“DUMAAN po muna tayo sa kantina, binibini, hindi po kasi ako nakapagluto kanina kasi may pinuntahan po ako kasama sila Sanura,” wika ni Virginia habang nasa kalagitnaan na kami nang paglalakad tungo sa aming silid pahingahan. “Ikaw ang bahala, Virginia, mukhang nanibago ang aking mga balikat sa dami ng aming binuhat kanina ni Isiang,” tugon ko naman. “Kamusta naman po si Isiang, binibini? Wala naman po ba siyang pinagsasabi sa inyong kakaiba?” tanong ni Virginia n’ong malapit na kami sa kantina. Nilingon ko siya at tamang-tama dahil nakatingin din ito sa akin. Nababasa ko sa mga mata n’ya na may gusto itong malaman ngunit hindi n’ya maitanong ng diretso. “Nababasa mo pa ba ang mga naiisip ko, Virginia?” pag-iiba ko ng usapan.

