‘Sometimes, you just need a break. In a beautiful place. Alone. To figure everything out.’
-Scarlett’s POV-
Dis-oras na ng gabi pero ito ako nakatulala at naghihintay ng oras. Dapat ay natutulog na ako dahil maaga pa ang pasok ko bukas at wala na rin naman na akong gagawin pero ewan ko ba at bigla kong naisipan na hintaying mag-alas-dose.
Maya-maya lang kasi ay birthday ko na. 18th birthday. Ang isa sa mga araw na pinakahihintay ng bawat babae.
Ganito pala ang pakiramdam kapag malapit ka na mag-debut, ibig sabihin ay nasa legal na edad ka na. Excited ako na kinakabahan pero hindi ko pa rin maiwasang malungkot. Sa tuwing maiisip ko na mag-isa na lang ako sa buhay, hindi ko maiwasan na mainggit.
Hindi ko alam kung bakit ako naiinggit kila Amber kapag pinapagalitan sila ni auntie dahil nale-late sila ng uwi. Siguro dahil alam ko na naga-alala si auntie kapag dis-oras na ng gabi at hindi pa rin nakakauwi ang mga anak niya.
Gusto ko rin maranasan na may naghihintay sa akin sa pag-uwi. ‘Yong papagalitan ako kapag nale-late ako ng uwi. O kaya kapag gumagala ako ng walang paalam. Pero ayos lang din naman, nasanay na ako. Sanay na akong mag-isa kaya wala na ring problema.
Natigil lang ako sa pagtulala ng maramdaman ko ang pag-vibrate at mahinang pagtunog ng alarm clock ko. Alas-dose na pala.
“Happy Birthday, Scarlett!” masayang bati ko sa sarili ko. “Isa na naman ‘tong panibagong yugto sa ‘yong buhay.”
-----
Kagaya ng nakagawian ay maaga ulit akong gumising kahit na anong oras na ako natulog. Pagkatapos ko kaisng batiin ang sarili ko ay hindi ako nakatulog kaagad kaya naman inihanda ko na lang muna ang mga balak kong gawin sa buhay.
Ang awkward tuloy kanina nang maabutan ko si auntie Amanda sa sala. Wala naman siyang masyadong pinagawa bukod sa paghahanda ng almusal. Kaya lang naman ako naiilang ay dahil nag-plano na akong bumukod sa kanila.
Kaya naman hindi ako kumakain minsan ay para makapagtipid ng pera na ipangdadagdag ko sa pang-renta ng kwarto na uupahan ko. Matagal ko na rin kais ‘tong plano, ang bumukod. Nahihiya na rin naman na ako kina auntie at uncle dahil pabigat lang ako rito sa bahay.
Hindi ko tuloy alam ngayon kung paano sasabihin kina auntie na aalis na ako. Hindi ko alam kung matutuwa ba siya o magagalit o malulungkot dahil sa pag-alis ko.
Hindi pa rin pala nasasabihan sina Aika at Manang sa plano ko, paniguradong magtatampo sila dahil hindi ako nakapagsabi kaagad. Kaya lang naman hindi rin ako nagsabi ay dahil hindi rin ako sigurado kung kailan ako makakaalis.
Ilang taon ko rin kasi pinag-ipunan ‘yong pera na gagamitin kong pambayad ng renta at panggastos araw-araw. Sakto rin kasi na sumagi sa isip ko kagabi na ngayon ituloy ‘yong plano ko dahil eighteen naman na ako, isa pa, sapat naman na siguro ‘yong ipon ko para sa ilang buwan na renta.
Pwede naman ako maghanap ulit ng iba pang trabaho na pandagdag kung sakali man na matuloy ako. malaking tulong na lang din talaga ‘yong scholarship na natatanggap ko dahil kahit papaano, malaki ‘yong naitabi ko hindi na ako gumagastos sa mga libro.
Siguro ay maghahanap muna ako ng pwedeng malipatan, ‘yong malapit sa university na papasukan ko. Sakto na lang din at ilang buwan na lang g-graduate na ako gn senior high school, may university na rin akong papasukan na walang bayad.
Kaya naman mas mabuti kung bago mag-bakasyon ay makalipat na ako para mas madaling makapag-ipon habang wala pang pasok. Naayos ko na rin naman na ang plano ko at mga dapat kogn gawin. Sa ngayon ay kailangan ko na lang maghanap ng lilipatan para good to go na ako.
“Auntie, papasok na po ako,” paalam ko kahit na hindi naman siya sumasagot.
Hindi na ako nakapagpaalam kay Manang dahil namamalengke siya habang si Aika naman ay abala sa paglalaba, ayoko naman na istorbohin pa siya.
-----
Mabuti na lang at maagang natapos ang klase namin ngayon at walang last subject kaya naman maaga akong makakauwi. Pero imbes na umuwi kaagad ay maghahanap na muna ako ng kwarto na pwedeng ma-rentahan at part-time na pwede kong pasukan sa bakasyon.
Hindi naman gano’n kalayuan ‘yong university na papasukan ko sa susunod na taon kaya lalakarin ko na lang. Sayang pa ‘yong pamasahe kung sasakay ako ng jeep papunta. Mabuti na rin na maglakad-lakad para madali kong makita ‘yong mga signage kung may part-time ba.
Habang naglalakad ay marami-rami na akong nakikita pero kailangan nila ay ‘yong may ilang taon nang experience, mahihirapan akong pumasok sa mga gano’n dahil sideline-sideline lang naman ang ginagawa ko. ‘Yong iba ko namang nakikita ay mga fast-food chain crew. Base sa pagkaka-alam ko ay mahirap ang ganitong trabaho.
Pero wala naman akong pamimilian dahil kailangan ko ng trabaho. Kaagad kong nililista ‘yong mga nakikita kong pwedeng apply-an para mapuntahan ko kapag wala akong klase. Advantage rin pala kapag hindi naghihigpit sa akin si auntie dahil makakaalis ako ng bahay.
Hindi naman siya masyadong nagtatanong kung saan ako pumupunta dahil nagsasabi naman na kaagad ako kapag aalis ako kaya walang problema.
Habang nagtitingin ng mga available na part-time ay naghahanap na rin ako ng mga bahay na nagpapa-renta ng kwarto. May iilan na rin akong nakausap na maayos at mura lang naman ‘yong renta kaya tinatandaan ko na rin. Para kung saan mas mura basta ligtas ay do’n na ako.
Saka ko lang naramdaman ang pagod ng makaramdam ko ng gutom. Bigla-bigla kasing kumukulo itong tiyan ko, hindi na naman pala kasi ako nakakain tanghalian kanina. Hindi ko rin namalayan ang oras. Siguro ay kakain muna ako ng tusok-tusok at saka ako didiretso pauwi. Baka magtaka na si auntie kapag sobrang na-late ako sa pag-uwi.
Nang makahanap ng malapit na nagtitinda ng tusok-tusok ay kumain na kaagad ako. Halang sampung piso lang din naman ang binili ko dahil nagtitipid din ako. Paniguradong may tirang pagkain sa bahay kaya do’n na lang ako babawi ng kain.
-----
“Anong sinabi mo? Lalayas ka na sa bahay na ‘to?” pag-uulit na tanong ni auntie. “Tama ba ang pagkakarinig ko, Scarlett?”
Grabe ang kaba na nararamdaman ko ngayon. Hindi ko alam kung galit ba si auntie o ano. Pagkatapos kasing kumain kanina ay naglakas loob akong sabihin sa kanya na nagbabalak na akong bumukod. Grabeng lakas ng loo bang inipon ko para lang masabi ‘yon sa kanya.
“Hindi naman po sa lalayas, auntie. Bubukod lang po ako. Nahihiya na rin po kasi ako sa inyo dahil wala naman po akong naitutulong dito sa bahay,” kahit na lagi akong naglilinis, ayos lang naman, bulong ko sa isip ko.
“At saan ka naman kukuha ng pera mo, aber?” mataray na tanong nito habang naka-pamewang pa.
“Nagsa-sideline po ako auntie kapag may libreng oras, saka po ‘yong baon ko ay tinitipid ko rin,” sagot ko naman sa kanya.
Ilang segundong katahimikan pa ang bumalot sa amin bago siya muling nagsalita.
“Sigurado ka na ba r’yan sa plano mo? Kasi ako hindi kita pipigilan, nasa tamang edad ka na. Kung ‘yan ang gusto mo, ikaw ang masusunod,” seryoso niyang sabi.
Hindi ko alam pero bigla naman akong nalungkot dahil kahit na hindi gano’n kaganda ang pakikitungo nila sa akin ay naging mabuti naman ang pamilya ni auntie sa akin. Pamilya ko pa rin naman sila kaya nalulungkot ako na iiwanan ko sila.
Pero makakatulong din naman sa akin ‘tong gagawin ko dahil mas matututo akong tumayo sa sarili kong paa.
“Sigurado na po ako auntie. Pasensya na po at hindi ako nakapagsabi kaagad dahil nahihiya rin po ako sa inyo,” paliwanag ko. Which is totoo naman, nahihiya rin akong magsabi dahil baka kapag nag-paalam ako ay hindi ako matuloy dahil kulang ‘yong pera ko.
“Sige, umayos kang bata ka dahil hindi birong maging independent, lalo na at babae ka,” bigla tuloy akong napangiti sa sinabi niya. “Sasabihan ko ‘yong tito mo pero kausapin mo pa rin siya tungkol sa plano mo.”
“Opo, auntie, maraming salamat po,” paalam ko at saka bumalik na ako sa kwarto.
Para tuloy akong tanga na nakangiti habang naglalakad. Ganito pala yong pakiramdam ng pinapagalitan pero ‘yong may kasamang pag-aalala. Ang sarap pala sa pakiramdam at nakakagaan ng puso.
Ngayong nakapagsabi na ako kay auntie ay sina Manang at Aika naman ang sasabihan ko. May ilang linggo pa naman ako bago tuluyang lumipat kaya susulitin ko muan ang mga araw na ‘yon dahil paniguradong mami-miss ko silang lahat.