ba't isa kayo sa naging hurado nang gabing iyon ng pageant sa pagkapanalo ni 'Curacha'?" ani Kelly na wala naman sa tono ang sama-ng-loob o panunumbat.
At doon lamang niya nagawang maliwanagan sa ipinahayag na sagot ni Aling Adeng.
Ang naging paksa sa pagitan ng usapan ni Aling Adeng at ng pulis noon, sa halip ay tungkol pala iyon sa pagsusumbong ng ginang sa isang lalaking kakilala diumano ng ama ni Leonard, na madalas kumain sa carinderia ni Aling Adeng at lumaki nang lumaki ang utang sa tuwing kumakain na ipinapalista ang bayad. At ang lalaking iyon ay tatakasan na si Aling Adeng na hindi ito binabayaran.
Na siyang dahilan kung bakit may galit na rumistro sa mukha ng amang pulis ni Leonard at mabilis na pinasibad nito ang motor upang habulin ang kakilalang lalaki na nasa terminal na pala ng bus.
Ang namagitang usapang iyon ni Aling Adeng at ng amang pulis ni Leonard ay nabigyan lamang pala ni Kelly ng ibang interpretasyon. Malinaw na nagkamali siya sa kanyang hinala noon.
At bigla siyang nakaramdam ng hiya kay Aling Adeng sa napagtanto. Walang dahilan para maimbyerna siya rito noon o ang pagtaniman nila itong magkakaibigan ng sama-ng-loob.
Agad naman siyang humingi ng dispensa sa ginang at sinabi ang dahilan sa ipinagpalagay niyang hinala noon.
Sinabi nitong nauunawaan siya nito. Bagaman nang gabi ng pageant ay totoong nakilala rin pala nito si Leonard bilang Curacha; subalit sinarili na lamang nito ang natuklasan. Hinintay noon ng ginang kung kokomprontahin ito ng isa man sa tatlong magkakaibigan at willing naman itong makipagsabwatan na itago ang sikretong iyon ni Leonard o Leonora na ngayon. Gayunman ay sinekreto pa rin ni Aling Adeng ang natuklasan noong gabing iyon ng pageant hanggang sa kusa na rin iyong nabunyag.
Naisip ni Kelly na nais niyang makabawi kahit papaano sa mag-ina. Bigla ay may pakiramdam siya na parang may "atraso" siya kay Aling Adeng at "pananagutan" naman sa anak nitong si Andrew dahil nga sa natamo nitong saksak.
Pagkuwan ay may naisip siyang ideya: Gagawa siya ng paraan para kahit papaano ay makabawi sa mag-ina. May pasya na kay dagling nabuo sa isipan ni Kelly.