IKA-SIYAM NA KABANATA

2371 Words
           MABUTI na lamang at naging tahimik ang naging klase namin sa buong hapon. Iba na kasing guro ang nagturo sa min at hindi ito masyadong masungit, tamang-tama lamang sa isang guro. Malumanay siyang magsalita at magaling magmanipula ng mga salita kung kaya’t mabilis kong naintindihan ang aming naging aralin, ang pagamit ng mga halamang gamot.            “Sigurado ka ba, binibini, na kaya mong mag-isa?” muling usisa ni Virginia n’ong marating namin ang tapat ng silid aklatan. Kanina n’ya pa kasi akong kinukulit na sasamahan n’ya na lamang daw ako sa buong oras na nasa silid aklatan ako lalo na at hindi raw siya panatag sa naging ugali ni Ginang Melchor sa kin kanina.            “Virginia, huwag ka ng mag-alala sa kin, kaya ko ang aking sarili,” paninigurado ko sa kan’ya. Hindi naman na ako bata na hindi kayang ipagtanggol ang aking sarili kung may mangyari mang masama.            “Sige, binibini, hintayin n’yo na lamang po ako mamayang alas siete ng gabi upang kayo ay sunduin ko,” tumango ako sa kan’ya bago ko tuluyang binuksan ang kilaki-laking pinto ng silid aklatan.            Pagkapasok ko ay walang halos na mga mag-aaral at may isa agad akong babae na nakita na katulad ko ay mukhang nagtratrabaho rin dito. Noong makita n’ya ako ay agad n’yang nilapag sa mesa ang dala-dalang iilang libro.            “Ikaw ba si Pilipina, binibini?” panimula nito.            “Ako nga,” nakangiti kong tugon.            “Wala si Ginang Melchor ngayon. Pinapasabi n’ya na baka siya raw ay pupunta rito baka mamaya pang alas sais kaya minabuti n’yang ibilin sa akin na linisan na lang daw natin ang kaliwang parte ng silid aklatan,” aniya.            “Sige, walang problema. May basahan pa ba?” determinado kong tanong.            “Iisa lamang kasi itong naitabi kong basahan si Ginang Melchor kasi ang nakakaalam kung nasaan ang iba. Mas mabuti pa ay ikaw na lamang ang magpunas at ako na lamang ang bahalang mag-ayos ng mga libro pabalik, ano ayos lamang ba sa ‘yo?” pagprepresinta nito habang naglalakad na kami pareho pabalik sa mesang pinatungan n’ya ng dala-dala n’yang mga libro kanina.            “Sige, walang problema,” anunsiyo ko.            Nag-unat muna ako habang hawak-hawak ang aking tagiliran bago muling umupo.            “Mukhang napagod ka sa buong araw,” nakangiti nitong saad bago sa akin ibinigay ang basahan.            “Nabigla lang yata ang aking katawan lalo na at buong araw akong naka-upo kanina. Kung iyong mararapatin itatanong ko sana kung ano ang iyong ngalan?” wika ko habang inuumpisahan nang punasahan ang makakapal na librong nakaparada sa aking harapan.            “Isiang, ako si Isiang, binibini. Maaring tulad mo ay nalinlang at nasilaw din ang aming pamilya sa mga salaping ipinapain ng mga bampira sa ating mga mortal kung kaya’t ilang taon na rin kaming nanatili rito,” nakunot ang aking noo sa kan’yang isinalaysay.            “Nalinlang? Nasilaw? Anong salaping ipinain sa inyo? Ngunit bago mo iyon sagutin ay tama ba ang narinig ko? Isa kang mortal, tao?” pag-uusisa ko.            “Opo, binibini. Isa akong mortal. Tulad mo ay isa rin akong purong tao,” tugon n’ya. Pinagpatuloy ko ang aking pagpupunas sa mga hawak kong libro kaya siya rin ay patuloy lang din sa pagsalansan ng mga inaayos naming aklat.            “Masarap sa kalooban na malaman na isa ka rin palang mortal. Mas panatag na akong kahit isa ay may kakilala akong katulad ko ng lahi. Ngunit maari bang malaman? Ano ang ibig sabihin mo sa iyong tinuran kanina? Nilinlang lamang kayo ng mga bampira?”             Nasorpresa ako sa aking narinig kong kaya’t mas lalong namahala ang kuryusidad sa aking dibdib. Umupo ito sa aking tabi bago pumewesto at nag-umpisang magsalaysay.             “Sa katunayan, binibini, ay nabuhay akong may karangyaan ang aming pamumuhay. Masaya ang buo naming pamilya noon kahit hindi naman gano’n kagara ang aming pamumuhay naging sapat na upang tustusan at gustuhin ang mga bagay na hindi basta-bastang nabibili ng pangkaraniwang mamayan lamang,” biglang lumungkot ang naging tinig nito.             “Ngunit isang araw may nakilalang negosyante mula sa Amerika ang aking ama, nagkapalagayan ng loob hanggang sa nakipagkasundo ang aking ama sa amerikano na magtatayo sila ng isang maliit na kainan sa bayan. Nagpalabas nang nagpalabas ang aking ama ng pera sa pag-aakalang mapagkakatiwalaan ang kan’yang bagong kaibigan ngunit lumipas ang ilang mga buwan at napansin na lamang namin na lagi na lamang lumalabas ng pera ang aking ama ngunit wala namang ni sintimo na binabalik ang amerikano, walang kahit na pisong kita ang sinasabi n’yang kainan na itinayo n’ya sa bayan. Ang lagi n’ya kasing rason ay isasabay n’ya na lamang upang mas malaki, sa matinding pagtitiwala ay hindi na namin pinag-isipan pa ng masama ang amerikano. Hanggang sa nagpang-abot na sila at doon namin natuklasan na niloko kami ng amerikano, kinamkam n’ya lamang ang kita ng kainan sa kan’yang bisyo. Noong singilan na ay wala na itong naisauli pa sa min lalo at nalaman naming nabaon na siya sa sugal na pati ang kainan kasabay ng aming pinuhunan ay nawalang parang bula,” pagsasadula ni Isiang.             “Nakakalungkot ang nangyari sa inyo ngunit anong sumunod na naganap?” aniya ko.             “Nanghina ang aking ama, dinamdam n’ya ng lubusan ang nangyari hanggang sa dinala namin siya sa pagamutan at kinakailangan naming makalikom ng malaking salapi. Doon kami lumapit sa kakilala naming parokyano na matagal nang nanatili rito sa unibersidad. Pinautang kami ng mga bampira, sinilaw nila kami sa kanilang magagadang panukala at kuwento na kesyo mas maganda ang aming magiging buhay dito ngunit ang kapalit naman ay…” Hindi ko alam kung bakit bumalik ang malakas na tahip ng aking dibdib.             “Ang pagtalikod sa sarili naming lahi,” seryoso n’yang tugon.             “Anong ibig mong sabihin, Isiang?” tanong ko pa.            “Habang buhay na kami rito, kung akala mong basta-basta kang makakaalis dito, binibini, doon ka nagkakamali. Dahil hindi, maling-mali, hindi na tayo makakalabas sa unibersidad na ito habang buhay na tayong alipin ng mga bampira.” Ano?!            “Isiang! Isiang! Isiang! Puro kasinungalingan! Anong pinagsasabi mo kay Pilipina ha?! ‘Yang baluktot mong pinaniniwalaan?! Hindi na kayo nagtrabaho! Imbes na mga aklat ang atupagin ninyo ay nagkuwentuhan pa kayong dalawa. Tumayo na kayong dalawa diyan at kunin ninyo ang mga bagong aklat sa likod ng silid aklatan! Kailangan ‘yong mailagay dito sa madaling panahon,” masungit na utos ni Ginang Melchor bago ako pinasadahan ng masasamang tingin. Mukhang habang buhay ng may sama ng loob sa akin ang ginang.            “Pasensiya na po, Ginang Melchor. Kukunin na po namin ni Binibining Pilipina ang mga aklat,” sagot ni Isiang. Hindi na nakapagsalita pa si Ginang Melchor n’ong hilahin ako ni Isiang palabas ng silid aklatan at binabay namin ang panibagong daanan sa kaliwang parte ng silid aklatan. Kung sa kanan ka kasi tutungo ay makakalabas ka na at mararating ang harapan na dinaanan namin ni Virginia.            “Muntikan na tayo roon, binibini! Ayaw na ayaw pa naman ni Ginang Melchor na nagsasalita ako laban sa lahi nila. Hindi pa kasi nila aminin na ginamit lamang nila tayong mga mortal, ito naman kasing mga nasa gobyerno nagpapakasasa sila sa mga salaping ibinibigay sa kanila ng mga halang na kataas-taasan,” may sama ng loob na ani ni Isiang.            “Saan tayo pupunta, Isiang?” tanong ko n’ong marating namin ang isang lugar sa likod ng silid aklatan at kakikitaan ng mga sunod-sunod na kabahayan.             “Malapit na tayo, binibini,” sagot n’yang hindi man lang ako nililingon.             Maraming nilalang ang nandoon sa likod, may mga bata pang nagtatakbuhan, nagpapalipad ng saranggola o ‘di naman ay nagtatagu-taguan. May nakita nga rin akong grupo ng mga ginang na may dala-dalang mga batya.             “Ayan! Tig-isang kahon na muna tayo, binibini, babalikan na lamang natin ang iba. Marami-rami pala ito,” bulalas ni Isiang. Ngunit nanatili akong nakatanaw sa kabahayan sa ‘di kalayuan.             “Binibini?” tawag n’ya at doon n’ya nasilayan na nakatingin ako sa lugar na aking tinutukoy.             “Hindi ka pa ba nakapunta rito, binibini? Iyan ay ang komunidad ng unibersidad. Ang mga kabahayan na ‘yan ay mas marami pa kung papasukin natin ang komunidad. Halo-halo na ang mga nandiyan, may mga bampira at mga taong katulad namin ay nasilaw na rin ng mga bampira,” sambit niya.             “Ngunit bakit parang mas marami ang mga tao? Hindi kasi sila katulad ng mga bampira na may mapaslaw na kulay ng balat,” ani ko naman. Mas marami na akong nakakahalubilong mga bampira at lahat sila may iisang katangian, ang taglay nilang kaputlaan.             “Tama ka dahil sa abot ng iyong nakikita talagang mas marami ang mga kabahayan dito na mga tao ang namamalagi,” sagot naman ni Isiang.             “Gano’n pala,” wika ko naman atsaka ko inumpisahang buhatin ang isang kahon ng may lamang mga bagong aklat.             “Binibini, alam kong pinaliligiran ka ngayon ng mga bampira. Ngunit huwag kang lubos na magtiwala sa kanila, pare-pareho lamang sila. Ginagamit tayong mga tao, pinapaikot tayong mga tao hanggang sa makuha nila ang gusto nila mula sa atin,” aniya.             “Ang kagustuhan lang nila ay siyang talikuran natin ang mismong lahi natin,” dugtong n’ya.             Hindi na muli kaming nakapag-usap pa ng masinsinan dahil minamadali na kami ni Ginang Melchor na madala lahat ng mga kahon sa silid aklatan. Halos sampu iyon lahat at lahat ay may lamang mabibigat na libro. Halos mangalay ang likran ko sa kakapabalik-balik sa likod at silid aklatan na dala-dala ang mabibigat na kahon.             Kapuwa kami pawisan ni Isiang ng matapos namin ang aming trabaho. Pareho kaming natahimik na uminom ng tubig n’ong maisalansan namin ng maayos ang mga aklat sa naglalakihang mga istante na naririto.             “Mabuti naman at nagawa n’yo nang maayos ang aking inuutos. Oh siya, maari na kayong umalis. Ako na lamang ang magsasara nitong silid aklatan, aasahan ko kayong dalawa bukas ng hapon,” bigla-biglang sulpot ni maestra. Sabay kaming tumango ni Isiang sa kan’ya bago n’ya kami tuluyang iniwanan sa mesang aming kinauupuan.             “Gusto mo ba samahan kitang mamasyal ngayon? Halika sa aming tahanan, malapit lamang iyon,” pag-aayaya ni Isiang.             Maganda sana kaso baka hanapin ako ni Virginia kapag hindi n’ya ako nandatnan dito maya-maya.             “Sa susunod na lamang siguro, Isiang. Baka kasi hanapin at mag-alala sa kin ang aking kaibigan at kasama sa silid pahingahan,” ani ko naman habang nagsisimula ng magligpit ng aking kagamitan.             “Sino si Virginia Alegria, binibini?” tanong nito.             “Oo, kilala mo ba siya?” sagot ko naman.             “Masyado ka naman yata nilang binabantayan, binibini. Ngunit upang sagutin ang iyong katanungan ay oo, kilala ko sila. Kung kaya’t mas mabuting mag-ingat ka sa kanilang grupo, mga bampira pa rin sila. Hindi maasahan,” patutsada nito na siyang nginitian ko na lamang.             Hinawakan n’ya ang aking dalawang kamay at seryosong nagsalita.             “Huwag mong isawalang bahala ang aking mga sinasabi, binibini. Mas mabuti na mag-ingat tayo sa kanila, hindi pa rin natin sila kalahi. Hindi tulad nila ay wala tayong mga kapayarihan na maaring makabasa o makapagpanipula ng ating mga nakakasalamuha,” dugtong nito.             Bumakas ang silid aklatan kaya pareho kaming napalingon doon, si Virginia pala. Nakangiti ito n’ong tinungo n’ya ako.             “Nandiyan na pala ang iyong sundo, binibini. Mauna na ako,” pagpapaalam ni Isiang.             “Sige, salamat sa araw na ito, Isiang,” sagot ko naman sa kan’ya.            Nagkasalubong sila ni Virginia ngunit hindi man lang bumati si Isiang sa kan’ya. Mukhang malaki ang galit nito sa mga bampira dahil sa nangyari sa kanilang pamilya.            “Binibini, kamusta ka? Napagod ka ba?” agad na bungad sa kin ni Virginia. Umiling ako.            “Umuwi na tayo, mukhang nabigla ang aking katawan sa aking mga pinagagawa sa araw na ito,” sagot ko.            “Mabuti pa nga po,” aniya.            Nagtanguan kaming dalawa sa isa’t isa bilang hudyat na kami ay aalis na. Pinagbuksan ako ng pinto ni Virginia at nagulat na lamang kaming dalawa nang madatnan naming nakatayo sa labasan ng silid aklatan si Tres habang nakasandal naman sa pader ng silid aklatan si Dos.            “Magandang gabi, Binibining Pilipina. Pati na rin sa ‘yo, Binibining Alegria,” bati sa min ni Tres.            “Magandang gabi rin po, Tres,” sagot ko naman.            “Ngunit wala ng mas gaganda sa gabi kung hindi n’yo masisilayan ang kaguwaphuhan ko, kinakapatid,” pilyong saad ni Dos na siyang kapuwa nagpatawa sa min ni Virginia.            “Joaquin Gervacio nga pala ang aking ngalan, kinakapatid na Ina. At ito nga pala bulaklak pinabibigay ng aking pinsan na si Uno,” aniya. Bago sa akin ibinigay ang isang kumpol ng pulang rosas. Hindi ko mapigilang hindi ngumiti ng malapad.            “Hindi na sana siya nag-abala pa,” sagot ko naman.            “Kinakapatid, kahit kailan man hindi ka abala para kay Uno,” mabilis na tugon ni Dos.            “Kinakapatid?” takha kong tanong.            “Kinakapatid kasi parang kapatid ko na rin naman ang pinsan kong si Uno kaya kapag nag-isang dibdib kayo magiging kapatid na rin kita. Ayaw mo n’on may kinakapatid kang kasing guwapo ko?” Hindi ko alam na may angking kahanginan pala itong si Dos.            “Ha? Ah,” nagdadalawang isip kong tugon.            “Uy! Hindi siya sumalungat! Nagugustuhan mo na rin ba ang pinsan ko?” panunukso ko naman.            “Subukan n’ya na muna kayang harapin ako at huwag maging duwag na panay kubli lamang, kung totoo n’ya akong iniibig dapat nandito siya nakatayo sa aking harapan kaysa utusan kayong dalhin pa sa akin itong bulaklak,” bugnot kong reklamo.            “Pfft! Ang dami mo namang sinabi, binibini. Mauuna na kami,” pagpapaalam ni Dos.            “Paki sabi sa kan’ya, salamat,” pahabol ko pa.            Bago ko nakangiting inamoy ang mga bulaklak. Ngunit hindi nagtagal ang ngiti kong iyon, tulad ng sabi ni Isiang at ni Ginang Melchor kanina tao pa rin ako at isa pa rin siyang bampira. Kailangan kong mag-ingat.   Uno’s POV               “Paki sabi sa kan’ya, salamat,” pahabol n’ya kay Dos. Napasuntok na lamang ako sa hangin dahil sa galak.             “Tagumpay!”             Aking inay, sana makilala mo si Pilipina dahil sigurado akong makakasundo kayo, magugustuhan mo siya. Hindi ang ibig kong sabihin ay… gusto ko siya, gustong-gusto ko siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD