IKA-LABING ISANG KABANATA

4171 Words
           “PAANONG?! Mga mukha ko ang naririto?” simple kong nabanggit matapos kong mapagtanto na ang mga kandelebrang isa-isang umilaw kanina ay may iniilawan palang iba’t ibang pinta, hindi lang iyon basta-bastang pinta lingid sa kagandahan ay lahat ng iyon ay...            Mayroong mukha ko.            Merong habang ako ay naglalakad, nagbebenta, kasama si inay, mayroon din na habang ako ay may dala-dalang libro at marami pang iba. Tumigil ang pagkasunod-sunod ng mga ubra maestra sa mukha kong nakangiti habang nanood ng parada. Ito ‘yong araw bago ako napadpad sa unibersidad na ito. Paano nangyari ang mga ito? Paano n’ya nagawang pagmasdan ako at iguhit na lamang ng gan’yan kaganda? Higit sa lahat ay sino ang nasa likod ng mga ubrang ito? Hindi naman siguro ngunit si Uno kaya?            “Hindi mo ba talaga ako matandaan, aking binibini?” isang baritonong boses. Kilala ko na ang may-ari ng boses na iyan. Agad kong ibinaling ang aking atensiyon sa pinagmulan ng tinig na nasa aking likuran, nakaupo siya sa isang silya habang nakadekuwatro. Nanatiling madilim ang parte kung nasaan siya naka-upo ngunit wasto na ang mga ilaw sa paligid para maaninag ko ang kan’yang buong pigura. Malaking mga balikat, malaking tao, base sa boses at tawag n’ya.            Si Uno.            Dahan-dahan n’yang sinindihan ang kandelabrang malapit sa kan’yang kinaroroonan, hindi naman na ito nauwi sa wala dahil binigyan nito ng malinaw na bisyon ang aking mga mata sa kan’yang buong mukha.            Matangos na mga ilong, mahabang pilik mata, abuhing kulay ng mga mata, maputi at makinis na mga balat, higit sa lahat ay ang kulay ng kan’yang natural na buhok na mas lalo pang mas dumagdag sa kaaya-aya n’yang pigura.            Napakagandang lalaki n’ya.            “Hindi talaga?” sumilay ang napakatamis na ngiti sa kan’yang mga labi na siyang mas lalong nagpaganda sa kan’yang mukha.            Mas lalo siyang guma-guwapo kapag nakangiti. Hindi nawawala ang awtoridad sa kan’yang awra ngunit ibang-iba ang kaharap kong Uno ngayon kaysa sa Unong nasisilayan ko lamang kapag nagagalit siya sa mga nilalang na pinagdidikistahan ako.            Ngunit nanatiling blangko ang aking isipan, saan nga ba kami nagkita?            “Ina?” tawag n’ya sa king ngalan. Bakit parang kapag siya ang magbanggit ang ganda pakinggan ng aking palayaw?            “Ha? A-ah,” nauutal kong saad.            Tumawa ito ng mahina bago muling nagsalita. “Mukhang hindi ganoon katanda-tanda ang aking mukha, nakalimutan mo na ako agad,” lumungkot ang mga mata n’ya na sinundan ng kan’yang mukha kaya agad akong naalarma.            “Teka! Hindi naman sa ganoon, pasensiya na pero, mukhang nag-uulyanin na ako,” nahihiya kong sagot.            “Pfft! Huwag mo na lamang pilitin pa, mabuti pa ay uumpisahan ko na lamang ang pagpapapa-alala sa ‘yo ng una nating pagkikita, ‘yon ay kung ayos lamang sa ‘yo, binibini?” Nahuhumaling ako sa kan’yang tinig, hindi ko talaga mapigilang mapatitig na lamang sa kan’ya at matulala.            “Hahaha! Mukhang oo naman ang iyong sagot, natahimik ka,” umalingaw-ngaw sa buong silid ang kan’yang naging tawa. Ako naman, biglang tumahip ng malakas ang kahihiyan sa aking dibidb.            Ano ba? Bakit ba kasi ako natutulala na lamang sa hangin?!            “Ah! Oo naman!” bawi ko. Kahit naman papaano ay mabawas-bawasan ang pagkatulala ko. Aaminin ko, ang guwapo nga n’ya.            Ngumisi ito bago umayos ng upo at nagsalita. Kahit sa pag-upo ay hindi maikakaila ang lakas ng kan’yang karisma.            “Araw noon ng linggo habang ang mga mamayan ay nagkukumahog upang makadalo ng inyong linggohang misa, ngunit ikaw ay kakalabas lamang sa isang maliit na kainan. Kung hindi ako nagkakamali ay malapit din iyon sa pinakamalaking simbahan na meron ang inyong lugar,” napatigil ito sa pagsasalita at direktang tumingin sa aking mga mata. Nanlaki ang mga mata ko sa ginawa n’ya, kaya imbes na matulala na lamang ay umiwas ako ng tingin habang binabalaan ang sariling umayos.            “Nakasuot ka pa nga noon ng epron na asul,” nakangiti n’yang pagbabalik tanaw. Epron? Malamang ay kakatapos ko lang noong gawin ang aking trabaho sa kainan ni Aleng Mersedes.            “Mabilis mo lamang na pinagpag ang iyong suot bago mo hinubad ang suot mong epron at inulugay ang iyong kay gandang buhok. Tapos ay umupo ka’t bumili ng isang mangkok ng pagkain, nagtitingin-tingin sa paligid hanggang sa namataan mo ako, nakatayo ako noon sa poste habang nakatingin sa ‘yo,” pinaglalaruan n’ya ang kan’yang mga daliri habang nanatiling nakatitig sa kin ng diretso. Paano n’ya nagagawang tumingin sa kin ng matagal!?   (Pagbabalik tanaw) Filipinas Marso 4, 1890                        Nakaupo ako sa isang silya at aambahin ko na sanang higupin ang sabaw na ibinigay lamang sa akin ni Aleng Mersedes nang makita ko ang isang lalaking nakatingin sa akin sa may poste na hindi naman kalayuan sa aking kinauupuan. Mukha naman itong desente at may kaya base sa kan’yang suot na damit. Sinipat ko siya at mukhang nagugutom na kaya kahit kunti na lang ang natitirang salapi sa aking bulsa ay bumili ako ng isa pang mangkok ng pagkain bago ko inanyayahan ‘yong lalaki.            Gamit ang aking kamay ay sinenyasan ko itong lumapit sa kin. Noong una ay naglilingon-lingon pa siya, siguro ay naninigurado na siya nga ang aking tinatawag. Natawa ako sa naging reaksiyon n’ya kaya tinuro ko siya, mas lalo akong napatampal ng aking mukha nang ituro n’ya rin ang kan’yang sarili. Natatawa man ay tumango na lamang ako sa kan’ya upang matapos na ang aming pagsesenyasan, nagmumukha na akong timang.            Mabilis ang naging lakad n’ya kaya agad itong naka-upo sa aking harapan. Sakto naman dahil agad na pinatong ng kasamahan ko sa kainan ang binili kong isa pang mangkok. “Kain na tayo,” nakangiti kong sambit sa kan’ya.            Nagpatuloy ako sa pagkain at siya naman ay nagsimulang sumubo. Hindi ko alam pero parang kidlat sa bilis ang pagkakakain n’ya. Wala pa nga ako sa kalahati ng kinakain ko nang maubos n’ya na ang sa kan’ya. Kinabahan tuloy ako at baka siya ay dumagdag pa, wala na akong pambayad!            “Maraming salamat, binibini. Napakabait mo sa akin kahit hindi mo ako lubos na kakilala,” wika n’ong lalaki, buti naman at wala na siyang balak na kumain pa. Bumuntong hininga ako ng malalim.            Mula sa boses hanggang sa kan’yang matatangos at maamong mga mata ay alam kong hindi lang ako ang nagagandanhang lalaki sa kan’ya rito. Alam kong ang ibang kumakain ay kanina pa siya sinisipat. Siguro nga ay sa gutom at pagod ko kanina ay hindi ko na masyadong nabigyang pansin ang maamo n’yang mukha.            “Ah? Wa-walang anuman, sana ay nabusog ka,” nauutal kong wika.            “Ako pala si…”   (Pagtatapos ng pagbabalik tanaw)               “Zacarias Gervacio? Ikaw pala si Uno?!” bulalas ko n’ong maalala ko na ang una naming pagkikita. Sino ba namang mag-aakala!             Ang maamong lalaking pinakain ko ay ganito pala makapangyarihan sa lugar nila?!              “Sa wakas naalala mo na ako, ako nga, ako ‘yong binatang tinawag mo upang pakain kahit huling salapi mo na lamang ang iyong pinangbayad, binibini,” aniyang nakangit. Nasaan na ‘yong ‘akin’.            Biro lang!            “Ikaw pala ‘yon! Lagi kasi kitang sinusubukang sipatin noong nandirito na ako ngunit kung hindi naman madilim o nakatalokbong ka ay wala namang pagkakataon,” pag-aamin ko pa.            “Paumanhin, hindi ko kasi alam kung paano ako magpapakilala o hindi naman kaya ay paano ako muling magpapakita sa ‘yo, siguro nga ay naduwag ako na baka ako ay iyong iwasan,” seryoso n’yang sambit.            “Iwasan? Bakit naman kita iiwasan? Atsaka ano naman ngayon kapag iniwasan kita? Naku! Napakarami mo namang oras para pag-aksayahan pa ng panahon at pansin ang isang tulad kong ‘di hamak na pangkaraniwang mortal na dinala mo rito sa inyong unibersidad,” sunod-sunod kong saad.              Umiling ito bilang tugon. “Hindi ‘yon totoo, Ina. Hindi ka pangkaraniwan lamang. Hindi ko rin akalain na mula sa araw na iyon ay hindi ka na maalis sa aking panaginip at isip, hindi ko iyon ginusto pero nangyari na lang. Nagsimula akong subaybayan ka sa araw-araw hanggang sa nakakita ako ng tamang panahon para makuha ka at dalhin sa mundo ko. Laking pasalamat ko noong nilapitan ako ng pangkat nila Sanura. Kasi simula noong ganoon mo na lamang ako pakitaan ng kabutihan ng puso, nasabi kong nakita ko na ang taong magsisilbing lahat-lahat ko,” seryosong-seryoso n’yang wika. Hindi ko alam pero parang muntikan na lamang uminit ang dalawa kong pisngi, ngingiti-ngiti akong yumuko.            “Huwag kang mag-alala kinausap ko ang iyong inay tungkol dito kaya at sinigurado ko ring nasa mabuting kalagayan ang iyong inay. Kung kaya sana habang nandirito ka ay subukan mo na lamang na maging masaya na rin,” dugtong pa n’ya.            Kaya pala ang dami n’yang napintura gamit ang mukha ko.            “Sa-salamat, Uno,” nahihiya kong tanong. Kapuwa kami nagkatitigan at n’ong tumagal ay agad na nag-unahan upang ibaling sa iba ang aming tuon.            Tumayo siya ay unti-unting naglakad palapit sa akin kaya umatras naman ako, ano bang ginagawa n’ya?! Hanggang sa wala na akong ma-atrasan pa. Naramdaman ko na lang kasi ang malamig na pader na aking kinasasandalan ngayon.            “A-anong gagawin mo--” hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil agad n’ya na akong yinakap ng mahigpit.            Biglang lumakas ang tahip ng aking dibidb, pinaghalong kaba, saya at hiya. Sa angkin n’yang taas kailangan ko pang itaas ang aking mga paa upang maabot ang kan’yang malalaki at matitibay na mga balikat. Hanggang pagitan ng tiyan at dibdib n’ya lamang ang abot ko.            Noong maramdaman n’ya sigurong hindi ko naibabalik ng maayos ang kan’yang naging yakap ay siya na mismo ang mas yumuko upang maabot ko siya at mas lalo n’yang hinigpitan ang pagkakayakap sa akin. Nagdadalawang isip man ngunit unti-unti kong inangat ang aking mga kamay upang malumanay na tapik-tapikin ang kan’yang likran.            “Hinintay ko ang panahong ito, ang mayakap ka, aking binibini,” anang n’ya. Matapos n’yang sabihin ang mga katagang iyon ay natuod na lamang ako habang ang dibdib ko ay mas lalong kumakabog ng malakas, kinakabahan ako na hindi ko mapaliwanag.            Ngayon ko lamang naramdaman ang ganitong emosiyon sa halos dalawang dekada ko sa mundo.            Hinaplos n’ya ang aking buhok bago ako bitawan. Hindi n’ya inilayo ang aming mga katawan sa isa’t isa kaya ngayon ay malaya ko siyang napagmamasdan ng mas malapit.            Ang guwapo pala talaga n’ya, lalo na kapag nasa malapitan. Anas ng aking isipan.            “Ang ganda mo pala talaga kapag nasa malapitan,” banggit n’ya habang diretsong nakatitig sa aking mga mata na may ngiting nakasilay sa kanyang labi.            “Pwede ka bang maging akin, binibini?”            Ano ba! Ang bilis ha! Mas lalong kumalabog ang aking puso at unti-unti ng bumalik ang init sa ang aking magkabilaang pisngi.            “Ha? Ah eh,” ang tanging mga salita na aking nabanggit.            “Ang ibig kong sabihin ay, pwede ka bang ligawan?” diretsahan n’yang tanong.            Napanga-nga ako sa kan’yang sinabi, ganito pala ang pakiramdam. Hindi na ako nakasagot pa. Kaya ang sumunod n’yang ginawa ay hawakan ang aking kanang kamay at halikan ang likod nito.            “Hindi mo naman kailangang sumagot ngayon, hindi rin naman ako nagmamadali, kaya kong maghintay basta para sa ‘yo,” hirit pa n’ya bago ako hinalikan sa aking… noo.            Nang mailayo n’ya ang kan’yang malalambot na labi sa aking noo ay hinayaan ko na lamang ang aking malawak na ngiti.            “Ngunit ako ay ipagpaumanhin mo na dahil kahit hindi ka makasagot ngayon ay ipagpapatuloy ko pa rin ang aking panliligaw,” muling pagsasatinig ni Uno.            May magagawa pa ba ako? Mukhang buo na rin naman ang kan’yang pasya na ako ay ligawan. Hindi naman ako isang babaeng magpapadalagang filipina pa. Hi-hindi-an ko pa ba ang ganito kagandang lalaki?            Ano ‘yon? Ginto na magiging bato pa?            Unti-unti akong tumango sa kan’ya bilang tugon na mas lalong nagpaliwanag sa kan’yang naging ngiti.            “Salamat, Ina. Bagay na bagay ang iyong ngalan sa ‘yo, Ina, aking inamorata,” anito. Hindi ko alam kung gan’yan lamang siya magsalita o talagang madulas lang talaga ang kan’yang dila.            “Hindi ito basta dulas lamang ng dila, totoo ang lahat ng aking sinasabi. Katulad mo ay ngayon lang din naman ako sumubok na magmahal at ng isa pang mortal,” nakangiti n’yang tugon.            Nakalimutan ko na naman, bampira pala ang aking katalastasan.            Kapuwa rin namin hindi na malayan ang pag-usad ng oras. Matapos n’ya kasing ipagtapat ang kan’yang nararamdaman sa kin ay mas pinili naming maupo na lamang sa gitna ng kuwarto at pagmasdan lahat ng kan’yang pinta na naglalaman ng aking mga mukha. Siya pala talaga ang gumawa noon at hindi naman maikakaila na may angking galing siya sa larangan ng pagpinta at pagguhit. Nagsimula kaming mag-usap ng kung ano-ano lamang hanggang sa mapunta kami sa mga panahon na nakita n’ya ako sa lansangan o sa labas ng aming tahanan at napagdesisyunan na ipinta.            “Hindi natin na malayan ang oras! Alas singko na pala ng hapon, kailangan ko ng mag-umpisang maglakad patungo sa silid aklatan,” bulalas ko at nagmadali ng tumayo’t ayusin ang aking mga kagamitan.            “Ihahatid na lamang kita—“ pag-aalok n’ya matapos n’yang kunin ang silyang inupuan ko at siya na mismo ang nag-ayos noon.            “Huwag na! Ang ibig kong sabihin ay kahit huwag na, alam ko na marami ka ring dapat na gawin para sa unibersidad kaya mas mabuting gawin mo na lamang ang iyong mga dapat gampanan at kaya ko naman ang aking sarili,” mahaba kong paliwanag. Ang totoo n’yan ay hindi ko alam kung anong magiging reaksiyon ng mga nilalang dito kapag nakasulubong nila ang kanilang tinitingalang si Uno ay kasama ang isang katulad kong mortal.            “Marunong ka ba? Hindi ba at unang beses mo lamang magawi sa lugar na ito?” paninigurado n’yang wika.            Muntik ko ng makalimutan, oo nga pala!            “‘Yan! ‘Yan ang magiging problema ko, sabi ko nga ay mas mabuti nga sigurong ihatid mo na lamang ako,” natatawa kong sagot. Kahit ilang oras lamang ang aming pagsasama ay naging komportable na ako sa kan’yang presensiya.            Mabilis lamang siya makapalagayan ng loob.            “Pfft! Walang problema, malugod kitang ihahatid,” anang n’yang sumesenyas na magsimula na kaming lumakad.            “Ngunit? Ayos lamang ba na makita ng iba na kasama kita? Kahit naman ganito tayo ay isa ka pa ring bampira na may mataas na posisyon sa lipunang ito,” nag-aalala kong tanong.            “Wala namang problema iyon, higit sa lahat ay halos alam naman na ng lahat ang tungkol sa iyo. Isa pa ay hindi ko na hahayaan pang makawala ka pa, pagkakataon ko na ito para naman ipagmalaki kong nasa tabi ko na ang babaeng hinahangad ko sa matagal na panahon,” banat na naman n’ya.            “Alam mo ikaw? Para sa isang seryosong presidente ng mga mag-aaral dito napakadulas ng dila mo, ano? Hindi ka nauubusan ng mga kung ano-anong mabubulaklak na salita. Halikana nga at baka tuluyan na akong mahulog sa ‘yo,” tinalikuran ko siya at sigurado akong nagulat siya sa sinabi ko kaya n’ong makalayo-layo ako ay muli ko siyang nilingon.            “Biro lang! Halikana! Ihahatid mo ba ako o hindi?” muli kong pagtatawag.            “Ihahatid, ang lakas mo yata sa akin,” wika n’ya. Napahalukip ako ng aking buhok. Ang dami n’ya talagang sinasabi.            Nagtitinginan o kung hindi naman ay napapalingon ang mga estudyanteng nakakasalubong naming dalawa habang ang kasabay kong maglakad ay simpleng-simpleng naglalakad habang ang dalawang kamay ay nasa likod n’ya at nakaligkis.            Panay ang silip ko sa kan’ya sa tuwing sinusundan talaga kaming dalawa ng tingin ng mga nakakasalubong namin. Ito ‘yong sinasabi ko eh, kung alam ko lang talaga ang daan pabalik ay hindi na ako magpapahatid.            Tahimik kaming naglalakad na dalawa, minsan ay nagkakatinginan pa kapag nililingon namin ang isa’t isa.            “Hindi ka naman pinapahirapan ni Ginang Melchor?” untag n’ya n’ong wala ng halos estudyante sa dinadaraanan namin.            “Hindi, kayang-kaya, mas nakakapagod nga ang maging taga-hugas sa kainan ni Aleng Mercedes kaysa sa trabaho ko sa silid aklatan,” sagot kong umiiling pa.            “Buti naman, isumbong mo sa kin pagpinapahirapan ka,” seryoso n’yang wika habang nakatingin sa harapan namin. Hindi ko na siya sinagot pa at binalingan din ng tingin ang nasa harapan namin sina Dos at Tres pala.            “Uy! Magkasama na sila!” tukso agad ni Dos sa min bago nakipagkamay kay Uno.            “Magandang gabi, Dos at sa ‘yo rin, Tres,” bati ko sa dalawa. Kapuwa sila hindi na nagsatinig ng tugon sa halip ay tango at saludo na lamang ang kanilang pinalit.            “Ano? Kayo na ba?” tanong ni Tres.            “Gago! Anong sa tingin mo? Nagbabahay-bahayan lang kami?” sagot ni Uno kaya napalingon ako sa kan’ya. Bakit hindi n’ya na lang kasi sagutin ng deretso, hindi ba?            “Ha? Anong kami? Hindi pa!” bulalas ko. Kung ayaw n’yang aminin eh ‘di ako ang aamin.            “Uy! Ang hina naman! Bakit hindi pa, pinsan? Hindi ka pinalaki ni ama na usad pagong!” tukso ni Dos kay Uno.            “Tsk! Ulol,” matigas na tugon ni Uno.            “Dos, hindi naman kami nagmamadali atsaka ano namang mali kung hindi pa kami?” busangot kong tugon at nagsimula na ulit maglakad.            “Oh! Maghunos dili ka, kinakapatid, ito naman hindi mabiro!” bawi naman ni Dos.            “Diyan na kayo, ihahatid ko muna si Ina,” pagpapaalam ni Uno bago n’ya ako walang kahirap-hirap na hinabol.            “Kaya ko naman na, bakit hindi ka na sumama sa kanila?” tanong ko sa kan’ya n’ong magkasabay na ulit kaming naglalakad. Binabagalan n’ya lang talaga dahil kung tutuusin ang haba ng kan’yang mga binti at siguradong mahihirapan akong habulin siya.            “Mas importante ka,” hindi siya nakatingin sa kin kaya mas mabuti na ‘yon at baka makita na naman n’yang nangangamatis ang aking mga pisngi.            “Ako na lamang ang magsusundo sa ‘yo mamaya, may pupuntahan tayo,” aniya. Aangal pa sana ako kaso binuksan na n’ya ang pinto ng silid aklatan kaya wala na akong nagawa kundi ang pumasok.            “Ingat ka, aking Ina,” saad n’yang may matamis na ngiti sa kan’yang mga labi.            Nakangiti akong isinarado ang pinto at naglakad sa gawi ni Isiang na ngayon ay nag-uumpisa ng magwalis.            “Mukhang masaya ka ngayon, binibini. May nangyari ba?” bungad n’ya sa kin.            “Ah? Wala! Wala ah,” aniya ko ngunit agad namang sumulpot si Ginang Melchor at dati n’yang gawi pinasadahan na naman n’ya ako ng masamang mga tingin.            “Nakatungtung lamang sa kalabaw, ang akala naman ng iba diyan ay kung sino na siya. Naku! Hampaslupa!” pagpaparinig n’ya pa.            “Ayusin n’yo trabaho n’yong dalawa at hindi naman mauwi sa wala ang pinagpapaaral at binibigay sa inyo ng unibersidad,” utos pa n’ya bago kami tuluyang lagpasan ni Isiang.            “Naku! Nakakain na naman yata ng ampalaya ang Ginang Melchor,” natatawang bulong ni Isiang.            “Isiang! Anong sinabi mo?!” hiyaw na naman ni Ginang Melchor, nagkatinginan kaming dalawa bago siya natatawang sumagot.            “Wala po!”            Naging abala agad kami ni Isiang na walisan ang kabuoan ng silid aklatan, buti na lamang at wala ng halos na mga estudyante ang naroroon pa.            “Binibini, kamusta naman po ang naging usapan ninyo ng Panginoong Uno?” mula sa katahimikan naming dalawa ni Isiang ay binasag n’ya ito gamit ang tanong na iyon.            “Ha?” tanging na sagot ko na lamang.            “Hindi ba at pinatawag ka n’ya kanina? Anong nangyari? Kinikilig naman ako sa ‘aking binibini’!” tukso n’ya pa habang sinusundot-sundot ang aking tagiliran.            “Wala! Ano ba ang dapat na mangyari? Tigilan mo nga ako, Isiang!” natatawa kong daing.            Naku! Binibini! Halos lahat ng mga kababaehan rito, mapabampira man o katulad nating mga tao ay pinapangarap si Uno! Ano? Sinagot mo na ba siya?” nanunukso n’ya pa ring turan.            “Sinagot? Nanliligaw palang siya, Isiang,” natatawa kong tugon.            “Ayos! May ligawan pa! Ganoon naman talaga dapat, binibini! Siya na ba ang magsusundo sa ‘yo rito mamaya? Hindi na si Virginia?” tanong n’ya habang nagpapatuloy pa rin kami pareho sa aming winawalisan.            “Ah o—“ ngunit hindi ko na natapos ang aking sasabihin ng biglang lumitaw sa aming harapan si Ginang Melchor.            “Walang makakaalis hanggang hindi pa tapos ang trabaho ninyo! Nagawa n’yo pang magkuwentuhan na dalawa, ang dami ninyong oras? Imbes na atupagin n’yo ang paglilinis ay nagawa n’yo pang pag-usapan ang kung ano-ano, hala! Bilisan n’yo! Ang kupad!” hiyaw sa min ni Ginang Melchor. Naglakad ito paalis kaya nagkatinginan muna kami ni Isiang bago kapuwa nagpipigil ng tawa at pinagpatuloy ang aming ginagawa.            Tuluyan ng kinain ng dilim ang kalangitan kaya unti-unti na ring nagdilim ang paligid. Habang nagsisindi kami ni Isiang ng mga kadelabra ay bumukas ng malaking pinto at pumasok si Uno na siyang ikinabigla ni Ginang Melchor, napatayo siya at agad na yumuko.            “Magandang gabi, Panginoong Uno, ano po at naparito kayo?” bati nito kay Uno, tinapunan naman siya ng tingin ng isa bago ako balingan.            “Maari ko na bang masundo na si Binibining Amador, ginang?” diretsong tanong n’ya. Kaya imbes na sagutin ni Ginang Melchor ay ako ang pinuntirya n’ya ng masasamang tingin.            “Ah? Mukhang nagiging malapit na kayo ng mortal na ‘yan, Uno,” ani ni Ginang Melchor.            “Ina? Tapos ka na ba sa iyong gawain? Halikana, may pupuntahan pa tayo,” saad ni Uno na hindi man lang sinagot si Ginang Melchor. Simpleng ibinaba ni Ginang Melchor ang kan’yang salamin at muli akong tinapunan ng mga masasamang tingin kaya napangiti ako ng pilit.            “Ah? Hindi pa eh, mabilis na lang ito, sisindihan na lang namin ang mga kadelabra bago umalis,” sagot ko na lamang.            “Ako na ang gagawa,” aangal pa sana ako n’ong sa isang iglap ay nasa harapan ko na siya. Kinuha n’ya ang pinindi sa aking mga kamay ay wala pa ngang limang minuto ay lumiwanag na ang buong silid aklatan. Kung kami ni Isiang noon ang gumawa aabutin pa kami ng sampu hanggang tatlumpung minuto.            “Ayan, tapos na, maari na ba silang maka-alis, Ginang Melchor?” seryosong anang ni Uno.            “Ah! Oo naman po! Oh, siya! Maari na kayong makapagpahinga na dalawa, maraming salamat sa araw na ito,” napilitan n’yang saad.             Hindi na kami nagtagal pa kasi pati ang pag-aayos ng aking mga kagamitan ay si Uno na ang gumawa. Mas mabilis daw kasi kapag siya ang gumawa kaya ngayon heto na kami nasa labas na ng silid aklatan at tinatahak na ang pasilyo palabas.             “Paalam, binibini, Uno!” hiyaw ni Isiang kaya kumaway ako sa kan’ya bilang tugon.            “Hindi mo na dapat ginawa iyon, trabaho ko ‘yon,” kontra ko kay Uno.            “Hindi na ako makapaghintay pang makasama kang muli,” suwabe n’yang saad.            Sumakay kami sa dala n’yang kalesa na may kasama pang kutsero. Bago na naman sa kin ang daan na aming tinatahak kaya mas minabuti kong tandaan ang bawat daan na aming dinadaanan habang si Uno ay tahimik na nakahalungbaba habang nakatingin din sa labas. Huminto ang sinasakyan naming kalesa sa isang napakataas na gusali at mukhang dinadagsa ng mga mararangyang nilalang. Talagang tama si Virginia noong sinabi n’yang punong-puno ng naggagandahang mga gusali ang loob ng unibersidad.            “Halikana?” tanong ni Uno bago n’ya ipinulupot ang aking kamay sa kan’yang balikat.            Hindi naman nagtagal ang aming naging paglalakad papasok at agad din naman kaming nakahanap ng puwesto.            “Mukhang mahal dito, wala akong pambayad,” ani ko. Ngunit hinila n’ya ang upuan at tinulungan pa akong maka-upo.            “Huwag kang mag-alala hindi kita pababayaan. Maiwan muna kita upang makuha ko na ang pagkaing aking pinahanda,” pagpapaalam n’ya kaya ako ay tumango.            Halos lahat ng mga mata ay nasa amin, nasa akin. Nahiya tuloy ako lalo pa noong naiwan akong mag-isa sa mesang aming napili.            “Ayos ka lang ba? Balisa ka,” panimula ni Uno n’ong makabalik na siya sa aming mesa. Napabuntong hininga ako dahil sa wakas nandito na siya.            “Alam mo, pakiramdam ko nanganganib na talaga ang buhay ko,” sumbong ko sa kan’ya habang nililibot ang aking mga mata.            “Seryoso ka ba? Bakit? May nagbabanta ba sa ‘yo?” aligaga naman n’yang sagot.            “Wala, pero ‘yong mga nilalang dito kung makatingin sa akin akala mo nangangain, pati ‘yong babae kaninang nakabantay sa labas ng silid kung nasaan ang iyong mga pinta at alam ng Diyos kung sino pa! Nasabi ko ba sa ‘yo na halos may isang babae kanina habang naglalakad tayo na kulang na lang ay lapitan ako at tusukin ng mga kuko niya?!”            Isang malakas na tawa ang naging sagot ni Uno sa akin.            “Walang nakakatawa sa sinabi ko, Uno!”            Seryoso kaya ako! Mukha ba akong nagbibiro sa kan’ya?            “Paumanhin, ngunit hindi ka nila kayang kantiin, subukan lang nila, ako ang makakalaban nila."           
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD