ANG dalawang gumamela ay muli nang nagbalik sa kanilang lugar nang halos sabay lang. At tinupad ni Harriet ang pangako nito noon na ise-celebrate nila sa bar ang pagiging magnobyo nina Kelly at Andrew.
Lubos sana ang kasiyahan ni Kelly dahil muli na ulit silang nagkasama-samang tatlo kung hindi lamang tumanggi sa kanila si Andrew na sumama ito. Nagdahilan itong medyo masama raw ang pakiramdam kaya hindi na pinilit ni Kelly ang nobyo.
Nang magsalita si Harriet ay tila may bahid ito ng pagdaramdam.
"Alam mo, Kelly, hindi naman kami manhid ni Leonora, eh. Ramdam namin na umiiwas sa amin si Andrew. Siguro dapat na lang din kaming dumistansya sa kanya bilang respeto... ano man ang dahilan n'ya."
"Pero hindi patas kung hihilingin n'ya sa 'yo na iwasan mo na kami bilang kaibigan mo," ani Leonora na hindi na rin naitago ang munting sama ng loob dala na rin marahil ng serbesang iniinom nila.
Sa kanilang tatlo ay ito ang medyo napaparami na nang inom.
"Hindi naman niya siguro hihingin sa akin na iwasan ko kayo..." ani Kelly na biglang nakaramdam ng hiya sa dalawa. "Pasensya na kayo, ha?" hinging paumanhin niya.
"No, It's okay. Hindi mo kailangan mag-sorry sa amin. Naniniwala ako na kaya mong balansehin ang pakikisama mo sa amin bilang mga kaibigan mo, at ang pakikitungo mo kay Andrew bilang boyfriend mo." Sa puntong iyon ay si Harriet ang mas mulat ang pang-unawa.
"Hindi kaya na-gang r**e 'yan si Andrew ng mga bakla kaya gan'on na lang siyang makaiwas sa mga tulad namin?"
Hindi naman ikina-offend ni Kelly ang sinabi ni Leonora, dahil sinambit nito iyon sa paraang pabiro lang.
Bagay na hindi niya tinawanan bagaman hindi din naman nagpaisip sa kanya sa seryosong paraan.
At mayamaya lang ay kusa nang naiba ang tema ng kanilang kuwentuhan. Napunta ang paksa tungkol sa napahabang bakasyon ng pamilya ni Leonora at ang pagbubukas ng parlor ni Harriet.
Pagkuwan, si Leonora ay muntik nang malunod sa isang basong beer dahil may dalawang babaeng nagsasabunutan ang nakabangga sa likod ng kaibigan habang umiinom.
Bigla silang napatayong tatlo dahil umabot na sa mesa nila ang dalawang babaeng nagsasakitan. Saka lamang napaghiwalay ang dalawa nang simula nang awatin ang mga ito.
At ang insidenteng may nag-away sa bar na iyon ay iba ang naging hatid ng balita sa naging kaalaman ni Andrew. Na sa halip, ang dalawang beking kaibigan ni Kelly ang nakipag-away.